“Napakahalagang Regalo”
“Napakahalagang Regalo”
IYAN ang sinabi ng dating punong ministro ng Belgium tungkol sa aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. * Nang dalawin siya ng kaniyang kapitbahay dala ang kopya ng aklat, tinanggap ito ng dating mataas na opisyal. Di-nagtagal, sumulat siya para magpasalamat: “Tuwang-tuwa ako sa pagdalaw mo, pero lalo akong nasiyahan sa napakahalagang regalo na ibinigay mo: ang aklat tungkol sa ‘Pinakadakilang Tao.’”
Sinuri ng dating punong ministro ang aklat at sinabi niya: “Kung pagtutuunan ng higit na pansin ng mga tao ang mensahe ng Ebanghelyo at isasabuhay ang mga simulaing itinuro ni Jesu-Kristo, ibang-iba sana ang daigdig sa ngayon. Hindi na natin kakailanganin ang Security Council [ng United Nations]; wala nang sasalakay na mga terorista, at ipagbabawal na ang karahasan.” Bagaman inamin niya na parang imposible itong mangyari, sinabi niyang pinahahalagahan niya ang pagdalaw ng kaniyang kapitbahay.
Sinabi pa niya sa sulat: “Kabilang ka sa kahanga-hangang grupo ng mga tao na may mabubuting-loob, hindi mga optimista ni pesimista, kundi mga taong naniniwalang bubuti pa ang mga bagay-bagay at ang kalagayan ng sangkatauhan.”
Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na magkakaroon lamang ng mas magandang kinabukasan ang daigdig na ito sa tulong ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng pagpapagal ng tao. Sinisikap nilang tularan ang pinakadakilang tao, si Jesu-Kristo. Dumalaw ba sa inyo kamakailan ang mga Saksi ni Jehova? Malamang na masisiyahan kang makipag-usap sa kanila tungkol sa pinakadakilang tao na nabuhay kailanman. At magagalak silang bigyan ka ng kopya ng aklat na nagustuhan ng isang dating punong ministro.
[Talababa]
^ par. 2 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.