Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Pilak ay Akin, at ang Ginto ay Akin”

“Ang Pilak ay Akin, at ang Ginto ay Akin”

“Ang Pilak ay Akin, at ang Ginto ay Akin”

NOONG ikaanim na siglo B.C.E., pinalaya ni Haring Ciro ng Persia ang bayan ng Diyos mula sa pagkakabihag sa Babilonya. Libu-libo sa kanila ang bumalik sa Jerusalem upang muling itayo ang nawasak na templo ni Jehova. Mahirap noon ang buhay ng mga nagsibalik, at mahigpit na sinalansang ng mga karatig-bayan ang muling pagtatayo ng templo. Kaya nag-iisip ang ilan sa mga tagapagtayo kung matatapos nga ba talaga nila ang napakahalagang proyektong ito.

Sa pamamagitan ni propeta Hagai, tiniyak ni Jehova sa mga tagapagtayo na susuportahan Niya sila. “Uugain ko ang lahat ng mga bansa, at ang mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa ay darating; at pupunuin ko ng kaluwalhatian ang bahay na ito,” ang sabi ng Diyos. Ganito naman ang mensaheng ipinabatid ni Hagai hinggil sa gastusin ng mga tagapagtayo: “‘Ang pilak ay akin, at ang ginto ay akin,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.” (Hagai 2:7-9) Sa loob ng limang taon pagkatapos banggitin ni Hagai ang nakapagpapatibay na mga salitang iyon, natapos ang proyekto.​—Ezra 6:13-15.

Napapatibay rin ng mga salita ni Hagai ang mga lingkod ng Diyos sa ngayon kapag mayroon silang malalaking proyekto may kaugnayan sa pagsamba kay Jehova. Noong 1879, nang pinasimulang ilathala ng uring tapat at maingat na alipin ang babasahing ito, na tinatawag noon na Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence, sinabi nito: “Naniniwala kami na si JEHOVA ang sumusuporta sa ‘Zion’s Watch Tower,’ at dahil nga rito kung kaya hindi ito kailanman manghihingi ni makikiusap sa mga tao [para matustusan ang paglalathala nito]. Kapag Siya na nagsasabing: ‘Lahat ng ginto at pilak ng mga kabundukan ay akin,’ ay nabigong maglaan ng kinakailangang pondo, mauunawaan natin na panahon na upang ihinto ang paglalathala.”

Hindi kailanman huminto ang paglalathala sa magasing ito. Anim na libong kopya ang nailimbag sa unang isyu, sa Ingles lamang. Sa ngayon, ang katamtamang bilang ng paglilimbag sa bawat isyu ay 28,578,000 kopya, sa 161 wika. * Ang Gumising!, ang kasamang magasin ng Ang Bantayan, ay inililimbag sa katamtamang bilang na 34,267,000 kopya, sa 80 wika.

Maraming proyekto ang mga Saksi ni Jehova na ang layunin ay katulad ng sa Ang Bantayan​—ang pagluwalhati kay Jehova bilang Soberanong Panginoon ng sansinukob at ang paghahayag sa mabuting balita ng kaniyang Kaharian. (Mateo 24:14; Apocalipsis 4:11) Ang paninindigan ng mga Saksi sa ngayon ay kagaya ng paninindigan ng babasahing ito noong 1879. Naniniwala sila na sinusuportahan ng Diyos ang kanilang gawain at tiyak na magkakaroon ng pondo para sa mga proyektong sinasang-ayunan niya. Subalit sa espesipikong mga paraan, paano ba tinutustusan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova? At anu-anong proyekto ang ginagawa nila upang maipangaral ang mabuting balita sa buong daigdig?

Paano ba Tinutustusan ang Gawain?

Sa kanilang pangangaral sa publiko, karaniwan nang tinatanong ang mga Saksi ni Jehova, “Sinusuwelduhan ba kayo sa ginagawa ninyo?” Ang sagot ay hindi, hindi sila sinusuwelduhan dito. Walang-bayad nilang ginugugol ang maraming oras sa pakikipag-usap sa iba hinggil kay Jehova at sa pangako ng Bibliya na isang mas magandang kinabukasan. Ginagawa nila ito dahil pinahahalagahan nila ang ginawa sa kanila ng Diyos at ang magandang epekto ng mensahe ng mabuting balita sa kanilang buhay at saloobin. Kaya nais nilang ibahagi sa iba ang mabubuting bagay na ito. Sa paggawa nito, sinusunod nila ang simulaing sinabi ni Jesus: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.” (Mateo 10:8) Sa katunayan, ang kanilang pagnanais na maging mga saksi para kay Jehova at kay Jesus ay nagpapakilos sa kanila na gamitin ang kanila mismong salapi upang maibahagi nila ang kanilang paniniwala sa mga tao, maging sa mga taong nakatira sa malalayong lugar.​—Isaias 43:10; Gawa 1:8.

Kailangan ng malaking salapi upang matustusan ang pangangaral na ito sa malalayong lugar at ang mga pasilidad na ginagamit sa layuning ito​—mga palimbagan, opisina, Assembly Hall, tahanan ng mga misyonero, at iba pa. Saan nanggagaling ang salapi? Nagmumula ito sa boluntaryong mga kontribusyon. Hindi inoobliga ng mga Saksi ni Jehova ang mga miyembro ng kongregasyon na magbigay ng pera upang suportahan ang gawain ng kanilang organisasyon, ni pinababayaran man nila ang mga publikasyong ipinamamahagi nila. Kung nais ng sinuman na magbigay ng donasyon upang suportahan ang gawaing pagtuturo ng mga Saksi, nalulugod silang tanggapin ito. Isaalang-alang natin kung ano ang nasasangkot sa isa lamang sa ginagawa ng mga Saksi ni Jehova upang maipangaral ang mabuting balita sa buong daigdig​—ang pagsasaling-wika.

Mga Publikasyong Isinasalin sa 437 Wika

Sa loob ng maraming taon, kabilang ang mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova sa mga babasahing naisalin sa pinakamaraming wika sa daigdig. Ang kanilang mga tract, brosyur, magasin, at aklat ay naisalin na sa 437 wika. Siyempre pa, kailangan ng malaki-laking pondo para matustusan ang pagsasaling-wika, kasama na ang iba pang mga gawaing nasasangkot sa pangangaral ng mabuting balita. Paano ba isinasalin sa ibang wika ang mga publikasyon?

Kapag naihanda na ng mga editor ng publikasyon ng mga Saksi ni Jehova ang isang artikulo sa wikang Ingles, ito ay ipinadadala sa pamamagitan ng Internet sa mga grupo ng sinanay na mga tagapagsalin sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Isinasalin ng bawat grupo ng tagapagsalin ang mga publikasyon sa isa sa mga wikang ginagamit sa paglalathala ng mga babasahin. Ang bawat grupo ay binubuo ng mga 5 hanggang 25 miyembro, depende sa wika at sa dami ng kanilang isinasalin.

Ang isinaling artikulo ay sinusuri at iwinawasto. Ang tunguhin ay maisalin nang tumpak at malinaw sa lokal na wika ang mga ideya ng orihinal na artikulo hangga’t maaari. Hindi ito madali. Kapag ang artikulo ay gumagamit ng teknikal na mga pananalita, baka kailanganin ng mga tagapagsalin at proofreader na higit na magsaliksik kapuwa sa wikang isinasalin (Ingles o iba pang wika, gaya ng Pranses, Ruso, o Kastila) at sa lokal na wika upang matiyak na wasto ang pagkakasalin. Halimbawa, kapag ang isang artikulo sa Gumising! ay tungkol sa siyensiya o sa kasaysayan, kailangang magsaliksik na mabuti ang mga tagapagsalin.

Maraming tagapagsalin ang nagtatrabaho nang buong panahon o part-time sa mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Ang iba naman ay nagtatrabaho sa lugar kung saan sinasalita ang wikang ginagamit nila sa pagsasalin. Hindi sinusuwelduhan ang mga tagapagsaling ito. Ang mga buong-panahong tagapagsalin ay pinaglalaanan lamang ng tuluyan at pagkain at kaunting reimbursement para sa kanilang personal na gastusin. Sa buong daigdig, may mga 2,800 Saksi na naglilingkod bilang mga tagapagsalin. Sa kasalukuyan, 98 tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova ang nangangasiwa sa mga grupo ng mga tagapagsaling nagtatrabaho sa mismong sangay o sa ibang mga lugar. Bilang halimbawa, ang sangay sa Russia ang nangangasiwa sa 230 buong-panahon o part-time na mga tagapagsalin na nagsasalin sa mahigit 30 wika, pati na sa mga wikang hindi gaanong kilala, gaya ng Chuvash, Ossetian, at Uighur.

Pagpapasulong sa Kalidad ng Pagsasalin

Kung paanong hindi madali ang mag-aral ng bagong wika, hindi rin madaling isalin nang tumpak sa ibang wika ang iba’t ibang ideya. Ang tunguhin ay wastong maisalin sa lokal na wika ang impormasyon at ideya ng artikulo sa natural na paraan, anupat para itong orihinal na isinulat sa lokal na wika. Kailangan ng kasanayan para magawa ito. Maraming taon ang kinakailangan para maging dalubhasa ang mga bagong tagapagsalin sa larangang ito, at patuloy na naglalaan ng mga programa ng pagsasanay ang mga Saksi ni Jehova may kaugnayan dito. Kung minsan, dinadalaw ng mga instruktor ang mga grupo ng tagapagsalin upang mapasulong ang kanilang mga kasanayan sa pagsasalin at matulungan sila sa paggamit ng mga programa sa computer.

Ang pagsasanay na ito ay nagbubunga ng magagandang resulta. Halimbawa, ganito ang iniulat ng sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Nicaragua: “Sa kauna-unahang pagkakataon, ang aming mga tagapagsalin sa wikang Miskito ay tinuruan ng isang instruktor mula sa sangay sa Mexico hinggil sa mga pamamaraan ng pagsasalin. Napakalaki ng naitulong nito sa gawain ng aming mga tagapagsalin. Talagang malaki ang isinulong ng kalidad ng salin [ng mga publikasyon].”

Pananalitang Nakaaantig sa Puso

Isinasalin ang Bibliya at salig-Bibliyang mga literatura sa katutubong wika ng mga tao upang maantig ang kanilang puso, at iyan mismo ang nangyayari. Noong 2006, tuwang-tuwa ang mga Saksi ni Jehova sa Bulgaria nang ilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Bulgariano. Iniulat ng sangay sa Bulgaria na marami ang nagpapahalaga rito. Sinasabi ng mga miyembro ng kongregasyon na “sa ngayon, hindi lamang pinupukaw ng Bibliya ang kanilang isip kundi inaantig na rin nito ang kanilang puso.” Isang may-edad nang lalaki mula sa Sofia ang nagkomento: “Maraming taon ko nang binabasa ang Bibliya, pero ngayon lamang ako nakabasa ng isang salin na madaling maunawaan at nakaaabot sa puso.” Gayundin, sa Albania, pagkatapos tanggapin ng isang Saksing tagaroon ang kaniyang kopya ng kumpletong Bagong Sanlibutang Salin sa wikang Albaniano, sinabi niya: “Kaysarap basahin ang Salita ng Diyos sa wikang Albaniano! Napakalaking pribilehiyo nga na marinig ang mga salita ni Jehova sa aming wika!”

Maaaring gumugol ng maraming taon ang isang grupo ng tagapagsalin para maisalin ang buong Bibliya. Pero tiyak na sasang-ayon ka na sulit naman ito yamang dahil dito, talagang mauunawaan na ng milyun-milyong tao ang Salita ng Diyos sa kauna-unahang pagkakataon.

“Kami ay mga Kamanggagawa ng Diyos”

Sabihin pa, ang pagsasaling-wika ay isa lamang sa maraming gawaing isinasakatuparan upang mabisang maipangaral ang mabuting balita. Malaki-laking trabaho at pondo ang kailangan upang maisulat, mailimbag, at maihatid ang salig-Bibliyang mga publikasyon at maisagawa ang maraming iba pang kaugnay na mga gawain ng mga sangay, sirkito, at kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Pero ‘kusang-loob na inihahandog ng bayan ng Diyos ang kanilang sarili’ upang magawa ito. (Awit 110:3) Itinuturing nilang isang pribilehiyo na magbigay ng kontribusyon sa gawain at isa ring karangalan na sa paggawa nito, itinuturing sila ni Jehova na mga “kamanggagawa” niya.​—1 Corinto 3:5-9.

Totoo, hindi nakadepende sa ating pinansiyal na tulong ang gawain ng Isa na nagsabing “ang pilak ay akin, at ang ginto ay akin.” Pero pinararangalan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pribilehiyo na makibahagi sa pagpapabanal sa kaniyang pangalan, kabilang na rito ang pagbibigay nila ng mga donasyon upang maipangaral “sa lahat ng mga bansa” ang mga katotohanang nakapagliligtas ng buhay. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Hindi ka ba napapakilos na gawin ang lahat ng magagawa mo upang suportahan ang gawaing ito na hindi na kailanman mauulit?

[Talababa]

^ par. 5 Para sa talaan ng mga wika, tingnan ang pahina 2 ng magasing ito.

[Kahon sa pahina 18]

“PINAG-IISIP PO KAMI NITO”

Isang 14-anyos na dalagita ang sumulat sa sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Cameroon: “Pagkatapos ko pong bumili ng mga gamit ko sa paaralan, naipagbili ko po sa halagang 2,500 franc [$5, U.S.] ang dalawa sa aking mga aklat-aralin na ginamit ko noong nakaraang taon. Iniaabuloy ko po ang perang ito at 910 franc [$1.82, U.S.] na naipon ko. Sana’y ipagpatuloy ninyo ang inyong ginagawa. Salamat po sa magasing Bantayan at Gumising! Pinag-iisip po kami nito.”

[Kahon/​Larawan sa pahina 18]

KAKAIBANG DONASYON

Nakatanggap ang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico ng liham mula kay Manuel, isang mapagpahalagang bata na anim na taóng gulang at nakatira sa Chiapas State. Dahil hindi pa siya marunong sumulat, isang kaibigan ang sumulat para sa kaniya. Ganito ang sinabi ni Manuel: “Binigyan po ako ng lola ko ng isang inahing baboy. Nang manganak po ito, pinili ko ang pinakamalusog na biik at pinalaki ito sa tulong ng mga kapatid. Buong-puso ko pong ibinibigay ang perang pinagbentahan ng baboy na ito. Tumimbang ito ng 100 kilo, at naipagbili ko po ito sa halagang 1,250 pesos [$110, U.S.]. Para po kay Jehova ang perang ito.”

[Kahon sa pahina 19]

‘GAMITIN PO NINYO ITO SA PAGSASALIN NG BIBLIYA’

Sa pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Ukraine noong 2005, inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Ukrainiano. Kinabukasan, nasumpungan ang sulat na ito sa kahon ng kontribusyon sa kombensiyon: “Ako po ay siyam na taóng gulang. Maraming salamat po sa Griegong Kasulatan. Ang perang ito, na ibinigay ni Nanay sa aming magkapatid, ay pamasahe namin sa bus kapag pumapasok kami sa paaralan. Pero kapag hindi umuulan, naglalakad na lamang kami papunta sa paaralan at naipon namin ang 50 hryvnia [$10, U.S.] na ito. Gusto po naming magkapatid na gamitin ninyo ito sa pagsasalin ng buong Bibliya sa wikang Ukrainiano.”

[Kahon sa pahina 20, 21]

KUNG PAANO NAGBIBIGAY NG DONASYON ANG IBA

MGA KONTRIBUSYON SA PAMBUONG-DAIGDIG NA GAWAIN

Marami ang nagbubukod ng halagang ihuhulog nila sa mga kahon ng kontribusyon na may markang “Contributions for the Worldwide Work​—Matthew 24:14.”

Bawat buwan, ipinadadala ng mga kongregasyon ang mga pondong ito sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa kani-kanilang bansa. Ang kusang-loob na mga donasyong salapi ay maaari ding tuwirang ipadala sa Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, Inc., P.O. Box 2044, 1060 Manila, o sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa inyong bansa. Ang mga tseke na ipadadala sa nabanggit na adres ay dapat ipangalan sa “Watch Tower.” Ang mga alahas o iba pang mahahalagang bagay ay maaari ding iabuloy. Dapat ilakip sa mga abuloy na ito ang isang maikling liham na nagsasabing iyon ay isang tuwirang kaloob.

CONDITIONAL-DONATION TRUST ARRANGEMENT

Ang salapi ay maaaring ilagak sa Watch Tower para magamit sa pambuong-daigdig na gawain. Pero kung hihilingin, ang pondo ay maibabalik. Para sa higit pang impormasyon, pakisuyong makipag-ugnayan sa Treasurer’s Office sa nabanggit na adres sa itaas.

MGA PLANO SA PAGKAKAWANGGAWA

Bukod sa tuwirang mga kaloob na salapi, may iba pang mga paraan ng pagbibigay para sa kapakinabangan ng paglilingkod sa Kaharian sa buong daigdig. Kasali sa mga ito ang:

Seguro: Ang Watch Tower ay maaaring gawing benepisyaryo ng isang life insurance policy o ng isang retirement/pension plan.

Deposito sa Bangko: Ang mga deposito sa bangko, sertipiko ng deposito, o indibiduwal na mga deposito sa pagreretiro ay maaaring ipangalan o ibigay sa Watch Tower kapag namatay ang nagbigay ng donasyon, ayon sa mga kahilingan ng bangko sa inyong lugar.

Stock at Bond: Ang mga stock at bond ay maaaring ibigay na donasyon sa Watch Tower bilang tuwirang kaloob.

Lupa’t Bahay: Ang maipagbibiling lupa’t bahay ay maaaring ibigay na donasyon sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob. Maaari din namang patuloy na makapaninirahan doon ang nagkaloob habang siya’y nabubuhay. Makipag-ugnayan muna sa tanggapang pansangay sa inyong bansa bago ilipat ang titulo ng anumang lupa’t bahay.

Gift Annuity: Ang gift annuity ay isang kaayusan kung saan ang isa ay maaaring maglipat ng salapi o mga seguridad sa isang itinalagang korporasyon na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Kapalit nito, ang nagkaloob, o isa na itinalaga ng nagkaloob, ay tatanggap ng espesipikong kabayarang annuity bawat taon habang siya’y nabubuhay. Ang nagkaloob ay tatanggap ng kabawasan sa bayaring buwis para sa taon kung kailan naayos ang gift annuity.

Testamento at Trust: Ang mga ari-arian o salapi ay maaaring ipamana sa Watch Tower sa pamamagitan ng isang legal na testamento, o kaya’y gawing benepisyaryo ng isang kasunduan sa trust ang Watch Tower. Maaaring mabawasan ang ilang bayarin sa buwis kapag ang trust ay napapakinabangan ng isang organisasyong relihiyoso.

Gaya ng ipinahihiwatig ng pananalitang “mga plano sa pagkakawanggawa,” ang ganitong uri ng mga donasyon ay karaniwan nang nangangailangan ng pagpaplano sa bahagi ng nagkakaloob. Upang matulungan ang mga indibiduwal na nagnanais suportahan ang pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng isa sa mga plano sa pagkakawanggawa, isang brosyur na pinamagatang Charitable Planning to Benefit Kingdom Service Worldwide ang inihanda sa wikang Ingles at Kastila. Ang brosyur ay naglalaan ng impormasyon tungkol sa iba’t ibang paraan ng pagkakaloob sa ngayon o, sa pamamagitan ng pagpapamana kapag namatay ang nagbigay ng donasyon. Matapos mabasa ang brosyur at makonsulta ang kani-kanilang tagapayo sa batas o buwis, marami ang nakatulong sa pagsuporta sa relihiyosong mga gawain at pagkakawanggawa ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig at napalaki ang kanilang mga benepisyo sa buwis sa paggawa nito. Maaaring makuha ang brosyur na ito sa pamamagitan ng paghiling ng kopya sa Charitable Planning Office.

Para sa higit pang impormasyon, maaari kang makipag-ugnayan sa Charitable Planning Office, sa pamamagitan ng pagsulat o ng pagtawag sa telepono, sa adres na nakatala sa ibaba, o maaari kang makipag-ugnayan sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa inyong bansa.

Charitable Planning Office

Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, Inc.

186 Roosevelt Avenue

San Francisco del Monte

1105 Quezon City

Telepono: (02) 411-6090

[Mga larawan sa pahina 19]

Mga tagapagsalin sa wikang Miskito, sa sangay sa Nicaragua