Natutuhan Kong Lubos na Magtiwala kay Jehova
Natutuhan Kong Lubos na Magtiwala kay Jehova
Ayon sa Salaysay ni Aubrey Baxter
Isang Sabado ng gabi noong 1940, sinugod ako ng dalawang lalaki. Sa lakas ng suntok nila, napabagsak ako sa lupa. Dalawang pulis ang naroroon, pero sa halip na tulungan ako, ako pa ang pinagsisigawan at kinampihan nila ang mga matong iyon. Ang mga pangyayari sa buhay ko na humantong sa malupit na pagtratong ito ay nagsimula mga limang taon na ang nakalilipas nang magtrabaho ako sa isang minahan ng karbon. Ikukuwento ko ito sa inyo.
NOONG 1913, isinilang ako sa Swansea, isang bayan sa baybayin ng New South Wales sa Australia. Pangatlo ako sa aming apat na magkakapatid na lalaki. Nang limang taon na ako, ang buong pamilya namin ay dinapuan ng nakatatakot na sakit na trangkaso Espanyola, na kumitil sa buhay ng milyun-milyon sa buong daigdig. Mabuti na lamang at nakaligtas kaming lahat. Pero noong 1933, dumating ang trahedya sa buhay namin nang mamatay si Inay sa edad na 47. Isa siyang makadiyos na babae at nakakuha siya noon ng dalawang tomo ng aklat na Light, pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na ipinamamahagi ng mga Saksi ni Jehova.
Nagtatrabaho ako noon sa minahan ng karbon. Dahil may panahon na napakarami naming trabaho, at may panahon namang wala kaming ginagawa, dinadala ko ang mga libro sa trabaho at binabasa ang mga ito sa liwanag ng ilaw na nakakabit sa helmet ko. Di-nagtagal, natanto kong natagpuan ko na ang katotohanan. Nakikinig na rin ako sa radyo ng mga pahayag sa Bibliya ng mga Saksi. Lalo pa akong natuwa nang magkainteres din si Itay at ang mga kapatid ko sa katotohanang itinuturo ng Bibliya.
Noong 1935, nagkaroon muli ng trahedya sa aming pamilya nang magkasakit ng pulmonya at mamatay ang nakababata kong kapatid na si Billy. Labing-anim na taóng gulang pa lamang siya noon. Pero sa pagkakataong iyon, nagkaroon ng Gawa 24:15) Nang maglaon, si Itay at ang aking nakatatandang mga kapatid na sina Verner at Harold, pati na ang kanilang asawa ay nag-alay ng kanilang buhay sa Diyos. Sa aming mag-anak, ako na lamang ang buháy. Pero ang ikalawang asawa ni Verner, si Marjorie, at ang asawa ni Harold, si Elizabeth, ay aktibo pa rin sa paglilingkod kay Jehova.
kaaliwan ang aming pamilya dahil sa pag-asa ng pagkabuhay-muli. (Natuto Akong Magtiwala kay Jehova
Nang dakong huli ng 1935, nakausap ko sa unang pagkakataon ang isang Saksi ni Jehova nang kumatok sa aming pinto ang isang babaing Ukrainiano na nakabisikleta. Nang sumunod na Linggo, dumalo ako sa isang Kristiyanong pagpupulong sa unang pagkakataon, at makalipas ang isang linggo, sumama na ako sa grupo para maglingkod sa larangan. Binigyan ako ng mga buklet ng Saksing nangangasiwa sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan at laking gulat ko nang sabihan niya akong magbahay-bahay nang mag-isa! Sa unang pinto, nerbiyos na nerbiyos ako anupat gusto ko nang bumuka ang lupa at lamunin ako! Pero mabait naman ang may-bahay at tumanggap pa nga siya ng literatura.
Lubha akong naantig sa mga tekstong gaya ng Eclesiastes 12:1 at Mateo 28:19, 20, anupat gusto ko nang maging payunir, o buong-panahong ministro. Sinuportahan naman ni Itay ang pasiya ko. Bagaman hindi pa ako bautisado, itinakda ko itong pasimulan pagdating ng Hulyo 15, 1936. Nang araw na iyon, pumunta ako sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Sydney, at inanyayahan nila akong sumama sa grupo ng 12 payunir sa Sydney malapit sa Dulwich Hill. Tinuruan nila akong gumamit ng manu-manong gilingan ng trigo na ginagamit ng mga payunir noon sa paggawa ng harina para makatipid.
Pagpapayunir sa Liblib na mga Lugar
Pagkatapos kong mabautismuhan nang taóng iyon, inatasan ako sa sentro ng Queensland, kasama ang dalawang payunir—sina Aubrey Wills at Clive Shade. Gamit namin ang van ni Aubrey, mga bisikleta, isang nabibitbit na ponograpo para sa pagpapatugtog ng mga pahayag sa Bibliya, tolda na naging tirahan namin sa sumunod na tatlong taon, tatlong kama, isang mesa, at isang kaldero. Isang gabi, nang toka ko nang magluto, inisip kong maghanda ng isang “espesyal” na putahe ng gulay at trigo para sa hapunan. Pero hindi namin ito makain. Nagkataong may isang kabayong gumagala, kaya ibinigay ko sa kaniya ang niluto ko. Inamuy-amoy niya iyon, umiling, at saka biglang umalis! Mula noon, hindi na ako nag-eksperimento pa sa pagluluto.
Sa kalaunan, ipinasiya naming tatlo na paghahati-hatian ang teritoryong iniatas sa amin para mapabilis ang pagkubre dito. Sa pagtatapos ng maghapon, madalas na hindi na ako makauwi dahil napakalayo ko na sa aming tuluyan, kaya kung minsan ay nagpapalipas na lamang ako ng gabi sa bahay ng mapagpatuloy na mga tagaroon sa teritoryo. Minsan, natulog ako sa isang napakagandang kama sa kuwarto ng mga bisita sa isang rantso, at nang sumunod na gabi humiga naman ako sa lupa mismo sa loob ng kubo ng isang mangangaso na may mga bunton ng umaalingasaw na balat ng hayop. Madalas akong natutulog sa gubat. Minsan, naramdaman kong napalilibutan ako ng mga dingo (asong-ligáw) dahil naririnig ko ang nakapangingilabot na alulong nila sa gitna ng dilim. Hindi ako nakatulog, pero nalaman ko kinaumagahan na hindi naman pala ako ang puntirya nila
kundi ang mga laman-loob ng hayop na itinapon sa di-kalayuan.Pangangaral Gamit ang Kotseng May Laud-Ispiker
Gamit na gamit namin ang kotseng may laud-ispiker sa paghahayag tungkol sa Kaharian ng Diyos. Pinayagan kami ng mga pulis na pumuwesto sa sentro ng lunsod ng Townsville, sa gawing hilaga ng Queensland. Pero ikinagalit ng ilang miyembro ng Salvation Army ang nakarekord na pahayag at pinagsabihan kaming umalis. Nang tumanggi kami, pinag-uuga ng lima sa kanila ang aming van. Nasa loob ako noon ng van at nag-aasikaso ng sound system! Sa pagkakataong iyon, parang hindi tamang igiit ang aming karapatan, kaya nang tumigil na ang mga lalaki sa pag-uga sa van, umalis na lamang kami.
Sa Bundaberg, pinahiram kami ng bangka ng isang interesadong lalaki para makapangaral kami gamit ang laud-ispiker mula sa Ilog Burnett na bumabagtas sa buong bayan. Sina Aubrey at Clive ang sumakay sa bangka dala ang laud-ispiker at ako naman ang naiwan sa bulwagang inuupahan namin. Nang gabing iyon, narinig sa buong Bundaberg ang nakarekord na mapuwersang tinig ni Joseph F. Rutherford, kinatawan ng pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, na naghahayag ng matitinding mensahe ng Bibliya. Mapanganib nga ang mga panahong iyon anupat kailangang magpakita ng katapangan at pananampalataya ang bayan ng Diyos.
Higit Pang Hamon Dahil sa Digmaan
Kasisimula pa lamang ng Digmaang Pandaigdig II noong Setyembre 1939, tinalakay na sa Ang Bantayan ng Nobyembre 1 ang tungkol sa pagiging neutral ng mga Kristiyano may kinalaman sa pulitika at digmaan. Nang maglaon, natanto ko na mabuti na lamang at napag-aralan ko ang napapanahong materyal na iyon. Samantala, tatlong taon kaming magkakasama nina Aubrey at Clive, at pagkatapos nito ay tumanggap kami ng kani-kaniyang atas sa ibat-ibang lugar. Inatasan akong maglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa sa gawing hilaga ng Queensland, isang atas na madalas na susubok sa aking pagtitiwala kay Jehova.
Noong Agosto 1940, naglingkod ako sa kongregasyon sa Townsville na may apat na payunir—sina Percy at Ilma Iszlaub * at magkapatid na Norman at Beatrice Bellotti. Pagkalipas ng anim na taon, napangasawa ko si Beatrice. Isang Sabado ng gabi, pagkatapos naming mangaral sa lansangan, nangyari ang pagsugod na binanggit ko sa pasimula. Pero lalo pa akong naging masigasig sa paglilingkod kay Jehova dahil sa insidenteng iyon.
Masigasig na nangangaral sa hilaga ang dalawang payunir na sister, sina Una at Merle Kilpatrick. Isang araw, pagkatapos ng masayang paglilingkod sa maghapon, hinilingan nila akong ihatid sila sa kabilang pampang sa bahay ng interesadong pamilya. Ibig sabihin nito ay lalangoy ako upang kunin ang bangka na nakatali sa kabilang pampang, susunduin sila, at saka sila ihahatid sa kabilang pampang. Pero pagdating ko sa bangka, wala ang mga sagwan! Napag-alaman namin na itinago pala iyon ng isang sumasalansang. Pero hindi kami napigilan ng pakanang iyon. Ilang taon din akong naging tagapagbantay sa
mga lumalangoy at mahusay pa rin akong lumangoy. Kaya itinali ko ang lubid ng angkla sa aking baywang at hinila ang bangka papunta sa mga sister, pinasakay sila, at hinila pabalik. Pinagpala naman ni Jehova ang aming pagsisikap dahil naging mga Saksi ang interesadong pamilyang iyon.Sa Tulong ni Jehova
Para sa seguridad, naglagay ang mga militar ng checkpoint sa bungad ng bayan ng Innisfail. Dahil tagaroon ako, pinapapasok nila ako, at malaking tulong ito kapag dumadalaw ang mga kinatawan ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Para makalusot sila sa checkpoint, itinatago ko sila sa ilalim ng upuan sa likod ng aking kotse.
Rasyon-rasyon ang gasolina nang panahong iyon, at maraming sasakyan ang kinabitan ng aparato para makagawa ng gas. Para mapaandar ang makina, ang aparatong ito ay gumagawa ng gas mula sa mainit na uling. Sa gabi ako nagbibiyahe at naglalagay ako ng mga bag ng uling sa kompartment na pinagtataguan ng brother. Paghinto ko sa checkpoint, nilalansi ko ang mga guwardiya sa pamamagitan ng hindi pagpatay sa makina at pagtiyak na mainit na mainit ang lagayan ng uling. “Kung papatayin ko ang makina, mahihirapan na akong paandarin ito uli,” ang isinigaw ko sa mga guwardiya isang gabi. Dahil naiinis sa init, ingay, at usok, minadali ng mga guwardiya ang pag-iinspeksiyon at pinaalis na ako.
Nang mga panahong iyon, inatasan akong mag-organisa ng kombensiyon sa Townsville para sa mga Saksing tagaroon. Rasyon-rasyon ang pagkain at para makuha ang kailangan namin, dapat muna itong aprobahan ng hukom doon. Ang ating Kristiyanong mga kapatid na lalaki ay nakabilanggo nang mga panahong iyon dahil sa kanilang neutralidad. Kaya nang magpalista ako para makipagkita sa hukom ay naisip ko, ‘Tama ba ang gagawin ko, o gagalitin ko lamang sila?’ Magkagayunman, tumuloy na rin ako gaya ng tagubilin.
Nakaupo ang hukom sa harap ng kaniyang magarang mesa at pinaupo niya ako. Nang sabihin ko sa kaniya ang pakay ko, tinitigan niya ako nang matagal. At saka siya nagtanong, “Gaano karaming pagkain ang kailangan mo?” Iniabot ko sa kaniya ang listahan ng pinakakaunting pagkain na kailangan namin. Tiningnan niya iyon at saka sinabi: “Parang kulang ’to. Buti pa, doblehin natin.” Umalis ako sa kaniyang opisina na lubos na nagpapasalamat kay Jehova, na nagturo na naman sa akin ng isa pang mahalagang aral tungkol sa pagtitiwala.
Noong Enero 1941, ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Australia. Maraming tao ang naghinala sa amin at pinagbintangan pa nga kami na espiya ng mga Hapon! Minsan, dalawang sasakyang punung-puno ng mga pulis at mga sundalo ang sumugod sa Kingdom Farm, isang parte ng lupa sa Atherton Plateau na binili namin para pagtamnan. Hinahanap nila ang malaking lente na diumano’y ginagamit namin para senyasan ang kaaway. Pinagbintangan din kami na nagtatanim daw kami ng mais sa paraang makapagbibigay ng signal na mababasa mula sa himpapawid! Siyempre pa, ang lahat ng mga bintang na ito ay napatunayang hindi totoo.
Dahil sa pagbabawal, kinailangan naming maging maingat—at mapamaraan—kapag naghahatid ng literatura. Halimbawa, nang ilabas ang aklat na Children, kumuha ako ng isang karton nito sa Brisbane, ibiniyahe ko ito sa tren patungong norte, at nag-iwan ako ng mga aklat sa mga istasyon ng tren kung saan mayroon nang kongregasyon. Para hindi na mag-isip ang mga pulis at mga sundalong inspektor na buksan pa ang karton, nagdala ako ng pabilog na talim ng lagari at itinali iyon sa ibabaw ng kahon bago ibaba ng tren. Simple nga, pero lagi namang umuubra ang taktikang ito. Nakahinga nang maluwag ang bayan ni Jehova nang ang pagbabawal—na inilarawan ng isang hukom na “kapritso lamang, wala sa lugar, at mapang-api”—ay inalis noong Hunyo 1943.
Ipinatawag Para Magsundalo
Bago nito, kami nina Aubrey Wills at Norman Bellotti ay ipinatawag para magsundalo. Isang linggo bago ako ipatawag, ipinatawag sina Aubrey at Norman at sinentensiyahan sila ng anim-na-buwang pagkabilanggo. Nang panahong iyon, kinukumpiska ng tanggapan ng koreo ang mga magasing Watchtower na nakapangalan sa mga kilalang Saksi pero hindi yaong mga ipinadadala sa ibang mga suskritor. Inatasan kami na hanapin ang isa sa mga suskritor na ito, kopyahin ang mga magasin, at ipamahagi ang mga kopya sa kapuwa mga Saksi. Sa ganitong paraan, regular kaming nakatatanggap ng espirituwal na pagkain.
Nang dumating ang inaasahan kong anim-na-buwang sentensiya, agad ko itong iniapela, gaya ng itinagubilin ng tanggapang pansangay sa Sydney. Ito ay para mabinbin ang paglalapat sa akin ng sentensiya hanggang sa may iba nang atasan na mag-aasikaso sa gawain. Habang malaya pa ako, dinalaw ko ang ilan sa 21 Saksi na nakabilanggo sa gawing hilaga ng Queensland. Karamihan sa kanila ay nakabilanggo sa iisang lugar, at galit sa amin ang warden doon. Nang ipaalaala ko sa kaniya na nabibisita ng mga ministro ng ibang relihiyon ang kanilang mga miyembro, nagalit siya. “Kung ako ang masusunod,” ang sigaw niya, “palilinyahin ko ang lahat ng mga Saksi ni Jehova at isa-isang pagbababarilin!” Agad akong inilabas ng mga guwardiya.
Nang dumating ang araw ng pagdinig sa aking kaso, binigyan ako ng abogado gaya ng sinasabi sa batas. Pero sa katunayan, ako ang humawak sa aking kaso na ang ibig sabihin ay nagtiwala ako nang lubusan kay Jehova. At hindi naman niya ako pinabayaan. (Lucas 12:11, 12; Filipos 4:6, 7) Nakatutuwa, nagtagumpay ang apela dahil mali-mali ang nakasulat sa dokumento tungkol sa paratang!
Noong 1944, inatasan ako sa isang malaking sirkitong sumasaklaw sa buong South Australia, hilagang Victoria, at sa lunsod ng Sydney sa New South Wales. Nang sumunod na taon, pinasimulan ang isang pandaigdig na kampanya para sa pahayag pangmadla, anupat ang bawat tagapagsalita ay maghahanda ng kaniyang pahayag batay sa inilaang isang-pahinang balangkas. Isang bagong hamon ang pagbibigay ng isang-oras na pahayag, pero ginampanan namin ito na lubos na nagtitiwala kay Jehova, at pinagpala niya ang aming mga pagsisikap.
Pag-aasawa at mga Bagong Pananagutan
Noong Hulyo 1946, nagpakasal kami ni Beatrice Bellotti, at naglingkod kami bilang mga payunir. Tumira kami sa isang treyler, isang caravan na yari sa plywood. Ang aming anak na babae at kaisa-isang anak, si Jannyce (Jann), ay isinilang noong Disyembre 1950. Nagpayunir kami sa maraming lugar, kasama na ang bayan ng Kempsey, New South Wales, kung saan kami lamang ang mga Saksi. Tuwing Linggo ay pumupunta kami sa bulwagan ng komunidad, para magbigay ng pahayag pangmadla na inianunsiyo namin sa mga pulyeto. Sa loob ng ilang buwan, sina Beatrice at ang sanggol naming si Jann lamang ang aking tagapakinig. Pero di-nagtagal, may pailan-ilan na kaming mga tagapakinig. Sa kasalukuyan, may dalawa nang masulong na kongregasyon sa Kempsey.
Nang dalawang taóng gulang na si Jann, tumira kami sa Brisbane. Nang matapos niya ang kaniyang pag-aaral, nagpayunir kaming buong mag-anak nang apat na taon sa bayan ng Cessnock sa New South Wales at saka kami bumalik sa Brisbane para alagaan ang nanay ni Beatrice na maysakit. Sa ngayon, pribilehiyo kong maglingkod bilang isang elder sa Kongregasyon ng Chermside.
Kami ni Beatrice ay nagpapasalamat kay Jehova sa napakarami niyang pagpapala sa amin, kasama na ang pribilehiyong matulungan ang 32 indibiduwal na makilala si Jehova. Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil sa aking mahal na asawa, na bukod sa mahinahon at mahinhin, wala ring takot na isulong ang katotohanan sa Bibliya. Dahil sa kaniyang pag-ibig at pagtitiwala sa Diyos at sa kaniyang ‘simpleng mata,’ isa siyang tunay na maaasahang asawang babae at ina. (Mateo 6:22, 23; Kawikaan 12:4) Kasama ni Beatrice, masasabi ko mula sa kaibuturan ng aking puso: ‘Pinagpapala ang matipunong lalaki na naglalagak ng kaniyang tiwala kay Jehova.’—Jeremias 17:7.
[Talababa]
^ par. 19 Mababasa ang talambuhay ni Percy Iszlaub sa isyu ng Nobyembre 15, 1981 ng magasing ito.
[Larawan sa pahina 9]
Ginamit namin ang kotseng ito na may laud-ispiker noong nasa gawing hilaga kami ng Queensland
[Larawan sa pahina 10]
Pagtulong sa magkapatid na Kilpatrick para itulak ang kanilang sasakyan noong tag-ulan sa gawing hilaga ng Queensland
[Larawan sa pahina 12]
Noong araw ng aming kasal