Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Soberanya ni Jehova at ang Kaharian ng Diyos

Ang Soberanya ni Jehova at ang Kaharian ng Diyos

Ang Soberanya ni Jehova at ang Kaharian ng Diyos

“Sa iyo, O Jehova, ang kadakilaan at ang kalakasan at ang kagandahan at ang kagalingan at ang dangal . . . Sa iyo ang kaharian, O Jehova.”​—1 CRONICA 29:11.

1. Bakit si Jehova ang nararapat na maging Soberano ng sansinukob?

“ITINATAG ni Jehova nang matibay ang kaniyang trono sa mismong langit; at ang kaniyang paghahari ay nagpupuno sa lahat.” (Awit 103:19) Sa mga salitang ito, tinukoy ng salmista ang saligang katotohanan tungkol sa pamamahala. Ang Diyos na Jehova ang nararapat na maging Soberanong Tagapamahala ng sansinukob dahil siya ang Maylalang.

2. Paano inilarawan ni Daniel ang pamamahala ni Jehova sa mga espiritung nilalang sa langit?

2 Mangyari pa, para maging isang tagapamahala, dapat na mayroon siyang mga sakop. Sa simula, pinamamahalaan ni Jehova ang mga espiritung nilalang na nilikha niya​—una, ang kaniyang bugtong na Anak at pagkatapos ay ang hukbo ng mga anghel. (Colosas 1:15-17) Nang maglaon ay ipinakita kay propeta Daniel sa pamamagitan ng pangitain kung paano namamahala si Jehova sa langit. Iniulat niya: “Patuloy akong nagmasid hanggang sa may inilagay na mga trono at ang Sinauna sa mga Araw ay umupo. . . . May isang libong libu-libo na patuloy na naglilingkod sa kaniya, at sampung libong tigsasampung libo na patuloy na nakatayo sa mismong harap niya.” (Daniel 7:9, 10) Sa loob ng napakahabang panahon, si Jehova, “ang Sinauna sa mga Araw,” ay namamahala bilang Soberano sa kaniyang napakalawak at organisadong pamilya ng mga anak na espiritu, na nagsilbing “mga lingkod” na gumagawa ng kaniyang kalooban.​—Awit 103:20, 21.

3. Paano lumawak hanggang sa pisikal na uniberso ang soberanya ni Jehova?

3 Nang maglaon, pinalawak ni Jehova ang kaniyang pamamahala nang lalangin niya ang napakalawak at napakasalimuot na pisikal na uniberso, pati na ang lupa. (Job 38:4, 7) Kung pagmamasdan mula sa lupa, makikita na ang mga bagay na nasa langit ay umiiral sa napakaorganisado at eksaktong paraan anupat parang hindi na ito kailangan pang patnubayan o kontrolin ng sinuman. Pero sinabi ng salmista: “[Si Jehova] ang nag-utos, at sila ay nalalang. At pinananatili niya sila magpakailanman, hanggang sa panahong walang takda. Isang tuntunin ang ibinigay niya, at hindi iyon lilipas.” (Awit 148:5, 6) Mula’t sapol, si Jehova na ang pumapatnubay, kumokontrol, at namamahala sa mga espiritung nilalang at sa pisikal na uniberso.​—Nehemias 9:6.

4. Paano pinamamahalaan ni Jehova ang mga tao?

4 Nang lalangin ang unang mag-asawa, isang bagong paraan ng pamamahala ang isinagawa ng Diyos. Bukod sa paglalaan ng lahat ng kanilang pangangailangan para maging makabuluhan at kasiya-siya ang kanilang buhay, inatasan sila ni Jehova na pangasiwaan ang nakabababang mga nilalang sa lupa​—isang pag-aatas ng awtoridad. (Genesis 1:26-28; 2:8, 9) Samakatuwid, maliwanag na hindi lamang makatarungan at mabait ang pamamahala ng Diyos kundi binigyang-dangal din niya ang kaniyang mga sakop. Kung patuloy na magpapasakop sina Adan at Eva sa soberanya ni Jehova, mabubuhay sila magpakailanman sa paraisong tahanan sa lupa.​—Genesis 2:15-17.

5. Ano ang masasabi natin tungkol sa pamamahala ni Jehova?

5 Ano ang masasabi natin sa lahat ng ito? Una, mula’t sapol ay si Jehova na ang namamahala sa lahat ng kaniyang mga nilalang. Ikalawa, ang pamamahala ng Diyos ay makatarungan at nagbibigay-dangal sa kaniyang mga sakop. Pinakahuli, ang ating pagsunod at pagsuporta sa pamamahala ng Diyos ay magbubunga ng walang-hanggang pagpapala. Hindi nga kataka-takang maudyukan si Haring David na magsabi: “Sa iyo, O Jehova, ang kadakilaan at ang kalakasan at ang kagandahan at ang kagalingan at ang dangal; sapagkat ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa ay sa iyo. Sa iyo ang kaharian, O Jehova, ang Isa rin na nagtataas ng iyong sarili bilang ulo ng lahat.”​—1 Cronica 29:11.

Bakit Kailangan ang Kaharian ng Diyos?

6. Ano ang kaugnayan ng soberanya ng Diyos at ng kaniyang Kaharian?

6 Yamang mula’t sapol ay ginagamit na ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan at kalakasan bilang Pansansinukob na Soberano, bakit kailangan pa ang Kaharian ng Diyos? Karaniwan na sa isang tagapamahala na gumamit ng isang ahensiyang mangangasiwa sa kaniyang mga sakop. Kung gayon, ang Kaharian ng Diyos ay kumakatawan sa pansansinukob na soberanya ng Diyos sa kaniyang mga nilalang, isang paraan o ahensiyang ginagamit niya sa kaniyang pamamahala.

7. Bakit pinasimulan ni Jehova ang isang bagong paraan ng pamamahala?

7 Iba’t iba ang paraan ng pamamahala ni Jehova sa iba’t ibang panahon. Pinasimulan niya ang isang bagong paraan ng pamamahala dahil sa isang pangyayari. Naganap ito nang mahikayat ni Satanas, ang rebeldeng espiritung anak ng Diyos, sina Adan at Eva na maghimagsik laban sa pamamahala ni Jehova. Ang paghihimagsik na ito ay isang hamon sa soberanya ng Diyos. Sa anong paraan? Nang sabihin kay Eva na ‘tiyak na hindi siya mamamatay’ kung kakainin niya ang ipinagbabawal na bunga, para na ring sinabi ni Satanas na si Jehova ay sinungaling at hindi dapat pagkatiwalaan. Sinabi pa ni Satanas kay Eva: “Nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula roon ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” Parang gustong sabihin ni Satanas na mas mapapabuti sina Adan at Eva kung hindi nila susundin ang utos ng Diyos at magsasarili. (Genesis 3:1-6) Ito’y tuwirang paghamon sa karapatan ng Diyos na mamahala. Ano kaya ang gagawin ni Jehova?

8, 9. (a) Ano ang gagawin ng isang taong tagapamahala kapag may naghimagsik sa kaniyang nasasakupan? (b) Ano ang ginawa ni Jehova nang may maghimagsik sa Eden?

8 Ano ang inaasahan nating gagawin ng isang tagapamahala kapag may tahasang naghimagsik sa kaniyang nasasakupan? Magugunita ng mga may alam sa kasaysayan ang ilang pangyayaring katulad nito. Sa halip na ipagwalang-bahala, karaniwan nang hahatulan ng isang tagapamahala​—kahit mabait pa ito—​ang mga rebelde, anupat ipahahayag na nagkasala sila ng pagtataksil. Pagkatapos ay mag-aatas ang tagapamahala ng isang susupil sa mga rebelde upang manumbalik ang kapayapaan. Sa katulad na paraan, ipinakita ni Jehova na kontroladung-kontrolado niya ang situwasyon nang agad siyang kumilos para hatulan ang mga rebelde. Sinabi niyang hindi karapat-dapat sina Adan at Eva sa kaloob na buhay na walang hanggan, at pinalayas Niya sila sa hardin ng Eden.​—Genesis 3:16-19, 22-24.

9 Nang hatulan naman ni Jehova si Satanas, isiniwalat niya ang isang bagong paraan ng pamamahala na magpapanumbalik ng kapayapaan at kaayusan sa lahat ng kaniyang nasasakupan. Sinabi ng Diyos kay Satanas: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Genesis 3:15) Kaya isiniwalat ni Jehova na bibigyan niya ng kapangyarihan ang isang “binhi” upang durugin si Satanas at ang mga kampon nito at upang patunayan na Siya ang nararapat mamahala.​—Awit 2:7-9; 110:1, 2.

10. (a) Sino ang napatunayang “binhi”? (b) Ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa katuparan ng unang hula?

10 Ang ‘binhing’ iyon ay walang iba kundi si Jesu-Kristo, pati na ang isang natatanging grupo na makakasama niyang mamahala. Sila ang bumubuo sa Mesiyanikong Kaharian ng Diyos. (Daniel 7:13, 14, 27; Mateo 19:28; Lucas 12:32; 22:28-30) Pero hindi agad isiniwalat ang lahat ng ito. Sa katunayan, ang katuparan ng unang hula ay nanatiling “sagradong lihim na pinanatiling tahimik sa loob ng lubhang mahabang panahon.” (Roma 16:25) Napakatagal nang inasam ng mga tapat na tao ang pagsisiwalat ng “sagradong lihim” at ang katuparan ng unang hula sa ikapagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova.​—Roma 8:19-21.

Unti-unting Isiniwalat ang “Sagradong Lihim”

11. Ano ang ipinabatid ni Jehova kay Abraham?

11 Sa paglipas ng panahon, unti-unting ipinabatid ni Jehova ang mga bahagi ng “sagradong lihim ng kaharian ng Diyos.” (Marcos 4:11) Ang isa sa pinagsabihan ni Jehova nito ay si Abraham, na tinawag na “kaibigan ni Jehova.” (Santiago 2:23) Ipinangako ni Jehova kay Abraham na “gagawa [Siya] ng isang dakilang bansa” mula sa kaniya. Pagkatapos ay ipinabatid pa ng Diyos kay Abraham: “Mga hari ang lalabas mula sa iyo,” at “sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.”​—Genesis 12:2, 3; 17:6; 22:17, 18.

12. Paano nahayag ang binhi ni Satanas pagkatapos ng Baha?

12 Noon pa mang panahon ni Abraham, nagtangka na ang mga tao na mamuno at manakop. Halimbawa, tungkol kay Nimrod na apo ni Noe sa tuhod, sinasabi ng Bibliya: “Siya ang nagpasimuno sa pagiging makapangyarihan sa lupa. Itinanghal niya ang kaniyang sarili bilang makapangyarihang mangangaso na salansang kay Jehova.” (Genesis 10:8, 9) Maliwanag na kontrolado ni Satanas si Nimrod at ang iba pang nag-aastang tagapamahala. Sila at ang kanilang mga tagasuporta ay naging bahagi ng binhi ni Satanas.​—1 Juan 5:19.

13. Ano ang patiunang sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Jacob?

13 Sa kabila ng pagsisikap ni Satanas na impluwensiyahan ang mga tao na mamahala, patuloy pa rin si Jehova sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. Sa pamamagitan ng apo ni Abraham na si Jacob, isiniwalat ni Jehova: “Ang setro ay hindi lilihis mula kay Juda, ni ang baston ng kumandante mula sa pagitan ng kaniyang mga paa, hanggang sa dumating ang Shilo; at sa kaniya mauukol ang pagkamasunurin ng mga bayan.” (Genesis 49:10) Ang salitang “Shilo” ay nangangahulugang “Siya na Nagmamay-ari Nito; Siya na Kinauukulan Nito.” Kung gayon, ipinahihiwatig ng makahulang mga salitang ito na darating ang isa na nagtataglay ng legal na karapatang tumanggap ng “setro,” o soberanya, at ng “baston ng kumandante,” o pamamahala, sa “mga bayan,” o sa buong sangkatauhan. Sino kaya ang Isang ito?

“Hanggang sa Dumating ang Shilo”

14. Anong pakikipagtipan kay David ang ginawa ni Jehova?

14 Sa mga inapo ni Juda, ang unang pinili ni Jehova na maging hari sa kaniyang bayan ay ang pastol na si David na anak ni Jesse. * (1 Samuel 16:1-13) Sa kabila ng kaniyang mga kasalanan at pagkakamali, si David ay nakasumpong ng lingap ni Jehova dahil sa kaniyang katapatan sa soberanya ni Jehova. Para sa higit pang pagliliwanag sa hulang binigkas noon sa Eden, nakipagtipan si Jehova kay David, na sinasabi: “Ibabangon ko nga ang iyong binhi na kasunod mo, na lalabas mula sa iyong mga panloob na bahagi; at itatatag ko nga nang matibay ang kaniyang kaharian.” Hindi lamang ito tumutukoy sa magiging anak ni David, si Solomon na papalit sa kaniya, dahil isinasaad ng tipan: “Itatatag ko nga nang matibay ang trono ng kaniyang kaharian hanggang sa panahong walang takda.” Niliwanag ng tipang iyan kay David na ang ipinangakong “binhi” ng Kaharian ay magmumula sa kaniyang angkan.​—2 Samuel 7:12, 13.

15. Bakit masasabing isang parisan ng Kaharian ng Diyos ang kaharian ng Juda?

15 Nagmula kay David ang isang dinastiya ng mga hari na pinahiran ng banal na langis ng mataas na saserdote. Kaya naman ang mga haring ito ay matatawag na mga pinahiran, o mga mesiyas. (1 Samuel 16:13; 2 Samuel 2:4; 5:3; 1 Hari 1:39) Masasabing nakaupo sila sa trono ni Jehova at namamahala sa Jerusalem bilang mga hari para kay Jehova. (2 Cronica 9:8) Sa diwang iyan, ang kaharian ng Juda ang kumatawan sa Kaharian ng Diyos at nagsisilbing kapahayagan ng soberanya ni Jehova.

16. Ano ang ibinunga ng pamamahala ng mga hari ng Juda?

16 Kapag ang hari at ang bayan ay nagpapasakop sa soberanya ni Jehova, tumatanggap sila ng proteksiyon at pagpapala mula sa Kaniya. Ang paghahari ni Solomon ay partikular nang isang walang-katulad na panahon ng kapayapaan at kasaganaan, anupat nagbibigay ng ideya kung paano mamamahala ang Kaharian ng Diyos kapag lubusan nang nawala ang impluwensiya ni Satanas at naipagbangong-puri na ang soberanya ni Jehova. (1 Hari 4:20, 25) Nakalulungkot, hindi nakasunod sa mga kahilingan ni Jehova ang karamihan sa mga hari mula sa angkan ni David, at nahulog ang bayan sa idolatriya at imoralidad. Nang dakong huli, pinahintulutan na ni Jehova na wasakin ng Babilonya ang kaharian noong 607 B.C.E. Waring nagtagumpay si Satanas sa kaniyang pagtatangkang siraan ang soberanya ni Jehova.

17. Ano ang nagpapakitang si Jehova pa rin ang namamahala bilang Soberano sa kabila ng pagbagsak ng kaharian ng angkan ni David?

17 Ang pagbagsak ng kaharian ng angkan ni David​—at ang naunang pagbagsak ng hilagang kaharian ng Israel—​ay katibayan, hindi ng anumang pagkukulang o pagkabigo ng soberanya ni Jehova, kundi ng nakalulungkot na resulta ng impluwensiya ni Satanas at ng paghiwalay ng tao sa Diyos. (Kawikaan 16:25; Jeremias 10:23) Para ipakitang siya pa rin ang namamahala bilang soberano, ipinahayag ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Ezekiel: “Hubarin mo ang turbante, at alisin mo ang korona. . . . Kagibaan, kagibaan, kagibaan ang gagawin ko roon. Kung tungkol din dito, hindi nga iyon aariin ninuman hanggang sa dumating siya na may legal na karapatan, at ibibigay ko iyon sa kaniya.” (Ezekiel 21:26, 27) Ipinahihiwatig ng mga salitang iyon na ang ipinangakong “binhi,” ang Isa “na may legal na karapatan,” ay darating pa lamang.

18. Ano ang sinabi ng anghel na si Gabriel kay Maria?

18 Tingnan natin ang nangyari pagkalipas ng mga 600 taon. Isinugo ang anghel na si Gabriel kay Maria, isang birhen sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea sa hilagang Palestina. Sinabi niya: “Narito! ikaw ay maglilihi sa iyong bahay-bata at magsisilang ng isang anak na lalaki, at tatawagin mong Jesus ang pangalan nito. Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan; at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya ay mamamahala bilang hari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.”​—Lucas 1:31-33.

19. Anong nakapananabik na mga pangyayari ang malapit nang maganap?

19 Sa wakas, malapit na ring isiwalat ang “sagradong lihim.” Malapit nang dumating ang pangunahing Isa ng ipinangakong “binhi.” (Galacia 4:4; 1 Timoteo 3:16) Susugatan siya ni Satanas sa sakong. Pero ang ‘binhing’ iyon naman ang susugat sa ulo ni Satanas, samakatuwid nga, lulupig sa kaniya at sa kaniyang mga kampon. Patutunayan din niya na sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos, mawawala na ang lahat ng pinsalang idinulot ni Satanas at maipagbabangong-puri na ang soberanya ni Jehova. (Hebreo 2:14; 1 Juan 3:8) Paano ito isasagawa ni Jesus? Anong halimbawa ang iniwan niya sa atin para tularan? Makikita natin ang mga sagot sa susunod na artikulo.

[Talababa]

^ par. 14 Si Saul na unang pinili ng Diyos na mamahala sa Israel ay mula sa tribo ni Benjamin.​—1 Samuel 9:15, 16; 10:1.

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Bakit nararapat na maging pansansinukob na Soberano si Jehova?

• Bakit nilayon ni Jehova na magkaroon ng Kaharian?

• Paano unti-unting ipinabatid ni Jehova ang “sagradong lihim”?

• Ano ang nagpapakitang si Jehova pa rin ang namamahala bilang Soberano sa kabila ng pagbagsak ng kaharian ng angkan ni David?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 23]

Ano ang patiunang sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Abraham?

[Larawan sa pahina 25]

Bakit hindi katibayan ng anumang pagkabigo ng soberanya ni Jehova ang pagbagsak ng kaharian ng angkan ni David?