‘Damtan Ninyo ang Inyong Sarili ng Kababaan ng Pag-iisip’
‘Damtan Ninyo ang Inyong Sarili ng Kababaan ng Pag-iisip’
MAY isang lalaking galing sa prominenteng lunsod. Tinitingala siya sa lipunan sapagkat isa siyang Romano at malamang na mula sa isang prominenteng pamilya. Ang lalaking ito, si Saul, ay tumanggap ng pinakamataas na edukasyon noong unang siglo C.E. Nakapagsasalita siya ng di-kukulangin sa dalawang wika at kabilang sa kilalang grupo ng relihiyong Judio—ang mga Pariseo.
Tiyak na mababa ang tingin ni Saul sa mga karaniwang tao at ipinagmamalaki niya ang kaniyang pagiging matuwid. (Lucas 18:11, 12; Gawa 26:5) Ipinalalagay ng mga Pariseong kasamahan ni Saul na nakahihigit sila sa iba at gustung-gusto nila ang katanyagan at matatayog na titulo. (Mateo 23:6, 7; Lucas 11:43) Malamang na naging arogante si Saul dahil sa ganitong uri ng mga kasama. Alam nating siya ay naging isang mahigpit na tagausig sa mga Kristiyano. Makalipas ang ilang taon, nang maging apostol na si Pablo, sinabi niyang siya’y dating “mamumusong at isang mang-uusig at isang taong walang pakundangan.”—1 Timoteo 1:13.
Oo, naging Kristiyano si Saul na tinawag na apostol Pablo, at lubusang nagbago ang kaniyang personalidad. Bilang Kristiyanong apostol, mapagpakumbaba niyang sinabi na siya’y “isang tao na mas mababa kaysa sa pinakamababa sa lahat ng mga banal.” (Efeso 3:8) Naging mabisa siyang ebanghelisador, pero hindi niya inangkin ang kapurihan. Sa halip, ibinigay niya sa Diyos ang lahat ng karangalan. (1 Corinto 3:5-9; 2 Corinto 11:7) Si Pablo mismo ang nagpayo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis.”—Colosas 3:12.
Kapit pa ba ang payong iyan sa ating ika-21 siglo? Mabuti bang maging mapagpakumbaba? Talaga nga bang tanda
ng kalakasan ang kapakumbabaan?Mapagpakumbaba ba ang Maylalang na Makapangyarihan-sa-Lahat?
Kapag tinatalakay ang kapakumbabaan, dapat isaalang-alang ang pangmalas ng Diyos. Bakit? Dahil siya ang ating Soberano at Maylalang. Di-tulad niya, dapat nating kilalanin ang ating mga limitasyon. Nakadepende tayo sa kaniya. “Kung tungkol sa Makapangyarihan-sa-lahat, hindi pa natin siya nasasaliksik; siya ay dakila sa kapangyarihan,” ang sabi ng isang sinaunang matalinong tao na si Elihu. (Job 37:23) Aba, ang isipin pa lamang ang napakalawak na uniberso ay nakapanliliit na! “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan,” ang paanyaya ni propeta Isaias. “Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? Iyon ang Isa na naglalabas sa hukbo nila ayon sa bilang, na lahat sila ay tinatawag niya ayon sa pangalan. Dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.”—Isaias 40:26.
Bagaman makapangyarihan-sa-lahat, mapagpakumbaba ang Diyos na Jehova. Nanalangin sa kaniya si Haring David: “Ibibigay mo sa akin ang iyong kalasag ng kaligtasan, at pinadadakila ako ng iyong kapakumbabaan.” (2 Samuel 22:36) Ang Diyos ay mapagpakumbaba sa diwa na may malasakit siya sa hamak na mga taong nagsisikap na mapaluguran siya, anupat kinaaawaan niya sila. Mula sa langit, si Jehova ay bumababa, wika nga, upang magpakita ng kabaitan sa mga taong may takot sa kaniya.—Awit 113:5-7.
Bukod dito, pinahahalagahan ni Jehova ang kapakumbabaan ng kaniyang mga lingkod. Isinulat ni apostol Pedro: “Sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit binibigyan niya ng di-sana-nararapat na kabaitan ang mga mapagpakumbaba.” (1 Pedro 5:5) Tungkol sa pangmalas ng Diyos sa pagmamapuri, ganito ang sinabi ng isang manunulat ng Bibliya: “Ang lahat ng may pusong mapagmapuri ay karima-rimarim kay Jehova.” (Kawikaan 16:5) Pero paano masasabing tanda ng kalakasan ang kapakumbabaan?
Ang Maling Palagay Hinggil sa Kapakumbabaan
Ang kapakumbabaan ay hindi naman pagpapakaaba. Sa ilang sinaunang kultura, karaniwan nang kapag ang isa ay mapagpakumbaba, malamang na alipin siya—isang taong sunud-sunuran, miserable at kahabag-habag. Sa kabaligtaran naman, idiniriin ng Bibliya na ang kababaan ng pag-isip ay nagdudulot ng karangalan. Halimbawa, isinulat ng isang matalinong tao: “Ang bunga ng kapakumbabaan at ng pagkatakot kay Jehova ay Kawikaan 22:4) At sa Awit 138:6, mababasa natin: “Si Jehova ay mataas, gayunma’y nakikita niya ang mapagpakumbaba; ngunit ang matayog ay kilala lamang niya sa malayo.”
kayamanan at kaluwalhatian at buhay.” (Hindi naman nangangahulugang wala nang abilidad o wala nang nagagawa ang isang mapagpakumbaba. Halimbawa, hindi kailanman sinabi ni Jesu-Kristo na hindi siya ang bugtong na Anak ni Jehova, at hindi niya kailanman sinabing hindi mahalaga ang kaniyang ministeryo sa lupa. (Marcos 14:61, 62; Juan 6:51) Pero nagpakita si Jesus ng kapakumbabaan nang ibigay niya sa kaniyang Ama ang papuri para sa kaniyang mga nagawa at nang gamitin niya ang kaniyang kapangyarihan upang paglingkuran at tulungan ang iba sa halip na dominahan sila at apihin.
Tanda ng Kalakasan
Walang-alinlangang nakilala si Jesu-Kristo ng kaniyang mga kapanahon “sa pamamagitan ng mga makapangyarihang gawa.” (Gawa 2:22) Pero para sa ilan, siya ang “pinakamababa sa mga tao.” (Daniel 4:17) Hindi lamang niya ginawang simple ang kaniyang buhay kundi paulit-ulit niyang itinuro na mahalaga ang kapakumbabaan. (Lucas 9:48; Juan 13:2-16) Pero hindi siya naging mahina dahil sa kaniyang kapakumbabaan. Buong-tapang niyang ipinagtanggol ang pangalan ng kaniyang Ama at ginanap ang kaniyang ministeryo. (Filipos 2:6-8) Sa Bibliya, si Jesus ay inilarawan bilang isang matapang na leon. (Apocalipsis 5:5) Ipinakikita ng halimbawa ni Jesus na ang kapakumbabaan ay kasuwato ng lakas ng loob at katatagan.
Habang sinisikap nating malinang ang tunay na kapakumbabaan, alam nating kailangan ang lubusang pagsisikap upang maging bahagi na ng ating buhay ang kababaan ng pag-iisip. Nangangahulugan ito na palagi nating susundin kung ano ang gusto ng Diyos at hindi kung ano ang gusto natin o kung ano ang hilig ng ating laman. Upang maging mapagpakumbaba, kailangan ang lakas ng loob dahil kailangan nating isaisantabi ang ating kapakanan upang mapaglingkuran si Jehova at ang iba nang walang pag-iimbot.
Mga Pakinabang sa Pagiging Mapagpakumbaba
Ang mga mapagpakumbaba ay hindi mapagmapuri o palalo. Ginamit ng Kasulatan ang pananalitang “kababaan ng pag-iisip” upang ilarawan ito. (Efeso 4:2) Magiging mapagpakumbaba tayo kung susuriin nating mabuti ang ating sarili—ang ating mga kalakasan at kahinaan, ang ating mga tagumpay at kabiguan. Nagbigay si Pablo ng magandang payo tungkol dito nang isulat niya: “Sinasabi ko sa bawat isa sa inyo riyan na huwag mag-isip nang higit tungkol sa kaniyang sarili kaysa sa nararapat isipin; kundi mag-isip upang magkaroon ng matinong kaisipan.” (Roma 12:3) Sinumang sumusunod sa payong ito ay nagpapakita ng kapakumbabaan.
Maipakikita rin ang kapakumbabaan kung taimtim nating inuuna ang kapakanan ng iba kaysa sa kapakanan natin. Sa ilalim ng patnubay ng Diyos, pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano: ‘Huwag gumawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na ituring na ang iba ay nakatataas sa inyo.’ (Filipos 2:3) Kasuwato ito ng utos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo. Sinumang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at sinumang nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.”—Mateo 23:11, 12.
Oo, napakataas nga ng tingin ng Diyos sa mga may kababaan ng pag-iisip. Idiniin ng alagad na si Santiago ang puntong ito nang isulat niya: “Magpakababa kayo sa paningin ni Jehova, at itataas niya kayo.” (Santiago 4:10) Sino nga ba ang ayaw maitaas ng Diyos?
Nagdudulot ng malaking kaguluhan at alitan sa pagitan ng mga grupo ng mga tao at sa pagitan ng mga indibiduwal ang kawalan ng kapakumbabaan. Sa kabilang dako naman, umaani ng mga pakinabang ang pagiging mapagpakumbaba. Nakakamit natin ang lingap at pagsang-ayon ng Mikas 6:8) Nagkakaroon tayo ng kapayapaan ng isip dahil ang isang mapagpakumbaba ay mas malamang na maging masaya at kontento kaysa sa isang palalo. (Awit 101:5) Mas gaganda at magiging kasiya-siya ang pakikitungo natin sa ating pamilya, mga kaibigan, katrabaho, at iba pa. Ang mga mapagpakumbaba ay umiiwas na maging mahirap pakisamahan at mapaghanap—mga ugaling madaling humantong sa paglayo ng loob, pagkagalit, hinanakit, at sama ng loob.—Santiago 3:14-16.
Diyos. (Oo, malaking tulong ang paglinang ng kababaan ng pag-iisip para magkaroon ng magandang pagsasamahan. Matutulungan tayo nitong makayanan ang mga hamon ng isang daigdig na sakim at punung-puno ng kompetisyon. Sa tulong ng Diyos, naalis ni apostol Pablo ang kaniyang pagiging arogante at mapagmapuri. Magagawa rin nating sugpuin ang anumang hilig na maging palalo o ang kaisipang nakahihigit tayo sa iba. “Ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak, at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod,” ang babala ng Bibliya. (Kawikaan 16:18) Kung susundin natin ang halimbawa at payo ni Pablo, makikita nating isang katalinuhan nga na ‘damtan natin ang ating sarili ng kababaan ng pag-iisip.’—Colosas 3:12.
[Larawan sa pahina 4]
Naalis ni Pablo ang pagiging arogante at mapagmapuri
[Larawan sa pahina 7]
Napananatili natin ang magandang pagsasamahan dahil sa kababaan ng pag-iisip
[Picture Credit Line sa pahina 5]
Anglo-Australian Observatory/David Malin Images