Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Ano ang dapat na maging pananaw ng isang Kristiyano hinggil sa pangangaso at pangingisda?

Hindi naman ipinagbabawal ng Bibliya ang pangangaso o pangingisda. (Deuteronomio 14:4, 5, 9, 20; Mateo 17:27; Juan 21:6) Gayunpaman, dapat isaalang-alang ng mga Kristiyanong nangangaso at nangingisda ang ilang simulain sa Kasulatan.

Pinahintulutan ng Diyos si Noe at ang mga inapo nito na pumatay at kumain ng mga hayop, ngunit kailangan muna nilang patuluin ang dugo ng mga hayop bago nila kainin ang mga ito. (Genesis 9:3, 4) Idiniriin ng utos na ito na dapat igalang ang buhay ng hayop yamang nagmula ito sa Diyos. Kaya hindi pumapatay ang mga Kristiyano ng mga hayop bilang isport o para lamang sa katuwaan, na nagpapakita ng kalupitan at kawalang-pagpapahalaga sa buhay.​—Kawikaan 12:10.

May isa pang aspekto na dapat isaalang-alang may kaugnayan sa ating saloobin. Ang mga apostol na mangingisda ay malamang na nasisiyahan kapag marami silang nahuhuli. Pero walang mababasa sa Bibliya na ipinagyabang nila ang kanilang kakayahan sa pangingisda o pangangaso, o na nangisda o nangaso sila para makipagkompetensiya sa iba, mapatunayan ang kanilang pagkalalaki, o makadama ng kaluguran sa paghuli o pagpatay ng mga hayop.​—Awit 11:5; Galacia 5:26.

Kaya maaari nating itanong sa ating sarili: ‘Ako ba’y huwaran sa pagpapakita ng paggalang sa pananaw ni Jehova sa buhay? Lagi na lamang bang pangangaso o pangingisda ang laman ng isip ko at gusto kong pinag-uusapan? Ang akin bang paraan ng pamumuhay ay nagpapakita na natutuwa ako sa pagpatay o paghuli sa mga hayop, o ipinakikita nito na ministro ako ng Diyos? Dahil ba sa aking pangangaso at pangingisda ay madalas na akong nakikisama sa mga di-sumasampalataya o napapabayaan ko na ang aking pamilya?’​—Lucas 6:45.

Sa ilang bansa, may espesipikong mga panahon kung kailan legal na ipinahihintulot ang pangangaso at pangingisda. Iniisip ng ilang nangangaso o nangingisda para sa kanilang ikabubuhay na puwede nilang isaisantabi muna ang mga Kristiyanong gawain sa mga panahong iyon. Subalit ipinakikita nating nananampalataya at nagtitiwala tayo sa Diyos kapag inuuna natin sa lahat ng pagkakataon ang paglilingkuran sa kaniya. (Mateo 6:33) Bukod diyan, sinusunod din ng mga Kristiyano ang lahat ng batas ni “Cesar” may kaugnayan sa pangangaso at pangingisda, ipinatutupad man ito o hindi ng mga awtoridad.​—Mateo 22:21; Roma 13:1.

Upang maitaguyod ang pananaw ni Jehova sa pangangaso at pangingisda, baka kailangang iayon ng ilan ang kanilang pag-iisip sa Kaniyang mga simulain. (Efeso 4:22-24) Sa kabilang dako naman, kailangan nating igalang ang pasiya ng iba. Naaangkop dito ang payo ni apostol Pablo: “Huwag na tayong maghatulan pa sa isa’t isa, kundi sa halip ay ito ang gawin ninyong inyong pasiya, na huwag maglagay ng katitisuran . . . sa harap ng isang kapatid.” (Roma 14:13) Ang pagpapakita ng gayong di-makasariling pag-ibig at paggalang ay nagdudulot ng kapayapaan sa kongregasyon at nakalulugod sa ating Maylikha, ang Pinagmumulan ng lahat ng buhay.​—1 Corinto 8:13. *

[Talababa]

^ par. 8 Tingnan din ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Mayo 15, 1990, isyu ng Ang Bantayan.