Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Nasiyahan ka ba sa pagbabasa sa katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Kung gayon, tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:

• Bakit mahalaga pa rin hanggang sa ngayon ang “Matandang Tipan”?

Ang Awtor nito ay hindi isang malupit na diyos kundi ang maibiging Diyos na si Jehova. Patuloy na ginamit ni Jesus at ng unang mga tagasunod niya ang Hebreong Kasulatan. Naglalaman ito ng praktikal na payo para sa pang-araw-araw na buhay at nag-aalok ng kahanga-hangang pag-asa sa hinaharap.​—9/1, pahina 4-7.

• Ano ang napatunayan sa paglipas ng panahon mula nang magkasala sina Adan at Eva?

Sa loob ng humigit-kumulang 6,000 taon mula nang magkasala sila, napatunayan na si Satanas ay sinungaling—namatay sina Adan at Eva pati na ang milyun-milyong inapo nila. Nakita sa paglipas ng panahon na hindi mapapabuti ang mga tao kung mamumuhay sila nang hiwalay sa Diyos at wala silang karapatan o kakayahan na magtuwid ng kanilang hakbang.​—9/15, pahina 6-7.

• Bakit hindi mali ang pagpapanggap ni Jacob bilang si Esau?

Si Jacob ay may karapatang tumanggap ng pagpapala mula sa kaniyang ama dahil binili niya ang pagkapanganay mula kay Esau. Nang matanto ni Isaac na ang pinagpala niya ay si Jacob, hindi na niya ito binawi. At malinaw na gusto ng Diyos na mapunta kay Jacob ang pagpapala dahil namagitan na sana siya kung hindi ito ang nais niya.​—10/1, pahina 31.

• Bakit ang pagkakaroon natin ng budhi ay salungat sa teoriya ng ebolusyon?

Makikita sa lahat ng lahi at kultura ang pagnanais ng mga tao na tumulong sa iba, kahit mangahulugan pa ito ng kanilang buhay. Hindi makikita sa mga tao ang gayong pakikipagkapuwa kung sila ay basta mga hayop na gagawin ang lahat mailigtas lamang ang sarili.​—10/15, pahina 20.

• Bakit natin masasabi na mapagpakumbaba ang Diyos, at sa anong paraan niya ito ipinakikita?

Bilang Soberano at Maylalang, walang limitasyon ang Diyos, hindi gaya natin. Gayunman, kasuwato ng 2 Samuel 22:36, ang Diyos ay mapagpakumbaba sa diwa na may malasakit siya sa hamak na mga taong nagsisikap na mapaluguran siya, anupat kinaaawaan niya sila. Siya ay bumababa, wika nga, upang magpakita ng kabaitan sa mga taong may takot sa kaniya.​—11/1, pahina 4-5.

• Paano pinatutunayan ng sinaunang mga bibinga ang ulat ng Bibliya?

Ang mga arkeologo ay may nahukay sa Samaria na mga bibinga kung saan nakasulat ang pangalan ng pitong pamilya na binabanggit sa Josue 17:1-6. Pinatutunayan naman ng mga bibinga sa Arad ang ulat may kinalaman sa mga pamilya ng saserdote at mababasa rin dito ang pangalan ng Diyos. Ang mga bibinga sa Lakis ay naglalaan ng impormasyon tungkol sa pulitikal na kalagayan at kaguluhang nagaganap noon sa Juda bago sumalakay ang mga Babilonyo.​—11/15, pahina 12-14.

• Bakit natin masasabi na si Lucas ang sumulat ng aklat ng Mga Gawa?

Yamang parehong isinulat para kay Teofilo ang Ebanghelyo ni Lucas at ang Mga Gawa ng mga Apostol, masasabi natin na si Lucas ang sumulat ng dalawang aklat na ito. Ang paggamit ng panghalip na “kami,” “namin,” at “amin” ay nagpapakita na kasama si Lucas sa ilang pangyayaring inilalahad. (Gawa 16:8-15)​—11/15, pahina 18.

• Ano ang dapat na maging pananaw ng isang Kristiyano hinggil sa pangangaso at pangingisda?

Mula noong panahon ni Noe, pinahintulutan ng Diyos ang mga tao na pumatay at kumain ng mga hayop. Gayunman, ang utos na patuluin ang dugo ng mga hayop ay nagdiriin na dapat igalang ang buhay ng hayop yamang nagmula ito sa Diyos. Hindi dapat pumatay ng hayop ang mga Kristiyano bilang isport o para makadama ng kaluguran sa paghuli o pagpatay ng mga hayop. Mahalagang sundin ang batas ni Cesar may kaugnayan dito at isaalang-alang ang budhi ng iba. (Roma 14:13)​—12/1, pahina 31.