Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Panig Ka ba sa Soberanya ni Jehova?

Panig Ka ba sa Soberanya ni Jehova?

Panig Ka ba sa Soberanya ni Jehova?

“Sabihin sa gitna ng mga bansa: ‘Si Jehova ay naging hari.’”​—AWIT 96:10.

1, 2. (a) Anong napakahalagang pangyayari ang naganap noong mga Oktubre 29 C.E.? (b) Ano ang kahulugan ng pangyayaring iyon para kay Jesus?

ISANG napakahalagang pangyayari ang naganap, sa kauna-unahang pagkakataon, noong mga Oktubre 29 C.E. Nag-ulat ang manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo: “Pagkatapos na mabautismuhan ay kaagad na umahon si Jesus mula sa tubig; at, narito! ang langit ay nabuksan, at nakita [ni Juan na Tagapagbautismo na] bumababa na tulad ng isang kalapati ang espiritu ng Diyos na lumalapag [kay Jesus]. Narito! May tinig din mula sa langit na nagsabi: ‘Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.’” Isa lamang ito sa ilang pangyayari na iniulat ng lahat ng apat na manunulat ng Ebanghelyo.​—Mateo 3:16, 17; Marcos 1:9-11; Lucas 3:21, 22; Juan 1:32-34.

2 Nakilala si Jesus bilang ang Isa na Pinahiran, na nangangahulugang Mesiyas, o Kristo, nang buhusan siya ng banal na espiritu. (Juan 1:33) Sa wakas, lumitaw na rin ang ipinangakong “binhi”! Nakatayo sa harap ni Juan na Tagapagbautismo ang isa na susugatan ni Satanas sa sakong at siya namang susugat sa ulo ng pangunahing kaaway na ito ni Jehova at ng Kaniyang soberanya. (Genesis 3:15) Mula noon, alam na alam ni Jesus na dapat niyang tuparin ang layunin ni Jehova hinggil sa Kaniyang soberanya at Kaharian.

3. Paano pinaghandaan ni Jesus ang papel na gagampanan niya sa pagtataguyod sa soberanya ni Jehova?

3 Bilang paghahanda sa gawaing iniatas sa kaniya, “si Jesus, puspos ng banal na espiritu, ay umalis mula sa Jordan, at inakay siya ng espiritu sa ilang.” (Lucas 4:1; Marcos 1:12) Doon, si Jesus ay gumugol ng 40 araw para magbulay-bulay nang husto tungkol sa isyu ng pagkasoberano na ibinangon ni Satanas at sa landasing tatahakin Niya upang itaguyod ang soberanya ni Jehova. Sangkot sa isyung ito ang lahat ng matatalinong nilalang​—sa langit at sa lupa. Kaya dapat nating isaalang-alang ang katapatan ni Jesus at tingnan kung ano ang dapat nating gawin para ipakitang gusto rin nating itaguyod ang soberanya ni Jehova.​—Job 1:6-12; 2:2-6.

Ibinangon ang Isyu ng Pagkasoberano ni Jehova

4. Ano ang ginawa ni Satanas para maibangon ang isyu ng pagkasoberano?

4 Siyempre pa, hindi lingid kay Satanas ang lahat ng nabanggit na mga pangyayari. Karaka-raka, pinasimulan niya ang kaniyang pag-atake sa pangunahing “binhi” ng “babae” ng Diyos. (Genesis 3:15) Tatlong beses na tinukso ni Satanas si Jesus, anupat nagmungkahing gawin ni Jesus ang sa wari’y makabubuti sa kaniya sa halip na gawin ang kalooban ng kaniyang Ama. Ibinangon ang isyu ng pagkasoberano sa ikatlong pagtukso. Habang ipinakikita kay Jesus “ang lahat ng mga kaharian ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian,” buong-kapangahasang sinabi ni Satanas kay Jesus: “Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo kung susubsob ka at gagawa ng isang gawang pagsamba sa akin.” Palibhasa’y alam na alam ni Jesus na talagang kontrolado ng Diyablo “ang lahat ng mga kaharian ng sanlibutan,” ipinakita niya ang kaniyang paninindigan sa isyu ng pagkasoberano sa ganitong pagsagot: “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.’”​—Mateo 4:8-10.

5. Anong mahirap na atas ang kailangang tuparin ni Jesus?

5 Malinaw na nakita sa buhay ni Jesus na wala nang pinakamahalaga sa kaniya kundi ang pagtataguyod sa soberanya ni Jehova. Alam na alam ni Jesus na kailangan niyang manatiling tapat hanggang kamatayan sa kamay ni Satanas​—ang inihulang pagsugat sa sakong ng “binhi” ng babae—​upang patunayan na ang Diyos ang nararapat mamahala. (Mateo 16:21; 17:12) Kailangan din niyang ihayag ang katotohanan na ang Kaharian ng Diyos ang ahensiya na binigyan ni Jehova ng awtoridad upang lupigin ang rebeldeng si Satanas at ibalik ang kapayapaan at kaayusan sa lahat ng nilalang. (Mateo 6:9, 10) Ano ang ginawa ni Jesus upang matupad ang mahirap na atas na ito?

“Ang Kaharian ng Diyos ay Malapit Na”

6. Paano pinatunayan ni Jesus na ang Kaharian ang gagamitin ng Diyos upang “sirain ang mga gawa ng Diyablo”?

6 Bilang pasimula, “pumaroon si Jesus sa Galilea, na ipinangangaral ang mabuting balita ng Diyos at sinasabi: ‘Ang takdang panahon ay natupad na, at ang kaharian ng Diyos ay malapit na.’” (Marcos 1:14, 15) Sa katunayan, sinabi niya: “Dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.” (Lucas 4:18-21, 43) Naglakbay si Jesus sa buong lupain, “na ipinangangaral at ipinahahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.” (Lucas 8:1) Gumawa rin si Jesus ng maraming himala​—nagpakain ng maraming tao, nagpahupa ng bagyo, nagpagaling ng sakit, at bumuhay ng patay. Sa pamamagitan ng mga himalang ito, pinatunayan ni Jesus na kayang alisin ng Diyos ang lahat ng pinsala at pagdurusang ibinunga ng paghihimagsik sa Eden at sa gayo’y “sirain ang mga gawa ng Diyablo.”​—1 Juan 3:8.

7. Ano ang iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod, at ano ang naging resulta nito?

7 Para maihayag nang lubusan ang mabuting balita ng Kaharian, tinipon ni Jesus ang isang grupo ng tapat na mga tagasunod at sinanay sila sa gawaing iyon. Inatasan muna niya ang kaniyang 12 apostol at “isinugo niya sila upang ipangaral ang kaharian ng Diyos.” (Lucas 9:1, 2) Saka niya isinugo ang 70 iba pa upang ihayag ang mensahe: “Ang kaharian ng Diyos ay malapit na sa inyo.” (Lucas 10:1, 8, 9) Nang bumalik ang mga alagad na ito at iulat kay Jesus ang naging tagumpay nila sa pangangaral ng Kaharian, sinabi niya: “Namamasdan ko na si Satanas na nahulog na tulad ng kidlat mula sa langit.”​—Lucas 10:17, 18.

8. Ano ang malinaw na makikita sa landasin ng buhay ni Jesus?

8 Ginawa ni Jesus ang buong makakaya niya at wala siyang pinalampas na pagkakataon para magpatotoo hinggil sa Kaharian. Wala siyang tigil sa paggawa araw at gabi, anupat kinaligtaan niya pati ang karaniwang mga kaalwanan sa buhay. Sinabi niya: “Ang mga sorra ay may mga lungga at ang mga ibon sa langit ay may mga dapuan, ngunit ang Anak ng tao ay walang dakong mahihigan ng kaniyang ulo.” (Lucas 9:58; Marcos 6:31; Juan 4:31-34) Nang malapit na siyang mamatay, tahasang sinabi ni Jesus kay Poncio Pilato: “Dahil dito ay dumating ako sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37) Makikita sa buong buhay ni Jesus na pumarito siya, hindi lamang para maging dakilang guro o manggagawa ng himala o magsakripisyo bilang Tagapagligtas, kundi upang itaguyod at gawin ang kalooban ni Jehova bilang Soberano at magpatotoo sa kakayahan ng Diyos na tuparin ang kaloobang iyan sa pamamagitan ng Kaharian.​—Juan 14:6.

“Naganap Na!”

9. Paano nagtagumpay si Satanas na sugatan sa sakong ang “binhi” ng babae ng Diyos?

9 Lahat ng ginawa ni Jesus hinggil sa Kaharian ay di-nagustuhan ng Kalaban, si Satanas na Diyablo. Paulit-ulit na sinikap ni Satanas na patayin ang “binhi” ng babae ng Diyos sa pamamagitan ng makalupang bahagi ng kaniyang “binhi”​—ang pulitika at relihiyon. Mula sa kaniyang pagsilang hanggang sa wakas ng buhay niya sa lupa, si Jesus ang puntirya ni Satanas at ng kaniyang mga alipores. Nang dakong huli, noong tagsibol ng 33 C.E., panahon na para sa Anak ng tao na mahulog sa kamay ng Kalaban upang sugatan siya nito sa sakong. (Mateo 20:18, 19; Lucas 18:31-33) Malinaw na iniulat sa mga Ebanghelyo kung paanong ang mga tao​—mula kay Hudas Iscariote hanggang sa mga punong saserdote, eskriba, Pariseo, at mga Romano—​ay minaniobra ni Satanas para hatulan si Jesus at patawan ng masakit na kamatayan sa pahirapang tulos.​—Gawa 2:22, 23.

10. Ano ang pangunahing naisakatuparan ng kamatayan ni Jesus sa pahirapang tulos?

10 Ano ang naaalaala mo kapag naguguniguni mo si Jesus na nasa pahirapang tulos at dumaranas ng unti-unti at napakasakit na kamatayan? Marahil ay naaalaala mo ang haing pantubos na walang pag-iimbot na ibinigay ni Jesus alang-alang sa makasalanang sangkatauhan. (Mateo 20:28; Juan 15:13) Mamamangha ka sa dakilang pag-ibig na ipinakita ni Jehova sa paglalaan ng haing iyan. (Juan 3:16) Marahil ay madarama mo rin ang nadama ng Romanong opisyal ng hukbo na nagsabi: “Tiyak na ito ang Anak ng Diyos.” (Mateo 27:54) Talaga namang angkop lamang na mag-isip ng ganito. Sa kabilang dako, alalahanin ang huling mga salita ni Jesus sa pahirapang tulos: “Naganap na!” (Juan 19:30) Ano ang naganap na? Bagaman maraming nagawa si Jesus sa kaniyang naging buhay at kamatayan, hindi ba’t naparito siya sa lupa pangunahin nang para lutasin ang isyu ng pagkasoberano ni Jehova? At hindi ba’t inihula na bilang “binhi,” daranas siya ng napakatinding pagsubok sa kamay ni Satanas upang maalis ang lahat ng upasala sa pangalan ni Jehova? (Isaias 53:3-7) Mabibigat na pananagutan ito, pero lubusang naisakatuparan ni Jesus ang mga ito. Napakalaking tagumpay nga!

11. Ano ang gagawin ni Jesus upang lubusang matupad ang hulang binigkas sa Eden?

11 Dahil sa kaniyang katapatan, si Jesus ay binuhay-muli, hindi bilang tao, kundi bilang “espiritung nagbibigay-buhay.” (1 Corinto 15:45; 1 Pedro 3:18) Nangako si Jehova sa kaniyang niluwalhating Anak: “Umupo ka sa aking kanan hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway bilang tuntungan ng iyong mga paa.” (Awit 110:1) Kabilang sa “mga kaaway” ang pasimuno, si Satanas, at ang lahat ng bumubuo sa kaniyang “binhi.” Bilang Hari ng Mesiyanikong Kaharian ni Jehova, pangungunahan ni Jesu-Kristo ang pagpuksa sa lahat ng rebelde sa mga dako ng espiritu at sa lupa. (Apocalipsis 12:7-9; 19:11-16; 20:1-3, 10) Saka lubusang matutupad ang hula sa Genesis 3:15 at ang panalanging itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”​—Mateo 6:10; Filipos 2:8-11.

Isang Huwarang Dapat Tularan

12, 13. (a) Anong pagtugon sa mabuting balita ng Kaharian ang nakikita sa ngayon? (b) Ano ang dapat nating itanong sa ating sarili kung gusto nating sundan ang mga yapak ni Kristo?

12 Sa ngayon, ang mabuting balita ng Kaharian ay ipinangangaral sa maraming lupain, gaya ng inihula ni Jesus. (Mateo 24:14) Bilang resulta, milyun-milyong tao ang nag-alay ng kanilang buhay sa Diyos. Pinananabikan nila ang mga pagpapalang idudulot ng Kaharian. Inaasam nilang mabuhay magpakailanman sa kapayapaan at katiwasayan sa isang paraisong lupa, at masaya nilang ibinabalita sa iba ang tungkol sa kanilang pag-asa. (Awit 37:11; 2 Pedro 3:13) Isa ka ba sa mga tagapaghayag na ito ng Kaharian? Kung oo, dapat kang papurihan. Pero may isa pang bagay na dapat isaalang-alang ng bawat isa sa atin.

13 Sumulat si apostol Pedro: “Si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak.” (1 Pedro 2:21) Pansinin na sa pagkakataong ito, binanggit ni Pedro, hindi ang sigasig ni Jesus sa pangangaral ni ang kaniyang kasanayan sa pagtuturo, kundi ang kaniyang pagdurusa. Dahil nasaksihan niya mismo, alam na alam ni Pedro kung hanggang saan handang magdusa si Jesus bilang pagpapasakop sa soberanya ni Jehova at upang mapatunayang sinungaling si Satanas. Kaya paano natin masusundan ang mga yapak ni Jesus? Dapat nating tanungin ang ating sarili: ‘Hanggang saan ako handang magdusa upang maitaguyod at maparangalan ang soberanya ni Jehova? Ipinakikita ko ba sa paraan ng aking pamumuhay at sa aking ministeryo na pinakamahalaga sa akin ang pagtataguyod sa soberanya ni Jehova?’​—Colosas 3:17.

14, 15. (a) Ano ang naging reaksiyon ni Jesus sa mga maling mungkahi at alok sa kaniya, at bakit? (b) Anong isyu ang dapat na lagi nating tandaan? (Isama sa komento ang nasa kahong “Manindigan sa Panig ni Jehova.”)

14 Sa araw-araw, napapaharap tayo sa maliliit at malalaking pagsubok at pagpapasiya. Sa ano dapat nakasalig ang ating pagtugon? Halimbawa, kapag napapaharap tayo sa tuksong gumawa ng isang bagay na magsasapanganib sa ating katayuan bilang Kristiyano, paano tayo tutugon? Nang sabihan ni Pedro si Jesus na maging mabait sa kaniyang sarili, ano ang tugon ni Jesus? “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas!” ang sigaw ni Jesus. “Iniisip mo, hindi ang mga kaisipan ng Diyos, kundi yaong sa mga tao.” (Mateo 16:21-23) O kapag nagkaroon tayo ng pagkakataong umasenso sa buhay pero maaapektuhan naman ang ating mga gawaing Kristiyano at kaugnayan sa Diyos, tutugon din ba tayo gaya ng naging pagtugon ni Jesus? Nang mapansin ni Jesus na “papalapit na sila [mga nakakita sa kaniyang mga himala] at aagawin siya upang gawin siyang hari” agad siyang umalis.​—Juan 6:15.

15 Bakit gayon na lamang ang reaksiyon ni Jesus dito at sa iba pang mga pagkakataon? Dahil alam na alam niya na higit pa sa kaniyang personal na kaligtasan o kapakinabangan ang nasasangkot. Gusto niyang gawin ang kalooban ng kaniyang Ama at itaguyod ang soberanya ni Jehova anuman ang mangyari. (Mateo 26:50-54) Kaya dapat na maging malinaw sa atin sa lahat ng panahon ang tunay na isyu, gaya ni Jesus. Kung hindi, laging may panganib na makompromiso tayo o mabigong gawin ang tama. Bakit gayon? Dahil madali tayong mahuhulog sa mga pakana ni Satanas, na eksperto sa paggawang mukhang kanais-nais ang isang bagay na mali, gaya ng ginawa niya nang tuksuhin niya si Eva.​—2 Corinto 11:14; 1 Timoteo 2:14.

16. Ano ang dapat nating maging pangunahing tunguhin sa pagtulong sa iba?

16 Sa ating ministeryo, sinisikap nating makausap ang mga tao hinggil sa mga ikinababahala nila at ipakita sa kanila ang sagot ng Bibliya sa mga ito. Isang mabisang paraan ito upang antigin ang kanilang interes sa pag-aaral ng Bibliya. Pero ang ating pangunahing tunguhin ay hindi lamang para tulungan ang mga tao na malaman ang sinasabi ng Bibliya o ang mga pagpapalang idudulot ng Kaharian ng Diyos. Dapat natin silang tulungang maunawaan ang tunay na isyu. Handa ba silang maging tunay na mga Kristiyano at buhatin ang kanilang “pahirapang tulos” at magdusa para sa Kaharian? (Marcos 8:34) Handa ba silang sumama sa mga pumapanig sa soberanya ni Jehova at sa gayo’y patunayang sinungaling at maninirang-puri si Satanas? (Kawikaan 27:11) Pribilehiyo nating tulungan ang ating sarili at ang iba na manindigan sa soberanya ni Jehova.​—1 Timoteo 4:16.

Kapag ang Diyos ay Naging “Lahat ng Bagay sa Bawat Isa”

17, 18. Anong maluwalhating panahon ang maaasahan natin kung ipinakikita nating panig tayo sa soberanya ni Jehova?

17 Habang ginagawa natin ngayon ang ating buong makakaya upang ipakita sa ating paggawi at sa ating ministeryo na panig tayo sa soberanya ni Jehova, mananabik tayo sa panahong ‘ibibigay ni Jesu-Kristo ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama.’ Kailan iyan mangyayari? Ganito ang paliwanag ni apostol Pablo: “Kapag pinawi na niya ang lahat ng pamahalaan at ang lahat ng awtoridad at kapangyarihan. Sapagkat kailangan siyang mamahala bilang hari hanggang sa mailagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa. . . . Kung magkagayon ay magpapasakop din mismo ang Anak sa Isa na nagpasakop ng lahat ng bagay sa kaniya, upang ang Diyos ay maging lahat ng bagay sa bawat isa.”​—1 Corinto 15:24, 25, 28.

18 Kapag ang Diyos ay naging “lahat ng bagay sa bawat isa”​—maluwalhating panahon nga iyon! Naganap na ng Kaharian ang misyon nito. Nalipol na ang lahat ng sumasalansang sa soberanya ni Jehova. Naisauli na ang kapayapaan at kaayusan sa buong uniberso. Sa mga salita ng salmista, ang lahat ng nilalang ay aawit: “Mag-ukol kayo kay Jehova ng kaluwalhatiang nararapat sa kaniyang pangalan . . . Sabihin sa gitna ng mga bansa: ‘Si Jehova ay naging hari.’”​—Awit 96:8, 10.

Masasagot Mo Ba?

• Paano ipinakita ni Jesus na pinakamahalaga ang isyu hinggil sa soberanya ng Diyos?

• Ano ang pangunahing naisakatuparan ng ministeryo at kamatayan ni Jesus?

• Sa anu-anong paraan natin matutularan ang halimbawa ni Jesus para maipakitang panig tayo sa soberanya ni Jehova?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon/​Mga Larawan sa pahina 29]

MANINDIGAN SA PANIG NI JEHOVA

Gaya ng alam ng maraming kapatid sa Korea at saanman, kapag napapaharap ang mga Kristiyano sa matitinding pagsubok, makatutulong kung malinaw sa kanilang isip ang dahilan kung bakit dumarating sa kanila ang gayong mga pagsubok.

“Ang nakatulong sa amin na magbata,” ang sabi ng isang Saksi ni Jehova na ibinilanggo noong panahon ng dating rehimeng Sobyet, “ay ang malinaw na pagkaunawa sa isyu na ibinangon sa hardin ng Eden​—ang isyu tungkol sa karapatan ng Diyos na mamahala. . . . Alam naming pagkakataon na naming manindigan sa pamamahala ni Jehova. . . . Kaya naman, naging matatag kami at naingatan namin ang aming katapatan.”

Isa pang Saksi ang nagpaliwanag kung ano ang nakatulong sa kaniya at sa kapuwa mga Saksi sa kampo ng puwersahang pagtatrabaho. “Tinulungan kami ni Jehova,” ang sabi niya. “Sa kabila ng mahihirap na kalagayan, nanatili kaming gising sa espirituwal. Palagi naming pinasisigla ang isa’t isa sa pagsasabing nakapanindigan kami sa panig ni Jehova sa isyu ng pansansinukob na soberanya.”

[Larawan sa pahina 26]

Paano itinaguyod ni Jesus ang soberanya ni Jehova nang tuksuhin siya ni Satanas?

[Larawan sa pahina 28]

Ano ang naisakatuparan ng kamatayan ni Jesus?