Posible Kayang Magkaisa ang Buong Daigdig?
Posible Kayang Magkaisa ang Buong Daigdig?
SAAN kaya patungo ang ating daigdig—sa kapayapaan o sa kapahamakan? Alinman dito ay parang posibleng mangyari.
Umaasa ang ilang lider ng mga bansa na posibleng makamit ang pandaigdig na kapayapaan—nasabi nila ito dahil kung mabibigo ang kanilang inaasahan, nakapangingilabot isipin ang maaaring kasadlakan ng daigdig. Samantala, marami ang nanginginig sa takot sa mga tanong na gaya nito: Anu-anong bansa ang may mga sandata para sa lansakang pagpuksa? Maglalakas-loob kaya silang gamitin ang mga ito? Paano na kaya tayo kung gagamitin nila ang mga ito?
Napakatagal nang hinahadlangan ng kompetisyon at pagtatangi ang pag-asang magkaroon ng pagkakaisa, at sa halip na pahupain ng relihiyon ang mga ito, ginagatungan pa nga nila ang apoy ng hidwaan. “Anumang bagay na nagiging dahilan ng pagkakabaha-bahagi ay maaaring lumikha ng poot, at relihiyon ang isa sa pangunahing dahilan kung bakit nagkakawatak-watak ang mga tao,” ang isinulat ng peryodistang si James A. Haught. “Sa kabila ng karaniwang paniniwalang ‘pinababait’ ng relihiyon ang mga tao, kitang-kitang ito pa nga ang nag-uudyok sa ilang tao na gumawa ng karumal-dumal na mga bagay.” Ganiyan din ang palagay ng awtor na si Steven Weinberg. “Para gumawa ng masama ang mabubuting tao—relihiyon ang kailangan,” ang isinulat niya.
May pag-asa pa kayang magkaisa ang ating daigdig? Mayroon! Pero ang pinagmumulan ng pagkakaisa ng daigdig ay hindi tao o gawang-taong mga relihiyon, gaya ng makikita natin.
[Blurb sa pahina 3]
Ang daigdig ba ay parang granada na puwedeng sumabog anumang oras?