Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mayroon Ka Bang Espirituwal na Tagapayo?

Mayroon Ka Bang Espirituwal na Tagapayo?

Mayroon Ka Bang Espirituwal na Tagapayo?

SA MURANG edad na 16, si Uzias ay naging hari sa timugang kaharian ng Juda. Mahigit 50 taon siyang naghari, mula 829 B.C.E. hanggang 778 B.C.E. Mula sa pagkabata, ‘patuloy na ginawa ni Uzias ang tama sa paningin ni Jehova.’ Ano ang nakaimpluwensiya sa kaniya na tumahak sa tamang landasin? Ganito ang ulat ng kasaysayan: “Patuluyang nakahilig [si Uzias] na hanapin ang Diyos nang mga araw ni Zacarias, ang tagapagturo ng pagkatakot sa tunay na Diyos; at, nang mga araw ng kaniyang paghahanap kay Jehova, pinasagana siya ng tunay na Diyos.”​—2 Cronica 26:1, 4, 5.

Walang gaanong impormasyon tungkol kay Zacarias, ang tagapayo ng hari, maliban sa ulat na ito ng Bibliya. Pero bilang “ang tagapagturo ng pagkatakot sa tunay na Diyos,” maganda ang naging impluwensiya ni Zacarias sa batang hari upang gawin nito ang tama. Sinasabi ng The Expositor’s Bible na si Zacarias ay talagang “isang lalaking bihasa sa Kasulatan, makaranasan sa espirituwal, at may kakayahang ibahagi sa iba ang kaniyang kaalaman.” Ganito ang sinabi ng isang iskolar sa Bibliya tungkol kay Zacarias: “Alam na alam niya ang hula at . . . isa siyang matalino, relihiyoso, mabuting tao; at, mukhang may malaking impluwensiya kay Uzias.”

Ang tapat na landasin ni Uzias ay nagdulot sa kaniya ng maraming pagpapala, at “nagpamalas siya ng pambihirang lakas” dahil “patuloy siyang tinulungan ng tunay na Diyos.” Oo, natamo niya ang gayong tagumpay dahil sa pagsunod sa Diyos “nang mga araw ni Zacarias.” (2 Cronica 26:6-8) Nang maging matagumpay si Uzias, iniwan niya ang mga turo ni Zacarias, ang kaniyang tagapayo. ‘Ang puso ni Uzias ay nagpalalo hanggang sa naging sanhi pa nga ng kapahamakan, anupat gumawi siya nang di-tapat laban kay Jehova.’ Dahil sa isang kalapastanganan, siya’y nagkaroon ng nakapandidiring sakit sa balat, na nagpabalda sa kaniya, kung kaya hindi na niya lubusang magampanan ang pagiging hari.​—2 Cronica 26:16-21.

Mayroon ka bang maituturing na tagapagturo, isang tagapayo, na umiimpluwensiya sa iyo na “hanapin ang Diyos”? Ikaw man ay kabataan pa o lampas na sa kabataan, lalaki o babae, puwede kang magkaroon ng tagapayo. Pahalagahan mo ang gayong tagapayo, dahil tutulungan ka ng kaniyang mga payo na patuloy na gawin ang tama sa paningin ni Jehova. Makinig ka sa may-gulang na Kristiyanong ito, at dibdibin ang kaniyang mga payo. Huwag na huwag ka sanang lilihis sa matatalinong salita ng isang “tagapagturo ng pagkatakot sa tunay na Diyos.”​—Kawikaan 1:5; 12:15; 19:20.