“Hanga Ako sa Kaniyang Pambihirang Determinasyon”
“Hanga Ako sa Kaniyang Pambihirang Determinasyon”
SI Günter Grass, awtor na Aleman at nanalo ng Nobel Prize for Literature noong 1999, ay naglathala ng kaniyang sariling talambuhay noong 2006. Isinalaysay niya roon na sapilitan siyang pinaglingkod sa tanggulang sibil ng Alemanya. Sa aklat na iyon, may binanggit siyang isang lalaking hinangaan niya anupat naaalaala pa niya ito kahit mahigit 60 taon na ang nakalilipas. Ang lalaking ito ay naging huwaran sa paninindigan sa kaniyang paniniwala sa ilalim ng pag-uusig.
Sa isang panayam na inilathala sa pang-araw-araw na pahayagang Frankfurter Allgemeine Zeitung, nagunita ni Grass ang pambihirang lalaking ito na ayaw humawak ng armas. Ayon kay Grass, ang lalaking ito ay “hindi naniniwala sa anumang popular na ideolohiya, palibhasa’y hindi siya kasapi sa mga Nazi, Komunista, ni sa Sosyalista. Isa siyang Saksi ni Jehova.” Hindi na matandaan ni Grass ang pangalan ng Saksing ito, na binansagan niyang Hindi-kami-sumasali-sa-ganiyan. Nalaman ng mga mananaliksik ng mga Saksi ni Jehova na ang lalaking ito ay si Joachim Alfermann. Paulit-ulit siyang binugbog at dinusta, at saka ikinulong na mag-isa sa selda. Pero nanatiling matatag si Alfermann at tumanggi siyang humawak ng armas.
“Hanga ako sa kaniyang pambihirang determinasyon,” ang sabi ni Grass. “Tinanong ko ang aking sarili: Paano kaya niya nakayanan ang lahat ng iyon? Paano niya nagawa iyon?” Matapos batahin ang paulit-ulit na pagtatangkang sirain ang kaniyang katapatan sa Diyos, ipinadala naman si Alfermann sa kampong piitan ng Stutthof noong Pebrero 1944. Nang makalaya noong Abril 1945, nakaligtas siya sa digmaan at nanatiling tapat na Saksi ni Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1998.
Si Alfermann ay isa sa mga 13,400 Saksi—sa Alemanya at sa mga bansang sinakop ng mga Nazi—na naging biktima ng pananakit dahil sa kanilang pananampalataya. Sinunod nila ang tagubilin ng Bibliya na manatiling neutral sa pulitika at huwag humawak ng armas. (Mateo 26:52; Juan 18:36) Mga 4,200 Saksi ang ikinulong sa mga kampong piitan, at 1,490 ang namatay. Maging sa ngayon, maraming hindi Saksi ni Jehova ang humahanga sa kanilang katatagan.
[Larawan sa pahina 32]
Joachim Alfermann