Walang Sandatang Inanyuan Laban sa Iyo Ang Magtatagumpay
Walang Sandatang Inanyuan Laban sa Iyo Ang Magtatagumpay
“Anumang sandata na [inanyuan] laban sa iyo ay hindi magtatagumpay.”—ISAIAS 54:17.
1, 2. Paano ipinakikita ng karanasan ng mga Saksi ni Jehova sa Albania na totoo ang Isaias 54:17?
ILANG dekada na ang nakalilipas, sa isang maliit na bulubunduking bansa sa timog-silangang Europa, may maliit na grupo ng walang-takot na mga Kristiyano. Ginawa ng gobyernong Komunistang hindi naniniwala sa Diyos ang lahat ng magagawa nito upang supilin sila. Subalit hindi sila nalipol sa mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho, ni ng pagpapahirap, at ng paninira ng media. Sino sila? Mga Saksi ni Jehova sa Albania. Bagaman napakahirap magpulong at mangaral doon, ang kanilang pagtitiyaga sa loob ng ilang dekada ay nagbigay ng karangalan sa Kristiyanismo at nagdulot ng papuri sa pangalan ni Jehova. Nang ialay ang bagong pasilidad ng kanilang sangay noong nakaraang taon, sinabi ng isang matagal nang tapat na Saksi: “Gawin man ni Satanas ang lahat, lagi pa rin siyang talo at lagi namang panalo si Jehova!”
2 Ang lahat ng ito ay katibayan na totoo ang pangako ng Diyos sa kaniyang bayan na mababasa sa Isaias 54:17: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay, at alinmang dila na gagalaw laban sa iyo sa paghatol ay hahatulan mo.” Pinatutunayan ng kasaysayan na anuman ang gawin ng sanlibutan ni Satanas, hindi mapatitigil ang nakaalay na mga lingkod ng Diyos na Jehova sa pagsamba sa Kaniya.
Di-matagumpay na mga Pakana ni Satanas
3, 4. (a) Anu-ano ang kasama sa mga sandata ni Satanas? (b) Sa anong paraan hindi nagtatagumpay ang mga sandata ng Diyablo?
3 Kasama sa mga sandatang ginamit laban sa tunay na mga mananamba ang pagbabawal, pang-uumog, pagbibilanggo, at ‘pagpapanukala ng kaguluhan sa pamamagitan ng batas.’ (Awit 94:20) Ang totoo, habang pinag-aaralan ng mga Saksi ni Jehova ang artikulong ito, ang katapatan sa Diyos ng mga tunay na Kristiyanong ito sa ilang lupain ay ‘inilalagay sa pagsubok.’—Apocalipsis 2:10.
4 Halimbawa, iniulat ng isang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova na sa loob lamang ng isang taon, may 32 kaso ng pananakit sa mga Zacarias 4:6) Hindi mapatatahimik ng matinding galit ng kaaway ang mga pumupuri kay Jehova. Oo, makatitiyak tayo na walang sandatang makahahadlang sa katuparan ng layunin ng Diyos.
lingkod ng Diyos habang nasa ministeryo sila. Bukod dito, may iniulat na 59 na insidente na ikinulong ng mga pulis ang mga Saksi—bata’t matanda, lalaki’t babae—habang nangangaral sa madla. Ang ilan ay kinunan ng fingerprint at litrato at ibinilanggo na parang mga kriminal. Ang iba naman ay pinagbantaang sasaktan. Sa isa pang lupain, mayroon na ngayong 1,100 detalyadong iniulat na kaso ng mga Saksi ni Jehova na inaresto, pinagmulta, o binugbog. Mahigit 200 sa mga ito ay naganap noong magtipon sila para alalahanin ang kamatayan ni Jesus! Sa kabila ng lahat ng ito, tinulungan ng espiritu ni Jehova ang kaniyang bayan upang makayanan ang waring imposibleng mga kalagayan, hindi lamang sa mga lupaing ito kundi sa ibang bansa rin naman. (Hinatulan ang Bulaang mga Dila
5. Anong bulaang mga dila, o kasinungalingan, ang ginamit laban sa mga lingkod ni Jehova noong unang siglo?
5 Inihula ni Isaias na hahatulan, o pasisinungalingan, ng bayan ng Diyos ang alinmang dila na magsasalita laban sa kanila. Noong unang siglo, madalas na sinisiraan ang mga Kristiyano, anupat pinalilitaw na manggagawa sila ng kasamaan. Isang halimbawa ng gayong mga paratang ang nasa Gawa 16:20, 21: “Labis-labis na ginugulo ng mga taong ito ang ating lunsod, . . . at nagpapahayag sila ng mga kaugalian na hindi matuwid na ating tanggapin o isagawa, yamang tayo ay mga Romano.” Sa iba pang pagkakataon, tinangka ng mga relihiyosong mananalansang na sulsulan ang mga tagapamahala ng lunsod para kumilos laban sa mga tagasunod ni Kristo nang sabihin nila: “Ang mga taong ito na nagtiwarik sa tinatahanang lupa ay naririto rin, [at sila] ay kumikilos nang salansang sa mga batas ni Cesar.” (Gawa 17:6, 7) Si apostol Pablo ay binansagang “isang taong mapanalot” at lider ng sektang nagsusulsol ng mga sedisyon “sa lahat ng dako ng tinatahanang lupa.”—Gawa 24:2-5.
6, 7. Ano ang isang paraan na pinasisinungalingan ng mga tunay na Kristiyano ang paninira sa kanila?
6 Kaya naman hindi tayo nagugulat na ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon ay nagiging tampulan ng paninira at propaganda. Paano natin hinahatulan, o pinasisinungalingan, ang gayong mga paninira?—Isaias 54:17.
7 Kadalasang napatutunayang hindi totoo ang gayong mga paratang at propaganda sa pamamagitan ng mainam na paggawi ng mga Saksi ni Jehova. (1 Pedro 2:12) Kapag ipinakikita ng mga Kristiyano na sila ay mga mamamayang masunurin sa batas, mga taong may mataas na moral at nagmamalasakit sa kanilang kapuwa, napabubulaanan ang mga paratang sa kanila. Napatutunayan tayong matuwid dahil sa ating mabuting paggawi. Kapag napapansin ng mga nagmamasid na determinado tayong magpakita ng maiinam na gawa, madalas na nauudyukan silang luwalhatiin ang ating makalangit na Ama at kilalanin na ang paraan ng pamumuhay ng kaniyang mga lingkod ang siyang pinakamabuti.—Isaias 60:14; Mateo 5:14-16.
8. (a) Ano ang kailangang gawin kung minsan upang maipagtanggol ang ating maka-Kasulatang paninindigan? (b) Bilang pagtulad kay Kristo, paano natin hinahatulan ang mga dilang sumasalansang?
8 Bukod sa ating makadiyos na paggawi, kailangan kung minsan na ipagtanggol nang may katapangan ang ating maka-Kasulatang paninindigan. Ang isang paraan ay ang paghingi ng proteksiyon sa mga pamahalaan at hukuman. (Esther 8:3; Gawa 22:25-29; 25:10-12) Noong nasa lupa si Jesus, may mga pagkakataong hayagan siyang nakipagkatuwiranan sa kaniyang mga kritiko, at pinabulaanan niya ang kanilang maling mga paratang. (Mateo 12:34-37; 15:1-11) Bilang pagtulad kay Jesus, sinasamantala natin ang pagkakataong ipaliwanag sa iba ang ating taos-pusong mga paniniwala. (1 Pedro 3:15) Huwag nawa nating hayaang ang panunuya sa paaralan, sa trabaho, o ng di-sumasampalatayang mga kamag-anak ay magpahinto sa atin sa pagpapahayag ng katotohanan ng Salita ng Diyos.—2 Pedro 3:3, 4.
Jerusalem—“Isang Nakapagpapabigat na Bato”
9. Aling Jerusalem ang inilalarawan ng “nakapagpapabigat na bato” na binabanggit sa Zacarias 12:3, at sino ang kumakatawan dito sa lupa?
9 Ipinaliliwanag ng hula ni Zacarias kung bakit sinasalansang ng mga bansa ang mga tunay na Zacarias 12:3: “Mangyayari sa araw na iyon na ang Jerusalem ay gagawin kong isang nakapagpapabigat na bato sa lahat ng mga bayan.” Aling Jerusalem ang tinutukoy ng hulang ito? Ang hula ni Zacarias tungkol sa Jerusalem ay kumakapit sa “makalangit na Jerusalem,” ang makalangit na Kaharian na ukol dito ay tinawag ang mga pinahirang Kristiyano. (Hebreo 12:22) May nalalabi pa sa lupa na maliit na bilang ng mga tagapagmanang ito ng Mesiyanikong Kaharian. Kasama ng “ibang mga tupa,” hinihimok nila ang mga tao na magpasakop sa Kaharian ng Diyos habang may panahon pa. (Juan 10:16; Apocalipsis 11:15) Ano ang naging tugon ng mga bansa sa paanyayang ito? At anong uri ng suporta ang ibinibigay ni Jehova sa kaniyang tunay na mga mananamba sa ngayon? Alamin natin habang higit nating sinusuri ang kahulugan ng Zacarias kabanata 12. Sa paggawa nito, makatitiyak tayo na ‘walang sandatang magtatagumpay’ laban sa mga pinahiran ng Diyos at sa kanilang nakaalay na mga kasama.
Kristiyano. Pansinin ang sinasabi sa10. (a) Bakit sinasalakay ang bayan ng Diyos? (b) Ano ang nangyayari sa mga nagtatangkang alisin ang “nakapagpapabigat na bato”?
10 Binabanggit ng Zacarias 12:3 na ang mga bansa ay magtatamo ng “malulubhang gasgas.” Paano ito natutupad? Iniutos ng Diyos na dapat ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian. Dinidibdib ng mga Saksi ni Jehova ang pananagutang ito. Ngunit ang paghahayag ng Kaharian bilang tanging pag-asa ng sangkatauhan ay “isang nakapagpapabigat na bato” sa mga bansa. Tinatangka nilang alisin ito sa pamamagitan ng paghadlang sa mga nangangaral ng Kaharian. Sa paggawa nito, ang mga bansang ito ay nagtatamo ng “malulubhang gasgas sa kanilang sarili,” anupat nagkakasugat-sugat. Nasisira rin ang kanilang reputasyon yamang nabibigo sila. Hindi nila mapatatahimik ang tunay na mga mananamba na nagpapahalaga sa pribilehiyong ihayag ang “walang-hanggang mabuting balita” ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos bago magwakas ang sistemang ito ng mga bagay. (Apocalipsis 14:6) Nang makita ng isang bantay sa bilangguan sa isang lupain sa Aprika ang karahasang ginawa sa mga lingkod ni Jehova, sinabi niya sa diwa: ‘Sayang lang ang pang-uusig ninyo sa mga taong ito. Hinding-hindi sila makikipagkompromiso. Dumarami pa nga sila.’
11. Paano tinutupad ni Jehova ang kaniyang pangako na nasa Zacarias 12:4?
11 Basahin ang Zacarias 12:4. Nangangako si Jehova na sa makasagisag na paraan, bubulagin at pasasapitan niya ng “kalituhan” ang mga sumasalansang sa kaniyang walang-takot na mga mensahero ng Kaharian. Tinutupad niya ang kaniyang salita. Halimbawa, sa isang lupain kung saan ipinagbabawal ang tunay na pagsamba, hindi nahadlangan ng mga mananalansang ang paghahatid ng espirituwal na pagkain sa bayan ng Diyos. Sinabi pa nga ng isang pahayagan na gumamit daw ang mga Saksi ni Jehova ng mga lobo para makapagpuslit sa bansa ng mga literaturang salig sa Bibliya! Nagkatotoo ang pangako ng Diyos sa kaniyang tapat na mga lingkod: “Ididilat ko ang aking mga mata, at ang bawat kabayo ng mga bayan ay pasasapitan ko ng pagkabulag.” Palibhasa’y nagdidilim ang paningin sa matinding galit, hindi malaman ng mga kaaway ng Kaharian kung ano ang kanilang gagawin. Subalit kumbinsido tayo na ipagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang bayan bilang isang grupo at pangangalagaan niya sila.—2 Hari 6:15-19.
12. (a) Sa anong diwa nagpaningas ng apoy si Jesus noong nasa lupa siya? (b) Paano nagpaliyab ng apoy sa makasagisag na diwa ang pinahirang nalabi, at ano ang resulta nito?
12 Basahin ang Zacarias 12:5, 6. “Ang mga shik ng Juda” ay tumutukoy sa mga nangangasiwa sa bayan ng Diyos. Pinag-aalab ni Jehova ang kanilang sigasig alang-alang sa kapakanan dito sa lupa ng kaniyang Kaharian. Sinabi minsan ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ako ay pumarito upang magpaningas ng apoy sa lupa.” (Lucas 12:49) Talaga namang nagpaliyab siya ng apoy, wika nga. Ginawa ni Jesus na pinakamahalagang paksa ng kaniyang masigasig na pangangaral ang Kaharian ng Diyos. Lumikha ito ng matinding kontrobersiya sa buong bansa ng mga Judio. (Mateo 4:17, 25; 10:5-7, 17-20) Sa katulad na paraan, “gaya ng kaldero ng apoy sa gitna ng mga punungkahoy at gaya ng maapoy na sulo sa isang hanay ng kapuputol na uhay,” ang mga tagasunod-yapak ni Kristo sa ating panahon ay nagpapaliyab din ng apoy sa makasagisag na diwa. Mapuwersang inilantad ng aklat na The Finished Mystery * noong 1917 ang pagpapaimbabaw ng Sangkakristiyanuhan. Nagpuyos sa galit ang klero dahil dito. Nang ipamahagi kamakailan lamang ang Kingdom News Blg. 37, “Malapit Na ang Wakas ng Huwad na Relihiyon!,” maraming tao ang naudyukang magpasiya kung papanig sila o hindi sa Kaharian ng Diyos.
Iniligtas “ang mga Tolda ng Juda”
13. Ano ang ipinahihiwatig ng pananalitang “ang mga tolda ng Juda,” at bakit inililigtas ni Jehova ang mga naaapektuhan ng pagsalakay?
13 Basahin ang Zacarias 12:7, 8. Sa sinaunang Israel, karaniwan nang makakakita ng mga tolda na ginagamit kung minsan ng mga pastol at magbubukid. Sila ang unang naaapektuhan at nangangailangan ng proteksiyon kapag sinalakay ng kaaway na bansa ang lunsod ng Jerusalem. Ang pananalitang “ang mga tolda ng Juda” ay nagpapahiwatig na ang pinahirang nalabi sa ating panahon ay nasa hantad na dako, wika nga, at wala sa loob ng nakukutaang mga lunsod. Doon nila walang-takot na ipinagtatanggol ang kapakanan ng Mesiyanikong Kaharian. Unang ililigtas ni Jehova ng mga hukbo “ang mga tolda ng Juda” sapagkat sila ang puntirya ng pagsalakay ni Satanas.
14. Paano ipinagtatanggol ni Jehova ang mga nasa “tolda ng Juda,” at paano niya sila iniingatan upang hindi mabuwal?
14 Oo, pinatutunayan ng kasaysayan na ipinagtatanggol ni Jehova ang pinahirang mga embahador na ito ng Kaharian na nasa kanilang mga “tolda” sa hantad na dako. * Iniingatan niya sila upang hindi ‘mabuwal,’ o pinalalakas at pinatitibay-loob tulad ni David, ang mandirigmang hari.
15. Bakit ‘nais ni Jehova na lipulin ang lahat ng mga bansa,’ at kailan niya ito gagawin?
15 Basahin ang Zacarias 12:9. Bakit ‘nais ni Jehova na lipulin ang lahat ng mga bansa’? Sapagkat walang-lubay nilang sinasalansang ang Mesiyanikong Kaharian. At dahil sa panliligalig at pang-uusig sa bayan ng Diyos, sila ay hinatulan. Malapit nang maglunsad ng pangwakas na pagsalakay ang mga alipores ni Satanas sa lupa laban sa tunay na mga mananamba ng Diyos, na hahantong naman sa kalagayan ng daigdig na tinatawag sa Bibliya na Har–Magedon. (Apocalipsis 16:13-16) Bilang tugon sa pagsalakay na iyon, ipagtatanggol ng Kataas-taasang Hukom ang kaniyang mga lingkod at pababanalin niya ang kaniyang pangalan sa gitna ng mga bansa.—Ezekiel 38:14-18, 22, 23.
16, 17. (a) Ano ang “minanang pag-aari ng mga lingkod ni Jehova”? (b) Katibayan ng ano ang ating pagbabata sa mga pagsalakay ni Satanas?
16 Walang sandata si Satanas na makapagpapahina sa pananampalataya o makapag-aalis ng sigasig ng bayan ng Diyos sa buong daigdig. Ang ating kapayapaan, na nagmumula sa pagkaalam na ililigtas tayo ni Jehova, ang “minanang pag-aari ng mga lingkod ni Jehova.” (Isaias 54:17) Walang makaaagaw sa kapayapaan at espirituwal na kasaganaan na tinatamasa natin. (Awit 118:6) Si Satanas ay patuloy pa ring magsusulsol ng pagsalansang at magpapasapit ng kapighatian. Ang ating tapat na pagbabata sa harap ng pandurusta ay katibayan na sumasaatin ang espiritu ng Diyos. (1 Pedro 4:14) Ipinahahayag sa buong daigdig ang mabuting balita ng naitatag nang Kaharian ni Jehova. Tulad ng nakagigitlang mga sandata, maraming makasagisag na “batong panghilagpos” na nilayong sumalansang sa bayan ng Diyos ang ipinupukol sa kanila. Subalit sa kapangyarihan ni Jehova, nakakayanan ng mga lingkod Niya ang tama ng mga batong ito anupat hindi nagtatagumpay ang mga ito. (Zacarias 9:15) Hindi mapahihinto ang pinahirang nalabi at ang kanilang tapat na mga kasama!
17 Inaasam-asam natin ang lubos na kaligtasan mula sa mga pagsalakay ng Diyablo. Kaylaking kaaliwan sa atin ang garantiya na ‘anumang sandata na inanyuan laban sa atin ay hindi magtatagumpay, at alinmang dila na gagalaw laban sa atin sa paghatol ay hahatulan natin’!
[Mga talababa]
^ par. 12 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova ngunit hindi na inililimbag ngayon.
^ par. 14 Para sa higit pang detalye, tingnan ang aklat na Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, pahina 675-6, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang nagpapakitang hindi nagtatagumpay ang mga sandata ni Satanas?
• Paano nagiging “isang nakapagpapabigat na bato” ang makalangit na Jerusalem?
• Paano inililigtas ni Jehova “ang mga tolda ng Juda”?
• Habang papalapit na ang Armagedon, sa ano ka nakatitiyak?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 21]
Nanatiling tapat ang bayan ni Jehova sa Albania sa kabila ng mga pagsalakay ni Satanas
[Larawan sa pahina 23]
Pinabulaanan ni Jesus ang maling mga paratang
[Mga larawan sa pahina 24]
Walang sandatang inanyuan laban sa mga naghahayag ng mabuting balita ang magtatagumpay