Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Salita ni Jehova ay Hindi Nabibigo

Ang Salita ni Jehova ay Hindi Nabibigo

Ang Salita ni Jehova ay Hindi Nabibigo

“Walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo.”​—JOSUE 23:14.

1. Sino si Josue, at ano ang ginawa niya nang malapit na siyang mamatay?

ISA siyang magilas at matapang na kumandante ng militar, isang lalaking may pananampalataya at integridad. Nakasama siya ni Moises at si Jehova mismo ang pumili sa kaniya para pangunahan ang bansang Israel palabas sa kakila-kilabot na ilang patungo sa isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan. Nang malapit nang mamatay ang lubhang iginagalang na lalaking ito, si Josue, nagbigay siya ng isang makabagbag-damdaming pamamaalam sa matatandang lalaki ng Israel. Tiyak na napatibay ng kaniyang mga pananalita ang pananampalataya ng mga nakapakinig sa kaniya. Mapatitibay rin nito ang iyong pananampalataya.

2, 3. Nang magsalita si Josue sa matatandang lalaki ng Israel, ano ang kalagayan ng Israel, at ano ang sinabi ni Josue?

2 Guni-gunihin ang tagpong inilarawan sa Bibliya: “Nangyari nga maraming araw pagkatapos na ang Israel ay mabigyan ni Jehova ng kapahingahan mula sa lahat ng kanilang mga kaaway sa buong palibot, nang si Josue ay matanda na at may kalaunan na sa mga araw, tinawag ni Josue ang buong Israel, ang matatandang lalaki nito at ang mga ulo nito at ang mga hukom nito at ang mga opisyal nito, at sinabi sa kanila: ‘Kung tungkol sa akin, ako ay matanda na, ako ay lumaon na sa mga araw.’”​—Josue 23:1, 2.

3 Halos 110 taon na si Josue, at nasaksihan niya ang isa sa pinakakapana-panabik na yugto sa kasaysayan ng bayan ng Diyos. Nasaksihan niya mismo ang makapangyarihang mga gawa ng Diyos, at nakita niya ang katuparan ng maraming pangako ni Jehova. Dahil dito, buong-pagtitiwala niyang nasabi: “Nalalaman ninyong lubos ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo. Walang isa mang salita sa mga iyon ang nabigo.”​—Josue 23:14.

4. Anong mga katiyakan ang ibinigay ni Jehova sa mga Israelita?

4 Anu-anong mga salita ni Jehova ang natupad noong nabubuhay pa si Josue? Tatalakayin natin ang tatlong katiyakan na ibinigay ni Jehova sa mga Israelita. Una, ililigtas sila ng Diyos mula sa pagkaalipin. Ikalawa, ipagsasanggalang niya sila. Ikatlo, paglalaanan niya sila. Nagbigay rin ng nakakatulad na katiyakan si Jehova sa kaniyang bayan sa makabagong panahon, at nasaksihan natin ang katuparan ng mga ito sa panahong kinabubuhayan natin. Ngunit bago natin talakayin kung ano ang ginawa ni Jehova sa makabagong panahon, pag-usapan muna natin ang kaniyang mga ginawa noong panahon ni Josue.

Iniligtas ni Jehova ang Kaniyang Bayan

5, 6. Paano iniligtas ni Jehova ang mga Israelita mula sa Ehipto, at ano ang ipinakikita nito?

5 Nang dumaing ang mga Israelita sa Diyos dahil sa kanilang pagkaalipin sa Ehipto, nagbigay-pansin si Jehova. (Exodo 2:23-25) Ganito ang sinabi ni Jehova kay Moises sa harap ng nagniningas na palumpong: “Bababa ako upang hanguin [ang aking bayan] mula sa kamay ng mga Ehipsiyo at upang iahon sila mula sa lupaing iyon tungo sa isang lupaing mabuti at maluwang, sa isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” (Exodo 3:8) Tiyak ngang kapana-panabik na masaksihan kung paano ito isinagawa ni Jehova! Nang tumanggi si Paraon na palayain ang Israel mula sa Ehipto, sinabi sa kaniya ni Moises na gagawing dugo ng Diyos ang tubig ng Nilo. Hindi nabigo ang salita ni Jehova. Ang tubig ng Ilog Nilo ay naging dugo. Namatay ang mga isda, at hindi mainom ang tubig. (Exodo 7:14-21) Pero nagmatigas pa rin si Paraon, kaya nagpadala si Jehova ng siyam pang salot, at patiuna niyang inilarawan ang bawat isa sa mga ito. (Exodo, kabanata 8-12) Nang mamatay ang mga panganay ng Ehipto dahil sa ikasampung salot, inutusan ni Paraon ang mga Israelita na umalis​—at iyon nga ang ginawa nila!​—Exodo 12:29-32.

6 Matapos iligtas ni Jehova ang Israel, pinili niya sila upang maging kaniyang bayan. Dahil sa lahat ng ginawa ni Jehova para sa kanila, dinakila siya bilang Tagatupad ng mga pangako, ang isa na ang salita ay hindi nabibigo. Ipinakikita nito na nakatataas si Jehova sa mga diyos ng mga bansa. Kapag binabasa natin ang ulat na iyon ng pagliligtas, napatitibay ang ating pananampalataya. Isip-isipin na lamang kung isa ka mismo sa mga nakasaksi sa pangyayaring iyon! Napatunayan mismo ni Josue na si Jehova talaga “ang Kataas-taasan sa buong lupa.”​—Awit 83:18.

Ipinagsanggalang ni Jehova ang Kaniyang Bayan

7. Paano ipinagsanggalang ni Jehova ang mga Israelita mula sa hukbo ni Paraon?

7 Kumusta naman ang ikalawang katiyakang ibinigay ni Jehova​—na ipagsasanggalang niya ang kaniyang bayan? Tiyak ngang ipagsasanggalang sila ni Jehova sapagkat nangako siyang ililigtas niya sila mula sa Ehipto at makapapasok sila sa Lupang Pangako. Alalahanin na tinugis ng galít na galít na si Paraon ang mga Israelita sa pamamagitan ng kaniyang makapangyarihang hukbo, na may daan-daang karwaheng pandigma. Tiyak na kumpiyansang-kumpiyansa ang hambog na lalaking iyon lalo na nang waring sukol na ang mga Israelita sa pagitan ng mga bundok at ng dagat! Nang sandaling iyon ay kumilos ang Diyos upang ipagsanggalang ang kaniyang bayan. Naglagay siya ng ulap sa pagitan ng mga Israelita at ng mga Ehipsiyo. Samantalang maliwanag sa panig ng mga Israelita, madilim naman sa panig ng mga Ehipsiyo. Habang hindi makaabante ang mga Ehipsiyo dahil sa ulap, itinaas ni Moises ang kaniyang tungkod at nahati ang tubig ng Dagat na Pula, na nagsilbing daang matatakasan ng mga Israelita ngunit naging bitag naman sa mga Ehipsiyo. Lubusang nilipol ni Jehova ang makapangyarihang hukbong militar ni Paraon, sa gayo’y naipagsanggalang Niya ang Kaniyang bayan mula sa tiyak na pagkatalo.​—Exodo 14:19-28.

8. Paano ipinagsanggalang ang mga Israelita (a) noong sila ay nasa ilang at (b) noong sila ay pumasok sa Lupang Pangako?

8 Nang makatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula, nagpagala-gala sila sa isang lupain na inilarawan bilang “malawak at nakatatakot na ilang, ang lupaing iyon na uhaw sapagkat walang tubig at laganap ang makamandag na mga ahas at mga alakdan.” (Deuteronomio 8:15, Ang Biblia​Bagong Salin sa Pilipino) Maging sa lugar na iyon ay ipinagsanggalang ni Jehova ang kaniyang bayan. At kumusta naman nang pumasok na sila sa Lupang Pangako? Nilabanan sila ng makapangyarihang mga hukbong Canaanita. Gayunman, sinabi ni Jehova kay Josue: “Tumindig ka, tawirin mo itong Jordan, ikaw at ang buong bayang ito, patungo sa lupain na ibinibigay ko sa kanila, sa mga anak ni Israel. Walang sinuman ang makatatayong matatag sa harap mo sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. Kung paanong ako ay suma kay Moises ay gayon ako sasaiyo. Hindi kita pababayaan ni iiwan man kita nang lubusan.” (Josue 1:2, 5) Hindi nabigo ang mga salitang iyon ni Jehova. Sa loob lamang ng mga anim na taon, tinalo ni Josue ang 31 hari at sinakop ang malaking bahagi ng Lupang Pangako. (Josue 12:7-24) Hindi magtatagumpay ang pananakop na iyon kung hindi sila ipinagsanggalang ni Jehova.

Pinaglaanan ni Jehova ang Kaniyang Bayan

9, 10. Paano pinaglaanan ni Jehova ang kaniyang bayan sa ilang?

9 Talakayin natin ngayon ang ikatlong katiyakan na ibinigay ni Jehova sa kaniyang bayan​—na paglalaanan niya sila. Di-nagtagal pagkatapos mailigtas ang mga Israelita mula sa Ehipto, ganito ang ipinangako ng Diyos sa kanila: “Narito, magpapaulan ako para sa inyo ng tinapay mula sa langit; at ang bayan ay lalabas at mamumulot ng kani-kaniyang bahagi sa bawat araw.” At gaya nga ng sinabi niyang gagawin niya, inilaan ng Diyos ang ‘tinapay na iyon mula sa langit.’ “Nang makita iyon ng mga anak ni Israel, sila ay nagsimulang magsabi sa isa’t isa: ‘Ano ito?’” Ito ang manna, ang tinapay na ipinangako ni Jehova sa kanila.​—Exodo 16:4, 13-15.

10 Sa loob ng 40 taon sa ilang, pinaglaanan ni Jehova ang mga Israelita ng pagkain at tubig na kailangan nila. Tiniyak pa nga niya na hindi maluluma ang kanilang mga balabal at hindi mamamaga ang kanilang mga paa. (Deuteronomio 8:3, 4) Nasaksihan ni Josue ang lahat ng ito. Iniligtas, ipinagsanggalang, at pinaglaanan ni Jehova ang kaniyang bayan, gaya ng ipinangako niya sa kanila.

Pagliligtas sa Kaniyang Bayan sa Makabagong Panahon

11. Ano ang ipinatalastas sa Bethel noong Oktubre 1914, at ano ang muling ginawa ni Jehova mula noon?

11 Kumusta naman sa ating panahon? Noong Biyernes ng umaga, Oktubre 2, 1914, si Charles Taze Russell, na siyang nangunguna noon sa mga Estudyante ng Bibliya, ay pumasok sa silid-kainan ng Bethel sa Brooklyn, New York. “Magandang umaga sa inyong lahat,” ang masaya niyang bati. Bago siya naupo, tuwang-tuwa niyang ibinalita: “Nagwakas na ang mga panahong Gentil; tapos na ang maliligayang araw ng kanilang mga hari.” Panahon itong muli para kumilos si Jehova, ang Soberano ng uniberso, alang-alang sa kaniyang bayan. At iyon nga ang ginawa niya!

12. Anong pagliligtas ang naganap noong 1919, at ano ang naging resulta?

12 Makalipas lamang ang limang taon, iniligtas ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa pagkaalipin sa “Babilonyang Dakila,” ang makapangyarihang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 18:2) Iilan lamang sa atin ang nakasaksi sa kapana-panabik na pagliligtas na iyon. Pero kitang-kita natin ang mga resulta ngayon. Muling itinatag ni Jehova ang dalisay na pagsamba at pinagkaisa ang mga nagnanais sumamba sa kaniya. Inihula ito sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matibay na matatatag na mataas pa sa taluktok ng mga bundok, at iyon ay mátataás pa nga sa mga burol; at doon ay huhugos ang lahat ng mga bansa.”​—Isaias 2:2.

13. Anong pagsulong sa bayan ni Jehova ang nasaksihan mo?

13 Hindi nabigo ang mga salita ni Isaias. Noong 1919, sinimulan ng pinahirang nalabi ang walang-takot na pagpapatotoo sa buong daigdig. At dahil dito ay nakita ang malaking kahigitan ng pagsamba sa tunay na Diyos. Noong dekada ng 1930, naging maliwanag na tinitipon na ang “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Noong una, libu-libo ang nagdagsaan, pagkatapos ay daan-daang libo, at ngayon, milyun-milyon na ang sumusuporta sa tunay na pagsamba! Sa isang pangitain na ibinigay kay apostol Juan, inilarawan sila bilang “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” (Apocalipsis 7:9) Anong pagsulong ang nasaksihan mo mismo? Ilan ang Saksi ni Jehova sa buong mundo noong una mong matutuhan ang katotohanan? Sa ngayon, ang mga naglilingkod kay Jehova ay mahigit nang 6,700,000. Sa pamamagitan ng pagliligtas sa kaniyang bayan mula sa pagkaalipin sa Babilonyang Dakila, binuksan ni Jehova ang daan para sa kapana-panabik na pagsulong na nakikita natin ngayon sa buong daigdig.

14. Ano pang pagliligtas ang magaganap?

14 May isa pang pagliligtas na gagawin si Jehova​—isa na magsasangkot sa lahat ng nasa lupa. Gagamitin ni Jehova ang kaniyang kagila-gilalas na kapangyarihan upang lipulin ang lahat ng lumalaban sa kaniya at iligtas ang kaniyang bayan tungo sa bagong sanlibutan na tatahanan ng katuwiran. Kaysaya ngang makita ang pagwawakas ng kasamaan at ang pagsisimula ng pinakamaluwalhating panahon sa buong kasaysayan ng tao!​—Apocalipsis 21:1-4.

Ipinagsasanggalang ni Jehova ang Kaniyang Bayan sa Ating Panahon

15. Bakit natin kailangan ang pagsasanggalang ni Jehova sa makabagong panahon?

15 Gaya ng nakita na natin, kinailangan ng mga Israelita noong panahon ni Josue ang pagsasanggalang ni Jehova. Kailangan din ba ito ng bayan ni Jehova sa makabagong panahon? Oo! Nagbabala si Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ibibigay kayo ng mga tao sa kapighatian at papatayin kayo, at kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.” (Mateo 24:9) Sa nakalipas na maraming taon, nagbata ang mga Saksi ni Jehova sa maraming lupain ng matinding pagsalansang at malupit na pag-uusig. Ngunit maliwanag na inaalalayan ni Jehova ang kaniyang bayan. (Roma 8:31) Tinitiyak sa atin ng kaniyang Salita na walang anumang bagay​—ni ‘anumang sandata na inanyuan laban sa atin’—​ang makapipigil sa ating pangangaral hinggil sa Kaharian at pagtuturo sa mga tao.​—Isaias 54:17.

16. Anong patotoo ang nakita mo na ipinagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang bayan?

16 Sa kabila ng pagkapoot ng sanlibutan, patuloy na dumarami ang mga kabilang sa bayan ni Jehova. Sumusulong ang mga Saksi ni Jehova sa 236 na lupain​—isa ngang matibay na patotoo na sumasaatin si Jehova upang ipagsanggalang tayo laban sa mga nagtatangkang lumipol o magpatahimik sa atin. May natatandaan ka bang pangalan ng makapangyarihang mga pulitiko o mga lider ng relihiyon na labis na nagpahirap sa bayan ng Diyos sa ating panahon? Ano na ang nangyari sa kanila? Nasaan na sila ngayon? Karamihan sa kanila ay wala na, gaya ni Paraon noong panahon nina Moises at Josue. At kumusta naman ang mga lingkod ng Diyos sa makabagong panahon na namatay nang tapat? Sila ay nasa alaala ni Jehova kaya tiyak ang kanilang pag-asa sa hinaharap. Maliwanag, pagdating sa pagsasanggalang ni Jehova, hindi nabibigo ang kaniyang mga salita.

Pinaglalaanan ni Jehova ang Kaniyang Bayan sa Ngayon

17. Anong katiyakan ang ibinigay ni Jehova hinggil sa espirituwal na pagkain?

17 Pinaglaanan ni Jehova ang kaniyang bayan sa ilang, at pinaglalaanan din niya sila sa ngayon. Pinakakain tayo sa espirituwal ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Tumatanggap tayo ng kaalaman sa mga katotohanan tungkol sa Diyos na naging lihim sa loob ng maraming siglo. Sinabi ng anghel kay Daniel: “Ilihim mo ang mga salita at tatakan mo ang aklat, hanggang sa panahon ng kawakasan. Marami ang magpaparoo’t parito, at ang tunay na kaalaman ay sasagana.”​—Daniel 12:4.

18. Bakit masasabing sagana ang tunay na kaalaman sa ngayon?

18 Nabubuhay na tayo ngayon sa panahon ng kawakasan, at tunay ngang sagana ang kaalaman tungkol sa Diyos. Inaakay ng banal na espiritu ang mga umiibig sa katotohanan sa buong daigdig tungo sa tumpak na kaalaman hinggil sa tunay na Diyos at sa kaniyang mga layunin. Napakaraming Bibliya sa ngayon sa buong daigdig, pati na mga publikasyon na tumutulong sa mga tao na maunawaan ang napakahalagang mga katotohanan na masusumpungan sa Bibliya. Halimbawa, pansinin ang talaan ng mga nilalaman ng publikasyong ginagamit sa pag-aaral na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? * Ang ilan sa mga kabanata nito ay: “Ano ba ang Katotohanan Tungkol sa Diyos?,” “Nasaan ang mga Patay?,” “Ano ba ang Kaharian ng Diyos?,” at “Bakit Kaya Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?” Ang ganitong mga tanong ay libu-libong taon nang pinag-iisipan ng mga tao. Napakadali na ngayong malaman ang mga sagot sa mga tanong na iyan. Sa kabila ng kawalang-alam ng mga tao tungkol sa Bibliya at pagtuturo sa kanila ng Sangkakristiyanuhan ng apostatang mga turo sa nakalipas na maraming siglo, nanaig ang Salita ng Diyos, na siyang naglalaan ng pampatibay-loob sa lahat ng nagnanais na maglingkod kay Jehova.

19. Anu-anong mga pangako ang nakita mong natupad, at ano ang masasabi mo hinggil dito?

19 Tiyak na dahil sa mga bagay na nasaksihan natin mismo, masasabi natin: “Walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo. Walang isa mang salita sa mga iyon ang nabigo.” (Josue 23:14) Inililigtas, ipinagsasanggalang, at pinaglalaanan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod. May masasabi ka bang anumang pangako ng Diyos na hindi natupad sa itinakda niyang panahon? Wala nga! Isang katalinuhan kung gayon na magtiwala tayo sa mapananaligang Salita ng Diyos.

20. Bakit tayo makapagtitiwala sa hinaharap?

20 Kumusta naman sa hinaharap? Sinabi sa atin ni Jehova na karamihan sa atin ay makaaasang mabuhay sa lupa na magiging isang napakagandang paraiso. Ang ilan naman sa atin ay may pag-asang mamahalang kasama ni Kristo sa langit. Anuman ang ating pag-asa, talagang may dahilan tayo para manatiling tapat gaya ni Josue. Darating ang panahon na magkakatotoo ang ating pag-asa. Sa panahong iyon, kapag nagbalik-tanaw tayo sa lahat ng mga ipinangako ni Jehova, masasabi rin natin: “Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat.”

[Talababa]

^ par. 18 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Nasaksihan ni Josue ang katuparan ng anong mga katiyakan na ibinigay ni Jehova?

• Anong katiyakan na ibinigay ni Jehova ang nakita mong natupad?

• Ano ang matitiyak natin hinggil sa salita ng Diyos?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 23]

Kumilos si Jehova para iligtas ang kaniyang bayan

[Larawan sa pahina 23]

Paano ipinagsanggalang ni Jehova ang kaniyang bayan sa Dagat na Pula?

[Larawan sa pahina 24]

Paano pinaglaanan ni Jehova ang kaniyang bayan sa ilang?

[Mga larawan sa pahina 25]

Nagmamalasakit si Jehova sa kaniyang bayan sa ngayon