Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinagkakaisa ang mga Tao sa Buong Daigdig—Paano?

Pinagkakaisa ang mga Tao sa Buong Daigdig—Paano?

Pinagkakaisa ang mga Tao sa Buong Daigdig​—Paano?

PARA sa iyo, ano ang kahulugan ng “pagkakaisa”? Para sa ilan, simple lamang ang kahulugan nito​—walang alitan o hidwaan. Halimbawa, kapag ang dalawa o higit pang bansa ay lumagda sa isang kasunduan at pumayag sa mga kondisyon ng pakikipagpayapaan, sinasabing sila’y nagkakaisa. Pero totoo nga ba? Hindi palagi.

Pag-isipan ito: Sa buong kasaysayan, libu-libo nang kasunduang pangkapayapaan ang ginawa at nilabag. Bakit? Madalas na dahil mas mahalaga sa mga lider ng mga bansa ang kanilang kapangyarihan kaysa kapayapaan o pagkakaisa. Gayundin, natatakot ang ilang bansa sa maaaring mangyari kung mapag-iiwanan sila pagdating sa puwersang militar.

Samakatuwid, kapag hindi nagdidigmaan ang dalawang bansa, hindi ito nangangahulugang sila’y nagkakaisa. Masasabi nga bang may kapayapaan sa pagitan ng dalawang lalaking nakatutok ang baril sa isa’t isa dahil hindi naman nila kinakalabit ang gatilyo? Hindi nga! Pero ganiyan ang kalagayan ng maraming bansa sa ngayon. Dahil nawawala na ang tiwala sa isa’t isa, nangangamba silang isang araw ay bigla na lamang may maglunsad ng mga sandata. Ano na ba ang nagawa para maiwasan ang ganitong kapahamakan?

Pagkatakot sa mga Sandatang Nuklear​—Banta sa Pagkakaisa

Marami ang umaasa sa Nuclear Non-Proliferation Treaty (NPT). Sa kasunduang ito na inaprubahan noong 1968, pinagbabawalang gumawa ng mga sandatang nuklear ang mga bansang wala pa nito at kinokontrol ang paggawa ng mga ito sa mga bansang mayroon na. Ang layunin ng NPT, na inaprubahan na ng mahigit 180 bansa, ay upang lubusang maalis ang mga sandata.

Bagaman mukhang maganda naman ang layuning iyon, ipinalalagay ng ilang kritiko na ang NPT ay ginawa para lamang hindi na maragdagan pa ang mga bansang may mga sandatang nuklear​—para hindi na makagawa ng mga sandata ang mga bansang wala pa nito. Kaya naman pinangangambahang baka magdalawang-isip ang ilang lumagda sa kasunduan. Oo, iniisip ng ilang bansa na hindi nga makatarungang pagbawalan silang gumawa ng mga sandatang sa tingin nila’y siyang magbibigay ng proteksiyon sa kanila.

Ang problema pa rito​—na posibleng magdulot ng higit pang panganib—​hindi naman pinagbabawalan ang mga bansa na gumawa ng enerhiyang nuklear. Dahil dito, natatakot ang ilan na baka lihim na gumagawa ng mga sandatang nuklear ang mga bansang dapat sana’y gumagamit ng enerhiyang nuklear para sa layuning pangkapayapaan.

Posible ring bale-walain ang NPT maging ng mga bansang mayroon nang mga sandatang nuklear. Sinasabi ng mga kritiko na alangan namang wasakin o bawasan ng mga armadong bansa ang nakatago nilang mga sandata. Ayon sa isang ulat, “para magawa ito . . . kailangang may magandang ugnayan at pagtitiwala sa isa’t isa ang magkalabang bansa [na napakahirap namang paniwalaan na] mangyayari.”

Ang pagsisikap ng tao na matamo ang pagkakaisa​—gaano man ito kataimtim—​ay nabigo. Hindi ito pinagtatakhan ng mga estudyante ng Bibliya, sapagkat sinasabi ng Salita ng Diyos: “Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Tuwiran ding sinasabi ng Bibliya: “May daan na matuwid sa harap ng isang tao, ngunit ang mga daan ng kamatayan ang huling wakas nito.” (Kawikaan 16:25) Limitado lamang ang kakayahan ng tao na matamo ang pagkakaisa. Pero may pag-asa pa rin tayo.

Ang Pinagmumulan ng Tunay na Pagkakaisa

Ang Bibliya ay naglalaman ng pangako ng Diyos na magkakaisa ang daigdig pero hindi dahil sa pagsisikap ng tao. Ang Maylalang ang gagawa ng hindi kayang gawin ng tao yamang layunin niya na mamuhay ang mga tao nang payapa sa buong daigdig. Para sa ilan, waring hindi kapani-paniwala ang lahat ng ito. Gayunman, mula’t sapol ay nilayon na ng Diyos na mamuhay ang mga tao nang magkakasundo at payapa. * Pinatutunayan ng maraming teksto sa Bibliya na layunin pa rin ng Diyos hanggang ngayon na pagkaisahin ang mga tao. Tingnan natin ang ilang halimbawa:

• “Halikayo, masdan ninyo ang mga gawa ni Jehova, kung paano siya nagsagawa ng kagila-gilalas na mga pangyayari sa lupa. Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa. Ang busog ay binabali niya at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karwahe ay sinusunog niya sa apoy.”​—AWIT 46:8, 9.

• “Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”​—ISAIAS 11:9.

• “Lalamunin niya ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha. At ang kadustaan ng kaniyang bayan ay aalisin niya mula sa buong lupa, sapagkat si Jehova mismo ang nagsalita nito.”​—ISAIAS 25:8.

• “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”​—2 PEDRO 3:13.

• “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”​—APOCALIPSIS 21:4.

Maaasahan ang mga pangakong ito. Bakit? Dahil bilang Maylalang, may kapangyarihan at kakayahan ang Diyos na Jehova na pagkaisahin ang mga tao. (Lucas 18:27) At gustung-gusto rin niyang gawin ito. Sa katunayan, binanggit ng Bibliya na ‘kaluguran ng Diyos na muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa.’​—Efeso 1:8-10.

Ang pangako ng Diyos na “isang bagong lupa” kung saan “tatahan ang katuwiran” ay hindi isang pangarap lamang. (2 Pedro 3:13) Tungkol sa kaniyang pangako, sinabi ng Diyos na Jehova: “Hindi ito babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at ito ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.”​—Isaias 55:11.

Pinagkakaisa ng Salita ng Diyos

Gaya ng binanggit sa naunang artikulo, karaniwan nang pinagwawatak-watak ng relihiyon ang mga tao sa halip na pagkaisahin nila ang mga ito. Kailangan natin itong pag-isipang mabuti, dahil kung naniniwala tayo sa pag-iral ng Maylalang, makatuwiran lamang na asahang magiging mapayapa at nagkakaisa ang mga sumasamba sa kaniya.

Walang kinalaman ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Salita sa pagkakawatak-watak ng mga tao dahil sa relihiyon. Ito’y kagagawan ng mga relihiyong nagtataguyod sa mga plano ng tao para makamit ang pagkakaisa sa halip na ang itaguyod nila ay ang layunin ng Diyos. Noong panahon ni Jesus, tinawag niyang “mga mapagpaimbabaw” ang mga lider ng relihiyon at sinabi niya sa kanila: “Angkop ang inihula ni Isaias tungkol sa inyo, nang sabihin niya, ‘Ang bayang ito ay nagpaparangal sa akin sa kanilang mga labi, gayunman ang kanilang puso ay malayung-malayo sa akin. Walang kabuluhan ang patuloy na pagsamba nila sa akin, sapagkat itinuturo nila ang mga utos ng mga tao bilang mga doktrina.’”​—Mateo 15:7-9.

Kabaligtaran nito, pinagkakaisa ng tunay na pagsamba ang mga tao. Inihula ni propeta Isaias: “Mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matibay na matatatag na mataas pa sa taluktok ng mga bundok, at iyon ay mátataás pa nga sa mga burol; at doon ay huhugos ang lahat ng mga bansa. At siya ay maggagawad ng kahatulan sa gitna ng mga bansa at magtutuwid ng mga bagay-bagay may kinalaman sa maraming bayan. At pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”​—Isaias 2:2, 4.

Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova sa mahigit na 230 lupain ang mga tagubilin ng Diyos na Jehova tungkol sa mga daan ng pagkakaisa. Saan nakasalig ang kanilang pagkakaisa? Sumulat si apostol Pablo: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Colosas 3:14) Ang salitang Griego na ginamit ni Pablo para sa “bigkis” ay maaaring tumukoy sa mga litid sa katawan ng tao. Ang mga litid na ito ay kasintibay ng lubid, at dalawang mahalagang bagay ang gamit nito. Pinananatili nito sa lugar ang mga sangkap ng katawan, at pinagdurugtong nito ang mga buto.

Kagayang-kagaya ito ng pag-ibig. Ang katangiang ito ay hindi lamang basta humahadlang sa mga tao na magpatayan. Dahil sa tulad-Kristong pag-ibig, nagkakaisa ang mga indibiduwal na may magkakaibang pinagmulan. Halimbawa, natutulungan nito ang mga tao na mamuhay ayon sa tinatawag na Gintong Aral. Sa Mateo 7:12, sinabi ni Jesu-Kristo: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” Ang pagsunod sa panuntunang ito ay nakatulong sa marami na madaig ang pagtatangi.

“Pag-ibig sa Isa’t Isa”

Determinado ang mga Saksi ni Jehova na patunayang sila’y mga alagad ni Kristo sa pamamagitan ng pagsunod sa sinabi ni Jesus: “Malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Ang pag-ibig na iyan ay ipinakita sa kamangha-manghang paraan sa panahon ng pag-aaway ng mga lahi at pagkakagulo sa pulitika. Halimbawa, nang maganap sa Rwanda ang paglipol sa isang partikular na grupo ng mga tao noong 1994, ipinakita ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa. Isinapanganib ng mga Saksing mula sa tribo ng mga Hutu ang kanilang buhay para lamang iligtas ang kanilang mga kapatid na Tutsi!

Mangyari pa, hindi naman natin maaasahan ngayon na mag-iibigan ang lahat ng bansa hanggang sa puntong magkaisa ang buong daigdig. Ayon sa Bibliya, iyan ay gagawin ng Diyos sa kaniyang takdang panahon. Pero ngayon pa lamang, puwede nang damtan ng mga indibiduwal ang kanilang sarili ng pag-ibig at matamo ang pagkakaisa.

Sa nakalipas na taon, ang mga Saksi ni Jehova ay gumugol ng mahigit isang bilyong oras sa pagdalaw sa mga tao at pakikipag-usap sa kanila tungkol sa Bibliya at sa kahalagahan nito sa buhay sa ngayon. Dahil sa tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos, nagkakaisa na ang milyun-milyong dati’y napopoot sa isa’t isa. Kabilang dito ang mga Arabe at Judio, Armeniano at Turko, Aleman at Ruso, at marami pang iba.

Gusto mo bang matuto pa kung paano nakatutulong ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, para pagkaisahin ang mga tao? Kung oo, pakisuyong makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar, o sumulat sa angkop na adres na nasa pahina 2.

[Talababa]

^ par. 12 Para sa higit pang impormasyon sa layunin ng Diyos para sa mga tao, tingnan ang kabanata 3 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 4]

Libu-libo nang kasunduang pangkapayapaan ang ginawa at nilabag

[Blurb sa pahina 7]

Nagawa sa tulong ng pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya ang hindi kayang gawin ng mga pamahalaan ng tao

[Larawan sa pahina 5]

Tinukoy ng Salita ng Diyos ang Pinagmumulan ng tunay na pagkakaisa

[Larawan sa pahina 7]

Magkasamang nagtatayo ng isang dako ng pagsamba ang mga Saksi ni Jehova na Hutu at Tutsi