Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Saliksikin ang “Malalalim na Bagay ng Diyos”

Saliksikin ang “Malalalim na Bagay ng Diyos”

Saliksikin ang “Malalalim na Bagay ng Diyos”

“Sinasaliksik ng espiritu ang lahat ng bagay, maging ang malalalim na bagay ng Diyos.”​—1 CORINTO 2:10.

1. Anu-anong katotohanan sa Bibliya ang nakapagpapagalak sa baguhang mga estudyante ng Bibliya?

NATATANDAAN pa ng karamihan sa atin na kabilang sa kongregasyong Kristiyano ang nadama nating kagalakan nang una nating malaman ang katotohanan. Natutuhan natin kung bakit mahalaga ang pangalan ni Jehova, kung bakit niya pinahihintulutan ang pagdurusa, kung bakit pupunta sa langit ang ilang tao, at kung ano ang kinabukasan ng iba pang tapat na mga tao. Baka nasuri na natin noon ang Bibliya, pero hindi natin naunawaan ang mga bagay na ito, gaya ng karamihan ng mga tao sa sanlibutan. Para tayong isang taong gustong makakita ng mga bahura ng korales sa ilalim ng tubig. Palibhasa’y walang anumang kagamitan, hindi niya makita nang malinaw ang magagandang bagay sa ilalim ng tubig. Pero tuwang-tuwa siya sapagkat nang gumamit siya ng goggles na pansisid, nakita niya sa kauna-unahang pagkakataon ang mga korales at isda na may matitingkad na kulay at iba pang pagkagagandang nilalang sa dagat. Sa katulad na paraan, nang may tumulong sa atin na maunawaan ang Kasulatan, nasulyapan natin, wika nga, sa kauna-unahang pagkakataon ang “malalalim na bagay ng Diyos.”​—1 Corinto 2:8-10.

2. Bakit masasabing walang katapusan ang kagalakang naidudulot ng pag-aaral ng Salita ng Diyos?

2 Kontento na ba tayo sa basta pagsulyap lamang sa mga katotohanan sa Bibliya? Kasama sa pananalitang “malalalim na bagay ng Diyos” ang pagkaunawa hinggil sa karunungan ng Diyos na isinisiwalat ng banal na espiritu sa mga Kristiyano subalit naging lihim naman sa iba. (1 Corinto 2:7) Napakarami nga nating matututuhan hinggil sa karunungan ng Diyos! Bagaman hindi natin malalaman ang lahat hinggil sa kaniyang karunungan, makadarama tayo ng masidhing kagalakan kapag sinasaliksik natin ito. Kung patuloy at buong-sikap nating sasaliksikin ang “malalalim na bagay ng Diyos,” mapananatili natin ang kagalakang ating nadama noong una nating matutuhan ang pangunahing mga turo ng Bibliya.

3. Bakit natin kailangang lubusang maunawaan ang saligan ng ating mga paniniwala?

3 Bakit kailangan nating maunawaan ang “malalalim na bagay” na iyon? Magiging matibay ang ating pananampalataya at pagtitiwala kung mauunawaan natin hindi lamang kung ano ang ating mga pinaniniwalaan kundi kung bakit natin ito pinaniniwalaan​—ang saligan ng ating mga paniniwala. Pinasisigla tayo ng Kasulatan na gamitin ang ating “kakayahan sa pangangatuwiran” upang “mapatunayan [natin sa ating] sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:1, 2) Kung nauunawaan natin kung bakit hinihiling ni Jehova na mamuhay tayo ayon sa kaniyang mga pamantayan, lalo tayong magiging determinado na sumunod sa kaniya. Kaya ang kaalaman hinggil sa “malalalim na bagay” ay makapagpapalakas sa atin na labanan ang tuksong gumawa ng masama at makapagpapasigla sa atin na maging “masigasig sa maiinam na gawa.”​—Tito 2:14.

4. Ano ang nasasangkot sa pag-aaral ng Bibliya?

4 Kailangan nating mag-aral upang maunawaan ang malalalim na bagay. Pero ang pag-aaral ay hindi lamang basta pagbabasa. Kailangan dito ang maingat na pagsusuri sa impormasyon upang makita kung paano ito nauugnay sa mga bagay na dati na nating alam. (2 Timoteo 1:13) Dapat nating maunawaan ang diwa ng ating binabasa. Kalakip din sa pag-aaral ng Bibliya ang pagbubulay-bulay kung paano natin magagamit ang ating natututuhan upang makapagpasiya nang tama at makatulong sa iba. Gayundin, yamang “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang,” dapat na pag-aralan natin ang “bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (2 Timoteo 3:16, 17; Mateo 4:4) Kailangan talaga ang pagsisikap sa pag-aaral ng Bibliya! Pero maaari din itong maging kasiya-siya, at hindi naman ganoon kahirap maunawaan ang “malalalim na bagay ng Diyos.”

Tinutulungan ni Jehova ang mga Mapagpakumbaba na Makaunawa

5. Sino ang makauunawa sa “malalalim na bagay ng Diyos”?

5 Kahit na hindi ka magaling sa klase at wala kang hilig mag-aral, huwag mong isipin na hindi mo maiintindihan ang “malalalim na bagay ng Diyos.” Noong panahon ng ministeryo ni Jesus dito sa lupa, ipinaunawa ni Jehova ang Kaniyang layunin, hindi sa matatalino, kundi sa mga walang pinag-aralan at pangkaraniwang mga tao subalit mapagpakumbaba naman at handang magpaturo sa mga lingkod ng Diyos. Para silang mga sanggol kung ihahambing sa edukadong mga tao. (Mateo 11:25; Gawa 4:13) Hinggil sa “mga bagay na inihanda ng Diyos para roon sa mga umiibig sa kaniya,” ganito ang isinulat ni apostol Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya: “Sa atin isiniwalat ng Diyos ang mga ito sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, sapagkat sinasaliksik ng espiritu ang lahat ng bagay, maging ang malalalim na bagay ng Diyos.”​—1 Corinto 2:9, 10.

6. Ano ang ibig sabihin ng 1 Corinto 2:10?

6 Paano sinasaliksik ng espiritu ng Diyos “ang lahat ng bagay, maging ang malalalim na bagay ng Diyos”? Sa halip na bigyan ang bawat indibiduwal na Kristiyano ng personal na pagsisiwalat, ginagamit ni Jehova ang kaniyang espiritu upang patnubayan ang kaniyang organisasyon, na siya namang tumutulong sa nagkakaisang bayan ng Diyos na maunawaan ang Bibliya. (Gawa 20:28; Efeso 4:3-6) Iisa lamang ang programa sa pag-aaral ng Bibliya ng lahat ng kongregasyon sa buong daigdig. Sa paglipas ng panahon, tinatalakay sa mga kongregasyon ang maraming iba’t ibang turo ng Bibliya. Sa pamamagitan ng kongregasyon, tinutulungan ng banal na espiritu ang mga tao na magkaroon ng saloobing kailangan upang maunawaan ang “malalalim na bagay ng Diyos.”​—Gawa 5:32.

Kung Ano ang “Malalalim na Bagay ng Diyos”

7. Bakit hindi nauunawaan ng maraming tao ang “malalalim na bagay ng Diyos”?

7 Hindi natin dapat isipin na ang “malalalim na bagay” ay laging tumutukoy sa mga bagay na mahirap maunawaan. Ang kaalaman hinggil sa “malalalim na bagay ng Diyos” ay naging lihim sa karamihan ng mga tao, hindi dahil sa mahirap maunawaan ang karunungan ng Diyos, kundi dahil nililinlang ni Satanas ang mga tao upang tanggihan nila ang tulong na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng Kaniyang organisasyon.​—2 Corinto 4:3, 4.

8. Anu-anong malalalim na bagay ang tinukoy ni Pablo sa ikatlong kabanata ng kaniyang liham sa mga taga-Efeso?

8 Ipinakikita ng ikatlong kabanata ng liham ni Pablo sa mga taga-Efeso na kasali sa “malalalim na bagay ng Diyos” ang maraming katotohanan na alam na alam ng karamihan sa mga lingkod ni Jehova, gaya ng pagkakakilanlan ng ipinangakong Binhi, pagpili mula sa sangkatauhan ng mga indibiduwal na magtutungo sa langit, at katotohanan hinggil sa Mesiyanikong Kaharian. Isinulat ni Pablo: “Sa ibang mga salinlahi ang lihim na ito ay hindi ipinaalam sa mga anak ng mga tao gaya ng isiniwalat na ngayon sa kaniyang banal na mga apostol at mga propeta sa pamamagitan ng espiritu, samakatuwid nga, na ang mga tao ng mga bansa ay magiging mga kasamang tagapagmana at mga kasangkap ng katawan at mga kabahagi natin sa pangako kaisa ni Kristo Jesus.” Sinabi ni Pablo na inatasan siyang ‘ipakita sa mga tao kung paanong pinangangasiwaan ang sagradong lihim na mula noong nakalipas na panahong walang takda ay nakatago sa Diyos.’​—Efeso 3:5-9.

9. Bakit isang pribilehiyo na maunawaan ang “malalalim na bagay ng Diyos”?

9 Ipinaliwanag pa ni Pablo na kalooban din ng Diyos na “sa pamamagitan ng kongregasyon ay maipaalam . . . sa makalangit na mga dako ang malawak na pagkakasari-sari ng karunungan ng Diyos.” (Efeso 3:10) Natututo ang mga anghel sa pamamagitan ng pagmamasid at pag-unawa sa karunungan ni Jehova na makikita sa kaniyang pakikitungo sa kongregasyong Kristiyano. Kaylaking pribilehiyo nga natin na maunawaan ang mga bagay na gustong malaman maging ng mga anghel! (1 Pedro 1:10-12) Pagkatapos, sinabi ni Pablo na dapat nating sikapin na “maintindihan . . . kasama ng lahat ng mga banal kung ano ang lapad at haba at taas at lalim” ng Kristiyanong pananampalataya. (Efeso 3:11, 18) Isaalang-alang natin ngayon ang ilang halimbawa ng malalalim na bagay na makapagpapalawak ng ating kaunawaan.

Halimbawa ng Malalalim na Bagay

10, 11. Ayon sa Bibliya, kailan naging pangunahing bahagi ng “binhi” ng makalangit na “babae” ng Diyos si Jesus?

10 Alam natin na si Jesus ang pangunahing bahagi ng “binhi” ng makalangit na “babae” ng Diyos na tinutukoy sa Genesis 3:15. Upang mapalawak ang ating kaunawaan, maaari nating itanong: ‘Kailan natupad ang hula na si Jesus ang magiging Binhi? Bago ba siya naging tao, noong ipanganak siya sa lupa, noong bautismuhan siya, o noong buhayin siyang muli?’

11 Ipinangako ng Diyos na ang makalangit na bahagi ng kaniyang organisasyon, na tinukoy sa hula bilang kaniyang “babae,” ay magluluwal ng binhi na susugat sa ulo ng serpiyente. Libu-libong taon ang lumipas pero hindi nagluwal ang babae ng Diyos ng binhi na makapupuksa kay Satanas at makasisira sa kaniyang mga gawa. Kaya naman sa hula ni Isaias, sinasabing ang babae ng Diyos ay “baog” at “sinaktan sa espiritu.” (Isaias 54:1, 5, 6) Nang maglaon, ipinanganak si Jesus sa Betlehem. Pero saka lamang siya pinahiran ng banal na espiritu at naging espirituwal na anak ng Diyos pagkatapos siyang mabautismuhan, anupat inihayag ni Jehova: “Ito ang aking Anak.” (Mateo 3:17; Juan 3:3) Sa wakas, nakilala na rin ang pangunahing bahagi ng “binhi” ng babae. Nang maglaon, ang mga tagasunod ni Jesus ay pinahiran din ng banal na espiritu at naging mga anak ng Diyos. Ang “babae” ni Jehova, na kaytagal nang tulad ng isang “babaing . . . hindi nanganak,” ay ‘makahihiyaw na rin nang may kagalakan.’​—Isaias 54:1; Galacia 3:29.

12, 13. Anu-anong teksto sa Bibliya ang nagpapakitang ang lahat ng pinahirang Kristiyano sa lupa ang bumubuo sa “tapat at maingat na alipin”?

12 Ang ikalawang halimbawa ng malalalim na bagay na isiniwalat sa atin ay may kaugnayan sa layunin ng Diyos na pumili ng 144,000 mula sa sangkatauhan. (Apocalipsis 14:1, 4) Tinatanggap natin ang turo na ang lahat ng pinahirang Kristiyano na nabubuhay sa lupa sa anumang panahon ang siyang bumubuo sa “tapat at maingat na alipin,” na ayon kay Jesus ay maglalaan ng napapanahong “pagkain” para sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan. (Mateo 24:45) Anu-anong teksto sa Bibliya ang nagpapatunay na tama ang pagkaunawang ito? Hindi kaya ang tinutukoy lamang ni Jesus ay ang sinumang Kristiyano na nagpapatibay sa kaniyang mga kapatid sa pamamagitan ng espirituwal na pagkain?

13 Sinabi ng Diyos sa bansang Israel: “Kayo ang aking mga saksi, . . . ang akin ngang lingkod na aking pinili.” (Isaias 43:10) Pero noong Nisan 11 ng taóng 33 C.E., sinabi ni Jesus sa mga lider ng Israel na itinakwil na ng Diyos ang kanilang bansa at hindi na ito tinatanggap bilang Kaniyang lingkod. Sinabi niya: “Ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.” Sinabi ni Jesus sa mga pulutong: “Narito! Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.” (Mateo 21:43; 23:38) Bilang alipin ni Jehova, hindi naging tapat ni maingat man ang sambahayan ng Israel. (Isaias 29:13, 14) Nang araw ding iyon, nagtanong si Jesus: “Sino talaga ang tapat at maingat na alipin?” Sa ibang pananalita, itinatanong niya, ‘Anong maingat na bansa ang papalit sa Israel bilang tapat na alipin ng Diyos?’ Sinagot ito ni apostol Pedro nang sabihin niya sa kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano: “Kayo ay . . . ‘isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari.’” (1 Pedro 1:4; 2:9) Ang espirituwal na bansang iyon, ang “Israel ng Diyos,” ang naging bagong alipin ni Jehova. (Galacia 6:16) Kung paanong ang lahat ng mamamayan ng sinaunang Israel ang bumubuo noon sa isang “lingkod,” ang lahat din ng pinahirang Kristiyano sa lupa sa anumang panahon ang bumubuo sa “tapat at maingat na alipin.” Kaylaki ngang pribilehiyo natin na tumanggap ng “pagkain” sa pamamagitan ng alipin ng Diyos!

Maaaring Gawing Kasiya-siya ang Personal na Pag-aaral

14. Bakit higit na nakapagdudulot ng kagalakan ang pag-aaral ng Bibliya kaysa sa basta pagbabasa lamang nito?

14 Habang lalo nating nauunawaan ang mga katotohanan sa Bibliya, hindi ba’t nasisiyahan tayo dahil napatitibay nito ang ating pananampalataya? Kaya higit na nakapagdudulot ng kagalakan ang pag-aaral ng Bibliya kaysa sa basta pagbabasa lamang nito. Samakatuwid, kapag nagbabasa ka ng Kristiyanong mga publikasyon, tanungin ang iyong sarili: ‘Paano nauugnay ang paliwanag na ito sa dati ko nang alam hinggil sa paksang ito? Anu-ano pang karagdagang teksto sa Bibliya o mga argumento ang sumusuporta sa mga ideyang iniharap sa artikulong ito?’ Kung kailangan mo pang magsaliksik, isulat ang tanong na gusto mong masagot, at gawin itong paksa ng susunod mong proyekto sa pag-aaral.

15. Anu-ano ang ilang halimbawa ng kasiya-siyang proyekto sa pag-aaral, at paano ito magiging lubusang kapaki-pakinabang?

15 Anu-anong kasiya-siyang proyekto sa pag-aaral ang tutulong sa iyo na matuto ng bagong mga bagay? Ang mga proyektong gaya ng masusing pagsasaliksik sa iba’t ibang tipan na ginamit ng Diyos para sa kapakinabangan ng sangkatauhan ay makapagpapalawak ng ating kaunawaan. Mapatitibay mo ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga hula hinggil kay Jesu-Kristo o talata-por-talatang pagsusuri sa isa sa makahulang mga aklat ng Bibliya. Nakapagpapatibay rin ng pananampalataya ang pagrerepaso sa makabagong-panahong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova, gamit ang aklat na Mga Saksi ni Jehova​Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. * At lalo mong mauunawaan ang ilang teksto sa Bibliya kung rerepasuhin mo ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” na inilathala sa nakalipas na mga isyu ng Ang Bantayan. Bigyan ng pantanging pansin kung anong pangangatuwiran sa Kasulatan ang ginamit sa naging konklusyon ng artikulo. Matutulungan ka nito na sanayin at pasulungin ang iyong “mga kakayahan sa pang-unawa.” (Hebreo 5:14) Habang nag-aaral ka, magsulat ka ng nota sa iyong personal na kopya ng Bibliya o sa isang piraso ng papel upang ikaw at ang tinutulungan mo ay makinabang nang husto sa natutuhan mo.

Tulungan ang mga Kabataan na Masiyahan sa Pag-aaral ng Bibliya

16. Paano mo matutulungan ang mga kabataan na masiyahan sa pag-aaral ng Bibliya?

16 Malaki ang magagawa ng mga magulang upang pasiglahin ang kanilang mga anak na magkaroon ng kaugnayan sa Diyos. Huwag maliitin ang kakayahan ng mga kabataan na maunawaan ang malalalim na bagay. Kapag inatasan mo ang iyong mga anak na saliksikin ang isang paksa bilang paghahanda sa pampamilyang pag-aaral ng Bibliya, maaari mo silang tanungin hinggil sa natutuhan nila. Sa panahon ng pampamilyang pag-aaral, maaari ding gumawa ng pagsasadula upang sanayin ang mga anak na ipagtanggol ang kanilang pananampalataya at patunayang tama ang itinuro sa kanila. Bukod diyan, maaari mong gamitin ang brosyur na ‘Tingnan Mo ang Mabuting Lupain’ * upang ituro sa kanila ang tungkol sa mga lupain sa Bibliya at upang mas maunawaan nila ang tinatalakay ninyo sa lingguhang pagbabasa ng Bibliya.

17. Bakit tayo dapat maging timbang sa ating mga proyekto sa personal na pag-aaral ng Bibliya?

17 Ang mga proyekto sa personal na pag-aaral ng Bibliya ay kasiya-siya at nakapagpapatibay ng pananampalataya, pero huwag mong pabayaan ang paghahanda sa mga pulong ng kongregasyon. Ang mga pulong ay isa pang paraan ng pagtuturo sa atin ni Jehova sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” Gayunman, ang karagdagang pagsasaliksik ay makatutulong para makapagbigay ka ng makabuluhang komento sa mga pulong​—halimbawa, sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat o sa tampok na mga bahagi sa lingguhang pagbabasa ng Bibliya sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo.

18. Bakit sulit ang pagsisikap na pag-aralan ang “malalalim na bagay ng Diyos”?

18 Ang seryoso at personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos ay tutulong sa iyo na mapalapít kay Jehova. Hinggil sa kahalagahan ng gayong pag-aaral, sinasabi ng Bibliya: “Ang karunungan ay pananggalang kung paanong ang salapi ay pananggalang; ngunit ang pakinabang sa kaalaman ay na iniingatang buháy ng karunungan ang mga nagtataglay nito.” (Eclesiastes 7:12) Kaya sulit ang mga pagsisikap na palalimin ang iyong kaunawaan sa mga katotohanang galing sa Diyos. Ipinangangako ng Bibliya sa mga patuloy na nagsasaliksik: “Masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos.”​—Kawikaan 2:4, 5.

[Mga talababa]

^ par. 15 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 16 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Ano ang “malalalim na bagay ng Diyos”?

• Bakit hindi tayo dapat tumigil sa pag-aaral ng malalalim na bagay?

• Bakit may pagkakataon ang lahat ng Kristiyano na masiyahan sa pag-unawa sa “malalalim na bagay ng Diyos”?

• Paano ka makikinabang nang lubusan sa “malalalim na bagay ng Diyos”?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 28]

Kailan natupad ang hula na si Jesus ang magiging Binhi?

[Larawan sa pahina 31]

Maaaring atasan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng mga paksang sasaliksikin nila bilang paghahanda sa pampamilyang pag-aaral