Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sinasamantala Mo ba ang mga Pagkakataong Sabihin sa Iba ang Iyong mga Paniniwala?

Sinasamantala Mo ba ang mga Pagkakataong Sabihin sa Iba ang Iyong mga Paniniwala?

Sinasamantala Mo ba ang mga Pagkakataong Sabihin sa Iba ang Iyong mga Paniniwala?

“MAYROON ba talagang maituturing na ganap na katotohanan?” Iyan ang paksa ng pambansang paligsahan sa pagsulat ng sanaysay sa Poland. Ganito ang sinasabi sa tagubilin hinggil sa pagsulat ng sanaysay: “Hindi natin kailangan ang ganap na katotohanan. Hindi ito kailangan ninuman. Tutal, wala naman talagang maituturing na ganap na katotohanan.” Ipinasiya ni Agata, 15-taóng-gulang na estudyante sa haiskul at isang Saksi ni Jehova, na gamitin ang pagkakataong ito upang sabihin sa iba ang kaniyang relihiyosong mga paniniwala.

Bago niya sinimulan ang pagsulat ng sanaysay, nanalangin muna si Agata kay Jehova at humiling ng Kaniyang tulong, saka siya nagsaliksik hinggil sa paksa. Nakakita siya ng angkop na impormasyon sa Ang Bantayan, isyu ng Hulyo 1, 1995. Sinipi niya ang tanong ni Poncio Pilato kay Jesus: “Ano ang katotohanan?” (Juan 18:38) Isinulat niya sa kaniyang sanaysay na mapangutya ang tanong na iyon, na para bang sinasabi ni Pilato: ‘Katotohanan? Anong katotohanan? Walang maituturing na katotohanan!’ “Ang tanong ni Pilato ay nagpaalaala sa akin sa ibinigay na tagubilin sa pagsulat ng sanaysay,” ang isinulat ni Agata.

Pagkatapos, tinalakay niya kung paano unti-unting nabuo ang paniniwala na tinatawag na relativism​—ang ideya na ang dalawang tao ay maaaring magkaroon ng magkaibang pananaw kung ano ang totoo pero maaaring pareho silang “tama.” Nagbangon siya ng mga tanong na gaya ng, “Sino sa atin ang maglalakas-loob na sumakay ng eroplano kung hindi tayo naniniwala na ang mga batas ng aerodynamics ay ganap na katotohanan?” Saka niya binanggit ang Bibliya, na sinasabi: “Makapagtitiwala tayo sa Salita ng Diyos dahil ang mga nilalaman nito ay mapatutunayan nating totoo.” Idinagdag pa niya na umaasa siyang ang mga taimtim na naghahanap ng ganap na katotohanan ay magiging matiyaga para masumpungan nila ito.

Nagwagi si Agata ng espesyal na diploma at nabigyan siya ng pagkakataong magtalumpati sa harap ng buong klase. Ilan sa kaniyang mga kamag-aral ang sumang-ayon na makipag-aral sa kaniya ng Bibliya. Masayang-masaya si Agata dahil nagamit niya ang pagkakataong ito para sabihin sa iba ang kaniyang mga paniniwala. Oo, maganda ang ibubunga kung handa kang samantalahin ang pagkakataon na sabihin sa iba ang iyong paniniwala. Anu-anong pagkakataon ang naiisip mo?