Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapag ang mga Kristiyano ay Sinala na Gaya ng Trigo

Kapag ang mga Kristiyano ay Sinala na Gaya ng Trigo

Kapag ang mga Kristiyano ay Sinala na Gaya ng Trigo

NANG malapit na ang kamatayan ni Jesus, nagbabala siya sa kaniyang mga alagad: “Narito! hiningi ni Satanas na kayo ay mapasakaniya upang salain kayong gaya ng trigo.” (Luc. 22:31) Ano ang ibig niyang sabihin?

Noong panahon ni Jesus, ang pag-aani ng trigo ay matagal at mahirap. Una, tinitipon ng mga mang-aani ang mga tangkay ng trigo sa bukid. Pagkatapos, inihahampas ang mga tangkay sa matigas na bagay o pinararaanan ang mga ito ng panggiik na karetang hila-hila ng hayop na pambukid. Sa pamamagitan nito, natatanggal ang mga butil sa mga tangkay at ipa. Sumunod, tatahipin ito ng mga magsasaka. Bumabagsak ang mga butil ng trigo sa giikan, samantalang tinatangay naman ng hangin ang ipa. Pinakahuli, maingat na sinasala ang mga butil hanggang sa maalis ang lahat ng dumi.

Gaya ng sinabi ni Jesus, walang tigil na inatake ni Satanas ang kaniyang mga alagad noon, at inaatake rin niya tayo sa ngayon. (Efe. 6:11) Totoo na hindi naman tuwirang galing kay Satanas ang bawat problemang napapaharap sa atin. (Ecles. 9:11) Pero ginagawa ni Satanas ang lahat ng paraan para masira ang ating katapatan. Halimbawa, baka tuksuhin niya tayong makipagsabayan sa materyalistikong pamumuhay, piliin ang nakapipinsalang libangan, o gumawa ng seksuwal na imoralidad. Posible ring gamitin niya ang ating mga kaeskuwela o katrabaho at di-sumasampalatayang mga kamag-anak para udyukan tayo na piliting makuha ang lahat ng iniaalok ng sanlibutang ito sa edukasyon at trabaho. Karagdagan pa, maaaring gamitin ni Satanas ang tuwirang pag-uusig para sirain ang ating katapatan sa Diyos. Siyempre pa, marami pang ibang paraang ginagamit si Satanas para salain tayo, wika nga.

Paano natin malalabanan ang makapangyarihang kaaway na ito? Hindi natin ito magagawa kung sa ating sariling lakas lamang. Mas malakas si Satanas sa atin; pero alam nating di-hamak na mas malakas si Jehova kay Satanas. Kung lubos tayong magtitiwala kay Jehova, taimtim na mananalanging bigyan tayo ng karunungan at lakas ng loob upang makapagbata, at lubusang mananalig sa kaniyang payo, patitibayin niya tayo para malabanan ang mga pag-atake ni Satanas.​—Awit 25:4, 5.

Kapag nasa ilalim ng pagsubok, kailangan natin ng kakayahang “makilala kapuwa ang tama at ang mali” para hindi tayo mailigaw ng mga pakana ni Satanas. (Heb. 5:13, 14) Matutulungan tayo ni Jehova na magkaroon ng kakayahang iyan. Pagkatapos, dapat tayong manghawakan sa tamang landas, anuman ang mangyari. Kung susundin natin ang patnubay ni Jehova, tiyak na tutulungan niya tayo sa ating determinasyong gawin ang tama.​—Efe. 6:10.

Maaaring subukan ni Satanas na salain tayong gaya ng trigo. Pero sa lakas ni Jehova, malalabanan natin siya at makapananatili tayong matatag sa pananampalataya. (1 Ped. 5:9) Oo, tinitiyak sa atin ng Salita ni Jehova: “Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.”​—Sant. 4:7.