Pasulungin ang mga Katangiang Tutulong sa Iyo na Gumawa ng mga Alagad
Pasulungin ang mga Katangiang Tutulong sa Iyo na Gumawa ng mga Alagad
“Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.”—MATEO 28:19.
1. Anong mga kasanayan at saloobin ang kinailangan ng ilang lingkod ng Diyos noon?
KUNG minsan, kailangan ng mga lingkod ni Jehova na magkaroon ng kasanayan at saloobing tutulong sa kanila para gawin ang kaniyang kalooban. Halimbawa, dahil sa utos ng Diyos, umalis sina Abraham at Sara sa mayamang lunsod ng Ur at nang maglaon ay kinailangan nila ang mga katangian at kakayahang dapat taglayin ng mga naninirahan sa tolda. (Hebreo 11:8, 9, 15) Nang akayin ni Josue ang mga Israelita patungo sa Lupang Pangako, kinailangan niya ang lakas ng loob, pagtitiwala kay Jehova, at kaalaman sa Kaniyang mga Batas. (Josue 1:7-9) At bagaman may kasanayan na sina Bezalel at Oholiab, lalo pa itong nahasa o humusay dahil sa espiritu ng Diyos, anupat ang mga lalaking ito ay matagumpay na nakatulong at nangasiwa sa pagtatayo ng tabernakulo at iba pang mga gawain doon.—Exodo 31:1-11.
2. Anong mga tanong ang tatalakayin natin may kaugnayan sa paggawa ng mga alagad?
2 Pagkalipas ng ilang siglo, inatasan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Sa kauna-unahang pagkakataon, binigyan ang mga tao ng pribilehiyong magsagawa ng napakalaking trabahong ito. Anu-anong katangian ang kailangan sa paggawa ng mga alagad? Paano natin malilinang ang mga katangiang ito?
Patunayan ang Masidhing Pag-ibig sa Diyos
3. Kapag sinusunod natin ang utos na gumawa ng mga alagad, nagkakaroon tayo ng anong pagkakataon?
3 Kailangan ang masidhing pag-ibig kay Jehova para magawa nating makipag-usap sa mga tao at hikayatin silang sumamba sa tunay na Diyos. Mapatutunayan ng mga Israelita ang kanilang pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng buong-pusong pagsunod sa kaniyang mga utos, paghahandog ng kaayaayang mga hain, at pag-awit ng papuri sa kaniya. (Deuteronomio 10:12, 13; 30:19, 20; Awit 21:13; 96:1, 2; 138:5) Bilang mga manggagawa ng alagad, sinusunod din natin ang mga batas ng Diyos, pero ipinakikita rin natin ang ating pag-ibig kay Jehova sa pamamagitan ng pagsasabi sa iba ng tungkol sa kaniya at sa kaniyang mga layunin. Dapat tayong magsalita nang may katatagan, anupat pinipili ang mga tamang salita upang masabi ang ating taimtim na nadarama tungkol sa ating pag-asa mula sa Diyos.—1 Tesalonica 1:5; 1 Pedro 3:15.
4. Bakit gustung-gustong ituro ni Jesus sa iba ang tungkol kay Jehova?
4 Dahil sa masidhing pag-ibig kay Jehova, gustung-gustong ipakipag-usap ni Jesus ang mga layunin ng Diyos, ang Kaharian, at ang tunay na pagsamba. (Lucas 8:1; Juan 4:23, 24, 31) Sa katunayan, sinabi ni Jesus: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.” (Juan 4:34) Kapit kay Jesus ang mga salitang ito ng salmista: “Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko, at ang iyong kautusan ay nasa aking mga panloob na bahagi. Inihayag ko ang mabuting balita ng katuwiran sa malaking kongregasyon. Narito! Ang aking mga labi ay hindi ko pinipigilan. O Jehova, nalalaman mo iyan nang lubos.”—Awit 40:8, 9; Hebreo 10:7-10.
5, 6. Ano ang pangunahing katangiang kailangan ng mga manggagawa ng alagad?
5 Dahil sa pag-ibig sa Diyos, ang mga taong bago pa lamang natututo sa Bibliya ay nakikipag-usap na nang may katatagan tungkol kay Jehova at sa Kaharian anupat nakukumbinsi nila ang iba na suriin din ang Kasulatan. (Juan 1:41) Ang pag-ibig sa Diyos ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nakikibahagi sa paggawa ng alagad. Kung gayon, panatilihin natin ang masidhing pag-ibig na iyan sa tulong ng regular na pagbabasa at pagbubulay-bulay ng kaniyang Salita.—1 Timoteo 4:6, 15; Apocalipsis 2:4.
6 Tiyak na dahil sa pag-ibig kay Jehova kung kaya naging masigasig na guro si Jesu-Kristo. Pero hindi lamang iyan ang dahilan ng kaniyang pagiging mabisang tagapaghayag ng Kaharian. Kung gayon, ano pang katangian ang tumulong kay Jesus na maging matagumpay na manggagawa ng alagad?
Magmalasakit sa mga Tao
7, 8. Ano ang nadarama ni Jesus sa mga tao?
7 Si Jesus ay may malasakit sa mga tao at interesadung-interesado siya sa kanila. Noon pa mang siya’y nasa langit bilang “dalubhasang manggagawa” ng Diyos at hindi pa umiiral bilang tao, kinagigiliwan na niya ang mga bagay na may kinalaman sa mga tao. (Kawikaan 8:30, 31) Nang nasa lupa na si Jesus, nahabag siya sa mga tao, anupat pinaginhawa niya ang mga lumalapit sa kaniya. (Mateo 11:28-30) Nakita kay Jesus ang mismong pag-ibig at habag ni Jehova, kung kaya nahikayat ang mga tao na sambahin ang tanging tunay na Diyos. Ang lahat ng uri ng tao ay nakinig kay Jesus dahil may malasakit siya sa kanila at sa kanilang kalagayan.—Lucas 7:36-50; 18:15-17; 19:1-10.
8 Nang magtanong ang isang lalaki kung ano ang dapat niyang gawin para magmana ng buhay na walang hanggan, “tumingin si Jesus sa kaniya at nakadama ng pag-ibig sa kaniya.” (Marcos 10:17-21) Tungkol sa ilang indibiduwal na tinuruan ni Jesus sa Betania, mababasa natin: “Iniibig nga ni Jesus si Marta at ang kaniyang kapatid na babae at si Lazaro.” (Juan 11:1, 5) Gayon na lamang ang pagmamalasakit ni Jesus sa mga tao anupat tinuruan niya sila sukdulang hindi na siya makapagpahinga. (Marcos 6:30-34) Ang matinding malasakit niya sa kapuwa ang nakatulong upang maging higit na mabisa si Jesus kaysa kaninuman sa paghikayat sa mga tao tungo sa tunay na pagsamba.
9. Ano ang saloobin ni Pablo bilang manggagawa ng alagad?
9 May matinding malasakit din si apostol Pablo sa mga taong pinangangaralan niya. Halimbawa, sinabi niya sa mga naging Kristiyano sa Tesalonica: “Taglay ang magiliw na pagmamahal sa inyo, lubos kaming nalugod na ibahagi sa inyo, hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi gayundin ang aming sariling mga kaluluwa, sapagkat napamahal kayo sa amin.” Dahil sa pagsisikap na ito ni Pablo, ang ilan sa Tesalonica ay ‘bumaling sa Diyos mula sa kanilang mga idolo upang magpaalipin sa isang buháy na Diyos.’ (1 Tesalonica 1:9; 2:8) Kung talagang nagmamalasakit tayo sa mga tao, gaya ni Jesus at ni Pablo, maaari din nating madama ang kagalakang makita na nakaaabot ang mabuting balita sa puso ng mga “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan.”—Gawa 13:48.
Maging Mapagsakripisyo
10, 11. Bakit kailangan ang pagsasakripisyo kapag nagsisikap tayong gumawa ng mga alagad?
10 Ang mabibisang manggagawa ng alagad ay mapagsakripisyo. Hindi nila itinuturing na pinakamahalagang bagay ang pagpapayaman. Sa katunayan, Marcos 10:23-25) Iminungkahi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na mamuhay nang simple para maiukol ang kanilang pansin sa paggawa ng mga alagad. (Mateo 6:22-24, 33) Bakit makatutulong ang pagsasakripisyo sa paggawa natin ng mga alagad?
sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kay hirap na bagay nga para roon sa mga may salapi ang pumasok sa kaharian ng Diyos!” Nagulat ang mga alagad sa kanilang narinig, pero nagpatuloy si Jesus: “Mga anak, kay hirap na bagay nga ang pumasok sa kaharian ng Diyos! Mas madali pa sa isang kamelyo na lumusot sa butas ng karayom kaysa sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.” (11 Kailangan ang malaking pagsisikap upang maituro ang lahat ng bagay na iniutos ni Jesus. Ang manggagawa ng alagad ay karaniwan nang nagsisikap na makapagdaos linggu-linggo ng pag-aaral sa Bibliya sa mga interesado. Upang magkaroon ng higit pang panahon sa paghanap sa mga taimtim na tao, ang ilang tagapaghayag ng Kaharian na nagtatrabaho nang otso-oras ay humanap na lamang ng part-time na trabaho. Libu-libong Kristiyano ang nag-aral ng ibang wika para makapangaral sa ilang grupo ng ibang lahi na naninirahan sa kanilang lugar. Ang iba namang manggagawa ng alagad ay umalis sa kanilang tahanan at lumipat sa ibang lugar o bansa para lubusang makibahagi sa pag-aani. (Mateo 9:37, 38) Lahat ng ito ay nangangailangan ng pagsasakripisyo. Pero hindi pa rin sapat ito para maging mabisang manggagawa ng alagad.
Magtiyaga, Pero Huwag Mag-aksaya ng Panahon
12, 13. Bakit napakahalaga ng pagtitiyaga sa paggawa ng mga alagad?
12 Ang pagtitiyaga ay isa pang katangiang tutulong sa atin para gumawa ng mga alagad. Ang ating mensaheng Kristiyano ay humihiling ng agarang pagkilos, pero karaniwan nang nangangailangan ng sapat na panahon at tiyaga ang paggawa ng mga alagad. (1 Corinto 7:29) Naging matiyaga si Jesus kay Santiago na kapatid niya sa ina. Bagaman masasabing alam na alam na ni Santiago ang ginagawang pangangaral ni Jesus, hindi pa rin siya nakumbinsing maging alagad nang panahong iyon. (Juan 7:5) Pero sa maikling yugto sa pagitan ng kamatayan ni Kristo at ng Pentecostes 33 C.E., maliwanag na naging alagad si Santiago, dahil ipinahihiwatig ng Kasulatan na kasama siya ng kaniyang ina, mga kapatid, at mga apostol sa pananalangin. (Gawa 1:13, 14) Maganda ang naging pagsulong ni Santiago, anupat nang maglaon ay humawak siya ng mabibigat na pananagutan sa kongregasyong Kristiyano.—Gawa 15:13; 1 Corinto 15:7.
13 Gaya ng mga magsasaka, ang mga Kristiyano ay nagtatanim ng mga bagay na hindi agad tumutubo—kaunawaan sa Salita ng Diyos, pag-ibig kay Jehova, at espiritung gaya ng kay Kristo. Nangangailangan ito ng pagtitiis o pagtitiyaga. Sumulat si Santiago: “Maging matiisin kayo, mga kapatid, hanggang sa pagkanaririto ng Panginoon. Narito! Ang magsasaka ay patuloy na naghihintay sa mahalagang bunga ng lupa, na nagiging matiisin dito hanggang sa tanggapin niya ang maagang ulan at ang huling ulan. Kayo rin naman ay maging matiisin; patatagin ang inyong mga puso, sapagkat ang pagkanaririto ng Panginoon ay malapit na.” (Santiago 5:7, 8) Hinihimok ni Santiago ang kapuwa niya mananampalataya na ‘maging matiisin hanggang sa pagkanaririto ng Panginoon.’ Kapag may hindi naintindihan ang mga alagad, matiyagang ipinaliliwanag o inilalarawan ni Jesus ang mga bagay-bagay. (Mateo 13:10-23; Lucas 19:11; 21:7; Gawa 1:6-8) Ngayong nasa panahon na tayo ng pagkanaririto ng Panginoon, kailangan pa rin ang tiyaga sa ating pagsisikap na gumawa ng mga alagad. Ang mga nagiging tagasunod ni Jesus sa ating panahon ay nangangailangan ng matiyagang pagtuturo.—Juan 14:9.
14. Bagaman nagtitiyaga tayo, paano natin magagamit nang may katalinuhan ang ating panahon bilang mga manggagawa ng alagad?
14 Kahit nagtitiyaga tayo, hindi pa rin nagbubunga ang salita sa karamihan ng mga taong pinagdarausan natin ng pag-aaral sa Bibliya. (Mateo 13:18-23) Kung gayon, pagkatapos ng makatuwirang pagsisikap na tulungan sila, angkop lamang na ihinto na ito at humanap na lamang ng ibang mas magpapahalaga sa itinuturo ng Bibliya. (Eclesiastes 3:1, 6) Mangyari pa, kahit yaong mga nagpapahalaga sa Bibliya ay nangangailangan pa rin ng mahabang panahon para baguhin ang kanilang mga pananaw, saloobin, at mga priyoridad sa buhay. Kaya nagtitiyaga tayo, kung paanong naging matiyaga si Jesus sa mga alagad na nahihirapang magkaroon ng tamang saloobin.—Marcos 9:33-37; 10:35-45.
Pasulungin ang Sining ng Pagtuturo
15, 16. Bakit mahalagang maging simple at handang-handa kapag gumagawa tayo ng mga alagad?
15 Ang pag-ibig sa Diyos, malasakit sa tao, pagsasakripisyo, at pagtitiyaga ay mahahalagang tulong para magtagumpay sa paggawa ng alagad. Kailangan ding linangin ang kasanayan sa pagtuturo upang maipaliwanag nang malinaw at simple ang mga punto. Halimbawa, ang maraming kasabihan ng Dakilang Guro, si Jesu-Kristo, ay napakabisa dahil simple lamang ang mga ito. Malamang na naaalaala mo pa ang pananalita ni Jesus na gaya ng sumusunod: “Mag-imbak kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit.” “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anumang banal.” “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito.” “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Mateo 6:20; 7:6; 11:19; 22:21) Mangyari pa, hindi lamang maiikling pangungusap ang sinabi ni Jesus. Sa malinaw na paraan, nagturo at nagpaliwanag siya sa angkop na mga pagkakataon. Paano mo matutularan ang paraan ni Jesus ng pagtuturo?
16 Kailangan ang maingat na paghahanda upang makapagturo nang simple at malinaw. Kapag hindi handa ang isang ministro, nagiging paliguy-ligoy ang kaniyang paliwanag. Nawawala tuloy ang mahahalagang punto dahil sa dami ng kaniyang sinasabi, anupat ipinaliliwanag nang lahat ang nalalaman niya sa isang paksa. Samantalang kapag handang-handa ang isang ministro, isinasaalang-alang niya ang taong tinuturuan niya, binubulay-bulay niya ang paksa, at malinaw na ipinaliliwanag kung ano lamang ang kailangang ipaliwanag. (Kawikaan 15:28; 1 Corinto 2:1, 2) Isinasaalang-alang din niya kung ano ang dati nang alam ng estudyante at kung ano ang mga puntong dapat idiin sa panahon ng pag-aaral. Posible na maraming detalyeng alam ang ministro tungkol sa paksa, pero mas magiging malinaw ang lahat kung hindi na babanggitin ang di-kinakailangang impormasyon.
17. Paano natin matutulungan ang mga tao na mangatuwiran sa Kasulatan?
17 Tinulungan din ni Jesus ang mga tao na mangatuwiran, sa halip na basta magbigay lamang ng mga impormasyon. Halimbawa, minsan ay nagtanong siya: “Ano sa palagay mo, Simon? Mula kanino tumatanggap ng mga impuwesto o pangulong buwis ang mga hari sa lupa? Mula sa kanilang mga anak o mula sa ibang mga tao?” (Mateo 17:25) Maaaring gustung-gusto nating magpaliwanag ng tungkol sa Bibliya pero kailangan natin itong kontrolin para mabigyan ng pagkakataon ang ating estudyante na sabihin naman ang kaniyang niloloob o ipaliwanag ang paksang tinatalakay sa panahon ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Mangyari pa, hindi naman natin dapat paulanan ng mga tanong ang mga tao. Sa halip, sa pamamagitan ng taktika, magagandang ilustrasyon, at angkop na mga tanong, maipauunawa natin sa kanila ang mga punto sa Kasulatan na mababasa sa ating mga publikasyong salig sa Bibliya.
18. Ano ang kailangan sa pagkakaroon ng “sining ng pagtuturo”?
18 Sa Kasulatan ay may binabanggit na “sining ng pagtuturo.” (2 Timoteo 4:2; Tito 1:9) Ang gayong kakayahan sa pagtuturo ay hindi lamang basta pagtulong sa isa na masaulo ang mga impormasyon. Sikapin nating ipaunawa sa ating estudyante sa Bibliya ang pagkakaiba ng katotohanan at kabulaanan, ng mabuti at masama, ng karunungan at kamangmangan. (Mateo 6:5, 6) Habang ginagawa natin ito at sinisikap na linangin sa puso ng isang tao ang pag-ibig kay Jehova, posibleng makita ng taong iyon kung bakit dapat niyang sundin ang Diyos.
Maging Masigasig sa Paggawa ng Alagad
19. Paano masasabing isang pagtutulungan ng lahat ng Kristiyano ang paggawa ng mga alagad?
19 Ang kongregasyong Kristiyano ay isang organisasyong gumagawa ng alagad. Kapag naging alagad ang isang baguhan, hindi lamang ang Saksi ni Jehova na nakasumpong at tumulong sa kaniyang matuto sa Bibliya ang natutuwa. Kapag bumuo ang mga tao ng isang grupong maghahanap sa isang batang nawawala, maaaring isa lamang sa kanila ang aktuwal na makasumpong sa bata. Pero kapag naisauli na sa mga magulang ang bata, lahat ng kasama sa paghahanap ay natutuwa. (Lucas 15:6, 7) Sa katulad na paraan, ang paggawa ng alagad ay isang pagtutulungan ng buong kongregasyon. Lahat ng Kristiyano ay nakikibahagi sa paghahanap ng mga posibleng maging alagad ni Jesus. At kapag dumadalo na sa mga pulong sa Kingdom Hall ang isang baguhan, lahat ng Kristiyanong naroroon ay nagtutulung-tulong na mapasigla siya sa tunay na pagsamba. (1 Corinto 14:24, 25) Samakatuwid, lahat ng Kristiyano ay natutuwa dahil sa daan-daang libong baguhang alagad na nagagawa nila taun-taon.
20. Ano ang dapat mong gawin kapag gusto mong magturo ng Bibliya sa iba?
20 Gustung-gusto ng maraming tapat na Kristiyano na ituro sa iba ang tungkol kay Jehova at sa tunay na pagsamba. Pero sa kabila ng kanilang pagsisikap, maaaring hindi pa rin nila ito nagagawa. Kung isa ka sa kanila, patuloy mo pang patibayin ang iyong pag-ibig kay Jehova, magmalasakit ka sa mga tao, magpakita ka ng pagsasakripisyo, magtiyaga ka, at sikapin mong pasulungin ang iyong kasanayan sa pagtuturo. Higit sa lahat, isama mo sa panalangin ang iyong pagnanais na ituro ang katotohanan. (Eclesiastes 11:1) Makabubuting isipin mo na ang lahat ng ginagawa mo sa paglilingkod kay Jehova ay may naitutulong sa paggawa ng alagad na lumuluwalhati sa Diyos.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Bakit nasusubok ang ating pag-ibig sa Diyos sa paggawa ng alagad?
• Anu-anong katangian ang kailangan ng mga manggagawa ng alagad?
• Ano ang kailangan sa “sining ng pagtuturo”?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 21]
Sa paggawa ng mga alagad, naipakikita ng mga Kristiyano ang kanilang masidhing pag-ibig sa Diyos
[Larawan sa pahina 23]
Bakit dapat maging interesado sa iba ang mga manggagawa ng alagad?
[Larawan sa pahina 24]
Ano ang ilan sa mga katangiang kailangan ng mga manggagawa ng alagad?
[Larawan sa pahina 25]
Tuwang-tuwa ang lahat ng Kristiyano dahil sa magagandang resulta ng paggawa ng alagad