Tularan ang Dakilang Manggagawa ng Alagad
Tularan ang Dakilang Manggagawa ng Alagad
“Bigyang-pansin ninyo kung paano kayo nakikinig.”—LUCAS 8:18.
1, 2. Bakit dapat mong bigyang-pansin kung paano nakitungo si Jesus sa mga tao noong panahon ng kaniyang ministeryo?
GINAGAMPANAN ni Jesu-Kristo ang kaniyang papel bilang ang Dakilang Guro at Manggagawa ng Alagad nang sabihin niya sa kaniyang mga tagasunod: “Bigyang-pansin ninyo kung paano kayo nakikinig.” (Lucas 8:16-18) Ang simulaing ito ay kapit sa iyong ministeryo bilang isang Kristiyano. Kung nagbibigay-pansin ka sa espirituwal na pagtuturo, ikakapit mo iyon at magiging mabisa kang tagapaghayag ng Kaharian. Siyempre pa, hindi mo na maririnig ang tinig ni Jesus ngayon, pero mababasa mo ang tungkol sa kaniyang mga sinabi at ginawa na nakaulat sa Kasulatan. Ano ang isinisiwalat ng mga ito tungkol sa paraan ng pakikitungo ni Jesus sa mga tao noong panahon ng kaniyang ministeryo?
2 Si Jesus ay napakahusay na mángangarál ng mabuting balita at napakagaling na guro ng Kasulatan. (Lucas 8:1; Juan 8:28) Ang paggawa ng alagad ay nagsasangkot ng pangangaral at pagtuturo, pero ang ilang Kristiyano na mabisang mángangarál ay nahihirapang maging epektibong guro sa mga tao. Kung sa pangangaral, ang isa ay naghahayag ng mensahe, sa pagtuturo naman sa mga tao tungkol kay Jehova at sa kaniyang layunin, karaniwan nang kailangan muna niyang makipagkaibigan. (Mateo 28:19, 20) Magagawa ito kung tutularan si Jesu-Kristo, ang Dakilang Guro at Manggagawa ng Alagad.—Juan 13:13.
3. Ano ang magiging resulta kapag tinularan mo si Jesus sa iyong paggawa ng mga alagad?
3 Kung tutularan mo ang paraan ng pagtuturo ni Jesus, masusunod mo rin ang payo ni apostol Pablo: “Patuloy na lumakad na may karunungan sa mga nasa labas, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili. Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.” (Colosas 4:5, 6) Para matularan si Jesus sa paggawa ng mga alagad, kailangan ng pagsisikap, pero magiging mabisa kang guro dahil matutulungan ka nitong “magbigay ng sagot sa bawat isa” ayon sa kaniyang pangangailangan.
Pinasigla ni Jesus ang Iba na Magsalita
4. Bakit masasabing si Jesus ay isang mabuting tagapakinig?
4 Mula pa sa pagkabata, nakagawian na ni Jesus na makinig sa mga tao at pasiglahin silang sabihin kung ano ang pananaw nila. Halimbawa, nang siya ay 12 taóng gulang, natagpuan siya ng kaniyang mga magulang na kasama ng mga guro sa templo, “nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila.” (Lucas 2:46) Hindi nagpunta si Jesus sa templo para hiyain ang mga guro dahil sa kaniyang karunungan. Nagpunta siya roon para makinig, bagaman nagbangon din siya ng mga tanong. Posibleng dahil sa kaniyang pagiging mabuting tagapakinig kung kaya niya natamo ang pagsang-ayon ng Diyos at ng mga tao.—Lucas 2:52.
5, 6. Bakit natin masasabing nakinig si Jesus sa mga pananalita ng kaniyang mga tinuturuan?
5 Matapos siyang bautismuhan at pahiran bilang Mesiyas, interesado pa rin si Jesus na makinig sa mga tao. Hindi siya basta puro sa pagtuturo na lamang nagtuon ng pansin anupat nalimutan na niya ang kaniyang mga tagapakinig. Kadalasan nang humihinto siya, nagtatanong kung ano ang opinyon nila, at nakikinig sa kanilang mga sagot. (Mateo 16:13-15) Halimbawa, nang mamatay ang kapatid ni Marta na si Lazaro, sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ang bawat isa na nabubuhay at nananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mamamatay.” Saka siya nagtanong: “Pinaniniwalaan mo ba ito?” At tiyak na nakinig si Jesus nang sumagot si Marta: “Oo, Panginoon; naniniwala ako na ikaw ang Kristo na Anak ng Diyos.” (Juan 11:26, 27) Napakasarap ngang marinig ang gayong pagpapahayag ni Marta ng kaniyang pananampalataya!
6 Nang iwan ng maraming alagad si Jesus, gusto niyang malaman kung ano ang nasa isip ng mga apostol. Kaya nagtanong siya: “Hindi rin ninyo ibig na umalis, hindi ba?” Sumagot si Simon Pedro: “Panginoon, kanino kami paroroon? Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang hanggan; at naniwala kami at nalaman namin na ikaw ang Banal ng Diyos.” (Juan 6:66-69) Tiyak na natuwa si Jesus nang marinig niya ang mga pananalitang iyon! Tiyak na masisiyahan ka ring marinig ang katulad na kapahayagan ng pananampalataya ng isang tinuturuan sa Bibliya.
Nakikinig si Jesus Nang May Paggalang
7. Bakit maraming Samaritano ang nagsimulang manampalataya kay Jesus?
7 Ang isa pang dahilan kung bakit mabisang manggagawa ng alagad si Jesus ay ang kaniyang pagmamalasakit sa mga tao at pakikinig sa kanila nang may paggalang. Halimbawa, minsan ay nagpatotoo si Jesus sa isang babaing Samaritana malapit sa bukal ni Jacob sa Sicar. Sa pag-uusap na iyon, hindi laging si Jesus na lamang ang nagsasalita; nakikinig din siya sa sinasabi ng Samaritana. Sa pakikinig ni Jesus, napansin niya na interesado ang Samaritana sa pagsamba, kung kaya sinabi niya rito na hinahanap ng Diyos yaong mga sasamba sa Kaniya sa espiritu at katotohanan. Nagpakita si Jesus ng paggalang at malasakit sa babaing ito anupat naudyukan siyang ikuwento sa iba ang tungkol kay Jesus, at “marami sa mga Samaritano mula sa lunsod na iyon ang nanampalataya sa kaniya dahil sa salita ng babaing nagpatotoo.”—Juan 4:5-29, 39-42.
8. Yamang hilig ng mga tao na sabihin ang kanilang opinyon, paano ito makatutulong sa iyo na pasimulan ang pakikipag-uusap sa may-bahay?
8 Karaniwan nang gusto ng mga tao na sabihin ang kanilang mga opinyon. Halimbawa, gusto ng mga sinaunang taga-Atenas na sabihin ang kanilang mga opinyon at pakinggan ang anumang bagay na bago. Kaya naman nakapagbigay si apostol Pablo ng mabisang pahayag sa Areopago sa lunsod na iyon. (Gawa 17:18-34) Sa ngayon, puwede mong simulan ang pakikipag-usap sa may-bahay sa pagsasabi, “Dumadalaw po ako sa inyo dahil gusto ko po sanang marinig ang opinyon ninyo tungkol sa [isang paksa].” Pakinggan ang pangmalas niya, at komentuhan iyon, o magtanong tungkol doon. Saka mo ipakita sa kaniya nang may-kabaitan kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paksang iyon.
Alam ni Jesus Kung Ano ang Sasabihin
9. Ano ang ginawa ni Jesus bago niya ‘lubusang buksan ang Kasulatan’ kay Cleopas at sa kasama nito?
9 Hindi kailanman nag-apuhap si Jesus ng sasabihin. Bukod sa pagiging mabuting tagapakinig, Mateo 9:4; 12:22-30; Lucas 9:46, 47) Bilang paglalarawan: Di-nagtagal matapos buhaying muli si Jesus, dalawa sa kaniyang mga alagad ang naglalakad mula sa Jerusalem patungong Emaus. “At habang nag-uusap sila at nagtatalo,” ayon sa ulat ng Ebanghelyo, “si Jesus mismo ay lumapit at nagsimulang lumakad na kasama nila; ngunit ang kanilang mga mata ay napipigilan upang hindi siya makilala. Sinabi niya sa kanila: ‘Ano itong mga bagay na pinagtatalunan ninyo sa isa’t isa habang kayo ay naglalakad?’ At huminto sila na may malulungkot na mukha. Bilang sagot ay sinabi sa kaniya niyaong isa na nagngangalang Cleopas: ‘Nananahanan ka bang mag-isa bilang dayuhan sa Jerusalem kung kaya hindi mo alam ang mga bagay na naganap sa kaniya nang mga araw na ito?’ At sinabi niya sa kanila: ‘Anong mga bagay?’” Nakinig ang Dakilang Guro habang ikinukuwento nila na si Jesus na Nazareno ay nagturo sa mga tao, gumawa ng mga himala, at pinatay. Ngayon ay sinasabi ng iba na binuhay siyang muli. Hinayaan ni Jesus na magsalita si Cleopas at ang kaniyang kasama. Saka niya ipinaliwanag ang kailangan nilang malaman, anupat “lubusan niyang binubuksan ang Kasulatan” sa kanila.—Lucas 24:13-27, 32.
kadalasan nang alam niya kung ano ang iniisip ng mga tao, at alam niya kung ano mismo ang kaniyang sasabihin. (10. Paano mo malalaman ang relihiyosong pangmalas ng nakakausap mo sa ministeryo?
10 Baka wala kang ideya kung ano ang relihiyosong pangmalas ng isang may-bahay. Para malaman ito, puwede mong sabihin na gusto mong marinig kung ano ang opinyon ng iba tungkol sa panalangin. Saka mo itanong, “Sa palagay po ninyo, mayroon nga kayang nakikinig sa mga panalangin natin?” Mula sa kaniyang sagot ay marami kang malalaman tungkol sa kaniyang opinyon at relihiyon. Kung siya ay relihiyoso, baka marami ka pang malaman tungkol sa kaniyang punto-de-vista sa pamamagitan ng pagtatanong, “Sa tingin po ninyo, pinakikinggan kaya ng Diyos ang lahat ng panalangin, o may mga panalanging hindi niya sinasang-ayunan?” Ang gayong mga tanong ay maaaring umakay sa magandang pag-uusap. Kapag angkop namang ipakita sa kaniya kung ano ang sinasabi ng Bibliya, nanaisin mong gawin iyon sa mataktikang paraan, nang hindi sinisiraan ang kaniyang relihiyon. Kung nagustuhan niya ang inyong pag-uusap, baka pabalikin ka niya. Pero paano kung magbangon siya ng tanong na hindi mo masagot? Maaari kang magsaliksik muna at saka bumalik na handang magbigay ng ‘katuwiran para sa pag-asa na nasa iyo, ngunit ginagawa iyon taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.’—1 Pedro 3:15.
Tinuruan ni Jesus ang mga Karapat-dapat
11. Ano ang makatutulong sa iyo sa paghanap sa mga karapat-dapat turuan?
11 Bilang sakdal na tao, nalalaman ni Jesus kung sino ang karapat-dapat turuan. Para sa atin, isang malaking hamon na hanapin ang mga “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan.” (Gawa 13:48) Gayundin sa mga apostol na sinabihan ni Jesus: “Sa anumang lunsod o nayon kayo pumasok, hanapin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat.” (Mateo 10:11) Gaya ng mga apostol ni Jesus, dapat mong hanapin ang mga taong handang makinig at matuto ng katotohanan sa Bibliya. Makikita mo ang mga karapat-dapat sa pamamagitan ng matamang pakikinig sa lahat ng nakakausap mo, anupat inaalam ang saloobin ng bawat indibiduwal.
12. Paano mo patuloy na matutulungan ang isang interesado?
12 Matapos mong dalawin ang isang nagpakita ng interes sa mensahe ng Kaharian, makabubuting patuloy mong pag-isipan kung anong katotohanan sa Bibliya ang kailangan niyang matutuhan. Kung isusulat mo ang mga nalaman mo matapos ang inyong pag-uusap hinggil sa mabuting balita, makatutulong ito sa pagtulong mo sa kaniya sa espirituwal na paraan. Sa iyong mga pagdalaw-muli, kailangan mong makinig na mabuti para marami ka pang malaman tungkol sa kaniyang mga paniniwala, saloobin, o kalagayan sa buhay.
13. Ano ang makatutulong sa iyo na malaman ang opinyon ng isang tao tungkol sa Bibliya?
13 Paano mo mahihimok ang mga tao na sabihin sa iyo kung ano ang kanilang palagay tungkol sa Salita ng Diyos? Sa ilang lugar, mabisa ang pagtatanong ng ganito: “Nasubukan mo na bang mag-aral ng Bibliya?” Ang sagot sa tanong na ito ay kadalasang nagsisiwalat kung ano ang saloobin niya sa espirituwal na mga bagay. Ang isa pang paraan ay basahin ang isang teksto at itanong, “Sa tingin mo, praktikal ba ito?” Tulad ni Jesus, marami kang magagawa sa iyong ministeryo sa pamamagitan ng paggamit ng angkop na mga tanong. Pero dapat ding maging maingat.
Mabisa ang Paraan ng Pagtatanong ni Jesus
14. Paano mo maipakikitang interesado ka sa pangmalas ng mga tao nang hindi ka naman parang nag-iimbestiga?
14 Magpakita ng interes sa pangmalas ng iba pero iwasang maasiwa sila o mapahiya. Tularan ang pamamaraan ni Jesus. Hindi siya basta tanong nang tanong lamang na para bang nag-iimbestiga kundi gumamit siya ng mga tanong na mag-uudyok sa kanila na mag-isip. Si Jesus ay isa ring mabait na tagapakinig anupat nagiging palagay ang loob sa kaniya ng mga taimtim na tao at nakadarama sila ng kaginhawahan. (Mateo 11:28) Malayang nasasabi sa kaniya ng iba’t ibang uri ng mga tao ang kanilang mga problema. (Marcos 1:40; 5:35, 36; 10:13, 17, 46, 47) Para malayang magsabi sa iyo ang mga tao ng kanilang palagay tungkol sa Bibliya at sa mga turo nito, dapat mong iwasang basta na lamang paulanan sila ng mga tanong na para bang iniimbestigahan mo sila.
15, 16. Paano mo maaakay ang mga tao na makipag-usap tungkol sa relihiyon?
15 Bukod sa mabisang paraan ng pagtatanong, mahihikayat mo silang makipag-usap kung magsasabi ka ng isang bagay na kukuha ng kanilang interes at pakikinggan mo ang kanilang tugon. Halimbawa, sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Malibang maipanganak muli ang isa, hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.” (Juan 3:3) Naintriga si Nicodemo sa mga salitang ito anupat hindi niya mapigilang magtanong at makinig kay Jesus. (Juan 3:4-20) Maaakay mo ring makipag-usap ang mga tao sa gayong paraan.
16 Ang paglitaw ng maraming bagong relihiyon ngayon ay pinag-uusapan sa Aprika, Silangang Europa, at Latin Amerika. Sa mga lugar na ito, kadalasan nang masisimulan mo ang pag-uusap sa pagsasabi: “Nababahala po ako sa dami ng relihiyon ngayon. Pero umaasa po ako na malapit ko nang makitang nagkakaisa sa tunay na pagsamba ang mga tao mula sa lahat ng bansa. Gusto n’yo rin po bang makita ’yon?” Sa pagsasabi ng isang bagay na kakaiba tungkol sa iyong pag-asa, posibleng maakay mo ang mga tao na sabihin ang kanilang pananaw. At madaling masagot ang mga tanong kapag may dalawang pagpipiliang sagot. (Mateo 17:25) Matapos magkomento ang may-bahay sa iyong tanong, sagutin mo mismo iyon sa pamamagitan ng isa o dalawang teksto. (Isaias 11:9; Zefanias 3:9) Kung matama kang makikinig at magbibigay-pansin sa tugon ng may-bahay, makaiisip ka ng paksa na mapag-uusapan ninyo sa susunod mong pagdalaw.
Nakinig si Jesus sa mga Bata
17. Ano ang nagpapakita na interesado rin si Jesus sa mga bata?
17 Interesado rin si Jesus sa mga bata, hindi lamang sa mga adulto. Alam niya kung ano ang laro ng mga bata at ang kanilang mga sinasabi. Lucas 7:31, 32; 18:15-17) Kabilang ang maraming bata sa mga nakikinig kay Jesus. Nang sumigaw ng papuri sa Mesiyas ang mga batang lalaki, binigyang-pansin iyon ni Jesus at sinabi niyang inihula iyon ng Kasulatan. (Mateo 14:21; 15:38; 21:15, 16) Sa ngayon, maraming bata ang nagiging mga alagad ni Jesus. Kaya paano mo sila matutulungan?
Kung minsan ay pinalalapit niya sa kaniya ang mga bata. (18, 19. Paano mo matutulungan ang iyong anak sa espirituwal na paraan?
18 Para matulungan ang iyong anak sa espirituwal na paraan, kailangan mo siyang pakinggan. Kailangan mong maunawaan ang mga ideya niya na baka hindi kasuwato ng kaisipan ni Jehova. Anuman ang sabihin ng iyong anak, makabubuting bigyan mo muna siya ng komendasyon. Pagkatapos ay maaari kang gumamit ng angkop na mga teksto para tulungan ang iyong anak na maunawaan ang pananaw ni Jehova sa mga bagay-bagay.
19 Malaking tulong ang pagtatanong. Pero gaya ng mga adulto, ayaw rin ng mga bata na pinagtatatanong sila. Sa halip na pahirapan ang iyong anak sa pagsagot sa mahihirap na tanong, ano kaya kung magkuwento ka na lamang ng ilang bagay tungkol sa iyo? Depende sa inyong pinag-uusapan, puwede mong sabihin kung ano ang naramdaman mo noon at ipaliwanag mo kung bakit. Saka mo itanong, “Ganoon ka rin ba?” Mula sa tugon ng iyong anak, ang inyong pag-uusap ay maaaring mauwi sa isang makabuluhan at nakapagpapatibay na talakayan sa Kasulatan.
Patuloy na Tularan ang Dakilang Manggagawa ng Alagad
20, 21. Sa paggawa mo ng mga alagad, bakit ka dapat maging mabuting tagapakinig?
20 Kung may ipinakikipag-usap ka sa iyong anak o sa iba, napakahalaga na maging mabuting tagapakinig. Pagpapakita nga iyon ng pag-ibig. Sa pakikinig, gumagawi ka nang may kapakumbabaan, at naipakikita mo ang paggalang at maibiging konsiderasyon sa nagsasalita. Siyempre pa, para masabing nakikinig ka, kailangan mong bigyang-pansin ang lahat ng kaniyang sinasabi.
21 Habang nakikibahagi ka sa ministeryong Kristiyano, laging makinig na mabuti sa mga may-bahay. Kung makikinig kang mabuti sa kanilang sinasabi, posibleng malaman mo kung alin sa mga itinuturo ng Bibliya ang magugustuhan nila. Saka mo pagsikapang tulungan sila sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang paraan ng pagtuturo ni Jesus. Sa paggawa nito, aani ka ng kagalakan at kasiyahan dahil tinutularan mo ang Dakilang Manggagawa ng Alagad.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano pinasigla ni Jesus ang iba na sabihin ang kanilang iniisip?
• Bakit pinakinggan ni Jesus ang kaniyang mga tinuturuan?
• Paano ka magbabangon ng mga tanong sa iyong ministeryo?
• Ano ang maaari mong gawin para matulungan ang mga bata sa espirituwal na paraan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 28]
Kapag nangangaral ka, pakinggan mo rin ang sinasabi ng may-bahay
[Larawan sa pahina 30]
Tinutularan natin si Jesus kapag tinutulungan natin ang mga bata sa espirituwal na paraan