Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Mga Barko ng Kitim” Naglayag sa Karagatan

“Mga Barko ng Kitim” Naglayag sa Karagatan

“Mga Barko ng Kitim” Naglayag sa Karagatan

MARAMING labanang naganap sa karagatan ng silangang Mediteraneo. Subukan mong ilarawan sa isip ang isa sa mga ito na naganap limang siglo bago ang panahon ni Kristo. Isang barkong napakadaling maniobrahin na tinatawag na trireme (sinaunang barkong pandigma na may tatlong andana ng mga sagwan sa magkabilang panig) ang napakabilis na naglalayag noon. Mga 170 tagasagwan sa tatlong andana ang buong-lakas na sumasagwan habang nakaupo sa mga katad na nakatali sa kanila.

Sa bilis na 13 hanggang 17 kilometro bawat oras, mabilis nitong sinusuong ang alon para sagupain ang barko ng kaaway. Tinangkang umiwas ng kalabang barko. Pero sa mapanganib na kalagayang ito, nagpagiwang-giwang ang barko at nahantad ang tagiliran nito. Binutas ng tansong panusok na nasa gawing ibaba ng prowa ang manipis na katawan ng barko ng kaaway. Natakot ang mga tagasagwan nito sa ingay ng nagbabaklasang mga tabla at paghugos ng tubig sa butas. Mula sa trireme, isang maliit na pangkat ng armadong mandirigma ang lumusob sa nasirang barko. Oo, talaga ngang nakasisindak ang mga sinaunang barko!

Interesadung-interesado ang mga estudyante ng Bibliya sa pagtukoy sa “Kitim” at sa “mga barko ng Kitim,” na ang ilan dito ay makahula. (Bilang 24:24; Daniel 11:30; Isaias 23:1) Nasaan ba ang Kitim? Ano ang alam natin tungkol sa mga barko nito? At bakit ka dapat maging interesado sa mga sagot dito?

Tinukoy ng Judiong istoryador na si Josephus ang Kitim bilang “Chethimos,” na iniuugnay sa isla ng Ciprus. Ang lunsod ng Kition (o, Citium) na nasa timog-silangang bahagi ng isla ang nag-uugnay sa Kitim at Ciprus. Nakinabang ang Ciprus sa magandang lokasyon nito na nasa mga sangandaan ng sinaunang mga ruta ng kalakalan at malapit sa mga piyer sa silangang Mediteraneo. Dahil sa lokasyon ng Ciprus, napipilitan itong kumampi sa isa sa nagdidigmaang bansa at sa gayon ay nagiging malakas na kaalyado nito pero nagiging malaking sagabal naman sa kalaban.

Ang mga Taga-Ciprus at ang Karagatan

Ang ebidensiya ng mga labí na nahukay sa ilalim ng tubig at sa mga libingan, pati na ang mga sinaunang sulat at mga disenyong nakaguhit sa mga kagamitang luwad, ay tumutulong sa atin na mailarawan sa isip ang mga barko mula sa Ciprus. Mahusay gumawa ng mga barko ang mga taga-Ciprus. Maraming puno sa kanilang isla, at naging likas at ligtas na mga daungan ang kanilang baybayin. Pinuputol ang mga puno hindi lamang para gawing barko kundi para gamitin din sa pagtunaw ng mga tanso​—isang likas na yaman na dahil dito’y naging kilala noon sa daigdig ang Ciprus.

Napansin ng mga taga-Fenicia na malakas magluwas ng produkto ang Ciprus kaya nagtayo sila ng mga kolonya sa mga ruta ng kanilang kalakalan. Isa sa mga pamayanang ito ang Kition, na nasa Ciprus.​—Isaias 23:10-12.

Matapos bumagsak ang Tiro, na daungan at pangunahing lunsod ng Fenicia, ang ilan sa mga naninirahan dito ay masasabing tumakas sa Kitim. Malamang na nakatulong nang malaki sa mga taga-Ciprus sa paggawa nila ng barko ang mga mananakop na taga-Fenicia na makaranasan sa paglalayag sa dagat. Dahil sa estratehikong lokasyon ng Kition, naingatan din ang mga barko ng mga taga-Fenicia.

Kasali sa Malakas na Pandaigdig na Komersiyo

Malawakan ang kalakalan sa silangang Mediteraneo nang panahong iyon. Ibinibiyahe sa barko ang mga pangunahing produkto mula sa Ciprus tungo sa Creta, Sardinia, Sicilia, at sa mga isla ng Aegean. Natuklasan sa mga lugar na iyon ang mga banga at plorerang gawa sa Ciprus, at natagpuan naman sa Ciprus ang napakaraming magagandang kagamitang luwad na Mycenaean (Griego). Sa pagsusuri sa mga barang tansong natuklasan sa Sardinia, naniniwala ang ilang iskolar na galing sa Ciprus ang mga ito.

Noong 1982, natagpuan malapit sa baybayin ng Turkey sa gawing timog ang isang barkong nawasak noong ika-14 na siglo B.C.E. Nahukay sa ilalim ng dagat ang sari-saring kayamanan​—mga barang tanso na sinasabing galing sa Ciprus, amber, mga banga ng Canaanita, ebano, mga pangil ng elepante, isang koleksiyon ng mga ginto at pilak na alahas ng Canaanita, at mga scarab at iba pang mga bagay mula sa Ehipto. Nang suriin ang mga kagamitang luwad na nasa barko, sinabi ng ilang eksperto na malamang na mula sa Ciprus ang barko.

Kapansin-pansin, sa tinatayang panahon ng pagkawasak ng barko, noon tinukoy ni Balaam ang mga barko mula sa Kitim sa kaniyang “kasabihan.” (Bilang 24:15, 24) Maliwanag na naging kilala sa Gitnang Silangan ang mga barko ng Ciprus. Ano kaya ang hitsura ng mga barkong ito?

Mga Barkong Pangkomersiyo

Maraming modelo ng mga barko at bangkang gawa sa luwad ang natuklasan sa mga libingan sa sinaunang lunsod ng Amathus sa Ciprus. Nagbibigay ito ng ideya kung ano ang hitsura ng mga barko ng mga taga-Ciprus, at nakadispley sa mga museo ang ilan sa mga ito.

Ipinakikita ng mga modelo na ang sinaunang mga barko ay ginagamit lamang sa komersiyo. Ang mas maliliit na barko ay karaniwang pinaaandar ng 20 tagasagwan. Ang mga barkong malalapad ang katawan at malalalim ay dinisenyo para maglulan ng mga produkto at mga pasahero sa maiikling biyahe sa baybayin ng Ciprus. Sinabi ni Pliny na Nakatatanda na nagdisenyo ang mga taga-Ciprus ng isang maliit at magaang barko na de-sagwan at nakapaglululan nang hanggang 90 tonelada.

Mayroon ding mas malalaking barkong pangkomersiyo gaya ng natagpuan malapit sa baybayin ng Turkey. Ang ilan sa mga ito ay nakapagkakarga nang hanggang 450 tonelada sa karagatan. Ang malalaking barko ay posibleng may mga 50 tagasagwan, 25 sa magkabilang panig, at mga 30 metro ang haba at mahigit 10 metro ang taas ng palo nito.

Mga Barkong Pandigma ng “Kitim” sa Hula ng Bibliya

Ginabayan ng espiritu ni Jehova ang kapahayagang ito: “Magkakaroon ng mga barko mula sa baybayin ng Kitim, at tiyak na pipighatiin nila ang Asirya.” (Bilang 24:2, 24) Natupad ba ang hulang ito? Paano nasangkot sa katuparan nito ang mga barko mula sa Ciprus? Ang “mga barko mula sa baybayin ng Kitim” ay hindi ordinaryong mga barkong pangkomersiyo na naglayag sa Dagat Mediteraneo. Ang mga ito ay mga barkong pandigma na nagdulot ng kapighatian sa mga tao.

Dahil sa mga digmaan, ang disenyo ng mga barko ay binago para maging mas mabilis at mas matibay ang mga ito. Malamang na kahawig ng ipinintang larawan na nadiskubre sa Amathus ang pinakaunang mga barkong pandigma mula sa Ciprus. Ipinakikita nito ang isang mahaba at makitid na barkong ang popa ay nakakurba paloob gaya ng isang barkong pandigma ng taga-Fenicia. Mayroon itong panusok at pabilog na pananggalang sa magkabilang panig ng popa na malapit sa prowa.

Ginawa ang unang mga bireme (mga barkong may dalawang andana ng mga sagwan) sa Gresya noong ikawalong siglo B.C.E. Ang mga barkong ito ay mga 24 na metro ang haba at 3 metro ang lapad. Sa pasimula, ginagamit ang mga barkong ito para sakyan ng mga mandirigma papunta sa lupain kung saan nagaganap ang mga labanan. Di-nagtagal, nakitang mas maiging magdagdag ng ikatlong andana ng mga sagwan, at magkabit ng tansong panusok sa prowa. Ang bagong barko ay tinawag na trireme, gaya ng binanggit sa pasimula ng artikulong ito. Naging popular ang barkong ito noong digmaan ng Salamis (480 B.C.E.) nang talunin ng mga Griego ang hukbong-dagat ng Persia.

Nang maglaon, inihanda ni Alejandrong Dakila ang kaniyang plota ng mga trireme patungong silangan upang manakop. Dinisenyo ang mga barkong ito para sa digmaan, hindi para sa mahahabang paglalayag sa laot dahil limitado lamang ang espasyo nitong paglalagyan ng mga suplay. Kaya kailangang huminto sa mga pulo ng Aegean para kumuha ng suplay at magkumpuni. Balak ni Alejandro na talunin ang plota ng mga Persiano. Subalit para magawa ito, kailangan muna niyang pabagsakin ang napakahirap lusubing tanggulan ng Tiro sa isla. Para marating ang Tiro, daraan sila sa Ciprus.

Ang mga taga-Ciprus ay sumuporta kay Alejandrong Dakila sa pagkubkob sa Tiro (332 B.C.E.), at naglaan sila ng isang plota na binubuo ng 120 barko. Tatlong hari ng Ciprus ang nanguna sa mga plota para sumama kay Alejandro. Tumulong sila sa pagkubkob sa Tiro na tumagal nang pitong buwan. Bumagsak ang Tiro, at natupad ang hula ng Bibliya. (Ezekiel 26:3, 4; Zacarias 9:3, 4) Bilang pasasalamat, binigyan ni Alejandro ng pantanging awtoridad ang mga hari sa Ciprus.

Isang Pambihirang Katuparan

Sinabi ng unang-siglong istoryador na si Strabo na nagpahanda si Alejandro ng mga barko mula sa Ciprus at Fenicia para sa kaniyang kampanya sa Arabia. Magagaan at madaling baklasin ang mga barkong ito, kaya narating nila ang Thapsacus (Tipsa) sa hilagang Sirya sa loob lamang ng pitong araw. (1 Hari 4:24) Mula roon, posible na nilang marating ang Babilonya.

Kaya pagkalipas ng mga sampung siglo, nagkaroon ng pambihirang katuparan ang tila mahirap unawaing hula sa Bibliya! Gaya ng sinabi sa Bilang 24:24, tuluy-tuloy ang pag-abante ng puwersang militar ni Alejandrong Dakila mula sa Macedonia pasilangan at nilupig ang lupain ng Asirya, at sa wakas ay tinalo ang malakas na Imperyo ng Medo-Persia.

Kahit kaunti lamang ang impormasyong ito tungkol sa “mga barko ng Kitim,” maliwanag na tumutukoy ito sa isang kapana-panabik na katuparan ng hula ng Bibliya. Pinatitibay ng patotoong ito ng kasaysayan ang ating paniniwala na talagang mapagkakatiwalaan ang mga hula ng Bibliya. Sangkot ang mismong kinabukasan natin sa maraming hulang gaya nito, kaya marapat lamang na seryosohin natin ang mga ito.

[Mapa sa pahina 16, 17]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ITALYA

Sardinia

Sicilia

Dagat Aegean

GRESYA

Creta

LIBYA

TURKEY

CIPRUS

Kition

Tiro

EHIPTO

[Larawan sa pahina 16]

Modelo ng isang Griegong barkong pandigma, isang “trireme”

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Larawan sa pahina 17]

Modelo ng isang sinaunang barkong pandigma ng taga-Fenicia, isang “bireme”

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Larawan sa pahina 17]

Plorera na may larawan ng barkong gawa ng mga taga-Ciprus

[Credit Line]

Published by permission of the Director of Antiquities and the Cyprus Museum

[Larawan sa pahina 18]

Sinaunang mga barkong pangkargamento, gaya ng binanggit sa Isaias 60:9