Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bigyang-Pansin ang Iyong “Sining ng Pagtuturo”

Bigyang-Pansin ang Iyong “Sining ng Pagtuturo”

Bigyang-Pansin ang Iyong “Sining ng Pagtuturo”

“Ipangaral mo ang salita, . . . sumaway ka, sumawata ka, magpayo ka, na lubusang taglay ang mahabang pagtitiis at sining ng pagtuturo.”​—2 TIM. 4:2.

1. Anong utos ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad, at anong halimbawa ang ipinakita niya?

 SA KABILA ng kamangha-manghang pagpapagaling ni Jesus noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, nakilala siya pangunahin na hindi bilang tagapagpagaling o isa na gumagawa ng himala, kundi bilang isang guro. (Mar. 12:19; 13:1) Pinakamahalagang gawain para kay Jesus ang paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, at totoo rin ito para sa mga tagasunod niya sa ngayon. Atas ng mga Kristiyano na ipagpatuloy ang paggawa ng mga alagad sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga tao na sundin ang lahat ng iniutos ni Jesus.​—Mat. 28:19, 20.

2. Ano ang kailangan nating gawin upang magampanan ang ating atas na mangaral?

2 Upang magampanan natin ang ating atas na gumawa ng mga alagad, patuloy nating sinisikap na mapasulong ang ating kakayahang magturo. Idiniin ni apostol Pablo ang kahalagahan ng kakayahang ito nang sumulat siya sa kaniyang kasama sa pangangaral na si Timoteo. Sinabi niya: “Laging bigyang-pansin ang iyong sarili at ang iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.” (1 Tim. 4:16) Ang uri ng pagtuturo na nasa isip ni Pablo ay hindi lamang basta pagbibigay ng kaalaman. Naikikintal ng mabibisang ministrong Kristiyano sa puso ng mga tao ang katotohanan ng Bibliya na siya namang nag-uudyok sa kanila na magbago. Isa itong sining. Paano natin mapasusulong ang “sining ng pagtuturo” kapag inihaharap natin sa iba ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos?​—2 Tim. 4:2.

Pasulungin ang “Sining ng Pagtuturo”

3, 4. (a) Paano natin mapasusulong ang “sining ng pagtuturo”? (b) Paano nakatutulong sa atin ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo na maging mabibisang guro?

3 Binibigyang-kahulugan ng isang diksyunaryo ang salitang “sining” bilang isang “kasanayang natatamo mula sa pag-aaral, pagsasanay, o pagmamasid.” Kailangan nating bigyang-pansin ang tatlong aspektong ito upang maging mabibisang guro ng mabuting balita. Matatamo lamang natin ang tumpak na pagkaunawa sa ating itinuturo sa pamamagitan ng pag-aaral at pananalangin. (Basahin ang Awit 119:27, 34.) Tutulong sa atin ang pagmamasid sa mabibisang ministro habang nagtuturo sila sa iba upang matutuhan natin ang kanilang paraan at matularan sila. At kung lagi nating sasanayin na ikapit ang ating natututuhan, mapasusulong natin ang ating mga kakayahan.​—Luc. 6:40; 1 Tim. 4:13-15.

4 Si Jehova ang ating Dakilang Tagapagturo. Sa pamamagitan ng kaniyang nakikitang organisasyon, naglalaan siya ng mga tagubilin sa kaniyang mga lingkod sa lupa kung paano nila dapat gampanan ang kanilang atas na mangaral. (Isa. 30:20, 21) Kaya naman bawat kongregasyon ay nagdaraos ng lingguhang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, na dinisenyo upang tulungan ang lahat ng estudyante na maging mabisang mga tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Ang Bibliya ang pangunahing aklat-aralin sa paaralang ito. Sinasabi sa atin ng kinasihang Salita ni Jehova kung ano ang ituturo natin sa mga tao. Bukod diyan, ipinakikita nito kung anong mga paraan ng pagtuturo ang mabisa at angkop. Laging ipinaaalaala ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo na tayo ay magiging mas mahuhusay na guro kung magtuturo tayo salig sa Salita ng Diyos, gagamit ng mabibisang tanong, gagawing simple ang ating pagtuturo, at kung magpapakita tayo ng taimtim na interes sa iba. Isa-isa nating suriin ang mga puntong ito. Pagkatapos ay talakayin natin kung paano aabutin ang puso ng estudyante.

Magturo Salig sa Salita ng Diyos

5. Ano ang dapat na saligan ng ating turo, at bakit?

5 Si Jesus, ang pinakadakilang guro sa lahat ng tao, ay nagturo salig sa Kasulatan. (Mat. 21:13; Juan 6:45; 8:17) Hindi ang kaniyang ideya ang itinuro niya, kundi mula sa Isa na nagsugo sa kaniya. (Juan 7:16-18) Iyan ang ating tinutularan. Kaya tayo man ay nagbabahay-bahay o nagdaraos ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya, dapat natin itong isalig sa Salita ng Diyos. (2 Tim. 3:16, 17) Anumang husay ng ating pangangatuwiran, hindi ito kailanman makapapantay sa bisa at kapangyarihan ng kinasihang Kasulatan. May awtoridad ang Bibliya. Anumang punto ang sinisikap nating ipaunawa sa estudyante, ang pinakamahusay na paraan ay ipabasa sa kaniya ang sinasabi ng Kasulatan tungkol dito.​—Basahin ang Hebreo 4:12.

6. Paano matitiyak ng guro na talagang mauunawaan ng estudyante ang puntong tinatalakay?

6 Sabihin pa, hindi iyan nangangahulugan na ang isang gurong Kristiyano ay hindi na kailangang maghanda para sa pag-aaral sa Bibliya. Sa halip, dapat ngang pag-isipang mabuti ng guro kung aling tekstong binanggit sa publikasyon ang babasahin niya o ng estudyante mula sa Bibliya sa panahon ng pag-aaral. Karaniwan nang makabubuting basahin ang mga teksto na siyang saligan ng ating mga paniniwala. Mahalaga ring tulungan ang estudyante na maunawaan ang bawat teksto na binabasa niya.​—1 Cor. 14:8, 9.

Gumamit ng Mabibisang Tanong

7. Bakit mabisang paraan ng pagtuturo ang paggamit ng mga tanong?

7 Ang mabisang paggamit ng mga tanong ay pumupukaw sa estudyante na mag-isip at tumutulong sa guro na maabot ang puso ng estudyante. Kaya sa halip na ipaliwanag ang mga teksto sa iyong estudyante, hilingin mo na siya ang magpaliwanag nito sa iyo. Kung minsan baka kinakailangan na magdagdag ng tanong o magkakaugnay na mga tanong upang tulungan ang iyong estudyante na maunawaan ito. Kapag ganito ang paraan mo ng pagtuturo, natutulungan mo siyang maunawaan kung bakit naging gayon ang konklusyon at maging kumbinsido rito.​—Mat. 17:24-26; Luc. 10:36, 37.

8. Paano natin malalaman kung ano ang nasa puso ng estudyante?

8 Ang paraan ng pag-aaral na ginagamit sa ating mga publikasyon ay tanong-sagot. Walang alinlangan, agad na masasagot ng karamihan sa mga taong tinuturuan mo sa Bibliya ang nakalimbag na mga tanong, gamit ang impormasyong nasa katugmang mga parapo. Gayunman, para sa isang guro na gustong maabot ang puso ng estudyante, hindi sapat ang basta lamang nahahanap ang tamang sagot. Halimbawa, maaaring maipaliwanag nang wasto ng isang estudyante kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pakikiapid. (1 Cor. 6:18) Pero maisisiwalat ng mataktikang punto de vistang mga tanong kung ano talaga ang iniisip ng estudyante tungkol sa kaniyang natututuhan. Kung gayon, maaaring magtanong ang guro: “Bakit kaya hinahatulan ng Bibliya ang pakikipagtalik sa hindi mo asawa? Ano ang masasabi mo sa pagbabawal na ito ng Diyos? Sa palagay mo, makikinabang ka ba kung susundin mo ang moral na mga pamantayan ng Diyos?” Ang sagot ng estudyante sa mga tanong na iyan ay maaaring magsiwalat kung ano ang nasa puso niya.—Basahin ang Mateo 16:13-17.

Gawing Simple ang Iyong Pagtuturo

9. Ano ang dapat nating isaisip kapag ibinabahagi natin ang impormasyon mula sa Kasulatan?

9 Masasabing simple lamang ang karamihan sa mga katotohanan sa Salita ng Diyos. Pero maaaring nalilito ang mga taong tinuturuan natin sa Bibliya dahil sa mga doktrina ng huwad na relihiyon. Bilang mga guro, dapat nating gawing madaling maunawaan ang Bibliya. Inihahatid ng mabibisang guro ang impormasyon sa paraang simple, maliwanag, at tumpak. Kung ganito ang gagawin natin, mas madaling mauunawaan ng estudyante ang katotohanan. Iwasan ang di-kinakailangang mga detalye. Hindi kailangang komentuhan ang bawat aspekto ng teksto na binabasa natin. Magtuon lamang ng pansin sa bahagi ng teksto na makatutulong para maging maliwanag ang puntong isinasaalang-alang. Mauunawaan ng estudyante ang mas malalalim na mga turo ng Bibliya habang sumusulong siya sa kaniyang pang-unawa.​—Heb. 5:13, 14.

10. Paano natin malalaman kung gaano karaming materyal ang dapat saklawin sa panahon ng pag-aaral ng Bibliya?

10 Gaano karaming materyal ang dapat saklawin sa isang sesyon ng pag-aaral? Kailangan natin ng kaunawaan upang malaman ito. Iba-iba ang kakayahan at kalagayan ng estudyante at ng guro, pero lagi nating tandaan na ang ating layunin bilang mga guro ay tulungan ang ating estudyante na magkaroon ng matibay na pananampalataya. Kaya bigyan siya ng sapat na panahon para basahin, unawain, at tanggapin ang mga katotohanang itinuturo ng Salita ng Diyos. Sa panahon ng pag-aaral, hindi tayo sasaklaw ng mas maraming materyal kaysa sa kaya niyang maunawaan. Sa kabilang dako, hindi naman tayo dapat masyadong magtagal sa isang punto. Kapag naunawaan na ng ating estudyante ang punto, lumipat na tayo sa susunod.​—Col. 2:6, 7.

11. Ano ang matututuhan natin sa paraan ng pagtuturo ni apostol Pablo?

11 Kapag nangangaral sa mga baguhan, ipinaliliwanag ni apostol Pablo ang mensahe ng mabuting balita sa simpleng paraan. Bagaman mayroon siyang mataas na pinag-aralan, hindi siya gumamit ng malalalim at mahirap-unawaing pananalita. (Basahin ang 1 Corinto 2:1, 2.) Ang simpleng katotohanan mula sa Kasulatan ay nakaaakit at kasiya-siya sa mga taong taimtim. Hindi kailangang mataas ang pinag-aralan ng isa upang maunawaan ito.​—Mat. 11:25; Gawa 4:13; 1 Cor. 1:26, 27.

Tulungan ang mga Estudyante na Pahalagahan ang Kanilang Natututuhan

12, 13. Ano ang maaaring mag-udyok sa estudyante na ikapit ang kaniyang natututuhan? Ilarawan.

12 Upang maging mabisa ang ating pagtuturo, kailangang maantig ang puso ng estudyante. Kailangang maunawaan ng estudyante kung paano kumakapit sa kaniya ang impormasyon, kung paano siya makikinabang dito, at kung paano bubuti ang kaniyang buhay kung susundin niya ang patnubay ng Kasulatan.​—Isa. 48:17, 18.

13 Halimbawa, maaaring tinatalakay natin ang Hebreo 10:24, 25, na humihimok sa mga Kristiyano na makipagtipon sa kanilang mga kapananampalataya para mapatibay mula sa Kasulatan at makinabang sa maibiging pakikipagsamahan. Kung hindi pa dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon ang estudyante, maaaring ipaliwanag natin sa maikli kung paano idinaraos ang mga ito at kung ano ang tatalakayin. Maaari nating banggitin na ang mga pulong ng kongregasyon ay bahagi ng ating pagsamba at ipakita sa kaniya na tayo mismo ay nakikinabang dito. Pagkatapos ay maaari nating anyayahang dumalo ang estudyante. Ang dapat na mag-udyok sa kaniya na sumunod sa mga utos ng Bibliya ay ang pagnanais niyang sundin si Jehova at hindi upang palugdan ang taong nagtuturo sa kaniya.​—Gal. 6:4, 5.

14, 15. (a) Ano ang maaaring matutuhan ng isang estudyante sa Bibliya tungkol kay Jehova? (b) Paano nagiging kapaki-pakinabang sa estudyante sa Bibliya ang pagkakaroon niya ng kaalaman sa personalidad ng Diyos?

14 Nakikinabang nang malaki ang mga estudyante mula sa pag-aaral ng Bibliya sapagkat natutulungan sila nito na higit na makilala at ibigin si Jehova bilang isang persona. (Isa. 42:8) Hindi lamang siya isang maibiging Ama, Maylalang, at May-ari ng uniberso. Isinisiwalat din niya ang kaniyang personalidad at mga kakayahan sa mga umiibig at naglilingkod sa kaniya. (Basahin ang Exodo 34:6, 7.) Nang akayin ni Moises ang bansang Israel palabas mula sa pagkabihag sa Ehipto, ipinakilala ni Jehova ang kaniyang sarili sa pananalitang: “Ako ay magiging gayon sa anumang Ako ay magiging gayon.” (Ex. 3:13-15) Nangangahulugan iyan na gagampanan ni Jehova ang anumang papel na kailangan niyang gampanan upang isakatuparan ang kaniyang layunin may kaugnayan sa kaniyang piniling bayan. Sa gayon, nakilala ng mga Israelita si Jehova bilang Tagapagligtas, Mandirigma, Tagapaglaan, Tagatupad ng mga pangako, at iba pa.​—Ex. 15:2, 3; 16:2-5; Jos. 23:14.

15 Maaaring hindi maranasan ng ating mga estudyante ang makahimalang patnubay ni Jehova sa kanilang buhay na gaya ni Moises. Gayunman, habang tumitibay ang pananampalataya at sumisidhi ang pagpapahalaga ng ating mga estudyante sa kanilang natututuhan at ikinakapit ito sa kanilang buhay, tiyak na makikita nila ang pangangailangang magtiwala kay Jehova para sa lakas ng loob, karunungan, at patnubay. Habang sumusulong sila, makikilala rin nila si Jehova bilang Tagapagsanggalang, matalino at mapagkakatiwalaang Tagapayo, at bukas-palad na Tagapaglaan ng lahat ng kanilang pangangailangan.​—Awit 55:22; 63:7; Kaw. 3:5, 6.

Magpakita ng Maibiging Interes

16. Bakit hindi ang likas na kakayahan ang pinakamahalagang bagay upang maging mabisang guro?

16 Kung iniisip mong hindi ka bihasang guro na gaya ng gusto mo, huwag masiraan ng loob. Si Jehova at si Jesus ang nangangasiwa sa programa ng pagtuturo na isinasagawa ngayon sa buong daigdig. (Gawa 1:7, 8; Apoc. 14:6) Maaari nilang pagpalain ang ating mga pagsisikap upang ang ating pananalita ay magkaroon ng positibong epekto sa tapat-pusong mga tao. (Juan 6:44) Hindi ka man likas na mahusay magturo, ang mas mahalaga naman ay ang pagpapakita mo ng maibiging interes sa iyong estudyante. Ipinakita ni apostol Pablo na naunawaan niya na mahalagang magpakita ng pag-ibig sa kaniyang mga tinuturuan.—Basahin ang 1 Tesalonica 2:7, 8.

17. Paano natin maipakikita ang ating taimtim na interes sa bawat estudyante sa Bibliya?

17 Sa katulad na paraan, maipakikita natin ang taimtim na interes sa bawat estudyante sa Bibliya kung gugugol tayo ng panahon na makilala siya. Habang tinatalakay natin sa kaniya ang mga simulain ng Bibliya, maaari nating malaman ang kaniyang kalagayan. Maaaring mapansin natin na ikinakapit na niya sa kaniyang buhay ang ilang punto na natututuhan niya mula sa Bibliya. Ngunit baka kailangan pa niyang gumawa ng mga pagbabago sa ibang aspekto. Kung tutulungan natin ang estudyante na maunawaan kung paano niya maikakapit sa kaniyang buhay ang mga natututuhan niya sa pag-aaral ng Bibliya, maaari siyang maging isang tunay na alagad ni Kristo.

18. Bakit mahalagang manalangin na kasama ng estudyante at hilingin kay Jehova na tulungan siya?

18 Pinakamahalaga sa lahat, maaari tayong manalanging kasama ng ating estudyante at hilingin kay Jehova na tulungan siya. Dapat na maliwanag niyang maunawaan na nais nating tulungan siyang higit na makilala ang kaniyang Maylalang, maging malapít kay Jehova, at makinabang mula sa Kaniyang patnubay. (Basahin ang Awit 25:4, 5.) Kapag hinihiling natin kay Jehova sa panalangin na tulungan ang estudyante na maikapit ang kaniyang natututuhan, makikita ng estudyante ang kahalagahan ng pagiging ‘tagatupad ng salita.’ (Sant. 1:22) At habang nakikinig ang estudyante sa ating taimtim na mga panalangin, matututo rin siyang manalangin. Kaylaking kagalakan ngang tulungan ang mga estudyante sa Bibliya na magkaroon ng kaugnayan kay Jehova!

19. Ano ang isasaalang-alang natin sa susunod na artikulo?

19 Napatitibay tayong malaman na mahigit anim at kalahating milyong Saksi sa buong daigdig ang abala sa pagpapasulong ng “sining ng pagtuturo,” na ang layunin ay tulungan ang tapat-pusong mga tao na sundin ang lahat ng bagay na iniutos ni Jesus. Anu-ano ang resulta ng ating pangangaral? Ang sagot sa tanong na ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.

Naaalaala Mo Ba?

• Bakit kailangang pasulungin ng mga Kristiyano ang kanilang “sining ng pagtuturo”?

• Paano maaaring maging mas mabisa ang ating pagtuturo?

• Ano ang mas mahalaga kaysa sa likas na kakayahang magturo?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 9]

Nakatala ka na ba sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo?

[Larawan sa pahina 10]

Bakit mahalagang anyayahan ang iyong mga estudyante na bumasa mula sa Bibliya?

[Larawan sa pahina 12]

Manalangin na kasama ng iyong estudyante at hilingin kay Jehova na tulungan siya