Pagsasaya sa “Tagumpay Kasama ng Kordero”
Pagsasaya sa “Tagumpay Kasama ng Kordero”
SA ISANG liham na isinulat niya noong 1971, ginunita ni Carey W. Barber ang kaniyang unang 50 taóng paglilingkod sa tunay na Diyos: “Napakasaya ng mga taon ng paglilingkod ko kay Jehova. Ang pakikisama sa kaniyang bayan; ang proteksiyon mula sa masasamang tao sa sanlibutan ni Satanas; ang pag-asa ng tagumpay kasama ng Kordero, si Jesu-Kristo; at ang katibayan ng pag-ibig ni Jehova ay pawang nagdulot ng matamis na kapayapaan at kasiyahang nag-iingat sa puso at nagbibigay ng pag-asa ukol sa pangwakas na tagumpay.”
Pagkalipas ng anim na taon, si Brother Barber, isang Kristiyanong pinahiran ng espiritu, ay nagsimulang maglingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Sa sumunod na 30 taóng paglilingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala, patuloy niyang inasam ang “tagumpay kasama ng Kordero.” Nakamit niya ito nang mamatay siyang tapat sa edad na 101 noong Linggo, Abril 8, 2007.—1 Corinto 15:57.
Si Carey Barber ay isinilang sa Inglatera noong 1905 at nabautismuhan sa Winnipeg, Canada, noong 1921. Pagkalipas ng dalawang taon, siya at ang kaniyang kakambal na si Norman ay lumipat sa Brooklyn, New York, para tumulong sa isang bagong proyekto. Nang panahong iyon, ang bayan ni Jehova ay malapit nang gumawa ng sarili nilang mga aklat para mapalaganap ang mabuting balita ng Kaharian “sa buong tinatahanang lupa.” (Mateo 24:14) Ang isa sa mga unang atas kay Brother Barber ay ang pagpapatakbo ng isang maliit na makina sa pag-iimprenta. Kabilang sa mga inimprenta roon ay ang mga dokumento tungkol sa buod ng mga kasong iniapela sa Korte Suprema ng Estados Unidos. Nang bandang huli, nagtrabaho si Brother Barber sa Service Department, na inaasikaso ang tungkol sa mga kongregasyon at pangangaral sa buong bansa.
Dahil sa karanasang ito, lubos na naging kuwalipikado si Brother Barber sa atas sa kaniya bilang naglalakbay na ministro noong 1948 para dumalaw sa mga asamblea at mga kongregasyon sa buong kanlurang bahagi ng Estados Unidos. Ayon sa kaniya, gustung-gusto niyang nasa labas siya at lumalanghap ng sariwang hangin habang nangangaral sa mga tao. Maraming nakilalang mga kapatid si Brother Barber dahil sa atas na ito. Napakalaking tulong ng kaniyang matalas na pag-iisip at sigasig sa ministeryo nang makasama siya sa ika-26 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Sa panahong iyon ng pag-aaral, nakilala niya ang isang kaeskuwela mula sa Canada, si Sydney Lee Brewer. Pagkatapos ng gradwasyon, sila ay nagpakasal at nag-honeymoon sa maikling panahon ng kanilang paglalakbay patungong Chicago, Illinois, para maglingkod sa mga kongregasyon doon. Si Sister Barber ay naging mahusay na kasama at suporta sa kaniyang asawa sa loob ng dalawang dekada nilang pagsasama sa gawaing paglalakbay.
Maaalaala pa rin ng lahat ng mga nakakakilala kay Brother Barber ang kaniyang mga pahayag at masisiglang komento noong mga dekada nang siya ay tagapangasiwa pa ng distrito o sirkito, o noong 30 taon ng kaniyang paglilingkod at paglalakbay bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Talaga ngang may dahilan tayo para magsaya sa kaniyang “tagumpay kasama ng Kordero.”