Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tampok na Bahagi sa mga Aklat ng Nahum, Habakuk, at Zefanias

Mga Tampok na Bahagi sa mga Aklat ng Nahum, Habakuk, at Zefanias

Mga Tampok na Bahagi sa mga Aklat ng Nahum, Habakuk, at Zefanias

NAPABAGSAK na ng kapangyarihang pandaigdig ng Asirya ang Samaria, na siyang kabisera ng sampung-tribong kaharian ng Israel. Matagal na ring banta sa Juda ang Asirya. May mensahe si propeta Nahum ng Juda hinggil sa Nineve, ang kabisera ng Asirya. Ang mensaheng iyan ay nasa aklat ng Bibliya na Nahum, na isinulat bago ang 632 B.C.E.

Sumunod sa Asirya bilang kapangyarihang pandaigdig ang Imperyo ng Babilonya, na may mga pagkakataong pinamahalaan ng mga haring Caldeo. Inihuhula sa aklat ng Habakuk, na natapos marahil noong 628 B.C.E., kung paano gagamitin ni Jehova ang kapangyarihang pandaigdig na iyon upang ilapat ang kaniyang hatol at kung ano ang mangyayari sa Babilonya sa dakong huli.

Mas naunang humula ang propetang si Zefanias ng Juda kaysa kina Nahum at Habakuk. Mahigit 40 taon bago mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., humula siya ng isang mensahe ng pagkawasak at ng pag-asa para sa Juda. Ang aklat ng Bibliya na Zefanias ay may mga kapahayagan din laban sa iba pang mga bansa.

“SA ABA NG LUNSOD NG PAGBUBUBO NG DUGO”

(Nahum 1:1–3:19)

“Ang kapahayagan laban sa Nineve” ay mula sa Diyos na Jehova, na “mabagal sa pagkagalit at dakila sa kapangyarihan.” Si Jehova ay “isang moog sa araw ng kabagabagan” para sa mga nanganganlong sa kaniya. Pero wawasakin niya ang Nineve.​—Nahum 1:1, 3, 7.

“Titipunin [isasauli] ni Jehova ang pagmamapuri ng Jacob.” Gayunman, gaya ng ‘leon na nanlalapa,’ tinatakot ng Asirya ang bayan ng Diyos. “Susunugin [ni Jehova] sa usok ang . . . karong pandigma [ng Nineve]. At lalamunin ng tabak ang . . . mga may-kilíng na batang leon” nito. (Nahum 2:2, 12, 13) “Sa aba ng lunsod ng pagbububo ng dugo”​—ang Nineve. “Ang lahat ng makaririnig ng ulat tungkol sa [kaniya] ay tiyak na magpapalakpak ng kanilang mga kamay” at magsasaya.​—Nahum 3:1, 19.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

1:9—Ano ang kahulugan para sa Juda ng “ganap na paglipol” sa Nineve? Nangangahulugan ito na hindi na sila kailanman liligaligin ng Asirya; “ang kabagabagan ay hindi babangon sa ikalawang pagkakataon.” Para bang naglaho na ang Nineve nang isulat ni Nahum: “Narito! Nasa ibabaw ng mga bundok ang mga paa niyaong nagdadala ng mabuting balita, niyaong naghahayag ng kapayapaan. O Juda, ipagdiwang mo ang iyong mga kapistahan.”​—Nahum 1:15.

2:6—Ano ang “mga pintuang-daan ng mga ilog” na nabuksan? Ang mga pintuang-daan na ito ay tumutukoy sa bahagi ng mga pader ng Nineve na gumuho dahil sa pag-apaw ng Ilog Tigris. Noong 632 B.C.E., hindi masyadong nabahala ang Nineve nang salakayin siya ng pinagsanib na puwersa ng mga Babilonyo at Medo. Palibhasa’y protektado ng matataas na pader ang lunsod, inakala niyang hindi siya kailanman mapapasok ng kalaban. Gayunman, umapaw ang Tigris dahil sa malakas na pag-ulan. Dahil dito, “binaha ang isang bahagi ng lunsod at gumuho ang malaking bahagi ng pader,” ayon sa istoryador na si Diodorus. Kaya nabuksan ang mga pintuang-daan ng tubig, at gaya ng inihula, nasakop ang Nineve na kasimbilis ng paglamon ng apoy sa tuyong pinaggapasan.​—Nahum 1:8-10.

3:4—Paano nakakatulad ng patutot ang Nineve? Nilinlang ng Nineve ang mga bansa sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan sa mga ito at pag-aalok ng tulong gayong ang tunay na pakay niya ay siilin ang mga ito. Halimbawa, tinulungan ng Asirya si Haring Ahaz ng Juda laban sa sabuwatan ng Sirya at Israel. Gayunman, nang maglaon, ang “hari ng Asirya ay pumaroon laban [kay Ahaz] at pinighati siya.”​—2 Cronica 28:20.

Mga Aral Para sa Atin:

1:2-6. Ang paghihiganti ni Jehova sa kaniyang mga kaaway, na ayaw magbigay ng bukod-tanging debosyon sa kaniya, ay nagpapakitang ang hinihiling niya sa kaniyang mga mananamba ay bukod-tanging debosyon.​—Exodo 20:5.

1:10. Ang naglalakihang mga pader na may daan-daang tore ay hindi nakahadlang sa katuparan ng salita ni Jehova laban sa Nineve. Ang mga kaaway ng bayan ni Jehova sa ngayon ay hindi makatatakas sa hatol ng Diyos.​—Kawikaan 2:22; Daniel 2:44.

‘ANG MATUWID AY MANANATILING BUHÁY’

(Habakuk 1:1–3:19)

Nakaulat sa unang dalawang kabanata ng aklat ng Habakuk ang pag-uusap ng propeta at ng Diyos na Jehova. Palibhasa’y nababagabag sa mga nagaganap sa Juda, nagtanong si Habakuk sa Diyos: “Bakit mo ipinakikita sa akin yaong nakasasakit, at patuloy kang tumitingin sa kabagabagan?” Bilang sagot, sinabi ni Jehova: “Ibabangon ko ang mga Caldeo, ang bansa na mapait at mapusok.” Hindi makapaniwala ang propeta na gagamitin ng Diyos “yaong mga nakikitungo nang may kataksilan” upang parusahan ang Juda. (Habakuk 1:3, 6, 13) Tiniyak ng Diyos kay Habakuk na ang mga matuwid ay mananatiling buháy, subalit ang mga kaaway ay hindi makatatakas sa kaparusahan. Bukod diyan, iniulat ni Habakuk ang limang kaabahan na pasasapitin sa kaaway na mga Caldeo.​—Habakuk 2:4.

Sa panalangin, hiniling ni Habakuk na magpakita sana ng awa si Jehova at isinaysay niya nang “may mga panambitan” ang mga naganap nang ipakita ni Jehova ang kaniyang kagila-gilalas na kapangyarihan sa Dagat na Pula, sa iláng, at sa Jerico. Inihula rin ng propeta ang paghayo ni Jehova upang puksain ang mga kaaway sa Armagedon. Sinabi niya sa katapusan ng kaniyang panalangin: “Si Jehova na Soberanong Panginoon ay aking kalakasan; at ang aking mga paa ay gagawin niyang tulad ng sa mga babaing usa, at sa aking matataas na dako ay palalakarin niya ako.”​—Habakuk 3:1, 19.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

1:5, 6—Bakit waring di-kapani-paniwala para sa mga Judio na babangon ang mga Caldeo laban sa Jerusalem? Nang magsimulang humula si Habakuk, matindi ang impluwensiya ng Ehipto sa Juda. (2 Hari 23:29, 30, 34) Bagaman lumalakas na noon ang puwersa ng mga Babilonyo, hindi pa natatalo ng hukbo nito si Paraon Neco. (Jeremias 46:2) Bukod diyan, nasa Jerusalem ang templo ni Jehova, at patuloy ang pamamahala ng mga haring nagmumula sa angkan ni David. Para sa mga Judio nang panahong iyon, malabong hayaan ng Diyos na wasakin ng mga Caldeo ang Jerusalem. Pero hindi man kapani-paniwala para sa kanila ang mensahe ni Habakuk, ‘walang pagsalang nagkatotoo’ ang pangitain hinggil sa pagwasak ng mga Babilonyo sa Jerusalem noong 607 B.C.E.​—Habakuk 2:3.

2:5—Sino ang “matipunong lalaki,” at bakit “hindi niya mararating ang kaniyang tunguhin”? Ang “matipunong lalaki” ay tumutukoy sa mga Babilonyo, na gumamit ng kanilang kahusayan sa pakikidigma upang manlupig ng mga bansa. Naging gaya siya ng isang lango sa alak nang makatikim siya ng tagumpay. Gayunman, hindi niya matagumpay na matitipon sa kaniyang sarili ang mga bansa sapagkat gagamitin ni Jehova ang mga Medo at Persiano upang pabagsakin siya. Sa makabagong panahon, ang “lalaki” ay tumutukoy sa pulitikal na mga kapangyarihan. Siya rin ay waring lango sa pagtitiwala sa sarili, kahambugan, at walang-kasiyahang paghahangad na manakop. Pero hindi niya maaabot ang kaniyang tunguhin na ‘tipunin sa kaniyang sarili ang lahat ng mga bansa.’ Magkakaisa lamang ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos.​—Mateo 6:9, 10.

Mga Aral Para sa Atin:

1:1-4; 1:12–2:1. Nagbangon si Habakuk ng taimtim na mga tanong at sinagot siya ni Jehova. Ang tunay na Diyos ay nakikinig sa panalangin ng kaniyang tapat na mga lingkod.

2:1. Gaya ni Habakuk, dapat na manatili tayong aktibo sa paglilingkod kay Jehova. Dapat na handa rin nating baguhin ang ating pag-iisip kapag tayo ay ‘sinaway,’ o itinuwid.

2:3; 3:16. Habang may-pananampalataya nating hinihintay ang nalalapit na araw ni Jehova, hindi natin dapat maiwala ang pagkadama ng pagkaapurahan.

2:4. Upang makaligtas sa nalalapit na araw ng paghatol ni Jehova, dapat tayong magbata at manatiling tapat.​—Hebreo 10:36-38.

2:6, 7, 9, 12, 15, 19. Tiyak na daranas ng kaabahan ang isa na sakim sa di-matapat na pakinabang, umiibig sa karahasan, gumagawa ng imoralidad, o sumasamba sa mga idolo. Dapat tayong maging mapagbantay upang maiwasan natin ang mga ugali at gawaing ito.

2:11. Kung hindi natin ilalantad ang kasamaan ng sanlibutang ito, “hihiyaw ang bato nang may paghihinagpis.” Mahalaga na patuloy nating ipangaral nang buong tapang ang mensahe ng Kaharian!

3:6. Walang makapipigil kay Jehova kapag inilapat na niya ang kaniyang hatol, kahit ang mga organisasyon ng tao na waring kasintatag ng mga bundok at burol.

3:13. Makatitiyak tayo na ang mga balakyot lamang ang mapupuksa sa Armagedon. Ililigtas ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod.

3:17-19. Dumanas man tayo ng mahirap na kalagayan bago at habang nagaganap ang Armagedon, makatitiyak tayo na bibigyan tayo ni Jehova ng “kalakasan” habang maligaya tayong naglilingkod sa kaniya.

“ANG ARAW NI JEHOVA AY MALAPIT NA”

(Zefanias 1:1–3:20)

Laganap sa Juda ang pagsamba kay Baal. Sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Zefanias: “Iuunat ko ang aking kamay laban sa Juda at laban sa lahat ng tumatahan sa Jerusalem.” Nagbabala si Zefanias: “Ang araw ni Jehova ay malapit na.” (Zefanias 1:4, 7, 14) Ang mga tumutupad lamang sa mga kahilingan ng Diyos ang ‘makukubli’ sa araw na iyon.​—Zefanias 2:3.

‘Sa aba ng mapaniil na lunsod’—ang Jerusalem! “‘Patuloy kayong maghintay sa akin,’ ang sabi ni Jehova, ‘hanggang sa araw ng aking pagbangon ukol sa pangangamkam, sapagkat ang aking hudisyal na pasiya ay ang tipunin ang mga bansa . . . upang ibuhos sa kanila ang aking pagtuligsa.’” Subalit nangako ang Diyos: “Gagawin ko kayong isang pangalan at isang kapurihan sa gitna ng lahat ng mga bayan sa lupa, kapag ang mga nabihag sa inyo ay tinipon kong muli sa inyong paningin.”​—Zefanias 3:1, 8, 20.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

2:13, 14—Kaninong “tinig ang patuloy na aawit” sa lubusang tiwangwang na Nineve? Yamang ang Nineve ay magiging tirahan ng maiilap na hayop at ibon, ang tinig na patuloy na aawit ay tumutukoy sa huni ng ibon at marahil sa sipol ng hangin na pumapasok sa bintana ng abandonadong mga gusali.

3:9—Ano ang “dalisay na wika,” at paano ito sinasalita? Ito ang katotohanan hinggil sa Diyos na masusumpungan sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Kalakip dito ang lahat ng turo ng Bibliya. Sinasalita natin ito sa pamamagitan ng paniniwala sa katotohanan, tumpak na pagtuturo nito sa iba, at pamumuhay kasuwato ng kalooban ng Diyos.

Mga Aral Para sa Atin:

1:8. Lumilitaw na gusto ng ilang Judio noong panahon ni Zefanias na tanggapin sila ng mga bansang nakapalibot sa kanila kaya ‘nagbibihis sila ng kagayakan ng banyaga.’ Kaylaking kamangmangan para sa mga mananamba ni Jehova sa ngayon na makiayon sa kalakaran ng sanlibutan!

1:12; 3:5, 16. Patuloy na isinugo ni Jehova ang kaniyang mga propeta upang babalaan ang kaniyang bayan hinggil sa kaniyang hudisyal na mga pasiya. Ginawa niya ito kahit na maraming Judio ang naging gaya ng latak na tumining at namuo sa ilalim ng tangkeng pang-alak, anupat ayaw nang paistorbo sa kanilang paraan ng pamumuhay at naging mapagwalang-bahala sa mensahe. Habang papalapit ang araw ni Jehova, sa halip na hayaan nating ‘lumaylay ang ating mga kamay’ at magpahinay-hinay tayo dahil sa kawalang-interes ng mga tao, kailangang walang-humpay nating ihayag ang mensahe ng Kaharian.

2:3. Si Jehova lamang ang makapagliligtas sa atin sa araw ng kaniyang galit. Upang patuloy niya tayong sang-ayunan, kailangan nating ‘hanapin si Jehova’ sa pamamagitan ng seryosong pag-aaral ng kaniyang Salita, ang Bibliya; paghiling ng kaniyang patnubay sa panalangin; at pagsisikap na maging malapít sa kaniya. Dapat nating ‘hanapin ang katuwiran’ sa pamamagitan ng pamumuhay nang malinis sa moral. At kailangan nating ‘hanapin ang kaamuan’ sa pamamagitan ng pagiging maamo at mapagpasakop.

2:4-15; 3:1-5. Kapag inilapat na ni Jehova ang kaniyang hatol, ang Sangkakristiyanuhan at ang lahat ng bansa, na sumisiil sa bayan ng Diyos, ay mapapatulad sa nangyari sa sinaunang Jerusalem at sa nakapalibot na mga bansa. (Apocalipsis 16:14, 16; 18:4-8) Kailangang patuloy nating ihayag nang walang takot ang mga kahatulan ng Diyos.

3:8, 9. Habang hinihintay natin ang araw ni Jehova, naghahanda tayo para sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagsisikap na matuto ng “dalisay na wika” at ‘pagtawag sa pangalan ng Diyos’ sa pamamagitan ng pag-aalay ng ating sarili sa kaniya. Naglilingkod din tayo kay Jehova “nang balikatan” kasama ng kaniyang bayan at naghahandog sa kaniya ng “hain ng papuri” bilang kaloob.​—Hebreo 13:15.

“Iyon ay Lubhang Minamadali”

Umawit ang salmista: “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at pagtutuunan mo nga ng pansin ang kaniyang dako, at siya ay mawawala na.” (Awit 37:10) Kapag binulay-bulay natin ang inihula hinggil sa Nineve sa aklat ng Nahum at hinggil sa Babilonya at apostatang Juda sa aklat ng Habakuk, makatitiyak tayo na matutupad ang sinabi ng salmista. Gayunman, gaano pa katagal tayo kailangang maghintay?

“Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na,” ang sabi sa Zefanias 1:14. “Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang minamadali.” Ipinakikita rin ng aklat ng Zefanias kung paano tayo makukubli sa araw na iyon at kung ano ang dapat nating gawin ngayon upang makapaghanda para sa kaligtasan. Talaga ngang “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.”​—Hebreo 4:12.

[Mga larawan sa pahina 8]

Ang naglalakihang mga pader ng Nineve ay hindi nakahadlang sa katuparan ng hula ni Nahum

[Credit Line]

Randy Olson/​National Geographic Image Collection