Nakapagdudulot Ka ba ng Kaginhawahan sa Iba?
Nakapagdudulot Ka ba ng Kaginhawahan sa Iba?
MATATAGPUAN sa timugang bahagi ng Kabundukan ng Anti-Lebanon ang maringal na Bundok Hermon, na 2,814 na metro ang taas sa kapantayan ng dagat. Halos sa buong taon, nababalutan ng niyebe ang taluktok ng Hermon. Dahil dito, ang mainit na singaw na dumaraan sa dakong iyon kung gabi ay nagiging hamog na bumabagsak sa mga punong abeto, mga namumungang punungkahoy sa mabababang dalisdis ng bundok, at sa mga ubasan sa paanan ng Hermon. Kapag mahaba noon ang tag-araw sa sinaunang Israel, ang gayong nakapagpapanariwang hamog ay nagiging pangunahing pinagmumulan ng halumigmig para sa mga pananim.
Sa isang awit na kinasihan ng Diyos, ang nakalulugod na pagkakaisa ng mga mananamba ni Jehova ay itinulad sa “hamog sa Hermon na bumababa sa mga bundok ng Sion.” (Awit 133:1, 3) Gaya ng Bundok Hermon na naglalaan ng nakapananariwang hamog sa mga pananim, tayo rin naman ay makapagdudulot ng kaginhawahan sa ating mga nakakasama. Paano natin ito magagawa?
Nagdulot si Jesus ng Kaginhawahan sa Iba
Nalulugod ang iba na makasama si Jesu-Kristo. Kahit ang saglit na pakikipag-usap sa kaniya ay nakapagpapaginhawa na. Halimbawa, sinasabi ng manunulat ng Ebanghelyo na si Marcos: “Kinuha [ni Jesus] sa kaniyang mga bisig ang mga bata at pinasimulan silang pagpalain, na ipinapatong sa kanila ang kaniyang mga kamay.” (Marcos 10:16) Tiyak na naginhawahan ang maliliit na batang iyon!
Noong huling gabi niya rito sa lupa bilang tao, hinugasan ni Jesus ang mga paa ng kaniyang mga alagad. Tiyak na naantig ang kanilang puso ng kaniyang kapakumbabaan. Pagkaraan ay sinabi sa kanila ni Jesus: “Nagbigay ako ng parisan para sa inyo, na kung ano ang ginawa ko sa inyo ay dapat din ninyong gawin.” (Juan 13:1-17) Oo, kailangan din nilang maging mapagpakumbaba. Bagaman hindi kaagad naunawaan ng mga apostol ang ibig sabihin ni Jesus, at nagtalu-talo pa nang mismong gabing iyon kung sino ang pinakadakila sa kanila, hindi sila pinagalitan ni Jesus. Sa halip, matiyaga siyang nakipagkatuwiranan sa kanila. (Lucas 22:24-27) Kahit ‘nang siya ay laitin, hindi nanlait si Jesus bilang ganti.’ Ang totoo, “nang siya ay magdusa, hindi siya nagbanta, kundi patuloy na ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.” Dapat nating tularan ang halimbawa ni Jesus.—1 Pedro 2:21, 23.
Sinabi ni Jesus: “Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.” (Mateo 11:29) Gunigunihin na si Jesus mismo ang nagtuturo sa iyo. Matapos marinig ng mga tao sa sarili niyang bayan na nagtuturo siya sa kanilang sinagoga, lubha silang namangha at nagsabi: “Saan kinuha ng taong ito ang ganitong karunungan at ang ganitong makapangyarihang mga gawa?” (Mateo 13:54) Kung babasahin natin ang buhay at ministeryo ni Jesus, marami tayong matututuhang paraan upang makapagdulot tayo ng kaginhawahan sa iba. Isaalang-alang natin ang namumukod-tanging halimbawa ni Jesus sa paggamit ng nakapagpapatibay na pananalita at sa pagiging matulungin.
Gawing Nakapagpapatibay ang Pananalita
Mas madaling gibain ang isang gusali kaysa magtayo nito. Totoo rin ang simulaing ito pagdating sa ating pananalita. Bilang mga di-sakdal, lahat tayo ay may mga pagkukulang. Binanggit ni Haring Solomon: “Walang taong matuwid sa lupa na patuloy na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.” (Eclesiastes 7:20) Madali para sa atin na makita ang kapintasan ng isa at sirain ang kaniyang pagkatao sa pamamagitan ng masasakit na salita. (Awit 64:2-4) Sa kabilang dako naman, kailangan ang pagsisikap para maging nakapagpapatibay ang ating pananalita.
Ginamit ni Jesus ang kaniyang dila upang patibayin ang mga tao. Naglaan siya ng espirituwal na kaginhawahan sa pamamagitan ng paghahayag sa kanila ng mabuting balita ng Kaharian. (Lucas 8:1) Nang ipakilala ni Jesus sa mga naging alagad niya ang kaniyang Ama sa langit, nakadama rin sila ng kaginhawahan. (Mateo 11:25-27) Hindi nga kataka-takang mapalapit kay Jesus ang mga tao!
Sa kabaligtaran, walang pagmamalasakit ang mga eskriba at Pariseo sa pangangailangan ng iba. “Nais nila ang pinakatanyag na dako sa mga hapunan at ang mga upuan sa unahan sa mga sinagoga,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 23:6) Sa katunayan, hinahamak nila ang karaniwang mga tao, anupat sinasabi: “Ang pulutong na ito na hindi nakaaalam ng Kautusan ay mga taong isinumpa.” (Juan 7:49) Talaga ngang hindi sila nakapagpapaginhawa!
Karaniwan nang ipinahihiwatig ng ating sinasabi kung ano ang ating iniisip at nadarama, at kung ano ang tingin natin sa iba. Sinabi ni Jesus: “Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa mabuting kayamanan ng kaniyang puso, ngunit ang balakyot na tao ay naglalabas ng bagay na balakyot mula sa kaniyang balakyot na kayamanan; sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig.” (Lucas 6:45) Kung gayon, paano natin matitiyak na makapagdudulot ng kaginhawahan ang ating pananalita?
Una sa lahat, dapat muna tayong mag-isip bago magsalita. Ganito ang binabanggit ng Kawikaan 15:28: “Ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot.” Karaniwan nang hindi naman kailangan na maging matagal ang gayong pagbubulay-bulay para malaman natin kung ano ang magiging tugon ng iba sa ating sasabihin. Maaari nating itanong sa ating sarili: ‘Nagpapakita kaya ako ng pag-ibig kung sasabihin ko ito? Totoo kaya ang sasabihin ko, o tsismis lang? Ito ba ay “salita sa tamang panahon”? Mapapatibay kaya at makadarama ng kaginhawahan ang mga makaririnig nito?’ (Kawikaan 15:23) Kung sa palagay natin ay makatitisod o hindi angkop ang ating sasabihin, huwag na natin itong sabihin. Sa halip, hindi ba mas mabuti kung susubukan nating magsalita ng mga bagay na positibo at nararapat? Ang di-pinag-isipang mga salita ay gaya ng “mga saksak ng tabak,” samantalang ang nakapagpapatibay na mga komento ay “kagalingan.”—Kawikaan 12:18.
Ang pagtutuon natin ng pansin sa dahilan kung bakit mahalaga sa Diyos ang ating mga kapananampalataya ay makatutulong din sa atin na maging nakapagpapaginhawa sa iba. Ganito ang sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44) Nakikita ni Jehova ang mabubuting katangian ng bawat isa sa kaniyang tapat na mga lingkod—maging yaong sa tingin natin ay mahirap pakitunguhan. Kung pagsisikapan nating ituon ang ating pansin sa kanilang mabubuting katangian, makapagsasalita tayo ng magagandang bagay tungkol sa kanila.
Tulungan ang Iba
Lubos na nauunawaan ni Jesus ang kalagayan ng mga sinisiil. Sa katunayan, “pagkakita sa mga pulutong ay nahabag siya sa kanila, sapagkat sila Mateo 9:36) Pero hindi lamang naawa si Jesus sa kanilang kalagayan; tinulungan niya sila. Inanyayahan niya sila: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo.” Tiniyak din niya: “Ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.”—Mateo 11:28, 30.
ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Sa ngayon, nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Maraming tao ang napabibigatan ng “kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay.” (Mateo 13:22) Ang iba nama’y pinahihirapan ng nakapanlulumong mga kalagayan. (1 Tesalonica 5:14) Paano tayo makapaglalaan ng kaginhawahan sa mga nangangailangan? Gaya ni Kristo, matutulungan din natin sila upang gumaan ang kanilang pasanin.
Gumiginhawa ang pakiramdam ng ilang tao kapag ipinakikipag-usap nila sa iba ang kanilang mga problema. Kapag nilalapitan tayo ng gayong nalulumbay na indibiduwal, pinakikinggan ba natin siyang mabuti? Kailangan ang pagsisikap para maipakita natin ang ating empatiya bilang tagapakinig. Sa halip na isipin kung ano ang ating isasagot o ibibigay na solusyon sa problema, makinig na mabuti sa sinasabi ng ating kausap, tingnan siya habang nagsasalita, at ngumiti kung angkop naman. Sa ganitong paraan, maipadarama natin na talagang nagmamalasakit tayo sa kaniya.
Sa Kristiyanong kongregasyon, maraming pagkakataon para mapatibay ang ating kapananampalataya. Halimbawa, kapag dumadalo tayo sa mga pulong sa Kingdom Hall, maaari nating kausapin yaong mga pinahihirapan ng karamdaman. Puwede natin silang kausapin nang ilang minuto bago o pagkatapos ng pulong. Kung minsan, baka iyan lamang ang kailangan para mapasigla natin sila. Maaari din nating tandaan kung sino ang hindi nakadadalo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Marahil ay puwede natin silang tawagan sa telepono at ipadama sa kanila na interesado tayo sa kanilang kapakanan o na handa tayong tumulong sa kanila.—Filipos 2:4.
Malaki rin ang pananagutan ng mga Kristiyanong matatanda sa kongregasyon. Mapagagaan natin ang kanilang pasan kung makikipagtulungan tayo sa kanila at mapagpakumbabang gagampanan ang anumang atas na ibinigay nila sa atin. Hinihimok tayo ng Salita ng Diyos: “Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop, sapagkat patuloy silang nagbabantay sa inyong mga kaluluwa na gaya niyaong mga magsusulit; upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may pagbubuntunghininga, sapagkat ito ay makapipinsala sa inyo.” (Hebreo 13:17) Kung magpapakita tayo ng espiritu ng pagkukusa, makapagdudulot tayo ng kaginhawahan sa mga “namumuno sa mahusay na paraan.”—1 Timoteo 5:17.
Palaging Magsalita ng Nakapagpapatibay at Maging Matulungin
Ang nakapagpapanariwang hamog ay binubuo ng di-mabilang na maliliit na patak ng tubig na banayad na bumabagsak. Sa katulad na paraan, para makapagdulot tayo ng kaginhawahan sa iba, hindi sapat ang minsang pagpapakita ng kabaitan. Sa halip, resulta ito ng pagpapakita ng tulad-Kristong mga katangian sa lahat ng pagkakataon.
“Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa,” ang isinulat ni apostol Pablo. “Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Sikapin nating ikapit ang payong ito ni Pablo. Sa pamamagitan ng ating pananalita at mga gawa, makapagdulot nawa tayo ng kaginhawahan sa iba.
[Mga larawan sa pahina 16]
Ang hamog sa Bundok Hermon—pinagmumulan ng nakapagpapanariwang halumigmig para sa mga pananim
[Larawan sa pahina 17]
Nakapagdudulot ng kaginhawahan sa iba ang isang nagmamalasakit na tagapakinig