Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Tumayo Kayong Matatag at Tingnan Ninyo ang Pagliligtas ni Jehova”

“Tumayo Kayong Matatag at Tingnan Ninyo ang Pagliligtas ni Jehova”

“Tumayo Kayong Matatag at Tingnan Ninyo ang Pagliligtas ni Jehova”

“Si Jehova ay nasa panig ko; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng makalupang tao?”​—AWIT 118:6.

1. Anong kritikal na mga pangyayari sa hinaharap ang mararanasan ng sangkatauhan?

NAPAPAHARAP ngayon ang sangkatauhan sa kapaha-pahamak na mga pangyayaring hindi pa nila naranasan kailanman. Sa kaniyang hula hinggil dito, nagbabala si Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Magkakaroon ng malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli. Sa katunayan, malibang paikliin ang mga araw na iyon, walang laman ang maliligtas; ngunit dahil sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na iyon.”​—Mateo 24:21, 22.

2. Bakit pinipigil ang pagsiklab ng malaking kapighatian?

2 Hindi nakikita ng mga tao na pinipigilan ngayon ng mga anghel ang pagsiklab ng malaking kapighatian na iyon. Isiniwalat ni Jesus kay apostol Juan kung bakit pinipigilan ito. Ganito ang paglalarawan dito ng may-edad nang apostol: “Nakakita ako ng apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na hinahawakang mahigpit ang apat na hangin ng lupa . . . At nakakita ako ng isa pang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw, na may tatak ng Diyos na buháy; at sumigaw siya sa malakas na tinig sa apat na anghel . . . ‘Huwag ninyong pinsalain ang lupa o ang dagat o ang mga punungkahoy, hanggang sa matapos naming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Diyos.’”​—Apocalipsis 7:1-3.

3. Ano ang unang mangyayari kapag sumiklab na ang malaking kapighatian?

3 Malapit nang matapos ang pangwakas na pagtatatak sa pinahirang “mga alipin ng ating Diyos.” Handa nang pakawalan ng apat na anghel ang mapaminsalang mga hanging iyon. Kapag pinakawalan na nila ito, ano ang unang mangyayari? Sinasagot ng isang anghel ang tanong na iyan: “Ibubulid sa isang mabilis na paghahagis ang Babilonya na dakilang lunsod, at hindi na siya masusumpungan pang muli.” (Apocalipsis 18:21) Lubusang magsasaya ang langit kapag nangyari ito​—kapag napuksa na ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon!​—Apocalipsis 19:1, 2.

4. Ano pa ang mangyayari sa hinaharap?

4 Magkakaisa ang lahat ng bansa sa lupa laban sa bayan ni Jehova. Malilipol ba ng mga bansa ang tapat na mga Kristiyanong iyon? Iyan ang aakalain nila. Pero teka! Titiyakin ng makalangit na hukbong pinangungunahan ni Kristo Jesus na mapupuksa ang hukbong ito ng mga tao. (Apocalipsis 19:19-21) Sa wakas, ihahagis ang Diyablo at ang kaniyang mga anghel sa makasagisag na kalaliman kung saan hindi na sila makagagawa ng anuman. Hindi na nila maililigaw ang mga tao sapagkat igagapos sila sa loob ng isang libong taon. Kaylaking ginhawa nga nito para sa makaliligtas na malaking pulutong!​—Apocalipsis 7:9, 10, 14; 20:1-3.

5. Anong nakagagalak na pribilehiyo ang naghihintay sa mga mananatiling tapat kay Jehova?

5 Malapit na nating maranasan ang kamangha-mangha at kagila-gilalas na mga pangyayaring ito. Pawang may kaugnayan ang mga ito sa pagbabangong-puri sa karapatan ni Jehova na mamahala bilang soberano ng sansinukob. At isip-isipin ito: Kung mananatili tayong tapat kay Jehova at magiging determinadong itaguyod ang kaniyang soberanya, magkakaroon tayo ng pagkakataong makibahagi sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova at sa katuparan ng kaniyang layunin. Tiyak ngang magdudulot ito ng walang-kahulilip na kagalakan!

6. Bilang paghahanda sa mga pangyayaring malapit nang maganap, ano ang isasaalang-alang natin?

6 Handa na ba tayo sa napakahalagang mga pangyayaring iyon? Nananampalataya ba tayo sa kapangyarihan ni Jehova na magligtas? Nagtitiwala ba tayo na tutulungan niya tayo sa tamang panahon at sa pinakamahusay na paraan? Habang pinag-iisipan natin ang sagot sa mga tanong na iyan, maaari nating isaalang-alang ang sinabi ni apostol Pablo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano sa Roma: “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Kabilang sa mga bagay na isinulat para sa ating ikatututo, na nagbibigay rin sa atin ng kaaliwan at pag-asa, ay ang ulat hinggil sa pagliligtas ni Jehova sa mga Israelita mula sa kamay na bakal ng mapaniil na mga Ehipsiyo. Ang masusing pagsusuri sa kapana-panabik na mga pangyayaring iyon hinggil sa pagliligtas ni Jehova sa mga anak ni Israel ay lubos na makapagpapatibay sa atin habang hinihintay natin ang malaking kapighatian na napakalapit nang dumating.

Inililigtas ni Jehova ang Kaniyang Bayan

7. Noong 1513 B.C.E., bakit naging maigting ang situwasyon sa Ehipto?

7 Taóng 1513 B.C.E. noon. Siyam na salot na mula kay Jehova ang humagupit sa mga Ehipsiyo. Pagkatapos ng ikasiyam na salot, ipinagtabuyan ni Paraon si Moises na sinasabi: “Umalis ka sa harap ko! Mag-ingat ka! Huwag mo nang tangkaing makita pang muli ang aking mukha, sapagkat sa araw na makita mo ang aking mukha ay mamamatay ka.” Sumagot si Moises: “Ganiyan ang sinalita mo. Hindi ko na tatangkaing makita pa ang iyong mukha.”​—Exodo 10:28, 29.

8. Anu-anong tagubilin ang ibinigay sa mga Israelita upang makaligtas sila, at ano ang naging resulta?

8 Isiniwalat ngayon ni Jehova kay Moises na may isa pang salot na pasasapitin kay Paraon at sa lahat ng Ehipsiyo, ang panghuling salot. Sa ika-14 na araw ng Abib (Nisan), mamamatay ang panganay ng bawat Ehipsiyo at bawat panganay ng kanilang mga hayop. Subalit makaliligtas ang sambahayan ng mga Israelita kung maingat nilang susundin ang mga tagubiling ibinigay ng Diyos kay Moises. Dapat silang magsaboy ng dugo ng isang batang barakong tupa sa dalawang poste ng pinto at sa itaas na bahagi ng kanilang pintuan at hindi sila dapat lumabas ng bahay. Ano ang nangyari nang gabing iyon? Hayaan nating si Moises mismo ang magsabi: “Nang hatinggabi na ay sinaktan ni Jehova ang lahat ng panganay sa lupain ng Ehipto.” Kaagad na ipinatawag ni Paraon sina Moises at Aaron at sinabi sa kanila: “Bumangon kayo, lumabas kayo mula sa gitna ng aking bayan, . . . at yumaon kayo, maglingkod kayo kay Jehova, gaya ng ipinahayag ninyo.” Kaya yumaon nga ang mga Israelita, na marahil ay mahigit tatlong milyon, kasama ang di-mabilang na “malaking haluang pangkat” ng mga di-Israelita.​—Exodo 12:1-7, 29, 31, 37, 38.

9. Sa anong ruta inakay ng Diyos ang Israel palabas ng Ehipto, at bakit?

9 Ang pinakamaikling ruta na puwedeng tahakin ng mga Israelita ay ang baybayin ng Dagat Mediteraneo na daraan sa lupain ng mga Filisteo. Pero teritoryo ito ng mga kaaway. Kaya inakay sila ni Jehova sa ilang ng Dagat na Pula, marahil para hindi na mapasabak pa sa digmaan ang kaniyang bayan. Bagaman milyun-milyon katao ang lumabas mula sa Ehipto, hindi sila nagkagulo. Ganito ang iniulat ng Bibliya: “Ang mga anak ni Israel ay nasa hanay ng pakikipagbaka nang umahon mula sa lupain ng Ehipto.”​—Exodo 13:17, 18.

“Tingnan Ninyo ang Pagliligtas ni Jehova”

10. Bakit inutusan ng Diyos ang Israel na magkampo sa harap ng Pihahirot?

10 Nakagugulat ang sumunod na nangyari. Sinabi ni Jehova kay Moises: “Magsalita ka sa mga anak ni Israel, na bumalik sila at magkampo sa harap ng Pihahirot sa pagitan ng Migdol at ng dagat sa tapat ng Baal-zepon.” Nang sundin nila ang mga tagubiling ito, waring nasukol sa pagitan ng kabundukan at ng Dagat na Pula ang lubhang karamihang ito. Parang wala na silang matatakbuhan. Pero alam ni Jehova ang kaniyang ginagawa. Sinabi niya kay Moises: “Hahayaan kong magmatigas ang puso ni Paraon, at tiyak na hahabulin niya sila at magkakaroon ako ng kaluwalhatian sa ganang akin sa pamamagitan ni Paraon at ng lahat ng kaniyang hukbong militar; at tiyak na makikilala ng mga Ehipsiyo na ako ay si Jehova.”​—Exodo 14:1-4.

11. (a) Ano ang ginawa ni Paraon, at ano ang naging reaksiyon ng mga Israelita? (b) Ano ang sagot ni Moises sa reklamo ng Israel?

11 Nanghinayang si Paraon nang pahintulutan niyang umalis sa Ehipto ang mga Israelita, kaya tinugis niya sila sa pamamagitan ng kaniyang 600 pilíng mga karong pandigma. Nang makita ng mga Israelita ang paparating na hukbo ng mga Ehipsiyo, lubha silang natakot at nagreklamo kay Moises: “Dahil ba sa walang dakong libingan sa Ehipto kaya dinala mo kami rito upang mamatay sa ilang?” Buo ang tiwala ni Moises na ililigtas sila ni Jehova kaya sumagot siya: “Huwag kayong matakot. Tumayo kayong matatag at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Jehova, na isasagawa niya para sa inyo ngayon. . . . Si Jehova mismo ang makikipaglaban para sa inyo, at kayo ay tatahimik.”​—Exodo 14:5-14.

12. Paano iniligtas ni Jehova ang kaniyang bayan?

12 Gaya ng sinabi ni Moises, nakipaglaban nga si Jehova para sa mga Israelita at pinakilos Niya ang Kaniyang mga anghel. Makahimalang inilagay ng anghel ni Jehova sa likuran ang haliging ulap na umaakay sa kampo ng Israel. Nagdulot ito ng kadiliman sa mga Ehipsiyo, subalit liwanag naman para sa mga Israelita. (Exodo 13:21, 22; 14:19, 20) Sinunod ni Moises ang utos ng Diyos na iunat niya ang kaniyang kamay. Ganito ang sumunod na sinabi ng ulat: “Pinasimulan ni Jehova na paurungin ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging silangan sa buong magdamag . . . Sa kalaunan ay dumaan ang mga anak ni Israel sa gitna ng dagat sa tuyong lupa, habang ang tubig ay naging pader nila sa kanilang kanan at sa kanilang kaliwa.” Nagpatuloy sa pagtugis ang mga Ehipsiyo, pero si Jehova ay nasa panig ng kaniyang bayan. Nilito niya ang kampo ng mga Ehipsiyo, at pagkatapos ay sinabi kay Moises: “Iunat mo ang iyong kamay sa dagat, upang ang tubig ay tumabon sa mga Ehipsiyo, sa kanilang mga karong pandigma at sa kanilang mga kabalyero.” Ganap na nalipol ang hukbo ni Paraon anupat walang isa man ang natirang buháy!​—Exodo 14:21-28; Awit 136:15.

Ano ang Matututuhan Natin sa Pagliligtas sa Israel?

13. Ano ang naging reaksiyon ng mga anak ni Israel matapos silang maligtas?

13 Ano ang naging reaksiyon ng mga Israelita sa makahimalang pagliligtas na ito? Aba, si Moises at ang mga anak ni Israel ay napabulalas ng awit at papuri kay Jehova! Umawit sila: “Aawit ako kay Jehova, sapagkat siya ay lubhang naging dakila. . . . Si Jehova ay mamamahala bilang hari hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman. (Exodo 15:1, 18) Kaya ang unang-una nilang naisip ay ang ibunyi ang Diyos. Sa pagkakataong iyon, naitanghal ang soberanya ni Jehova.

14. (a) Ano ang matututuhan natin hinggil kay Jehova buhat sa karanasan ng Israel? (b) Ano ang taunang teksto para sa 2008?

14 Ano ang matututuhan natin mula sa kapana-panabik na mga pangyayaring ito at paano ito nagbibigay sa atin ng kaaliwan at pag-asa? Tiyak na nakita nating kayang tulungan ni Jehova ang kaniyang bayan sa anumang pagsubok na pagdaraanan nila. Kayang-kaya niyang lutasin ang anumang problemang maaaring mapaharap sa kanila. Hindi naging hadlang sa Israel ang Dagat na Pula nang magpahihip si Jehova ng malakas na hanging silangan. At inilibing niya ang hukbo ni Paraon sa Dagat na Pula ring iyon. Kapag binubulay-bulay natin ang mga pangyayaring ito, masasabi rin natin ang mga salita ng salmista na umawit: “Si Jehova ay nasa panig ko; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng makalupang tao?” (Awit 118:6) Maaaliw rin tayo ng mga salita ni Pablo na nakaulat sa Roma 8:31: “Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang magiging laban sa atin?” Talagang nakapagpapatibay ang kinasihang mga salitang ito! Tumutulong ito sa atin na mapagtagumpayan ang anumang takot at pangamba at pinupuspos tayo nito ng pag-asa. Kung gayon, talagang angkop nga ang ating taunang teksto para sa 2008: “Tumayo kayong matatag at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Jehova”!​—Exodo 14:13.

15. Bakit mahalaga ang pagkamasunurin upang maligtas ang Israel mula sa Ehipto, at bakit mahalaga rin ito sa ngayon?

15 Ano pa ang matututuhan natin mula sa Pag-alis ng mga Israelita mula sa Ehipto? Dapat nating sundin ang anumang iniuutos sa atin ni Jehova. Sinunod ng mga Israelita ang detalyadong mga tagubilin sa paghahanda para sa Paskuwa. Sinunod nila ang utos na huwag lumabas ng kanilang bahay noong gabi ng Nisan 14. At kailangang “nasa hanay [sila] ng pakikipagbaka” nang lumabas sila sa Ehipto. (Exodo 13:18) Sa ngayon, napakahalaga na sundin natin ang tagubiling ibinibigay sa atin sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin”! (Mateo 24:45) Kailangang makinig tayong mabuti sa salita ng Diyos sa likuran natin, na nagsasabi: “‘Ito ang daan. Lakaran ninyo ito,’ sakaling pumaroon kayo sa kanan o sakaling pumaroon kayo sa kaliwa.” (Isaias 30:21) Habang papalapit ang malaking kapighatian, malamang na makatatanggap tayo ng detalyadong mga tagubilin. Makaliligtas tayo sa mahirap na panahong iyon kung mananatili tayong kaisa ng iba pang tapat na mga lingkod ni Jehova.

16. Ano ang matututuhan natin sa pagmamaniobrang ginawa ng Diyos para iligtas ang mga Israelita?

16 Tandaan din na inutusan ni Jehova ang mga Israelita na magkampo sa isang lugar kung saan waring masusukol sila sa pagitan ng kabundukan at ng Dagat na Pula. Tila maling-mali ang hakbang na iyon. Pero kontrolado ni Jehova ang mga bagay-bagay, at ang lahat ng nangyari ay nagdulot sa kaniya ng kapurihan at ng kaligtasan sa kaniyang bayan. Sa ngayon, maaaring hindi natin lubusang nauunawaan kung bakit ginagawa ang ilang kaayusan sa organisasyon, pero lubusan tayong makapagtitiwala sa tagubilin ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang tapat na alulod ng pakikipagtalastasan. Kung minsan, waring nagtatagumpay ang ating mga kaaway. Dahil limitado ang ating kaalaman, maaaring hindi natin maunawaan ang buong situwasyon. Pero kayang maniobrahin ni Jehova ang mga bagay-bagay sa tamang panahon, gaya ng ginawa niya noon para sa mga anak ni Israel.​—Kawikaan 3:5.

Magtiwala kay Jehova

17. Bakit lubos tayong makapagtitiwala sa patnubay ng Diyos?

17 Tiyak na buung-buo ang tiwala ng mga Israelita habang ginugunita nila ang proteksiyong inilaan sa kanila sa pamamagitan ng haliging ulap sa araw at ng haliging apoy sa gabi. Katibayan ito na pinapatnubayan ng “anghel ng tunay na Diyos” ang kanilang paglalakbay. (Exodo 13:21, 22; 14:19) Sa ngayon, makapagtitiwala tayo na pinapatnubayan, ipinagsasanggalang, at inililigtas ni Jehova ang kaniyang bayan. Makapananalig tayo sa pangakong ito: “Hindi . . . iiwan [ni Jehova] ang kaniyang mga matapat. Hanggang sa panahong walang takda ay tiyak na babantayan sila.” (Awit 37:28) Huwag nating kalilimutan na nasa likuran ng mga lingkod ng Diyos sa ngayon ang makapangyarihang hukbo ng mga anghel. Sa tulong nila, maaari tayong ‘tumayong matatag at tingnan ang pagliligtas ni Jehova.’​—Exodo 14:13.

18. Bakit kailangan nating “isuot . . . ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos”?

18 Ano ang tutulong sa ating lahat na ‘makatayong matatag’ sa daan ng katotohanan? Kailangan nating isuot ang espirituwal na kagayakang pandigma na inilarawan ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Efeso. Pansinin na pinapayuhan tayo ng apostol na “isuot . . . ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos.” Suot ba natin ang kumpletong espirituwal na kagayakang pandigmang ito? Sa taóng 2008, makabubuting suriin ng bawat isa sa atin ang kaniyang sarili upang matiyak kung suot ba natin nang wasto ang bawat bahagi ng kagayakang pandigmang ito. Alam ng ating kaaway na si Satanas na Diyablo kung ano ang ating mga kahinaan at sasamantalahin niya ito kung hindi tayo mapagbantay. Mayroon tayong “pakikipagbuno” sa balakyot na mga puwersang espiritu. Pero sa pamamagitan ng lakas na inilalaan ni Jehova, maaari tayong magtagumpay!​—Efeso 6:11-18; Kawikaan 27:11.

19. Ano ang magiging pribilehiyo natin kung magbabata tayo?

19 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Sa pamamagitan ng inyong pagbabata ay tatamuhin ninyo ang inyong mga kaluluwa.” (Lucas 21:19) Manatili nawa tayong tapat habang nagbabata ng anumang kahirapan. Kung magkagayon, sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, magkakapribilehiyo tayong ‘tumayong matatag at tingnan ang pagliligtas ni Jehova.’

Paano Mo Sasagutin?

• Anong kapana-panabik na mga pangyayari ang malapit nang maganap?

• Paano ipinakita ni Jehova ang kaniyang kapangyarihang magligtas noong 1513 B.C.E.?

• Ano ang determinado mong gawin sa hinaharap?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Blurb sa pahina 20]

Ang taunang teksto para sa 2008 ay: “Tumayo kayong matatag at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Jehova.”​—Exodo 14:13.

[Larawan sa pahina 17]

“Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo”

[Larawan sa pahina 18]

Napahamak ang Ehipto dahil sa pagmamatigas ni Paraon

[Larawan sa pahina 19]

Nakaligtas ang Israel dahil sinunod nila ang lahat ng iniutos ni Jehova