Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Siracusa—Dinaanan ni Pablo sa Kaniyang Paglalakbay

Siracusa—Dinaanan ni Pablo sa Kaniyang Paglalakbay

Siracusa​—Dinaanan ni Pablo sa Kaniyang Paglalakbay

MGA taóng 59 C.E. noon, isang barko ang naglayag sa Mediteraneo mula sa isla ng Malta patungong Italya. Ang sasakyang iyon ay may roda na “Mga Anak ni Zeus,” mga diyos na itinuturing na tagapagsanggalang ng mga marinero. Ayon sa manunulat ng Bibliya na si Lucas, ang barko ay ‘dumaong sa Siracusa’ sa timog-silangang baybayin ng Sicilia at ‘nanatili roon nang tatlong araw.’ (Gawa 28:11, 12) Kasama ni Lucas sa barko sina Aristarco at apostol Pablo, na dadalhin sa Roma para litisin.​—Gawa 27:2.

Hindi natin alam kung pinayagang bumaba ng barko si Pablo sa Siracusa. Kung sakali mang pinayagan siya o ang kaniyang mga kasama, ano kaya ang nakita nila roon?

Noong panahon ng mga Griego at Romano, ang Siracusa ay hindi nahuhuli sa Atenas at Roma. Ayon sa matatanda, itinayo ito ng mga taga-Corinto noong 734 B.C.E. May mga panahong napabantog ang Siracusa, at dito isinilang ang mga kilalang tauhan ng sinaunang panahon, gaya ng manunulat ng dula na si Epicharmus at matematikong si Archimedes. Noong 212 B.C.E., sinakop ng mga Romano ang Siracusa.

Kung mamamasyal ka ngayon sa lunsod na ito, magkakaroon ka ng ideya kung ano ang hitsura ng Siracusa noong panahon ni Pablo. Ang lunsod ay nahahati sa dalawang bahagi​—ang isa ay nasa maliit na isla ng Ortygia, na malamang na pinagdaungan ng barko ni Pablo, at ang isa ay nasa pangunahing bahagi naman ng lunsod.

Sa ngayon, makikita mo sa isla ang mga labí ng pinakamatandang istilong-Doric na templo sa Sicilia​—ang templo ni Apolo, na itinayo noong mga ikaanim na siglo B.C.E. May makikita ka ring mga haligi ng templo na inialay kay Athena, na itinayo noong mga ikalimang siglo B.C.E., pero ginawa na itong bahagi ng katedral.

Ang sentro ng lunsod na ito ngayon ay matatagpuan sa pangunahing bahagi ng lunsod, na kinaroroonan ng parke ng mga labí ng Neapolis. Naroroon sa may pasukan nito ang teatrong Griego. Kumakatawan ito sa isa sa pinakamaringal na halimbawa ng teatro na istilong Griego. Palibhasa’y natatanaw ang dagat, napakagandang panoorin ang mga palabas doon. Nasa pinakatimugang bahagi naman ng parke ang isang ampiteatrong Romano na itinayo noong ikatlong siglo C.E. Ang hugis nito ay biluhaba, 140 metro ang haba at 119 na metro ang lapad, at ito ang ikatlo sa pinakamalaki sa Italya.

Kung may pagkakataon kang makapasyal sa Siracusa, puwede kang maupo sa isang upuan na nakaharap sa dagat sa Ortygia, buksan mo ang iyong Bibliya sa Gawa 28:12, at gunigunihin si apostol Pablo na nakasakay sa barko habang naglalayag itong patungo sa daungan nito.

[Dayagram/​Mapa sa pahina 30]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Malta

Sicilia

Siracusa

ITALYA

Regio

Puteoli

Roma

[Larawan sa pahina 30]

Mga labí ng isang teatrong Griego sa Siracusa