Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lumapit sa Liwanag

Lumapit sa Liwanag

Lumapit sa Liwanag

NAPAKARAMI nang buhay ang nailigtas ng mga parola. Gayunman, para sa isang pagód nang mandaragat, ang liwanag sa may di-kalayuan ay hindi lamang nagbababala hinggil sa mapanganib na mga bahura. Pahiwatig din ito na malapit na siya sa kaniyang destinasyon. Sa katulad na paraan, ang mga Kristiyano sa ngayon ay malapit na rin sa dulo ng kanilang mahabang paglalakbay sa isang madilim at mapanganib na sanlibutan na nagnanais sumira sa kanilang espirituwalidad. Sa Bibliya, ang sangkatauhan sa pangkalahatan​—ang karamihan ng tao na hiwalay sa Diyos—​ay inihahalintulad sa ‘dagat na umaalimbukay, kapag hindi ito humuhupa, na ang tubig ay patuloy na nag-aalimbukay ng damong-dagat at lusak.’ (Isaias 57:20) Ang bayan ng Diyos ay nabubuhay sa ganiyang kapaligiran. Pero mayroon silang tiyak na pag-asa ng kaligtasan, na para sa kanila ay gaya ng makasagisag at maaasahang liwanag. (Mikas 7:8) Dahil kay Jehova at sa kaniyang nasusulat na Salita, “ang liwanag ay suminag para sa matuwid, at ang pagsasaya para nga sa mga matapat ang puso.”​—Awit 97:11. *

Gayunman, hinayaan ng ilang Kristiyano na mailihis sila palayo mula sa liwanag ni Jehova anupat ang kanilang pananampalataya ay nawasak dahil sa mapanganib na batuhan​—materyalismo, imoralidad, o apostasya pa nga. Oo, gaya noong unang siglo, ang ilan sa ngayon ay “dumanas ng pagkawasak may kinalaman sa kanilang pananampalataya.” (1 Timoteo 1:19; 2 Pedro 2:13-15, 20-22) Ang bagong sanlibutan ay maihahalintulad sa daungang patutunguhan natin. Yamang napakalapit na natin dito, napakasaklap nga kung maiwawala pa ng isa ang pagsang-ayon sa kaniya ni Jehova!

Huwag Hayaang ‘Mawasak ang Iyong Pananampalataya’

Noong nakalipas na mga siglo, may mga barko na nakapaglalayag nang ligtas sa malawak na karagatan ngunit nawawasak kung kailan malapit na ito sa daungan. Kadalasan, ang pinakamapanganib na yugto ng paglalakbay ay kapag malapit na ang barko sa baybayin. Sa katulad na paraan, para sa maraming tao, ang pinakamapanganib na yugto sa kasaysayan ng tao ay ang “mga huling araw” ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay. Tama ang pagkakasabi ng Bibliya na “mahirap pakitunguhan” ang mga panahong ito, lalo na para sa nakaalay na mga Kristiyano.​—2 Timoteo 3:1-5.

Bakit napakahirap mamuhay sa mga huling araw na ito? Alam kasi ni Satanas na mayroon na lamang siyang “maikling yugto ng panahon” upang makipagdigma sa bayan ng Diyos. Kaya naman lalo niyang pinatitindi ang kaniyang malupit na pagsalakay upang wasakin ang kanilang pananampalataya. (Apocalipsis 12:12, 17) Pero mayroon namang tutulong at papatnubay sa atin. Si Jehova ay laging mapagkakanlungan ng mga sumusunod sa kaniyang payo. (2 Samuel 22:31) Naglaan siya ng mga babalang halimbawa na nagsisiwalat sa tuso at napakasamang mga pakana ni Satanas. Repasuhin natin ngayon ang dalawa sa gayong mga halimbawa may kaugnayan sa bansang Israel noong malapit na sila sa Lupang Pangako.​—1 Corinto 10:11; 2 Corinto 2:11.

Palapit Na sa Lupang Pangako

Sa pangunguna ni Moises, nakatakas ang bansang Israel mula sa Ehipto. Di-nagtagal, nakarating sila sa timugang hanggahan ng Lupang Pangako. Nagsugo si Moises ng 12 lalaki upang tiktikan ang lupain. Nakapanghihina ng loob ang ibinalita ng sampung tiktik, na sinasabing hindi magtatagumpay ang Israel laban sa mga Canaanita sapagkat “pambihira ang laki” ng mga ito at napakalakas pa ng kanilang puwersang militar. Ano ang naging epekto nito sa mga Israelita? Sinasabi sa atin ng ulat na nagbulung-bulungan sila laban kay Moises at Aaron, na sinasabi: “Bakit tayo dinadala ni Jehova sa lupaing ito upang mabuwal sa pamamagitan ng tabak? Ang ating mga asawang babae at ang ating maliliit na bata ay magiging samsam. . . . Mag-atas tayo ng isang ulo, at bumalik tayo sa Ehipto!”​—Bilang 13:1, 2, 28-32; 14:1-4.

Isipin mo! Nakita ng mismong mga taong ito nang paluhurin ni Jehova sa kahihiyan ang makapangyarihang Ehipto​—ang kapangyarihang pandaigdig nang panahong iyon—​sa pamamagitan ng sampung mapaminsalang salot at isang nakapanggigilalas na himala sa Dagat na Pula. At nasa bukana na sila ng Lupang Pangako. Ang kailangan na lamang nilang gawin ay pumasok dito, gaya ng isang barko na palapit sa liwanag na nagmumula sa destinasyon nito. Pero inisip nila na hindi kayang ibagsak ni Jehova ang mahina at watak-watak na mga kahariang-lunsod ng Canaan. Siguradong nalungkot ang Diyos sa kawalan ng pananampalataya ng mga Israelita at tiyak na nasiphayo ang dalawang matapang na espiyang sina Josue at Caleb, na nagsabing ang Canaan ay “tinapay sa [Israel]”! Nakita mismo ng dalawang ito ang kalagayan sa Canaan sapagkat nalibot na nila ito. Nang hindi pumasok ang bayan sa Lupang Pangako, nanatili rin sina Josue at Caleb sa ilang sa loob ng maraming taon, pero hindi sila namatay kasama ng mga walang pananampalataya. Sa katunayan, sina Josue at Caleb ang umakay sa sumunod na henerasyon mula sa ilang patungo sa Lupang Pangako. (Bilang 14:9, 30) Sa ikalawang pagkakataon, nang malapit na uli sila sa Lupang Pangako, napaharap ang Israel sa iba namang pagsubok. Ano kaya ang mangyayari sa kanila ngayon?

Tinangka ni Haring Balak ng Moab na sumpain ang Israel sa pamamagitan ng huwad na propetang si Balaam. Pero binigo ni Jehova ang pakanang ito. Sa halip na sumpa, pagpapala ang namutawi sa bibig ni Balaam. (Bilang 22:1-7; 24:10) Sa halip na sumuko, bumuo si Balaam ng isa pang napakasamang pakana upang maging di-karapat-dapat ang bayan ng Diyos na magmana ng lupain. Paano? Sa pamamagitan ng pagbubuyo sa kanila na gumawa ng imoralidad at sumamba kay Baal. Bagaman hindi lahat ay nahulog sa ganitong silo, 24,000 Israelita naman ang natukso. Nakipagtalik sila sa mga babaing Moabita at sumamba sa Baal ng Peor.​—Bilang 25:1-9.

Biruin mo! Nakita ng karamihan sa mga Israelitang ito na ligtas silang inakay ni Jehova sa “ilang na iyon na malaki at kakila-kilabot.” (Deuteronomio 1:19) Subalit nang nasa bukana na sila ng kanilang mamanahing lupain, 24,000 sa bayan ng Diyos ang nagpadaig sa kanilang makalamang mga pagnanasa kung kaya pinuksa sila ni Jehova. Matinding babala ito sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon na malapit nang magkamit ng isang nakahihigit na mana!

Hindi na kailangan ni Satanas na gumawa ng bagong mga estratehiya sa kaniyang panghuling pagsisikap na hadlangan ang makabagong-panahong mga lingkod ni Jehova sa pagkakamit ng kanilang gantimpala. Gaya ng estratehiyang ginamit ni Satanas noong unang pagkakataon na makakapasok na sana ang mga Israelita sa Lupang Pangako, kadalasang sinisikap ni Satanas na maghasik ng takot at pag-aalinlangan, maaaring sa pamamagitan ng pagbabanta, pag-uusig, o panlilibak. May ilang Kristiyano na nadaig ng gayong pananakot. (Mateo 13:20, 21) Isa pang subók nang pakana ni Satanas ay ang pagtukso sa mga tao na gumawa ng imoralidad. Kung minsan, may ilang nakakapasok sa Kristiyanong kongregasyon na naghahasik ng masamang impluwensiya sa mga mahina sa espirituwal at doon sa mga hindi lubusang nagtitiwala sa liwanag na nagmumula sa Diyos.​—Judas 8, 12-16.

Alam ng mga Kristiyanong alisto at maygulang sa espirituwal na ang mabilis na pagguho ng moralidad sa sanlibutan ay matibay na ebidensiyang desperado na si Satanas. Oo, alam ni Satanas na di-magtatagal, hindi na niya maiimpluwensiyahan ang tapat na mga lingkod ng Diyos. Kaya talagang napakahalaga na manatili tayo ngayong gising sa espirituwal upang malabanan ang mga pakana ni Satanas.

Mga Pantulong Upang Makapanatiling Gising sa Espirituwal

Inilarawan ni apostol Pedro ang makahulang salita ng Diyos bilang “lamparang lumiliwanag sa isang dakong madilim,” sapagkat tumutulong ito para maunawaan ng mga Kristiyano kung paano natutupad ang layunin ng Diyos. (2 Pedro 1:19-21) Itutuwid ni Jehova ang landas ng mga umiibig sa Salita ng Diyos at patuloy na nagpapaakay rito. (Kawikaan 3:5, 6) Yamang punô ng pag-asa, ang gayong mapagpasalamat na mga tao ay “hihiyaw nang may kagalakan dahil sa mabuting kalagayan ng puso,” samantalang ang mga hindi nakakakilala kay Jehova o tumatalikod sa kaniyang daan ay daranas ng “kirot ng puso” at “pagkabagabag ng espiritu” sa dakong huli. (Isaias 65:13, 14) Kaya sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng Bibliya at pagkakapit ng ating mga natututuhan, patuloy nating maitutuon ang ating mata sa ating tiyak na pag-asa sa halip na sa pansamantalang kaluguran sa kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.

Napakahalaga rin ng panalangin upang makapanatili tayong gising sa espirituwal. Hinggil sa katapusan ng kasalukuyang sistema, sinabi ni Jesus: “Manatiling gising, kung gayon, na nagsusumamo sa lahat ng panahon na magtagumpay kayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na nakatalagang maganap, at sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao.” (Lucas 21:34-36) Pansinin na binanggit ni Jesus ang salitang ‘pagsusumamo,’ na isang napakataimtim na anyo ng panalangin. Alam ni Jesus na maaari nating maiwala ang pag-asang buhay na walang hanggan sa mapanganib na panahong ito. Ang iyo bang mga panalangin ay nagpapakitang marubdob ang pagnanais mong manatiling gising na gising sa espirituwal?

Huwag nating kalilimutan na ang pinakamapanganib na yugto ng ating paglalakbay ay kapag malapit na nating makamit ang ating mana. Kaya napakahalagang itutok natin ang ating pansin sa liwanag na aakay sa atin sa kaligtasan.

Huwag Magpalinlang sa Huwad na Liwanag

Noong panahong de-layag pa ang mga barko, nahihirapan ang mga mandaragat na makita ang dalampasigan sa mga gabing walang buwan, at ito ang sinasamantala ng masasamang tao. Naglalagay sila ng ilaw sa kahabaan ng mabatong mga dalampasigan upang linlangin ang mga kapitan ng barko at lumihis ang mga ito sa kanilang ruta. Kapag ang barko ay bumangga sa batuhan at nawasak, darambungin ang kanilang mga kargada, at baka patayin pa nga ang mga tripulante nito.

Sa katulad na paraan, gusto ni Satanas​—ang mapandayang “anghel ng liwanag”—​na nakawin, wika nga, ang kaugnayan natin sa Diyos. Maaaring gamitin ng Diyablo ang “mga bulaang apostol” at apostatang mga “ministro ng katuwiran” upang linlangin ang mga hindi mapagbantay. (2 Corinto 11:13-15) Pero kung paanong ang alisto at makaranasang kapitan at mga tripulante ay malayong malinlang ng mapandayang liwanag, ang mga Kristiyano “na dahil sa paggamit ay nasanay ang . . . mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali” ay hindi maililigaw ng mga nagtataguyod ng huwad na mga turo at nakapipinsalang mga pilosopiya.​—Hebreo 5:14; Apocalipsis 2:2.

Nagdadala ang mga marino ng listahan ng mga parola na madaraanan nila sa kanilang paglalakbay. Makikita sa listahan ang mga katangian ng bawat parola, pati na ang kakaibang hudyat ng ilaw nito. Ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Natutukoy ng mga marino ang isang parola​—pati na ang lokasyon nito—​kapag pinagmamasdan nila ang mga katangian nito at kinokonsulta ang listahan ng mga parola.” Sa katulad na paraan, ang Salita ng Diyos ay tumutulong sa taimtim na mga tao na makilala ang tunay na pagsamba at ang mga nagtataguyod nito, lalo na sa mga huling araw na ito kung kailan lubusang isinisiwalat ni Jehova ang kahigitan nito sa huwad na relihiyon. (Isaias 2:2, 3; Malakias 3:18) Sa Isaias 60:2, 3, maliwanag na makikita ang pagkakaiba sa pagitan ng tunay at ng huwad na pagsamba: “Tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng makapal na karimlan ang mga liping pambansa; ngunit sa iyo ay sisikat si Jehova, at sa iyo ay makikita ang kaniyang kaluwalhatian. At ang mga bansa ay tiyak na paroroon sa iyong liwanag, at ang mga hari sa kaningningan ng iyong pagsikat.”

Dahil milyun-milyong tao mula sa lahat ng bansa ang patuloy na nagpapaakay sa liwanag ni Jehova, hindi sila daranas ng makasagisag na pagkawasak ng kanilang pananampalataya sa huling yugtong ito ng kanilang paglalakbay. Sa halip, ligtas silang makapaglalakbay sa nalalabing mga araw ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay tungo sa mapayapang bagong sanlibutan.

[Talababa]

^ par. 2 Ginagamit sa Kasulatan ang salitang “liwanag” sa iba’t ibang makasagisag na paraan. Halimbawa, iniuugnay ng Bibliya ang Diyos sa liwanag. (Awit 104:1, 2; 1 Juan 1:5) Ang espirituwal na kaunawaan mula sa Salita ng Diyos ay itinulad sa liwanag. (Isaias 2:3-5; 2 Corinto 4:6) Sa panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, si Jesus ay isang liwanag. (Juan 8:12; 9:5; 12:35) At inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na pasikatin ang kanilang liwanag.​—Mateo 5:14, 16.

[Larawan sa pahina 15]

Gaya ng mga marino, nag-iingat ang mga Kristiyano upang hindi sila malinlang ng huwad na liwanag