Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging “Mahabagin na May Paggiliw”

Maging “Mahabagin na May Paggiliw”

Maging “Mahabagin na May Paggiliw”

SA BUONG kasaysayan, lalung-lalo nang kailangan ngayon ng napakaraming tao ang mahabaging pagtulong yamang napapaharap sila sa taggutom, sakit, kahirapan, krimen, digmaang sibil, at likas na mga kasakunaan. Ang pagkamahabagin ay tumutukoy sa may-pagmamalasakit na kabatiran sa pagdurusa o paghihirap ng iba taglay ang hangaring maibsan ito. Gaya ng isang basong malamig na tubig sa napakainit na panahon, ang pagkamahabagin ay nakapagpapaginhawa sa isang napipighati, nakababawas ng kirot, at nakapagpapasigla sa isang nagdurusa.

Maipakikita natin ang pagkamahabagin sa pamamagitan ng salita at gawa​—sa pagmamalasakit sa iba at sa pagiging handang tumulong kapag kailangan nila. Ang habag ay hindi lamang dapat ipakita sa mga kapamilya, kaibigan, at mga kakilala. Puwede rin nating isali rito ang mga taong hindi natin kilala. “Kung iniibig ninyo yaong mga umiibig sa inyo, anong gantimpala mayroon kayo?” ang tanong ng mahabaging si Jesu-Kristo sa kaniyang Sermon sa Bundok. Sinabi rin niya: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.”​—Mateo 5:46, 47; 7:12.

Mababasa mo ang mga salitang ito​—na kilala bilang Gintong Aral—​sa Banal na Kasulatan. Marami ang sumasang-ayon na ang Bibliya ang pinakamahusay na gabay kung paano makapagpapakita ng habag. Paulit-ulit na sinasabi sa Kasulatan na obligasyon nating tulungan ang mga taong nangangailangan anuman ang kanilang dahilan. Ipinakikilala ng Bibliya ang Awtor nito at ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, bilang ang pangunahing halimbawa sa pagpapakita ng habag.

Halimbawa, mababasa natin: “Ipinagtatanggol [ng Diyos] ang kapakanan ng mga ulila at mga babaing balo. Iniibig niya ang dayuhan, binibigyan ng pagkain at pinararamtan.” (Deuteronomio 10:18, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Inilalarawan ang Diyos na Jehova bilang ang Isa na “naglalapat ng kahatulan para sa mga dinadaya, ang Isa na nagbibigay ng tinapay sa mga gutóm.” (Awit 146:7) May kinalaman sa mga kapos-palad na dayuhan, nag-utos si Jehova: “Ang naninirahang dayuhan . . . ay dapat na maging katulad ng katutubo ninyo; at iibigin mo siya na gaya ng iyong sarili.”​—Levitico 19:34.

Pero hindi laging madaling magpakita ng habag. Sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Colosas: “Hubarin ninyo ang lumang personalidad pati na ang mga gawain nito, at damtan ninyo ang inyong sarili ng bagong personalidad, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay ginagawang bago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito . . . Bilang mga pinili ng Diyos, banal at iniibig, damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag.”​—Colosas 3:9, 10, 12.

Kaya kailangang magsikap upang malinang ang mahabaging saloobin. Ang saloobing ito ay bahagi ng “bagong personalidad” na dapat makita sa mga Kristiyano. Nabuhay si Pablo sa malupit na daigdig ng sinaunang Roma. Hinimok niya ang kaniyang mga kapananampalataya na gumawa ng malaking pagbabago sa kanilang personalidad para maging mas madamayin at mas mahabagin.

Ang Nagagawa ng Habag

May mga nagsasabing mahina raw at walang kalaban-laban ang mga taong mahabagin. Totoo ba iyon?

Hindi! Ang talagang nag-uudyok sa tunay na habag ay ang masidhing pag-ibig, na nagmumula sa Diyos, ang pangunahing halimbawa sa pagpapakita ng sakdal na pag-ibig. “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:16) Angkop lamang na tawagin si Jehova bilang “ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan.” (2 Corinto 1:3) Ang salitang isinaling “magiliw na kaawaan” ay pangunahin nang tumutukoy sa “pagkaawa, pagkahabag sa pagdurusa ng iba.” Aba, si Jehova “ay mabait sa mga walang utang-na-loob at balakyot”!​—Lucas 6:35.

Hinihiling ng ating Maylalang na magpakita rin tayo ng magagandang katangian, gaya ng pagkamahabagin. Mababasa natin sa Mikas 6:8: “Sinabi niya sa iyo, O makalupang tao, kung ano ang mabuti. At ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan?” Sa Kawikaan 19:22, mababasa natin: “Ang kanais-nais na bagay sa makalupang tao ay ang kaniyang maibiging-kabaitan.” Ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, na sa kaniya’y masasalamin ang buong personalidad ng kaniyang Ama, ay nagpayo rin sa kaniyang mga tagasunod: “Patuloy na maging maawain, kung paanong ang inyong Ama ay maawain.” (Lucas 6:36) Ganito ang salin ng Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino sa payong ito: “Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama.”

Makatuwiran lamang na maging mahabagin, dahil ito ay magdudulot sa atin ng saganang pagpapala. Madalas nating napatutunayang totoo ang nakasulat sa Kawikaan 11:17: “Ang taong may maibiging-kabaitan ay gumagawa ng mabuti sa kaniyang sariling kaluluwa.” Kapag nagpapakita tayo ng habag sa isang nangangailangan, itinuturing ito ng Diyos na isang pabor na ginawa para sa Kaniya. Inaako niya ang responsibilidad na suklian ng kabaitan ang anumang habag na ipinakikita ng kaniyang mga mananamba. Kinasihan si Haring Solomon na sabihin: “Siyang nagpapakita ng lingap sa maralita ay nagpapautang kay Jehova, at ang kaniyang pakikitungo ay babayaran Niya sa kaniya.” (Kawikaan 19:17) At sumulat si Pablo: “Nalalaman ninyo na ang bawat isa, anumang mabuti ang gawin niya, ay muling tatanggap nito mula kay Jehova.”​—Efeso 6:8.

Ang pagkamahabagin ay tumutulong na mapanatili ang kapayapaan at malutas ang di-pagkakasundo o alitan. Tumutulong ito na maayos ang mga di-pagkakaunawaan, at umaakay sa pagpapatawaran. Maaaring magkaroon ng di-pagkakaunawaan dahil hindi natin laging nasasabi kung ano ang ating iniisip o nadarama sa paraang gusto sana natin, o ang ating kilos ay maaaring nabibigyan ng maling kahulugan. Dito pumapasok ang pagkamahabagin at tumutulong ito na mapanatili ang kapayapaan. Madaling patawarin ang isa na kilalang mahabagin. Tinutulungan tayo ng pagkamahabagin na sundin ang payo ni Pablo sa mga Kristiyano: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.”​—Colosas 3:13.

Pagkamahabagin​—Pagdamay sa Kapuwa

Karagdagan pa, nakatutulong ang pagkamahabagin para maibsan ang pagdurusa. Gaya ng nabanggit na, nangangahulugan ito ng pagdamay sa mga napipighati at empatiya sa mga nagdurusa. Kasama sa pagkamahabagin ang magiliw na pagmamalasakit sa mga nahahapis at pagbibigay ng praktikal na tulong sa kanila.

Sa pagiging madamayin, tinutularan ng mga Kristiyano si Jesus. Hindi siya kailanman nawalan ng panahon sa pagtulong sa iba sa materyal at espirituwal na paraan. Kapag nakita niyang may nangangailangan, nahahabag siya at gumagawa ng paraan para makatulong.

Pansinin kung ano ang naging reaksiyon ni Jesus nang makita niya ang mga taong napapabayaan sa espirituwal: “Pagkakita sa mga pulutong ay nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:36) Tungkol sa salita rito na isinaling “nahabag,” sinabi ng isang iskolar sa Bibliya na tumutukoy ito sa “isang damdamin na umaantig sa puso ng isang tao.” Sa katunayan, ang salitang ito ay sinasabing isa sa pinakamatinding salita sa wikang Griego para sa pagkadama ng habag.

Sa katulad na paraan, tumutugon agad ang mahabaging mga Kristiyano sa materyal at espirituwal na pangangailangan ng iba. Sumulat si apostol Pedro: “Kayong lahat ay magkaroon ng magkakatulad na pag-iisip, na nagpapakita ng pakikipagkapuwa-tao, na may pagmamahal na pangkapatid, mahabagin na may paggiliw.” (1 Pedro 3:8) Halimbawa, nang kinailangan ng isang nagdarahop na pamilyang Kristiyano na lumipat sa ibang lugar dahil sa problema sa kalusugan, pinatira sila ng mga tagaroong kapananampalataya nila sa isang bahay sa loob ng anim na buwan nang walang bayad. Ikinuwento ng asawang lalaki: “Pumapasyal sila araw-araw para kumustahin kami at dahil sa kanilang nakapagpapatibay na mga salita, naging palagay ang loob namin.”

Nababahala rin ang mga tunay na Kristiyano sa pangangailangan ng mga taong hindi nila kakilala. Malugod silang naglalaan ng panahon, lakas, at materyal na mga bagay para tulungan ang mga ito. Ang mga boluntaryong binanggit sa naunang artikulo na tumulong sa mga hindi nila kilala ay mga Saksi ni Jehova.

Talagang kitang-kita sa kongregasyong Kristiyano ang pagkamahabagin at maibiging-kabaitan. Dahil sa pag-ibig, nauudyukan ang mga miyembro nito na humanap ng paraan upang maglingkod. Dahil sa iba’t ibang problema, baka kailangan ng mga ulila at mga babaing balo sa kongregasyon ang inyong pagmamalasakit at empatiya. Matutulungan mo ba sila na harapin ang kahirapan, problema sa pagpapagamot, kawalan ng disenteng tirahan, o iba pang personal na mga problema?

Tingnan natin ang karanasan ng isang mag-asawa sa Gresya. Naistrok ang asawang lalaki. Siya at ang kaniyang asawa ay dinala sa isang ospital sa malayong lugar. Pero ang kaunting pinagkakakitaan nila ay ang kanilang ani mula sa taniman ng kahel. Sino kaya ang mag-aani nito kung nasa ospital sila? Tumulong ang lokal na kongregasyon. Kanilang inani at ipinagbili ang mga kahel para kumita ang nagdarahop na mag-asawa at upang mapanatag ang isip ng mga ito.

Ang habag ay maipakikita sa maraming paraan. Halimbawa, nauunawaan ng mahabaging mga Kristiyano na kung minsan ang pangunahing kailangan ng mga napipighati ay ang pagdalaw ng mga tao na makikinig at daramay sa kanila, magpapakita ng empatiya, at magbibigay ng kaaliwan mula sa Kasulatan.​—Roma 12:15.

Subukang Sumama sa mga Taong Mahabagin

Ang kongregasyong Kristiyano sa buong daigdig ay isang dako ng kapayapaan at kaaliwan kung saan makikita ang mga taong mahabagin at mabait. Alam ng mga tunay na Kristiyano na ang mga tao ay naaakit sa mga mahabagin at lumalayo sa malulupit. Kaya habang sinisikap nilang tularan ang kanilang makalangit na Ama, sinisikap nilang maging “mahabagin na may paggiliw” sa praktikal na mga paraan.

Malugod kang inaanyayahan ng mga Saksi ni Jehova na maranasan ang mahabagin, maibigin, at mapagmalasakit na pagsasamahang makikita sa kanilang Kristiyanong komunidad. Sigurado silang masisiyahan ka sa kanilang mainit na pagtanggap at pagsasamahan.​—Roma 15:7.

[Larawan sa pahina 5]

Hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano sa Colosas na damtan ang kanilang sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag

[Mga larawan sa pahina 7]

Kapag nakita ni Jesus na may taong nangangailangan, nahahabag siya at gumagawa ng paraan para makatulong