Pagdaig sa mga Hamon Para Maghatid ng Mabuting Balita
Pagdaig sa mga Hamon Para Maghatid ng Mabuting Balita
PAPALAPIT na ang trak namin sa checkpoint na guwardiyado ng mga 60 armadong kalalakihan, kababaihan, at mga tin-edyer. Nakauniporme ang ilan; nakapansibilyan naman ang iba. Ipinagyayabang ng karamihan ang kanilang awtomatikong mga sandata. Para bang inaabangan nila kami. May kaguluhang sibil kasi.
Apat na araw na kaming naglalakbay, dala ang sampung toneladang literatura sa Bibliya. Hindi namin alam kung pararaanin nila kami. Hihingi kaya sila ng pera? Gaano kaya katagal bago namin sila makumbinsi na mapayapa ang aming misyon?
Isang lalaking mainit ang kamay sa gatilyo ang nagpaputok ng kaniyang riple sa ere upang ipakitang siya ang lider ng grupo. Nakita niya ang mga cellphone namin at sinabi niyang ibigay namin ang mga ito sa kaniya. Nang mag-atubili kami, nagmuwestra siya na gigilitan niya kami sa leeg kung hindi kami susunod. Ibinigay na lamang namin ang aming mga cellphone.
Agad namang dinampot ng isang babaing nakauniporme ang kaniyang baril at lumapit sa amin. Siya ang “sekretarya,” at gusto niyang magbigay rin kami sa kaniya ng kahit ano. Mahirap ang buhay, kaya sapat na ang kahit munting “regalo.” Binuksan naman ng isang sundalo ang tangke ng gas ng aming sasakyan para punuin ang dala niyang galon. Tumutol kami pero sinabi niyang sumusunod lamang siya sa utos. Wala na kaming nagawa. Umasa na lamang kami na hindi siya gagayahin ng iba.
Sa wakas, binuksan din ang barikada kaya nakapagpatuloy kami sa biyahe. Para kaming nabunutan ng tinik. Ninerbiyos din kami noon, pero sanáy na kami sa ganitong nakakatensiyong mga checkpoint. Mula Abril 2002 hanggang Enero 2004, 18 ulit na kaming nakapagbiyahe mula sa daungan ng Douala, Cameroon, patungong Bangui, ang kabisera ng Central African Republic. Punung-puno ng panganib at di-inaasahang mga pangyayari ang 1,600-kilometrong paglalakbay na iyon. *
“Marami kaming natutuhan sa mga biyaheng ito,” ang paliwanag ni Joseph at Emmanuel, mga drayber na palaging kasama sa mga paglalakbay Awit 56:11.
na iyon. “Isang katalinuhan na paulit-ulit na manalangin nang tahimik at manatiling kalmado. ‘Sa Diyos ako naglalagak ng aking tiwala. Hindi ako matatakot,’ ang isinulat ng salmista. ‘Ano ang magagawa sa akin ng makalupang tao?’ Sinisikap naming tularan ang gayong saloobin. Nakatitiyak kaming alam ni Jehova na nagbibiyahe kami para maghatid ng lubhang kinakailangang mensahe ng pag-asa.”—Tulong ng Internasyonal na Kapatiran Para Maglaan ng Espirituwal na Pagkain
Maraming tao sa bahaging ito ng Aprika ang sabik makinig sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Inihanda ang mga literaturang ibinibiyahe namin upang sapatan ang kanilang espirituwal na pangangailangan. (Mateo 5:3; 24:14) Ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Cameroon na nasa Douala ang regular na nagsusuplay ng literatura sa mahigit 30,000 mamamahayag ng Kaharian at sa mga taong interesado sa Cameroon at apat pang kalapit na bansa.
Malayo ang pinanggagalingan ng mga literaturang ito. Karamihan sa mga ito ay inilimbag sa Alemanya, Espanya, Finland, Inglatera, at Italya. Saka ito ibinibiyahe sa barko mula sa Pransiya. Karaniwan na, isang container van ng mga literatura sa Bibliya ang dumarating sa daungan ng Douala tuwing ikalawang linggo.
Ikinakarga ang container van sa trak na nagbibiyahe nito patungo sa tanggapang pansangay. Mga boluntaryo sa Shipping Department ang naghahanda ng mga literatura para sa bawat lugar. Hindi madaling maghatid ng mga publikasyon sa liblib na mga lugar ng mga bansang ito. Pero kailangang gawin ito para maihatid ang mabuting balita “sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Umaasa ang tanggapang pansangay sa mapagsakripisyong mga boluntaryo na handang sumuong sa mapanganib na mga paglalakbay sakay ng trak. Kaya regular na nadadalhan ng mga literatura sa Bibliya ang milyun-milyong tao sa gitnang bahagi ng Aprika.
Ang Karaniwan Naming Biyahe
Trak ang ginagamit sa paghahatid ng mga literatura sa Cameroon, Chad, Equatorial Guinea, Gabon, at sa Central African Republic. Samahan natin sa biyahe ang isang trak at ang mga drayber nito. Guni-gunihing katabi mo ang mga drayber.
Ihanda mo ngayon ang iyong sarili sa isang kapana-panabik pero mapanganib na paglalakbay na tatagal nang sampung araw o higit pa.Anim na drayber ang makakasama natin sa paglalakbay. Kailangang malakas ang pangangatawan nila, maabilidad, matiisin, at masinop manamit. Alinman sa tradisyonal na kasuutang Aprikano o long sleeves at kurbata ang suot nila. Minsan, sinabi ng mga opisyal ng adwana: “Tingnan ninyo ang malinis na trak na ito at ang mga drayber nitong bihis na bihis. Ganiyang-ganiyan ang hitsura ng mga nasa litrato sa kanilang publikasyon.” Subalit ang mas mahalaga kaysa sa hitsura ng mga drayber ay ang kanilang pagkukusang magtungo saanman kailangan upang makapaglingkod sa iba.—Awit 110:3.
Mga alas-seis ng umaga ang alis natin sa Douala, pagsikat ng araw, para maiwasan natin ang buhul-buhol na trapiko sa malaking lunsod na ito. Matapos tawirin ang tulay malapit sa tanggapang pansangay at makalabas sa mataong lunsod, nagbiyahe tayo pasilangan tungo sa una nating destinasyon—Yaoundé, ang kabisera ng Cameroon.
Maikukuwento sa iyo ng bawat drayber kung gaano kahirap ibiyahe ang sampung tonelada ng aklat. Walang masyadong problema ang unang tatlong araw na biyahe sa sementadong daan, pero kailangan pa ring alerto at nakapokus ang pansin ng drayber sa kalsada. Biglang-bigla, bumuhos ang malakas na ulan. Hindi na sementado ang daan mula rito. Hindi na natin masyadong makita ang daan, madulas ang kalsada, at kailangan tayong magdahan-dahan dahil baku-bako ang daan. Magtatakip-silim na. Kailangan na nating huminto, kumain, at sikaping matulog habang nakataas ang paa sa dashboard. Ganiyan ang buhay sa mga biyaheng ito!
Kinabukasan, maaga tayong nagpatuloy sa biyahe. Tinitingnang mabuti ng isa sa mga drayber ang lagay ng kalsada. Agad siyang nagbababala kapag masyado na tayong malapit sa kanal sa gilid ng daan. Alam na alam ng mga drayber na kapag nahulog sa kanal ang kanilang sasakyan, maaaring abutin nang ilang araw bago ito maiahon. Hindi maganda ang daan hanggang sa makarating tayo sa hangganan papasok ng Central African Republic. Mula rito, maglalakbay pa tayo nang 650 kilometro sa maganda, luntian, at maburol na lalawigan. Ang mga bata, matatanda, at mga inang pasan ang kanilang sanggol ay pawang kumakaway habang marahan tayong dumaraan sa kanilang nayon. Dahil sa kaguluhan doon, kaunti lamang ang nagbibiyaheng sasakyan, kaya nag-uusyoso ang mga tao sa pagdaan natin.
Kasiya-siyang mga Karanasan
Ayon kay Janvier, isa sa ating mga drayber, kahit na abala ang kanilang iskedyul ay madalas silang humihinto sa maliliit na nayon para magpahinga nang kaunti at mamahagi ng mga literatura sa Bibliya. Ganito ang naalaala niya: “Sa Baboua, lagi naming sinisikap makausap ang isang lalaking nagtatrabaho sa ospital na interesadung-interesado sa mensahe ng Kaharian, at nagdaraos kami sa kaniya ng maikling pag-aaral sa Bibliya. Minsan, ipinanood pa nga namin sa kaniya at sa kaniyang
pamilya ang video tungkol kay Noe. Nagdatingan ang kaniyang mga kaibigan at kapitbahay, at mayamaya’y siksikan na sa bahay niya ang mga taong sabik na sabik manood. May alam silang lahat tungkol kay Noe, pero ngayon ay mapapanood na nila ang kaniyang kuwento. Nakaaantig makita ang kanilang pagpapahalaga. Pagkatapos ng palabas, naghanda sila ng espesyal na pagkain bilang pasasalamat, at gusto nilang doon na kami magpalipas ng gabi. Kaya lang, kailangan na naming umalis agad at magpatuloy sa aming mahabang biyahe, pero masaya kami dahil naibahagi namin sa mapagpakumbabang mga taong ito ang mabuting balita.”Naalaala rin ni Israel, isa pang drayber, ang nangyari noon sa biyahe nila patungong Bangui, na siyang pupuntahan natin. “Habang papalapit kami sa Bangui,” ang sabi niya, “mas marami pang checkpoint ang nadaanan namin. Mabuti na lamang at mabait ang karamihan sa mga sundalo at natatandaan nilang dumaan na noon dito ang trak namin. Inanyayahan nila kaming makiupo kasama nila, at malugod silang tumanggap ng mga literatura sa Bibliya. Napakahalaga ng aklat sa kanila, kaya isinusulat pa nila ang kanilang pangalan dito pati na ang petsa at ang pangalan ng taong nagbigay nito sa kanila. May mga kamag-anak namang Saksi ang ilang sundalo, na isa pang dahilan kung bakit mabait sila sa amin.”
Ayon sa pinakamakaranasang drayber na si Joseph, ang pagdating sa destinasyon ang pinakamasayang bahagi ng paglalakbay. Hinggil sa isa sa kanilang biyahe noon, sinabi niya: “Nang ilang kilometro na lamang kami mula sa Bangui, tumawag kami sa mga kapatid upang sabihing parating na kami. Sinamahan nila kami sa lunsod upang tulungan kami sa pag-aasikaso ng kinakailangang mga papeles. Pagdating namin doon, lumabas ang lahat ng nasa tanggapang pansangay para batiin kami at yakapin nang mahigpit. May mga kapatid na tumulong sa amin mula sa kalapit na mga kongregasyon, at sa loob lamang ng ilang oras, naidiskarga na at naisalansan sa bodega ang daan-daang karton na naglalaman ng Bibliya, aklat, buklet, at magasin.”
“Kung minsan,” sabi pa ni Joseph, “kasama sa ibinibiyahe namin ang mga donasyong damit, sapatos, at gamit ng mga bata para sa kalapit na Democratic Republic of Congo. Nakatutuwang makita ang mga ngiti sa labi ng mapagpasalamat na mga kapatid!”
Pagkatapos magpahinga nang isang araw, inihanda natin ang ating trak at nagbiyahe na pauwi. Alam nating magkakaproblema tayo sa daan, pero bale-wala ang anumang hirap dahil sa kasiya-siyang mga karanasan natin.
Ang napakahabang biyahe, malakas na buhos ng ulan, pangit na daan, pagka-flat ng gulong, at pagtirik ng sasakyan ay talaga namang nakakadismaya. Problema rin ang mga sundalong mahirap kausap. Pero para sa mga drayber na ito, wala nang kasiyahang hihigit pa sa paghahatid ng mabuting balita ng Kaharian sa liblib na mga bahagi ng Aprika at makita ang epekto nito sa buhay ng mga taong nakatatanggap nito.
Halimbawa, dahil sa inihahatid na mga publikasyong ito, isang lalaking nakatira sa liblib na bahagi ng Central African Republic malapit sa hangganan ng Sudan ang mayroon na ngayong binabasang makabagong salin ng Bibliya. Napag-aaralan naman ng kaniyang asawa ang bagong mga kopya ng Ang Bantayan, at nakikinabang ang kanilang mga anak sa aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro. * Sila at ang maraming iba pa sa liblib na mga lugar na ito ay nakatatanggap ng espirituwal na pagkain, gaya ng kanilang Kristiyanong mga kapatid sa maraming malalaking lunsod. Talaga ngang lubhang kasiya-siya ang resulta ng lahat ng pagpapagal na ito!
[Mga talababa]
^ par. 6 Mula noon, marami na ang naisagawa para maging mas ligtas ang paglalakbay mula Douala hanggang Bangui.
^ par. 25 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Mga mapa/Larawan sa pahina 9]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
CAMEROON
Douala
CENTRAL AFRICAN REPUBLIC
Bangui
[Larawan sa pahina 9]
Joseph
[Larawan sa pahina 9]
Emmanuel
[Larawan sa pahina 10]
Sangay sa Central African Republic, na nasa Bangui
[Larawan sa pahina 10]
Pagdidiskarga ng trak sa Bangui