Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tumutugon sa Mensahe ng Kaharian ang mga “Wastong Nakaayon”

Tumutugon sa Mensahe ng Kaharian ang mga “Wastong Nakaayon”

Tumutugon sa Mensahe ng Kaharian ang mga “Wastong Nakaayon”

“Ang lahat niyaong mga wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan ay naging mga mananampalataya.”​—GAWA 13:48.

1, 2. Paano tumugon ang mga Kristiyano noong unang siglo sa hula ni Jesus na ang mabuting balita ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa?

 MABABASA sa aklat ng Bibliya na Mga Gawa ang kapana-panabik na ulat kung paano tumugon ang mga Kristiyano noong unang siglo sa hula ni Jesus na ang mabuting balita ng Kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa. (Mat. 24:14) Ang masisigasig na mángangarál na iyon ay naging huwaran sa lahat ng magiging mga alagad. Dahil sa masigasig na pagpapatotoo ng mga alagad ni Jesus sa Jerusalem, libu-libo katao, pati na ang “isang malaking pulutong ng mga saserdote,” ang sumama sa kongregasyon noong unang siglo.​—Gawa 2:41; 4:4; 6:7.

2 Marami pa ang naging mga Kristiyano sa tulong ng mga misyonero noong unang siglo. Halimbawa, nagtungo sa Samaria si Felipe, kung saan nagbigay-pansin ang mga pulutong sa kaniyang mensahe. (Gawa 8:5-8) Naglakbay si Pablo sa maraming lugar kasama ang iba’t ibang mga kapatid upang ipangaral ang mensahe ni Kristo sa Ciprus, mga bahagi ng Asia Minor, Macedonia, Gresya, at Italya. Sa mga lunsod kung saan siya nangaral, napakaraming Judio at Griego ang naging mga mananampalataya. (Gawa 14:1; 16:5; 17:4) Nangaral si Tito sa Creta. (Tito 1:5) Masigasig namang nangaral si Pedro sa Babilonya, at nang isulat niya ang kaniyang unang liham, noong mga 62-64 C.E., balitang-balita na ang gawain ng mga Kristiyano sa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia. (1 Ped. 1:1; 5:13) Talagang kapana-panabik nga ang panahong iyon! Gayon na lamang ang sigasig ng mga Kristiyanong mángangarál na iyon anupat nasabi ng kanilang mga kaaway na ‘itiniwarik nila ang tinatahanang lupa.’​—Gawa 17:6; 28:22.

3. Ano ang naisasakatuparan ngayon ng mga tagapaghayag ng Kaharian sa kanilang pangangaral, at ano ang nadarama mo hinggil dito?

3 Sa panahon natin, napakabilis din ng pagsulong ng kongregasyong Kristiyano. Hindi ka ba napatitibay-loob kapag binabasa mo ang taunang ulat ng mga Saksi ni Jehova at nakikita ang naisasakatuparan natin sa buong daigdig? Hindi ka ba natutuwang malaman na ang mga tagapaghayag ng Kaharian ay nakapagdaos ng mahigit anim na milyong pag-aaral sa Bibliya noong 2007 taon ng paglilingkod? Bukod diyan, ipinakikita ng bilang ng dumalo noong nakaraang taon sa Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo na mga sampung milyon katao na hindi mga Saksi ni Jehova ang nagpakita ng interes sa mabuting balita anupat dumalo sa mahalagang okasyong ito. Marami pa talagang dapat gawin.

4. Sinu-sino ang tumutugon sa mensahe ng Kaharian?

4 Gaya noong unang siglo, “ang lahat niyaong mga wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan” ay tumutugon ngayon sa mensahe ng katotohanan. (Gawa 13:48) Inilalapit ni Jehova ang gayong mga tao sa kaniyang organisasyon. (Basahin ang Hagai 2:7.) Ano ang dapat na lagi nating maging saloobin hinggil sa ministeryong Kristiyano upang lubusang makatulong sa gawaing ito na pagtitipon?

Mangaral Nang Walang Pagtatangi

5. Anong uri ng mga tao ang sinasang-ayunan ni Jehova?

5 Naunawaan ng mga Kristiyano noong unang siglo na “ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Ang isang tao na mananampalataya sa haing pantubos ni Jesus ay maaaring magkaroon ng mabuting kaugnayan kay Jehova. (Juan 3:16, 36) At kalooban ni Jehova na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”​—1 Tim. 2:3, 4.

6. Ano ang hindi dapat gawin ng mga mángangarál ng Kaharian, at bakit?

6 Hindi dapat husgahan ng mga tagapaghayag ng mabuting balita ang mga tao batay sa kanilang lahi, katayuan sa lipunan, hitsura, relihiyon, o iba pang katangian. Pag-isipan ito: Hindi ka ba nagpapasalamat na hindi ka hinusgahan ng taong unang nagsabi sa iyo ng mga katotohanan sa Bibliya? Kaya bakit ka mag-aatubiling sabihin ang nagliligtas-buhay na mensahe sa sinumang maaaring makinig dito?​—Basahin ang Mateo 7:12.

7. Bakit hindi natin dapat husgahan ang mga taong pinangangaralan natin?

7 Si Jesus ang inatasan ni Jehova bilang Hukom; kaya wala tayong karapatan na husgahan ang sinuman. Angkop lamang ito sapagkat may tendensiya tayong humatol “ayon lamang sa nakita ng [ating] mga mata” o “sa narinig ng [ating] mga tainga,” di-gaya ni Jesus na nakababasa ng ating niloloob at ng mga pangangatuwiran ng ating puso.​—Isa. 11:1-5; 2 Tim. 4:1.

8, 9. (a) Anong uri ng tao si Saul bago siya naging Kristiyano? (b) Ano ang matututuhan natin sa karanasan ni apostol Pablo?

8 Iba’t iba ang pinagmulan ng mga taong nagiging lingkod ni Jehova. Ang isang napakagandang halimbawa ay si Saul ng Tarso, na nang maglaon ay nakilala bilang si apostol Pablo. Mahigpit na sinalansang ni Saul, na isang Pariseo, ang mga Kristiyano. Kumbinsido siya na hindi sila tunay na mga mananamba ni Jehova kaya pinag-usig niya ang kongregasyong Kristiyano. (Gal. 1:13) Sa pananaw ng tao, tila napakalabong maging Kristiyano siya. Gayunman, may nakita si Jesus na kapuri-puri sa puso ni Saul kaya pinili niya ito upang gampanan ang isang pantanging atas. Bilang resulta, si Saul ay naging isa sa pinakaaktibo at pinakamasigasig na miyembro ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo.

9 Ano ang matututuhan natin sa karanasan ni apostol Pablo? Sa ating teritoryo, baka may mga grupo ng tao na waring salansang sa ating mensahe. Kahit na tila imposibleng maging tunay na mga Kristiyano ang sinuman sa kanila, hindi tayo dapat sumuko sa pakikipagkatuwiranan sa kanila. Kung minsan, yaong inaakala nating hindi magiging interesado ang siya pang nakikinig sa ating mensahe. Ang atas natin ay patuloy na mangaral sa lahat “nang walang humpay.”​—Basahin ang Gawa 5:42.

Pinagpapala ang mga Nangangaral “Nang Walang Humpay”

10. Bakit hindi tayo dapat mag-atubiling mangaral sa mga taong mukhang nakakatakot? Maglahad ng mga karanasan sa inyong lugar.

10 Mapandaya ang panlabas na anyo. Halimbawa, nagsimulang makipag-aral ng Bibliya si Ignacio * sa mga Saksi ni Jehova habang nakabilanggo siya sa isang bansa sa Timog Amerika. Kinatatakutan siya ng mga tao dahil basag-ulero siya. Kaya naman sa kaniya pinasisingil ng mga kasama niyang bilanggo na nagbebenta ng mga produktong ginagawa nila ang mga utang ng iba pang presong hindi nagbabayad. Gayunman, nang sumulong sa espirituwal si Ignacio at magkapit ng kaniyang natututuhan, bumait ang dating maton na ito. Hindi na siya ginawang tagasingil ng utang, pero maligaya siya sapagkat binago ng mga katotohanan sa Bibliya at ng espiritu ng Diyos ang kaniyang personalidad. Nagpapasalamat din siya sapagkat naging bukás ang isip ng mga mamamahayag ng Kaharian na nagsikap magturo sa kaniya.

11. Bakit paulit-ulit tayong dumadalaw sa mga tao?

11 Paulit-ulit tayong dumadalaw sa mga taong nakausap na natin noon hinggil sa mabuting balita sapagkat maaaring magbago, at talaga namang nagbabago, ang kanilang kalagayan at saloobin. Baka mula noong huli tayong dumalaw, ang ilan sa kanila ay maaaring nagkasakit nang malubha, nawalan ng trabaho, o namatayan ng mahal sa buhay. (Basahin ang Eclesiastes 9:11.) Ang mga pangyayari sa daigdig ay maaaring mag-udyok sa mga tao na seryosong pag-isipan ang kanilang kinabukasan. Dahil sa gayong mga pangyayari, maaaring tumugon nang positibo ang mga tao na dating walang interes​—o salansang pa nga​—sa ating mensahe. Kaya hindi tayo dapat mag-atubiling ibahagi sa iba ang mabuting balita sa bawat angkop na pagkakataon.

12. Ano ang dapat na maging pananaw natin sa mga taong pinangangaralan natin, at bakit?

12 May tendensiya ang mga tao na uriin at hatulan ang kaniyang kapuwa. Pero nakikilala ni Jehova ang bawat indibiduwal. Nakikita niya ang magagandang katangian ng bawat isa. (Basahin ang 1 Samuel 16:7.) Gayundin ang dapat na sikapin nating gawin kapag nangangaral. Maraming karanasan ang nagpapakita na maganda ang ibinubunga kapag mabubuting katangian ang tinitingnan natin sa lahat ng mga taong pinangangaralan natin.

13, 14. (a) Bakit negatibo ang naging saloobin ng isang payunir sa babaing natagpuan niya sa ministeryo? (b) Ano ang matututuhan natin sa karanasang ito?

13 Nagbabahay-bahay noon ang payunir na si Sandra sa isang isla sa Caribbean nang matagpuan niya si Ruth, na mahilig sumali sa pagdiriwang ng mga piyesta. Dalawang beses nang nakoronahan si Ruth bilang pambansang reyna ng piyesta. Nagpakita siya ng taimtim na interes sa sinasabi ni Sandra, kaya isinaayos nila ang isang pag-aaral sa Bibliya. Ganito ang naaalaala ni Sandra: “Pagpasok ko sa kaniyang sala, ang unang-una kong nakita ay ang malaking litrato ni Ruth suot ang kaniyang magarang kostiyum na pampiyesta, pati na ang mga tropeong napanalunan niya. Inakala kong hindi magiging interesado sa katotohanan ang isang taong napakapopular at napakahilig sumali sa piyesta. Kaya hindi ko na uli siya pinuntahan.”

14 Makalipas ang ilang panahon, dumalo si Ruth sa Kingdom Hall, at pagkatapos ng pulong, tinanong niya si Sandra, “Bakit hindi mo na ako pinupuntahan?” Humingi ng paumanhin si Sandra at ipinagpatuloy nila ang pag-aaral. Mabilis na sumulong si Ruth, inalis niya ang nakadispley na mga litrato niya sa piyesta, nakibahagi sa lahat ng gawain ng kongregasyon, at inialay ang kaniyang buhay kay Jehova. Siyempre, natanto ni Sandra na mali ang naging saloobin niya noon.

15, 16. (a) Ano ang naging resulta ng pagpapatotoo ng isang mamamahayag sa kaniyang kamag-anak? (b) Bakit hindi tayo dapat mag-atubiling magpatotoo sa isang kamag-anak dahil lamang sa uri ng kaniyang pamumuhay?

15 Marami rin ang nagkaroon ng magagandang karanasan dahil sa pagpapatotoo sa di-sumasampalatayang mga kamag-anak, kahit na waring malabong tanggapin nila ang ating mensahe. Kuning halimbawa si Joyce, isang sister sa Estados Unidos. Labas-masok na sa bilangguan ang kaniyang bayaw mula pa noong tin-edyer ito. “Sinasabi ng mga tao na patapon na ang kaniyang buhay,” ang sabi ni Joyce, “dahil nagtutulak siya ng droga, nagnanakaw, at gumagawa ng napakaraming masasamang bagay. Ngunit sa kabila ng lahat, patuloy ko pa ring ibinahagi sa kaniya ang mga katotohanan sa Bibliya sa loob ng 37 taon.” Pinagpala nang husto ang matiyagang pagsisikap ni Joyce na tulungan ang kaniyang kamag-anak, dahil sa wakas ay nakipag-aral na rin ito ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at gumawa ng malalaking pagbabago sa kaniyang buhay. Kamakailan lamang, sa edad na 50, nabautismuhan ang bayaw ni Joyce sa isang pandistritong kombensiyon sa California, E.U.A. Ganito ang sabi ni Joyce: “Napaiyak ako sa tuwa. Mabuti na lang at hindi ako sumuko sa pagtuturo sa kaniya!”

16 Baka nag-aatubili kang ipakipag-usap sa ilang kamag-anak mo ang mga katotohanan sa Bibliya dahil sa uri ng kanilang pamumuhay. Pero hindi nag-atubili si Joyce na magpatotoo sa kaniyang bayaw. Tama lamang ang ginawa niya, yamang walang sinumang tao ang makababasa sa nilalaman ng puso ng iba. Baka taimtim na hinahanap ng taong iyon ang katotohanan sa Bibliya. Kaya huwag mong ipagkait sa kaniya ang pagkakataong masumpungan ito.​—Basahin ang Kawikaan 3:27.

Mabisang Pantulong sa Pag-aaral ng Bibliya

17, 18. (a) Anong mga ulat ang nagpapatunay na mabisa ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? (b) Mayroon ka bang mailalahad na nakapagpapatibay na mga karanasan sa paggamit mo ng aklat na ito?

17 Ipinakikita ng mga ulat mula sa iba’t ibang bansa na maraming taimtim na mga tao ang positibong tumutugon sa pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Nakapagpasimula si Penni, isang sister na payunir sa Estados Unidos, ng ilang pag-aaral gamit ang publikasyong ito. Dalawa sa kanila ay may-edad na at debotong mga miyembro ng simbahan. Hindi alam ni Penni kung ano ang magiging reaksiyon nila sa mga katotohanan sa Bibliya na inihaharap sa aklat na Itinuturo ng Bibliya. Pero ganito ang isinulat niya, “Dahil malinaw, lohikal, at hindi maligoy ang paliwanag sa aklat, agad silang nakumbinsi na ang kanilang natututuhan ay ang katotohanan, anupat hindi nila ito tinutulan o pinag-alinlanganan.”

18 Nakapagpasimula si Pat, isang mamamahayag sa Britanya, ng pag-aaral sa Bibliya sa isang babae na lumikas mula sa isang bansa sa Asia. Napilitang lumikas ng bansa ang babaing ito matapos dukutin ng mga rebeldeng sundalo ang kaniyang asawa at mga anak na lalaki, na hindi na niya nakita pang muli. Pinagbantaan ang kaniyang buhay, sinunog ang kaniyang bahay, at pasa-pasa siyang hinalay ng ilang kalalakihan. Dahil sa lahat ng ito, nadama niyang wala nang kabuluhan ang kaniyang buhay, at maraming beses na siyang nagtangkang magpakamatay. Gayunman, nagkaroon siya ng pag-asa dahil sa pag-aaral ng Bibliya. “Simple ang mga paliwanag at mga ilustrasyon sa aklat na Itinuturo ng Bibliya, pero napakalaki ng naging epekto nito sa kaniya,” ang isinulat ni Pat. Mabilis na sumulong ang estudyante, naging kuwalipikado na maging di-bautisadong mamamahayag, at nagsabing gusto na niyang magpabautismo sa susunod na asamblea. Talagang kasiya-siyang matulungan ang taimtim na mga tao na maunawaan at mapahalagahan ang pag-asang iniaalok ng Bibliya!

“Huwag Tayong Manghihimagod sa Paggawa ng Kung Ano ang Mainam”

19. Bakit lubhang apurahan ang pangangaral?

19 Sa bawat araw na lumilipas, lalong nagiging apurahan ang ating atas na mangaral at gumawa ng mga alagad. Taun-taon, libu-libo katao na gustong matuto tungkol sa Diyos ang tumutugon sa ating pangangaral. Gayunman, “ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na,” kaya ang mga nananatili sa espirituwal na kadiliman ay “sumusuray-suray patungo sa patayan.”​—Zef. 1:14; Kaw. 24:11.

20. Ano ang dapat na maging determinasyon ng bawat isa sa atin?

20 Matutulungan pa natin ang gayong mga tao. Pero para magawa ito, napakahalagang gayahin natin ang mga Kristiyano noong unang siglo, na “nagpatuloy . . . nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” (Gawa 5:42) Matutularan natin sila kung magbabata tayo sa kabila ng mga kahirapan, magtutuon ng pansin sa “sining ng pagtuturo,” at mangangaral nang walang pagtatangi! “Huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam,” sapagkat kung magbabata tayo, aani tayo ng saganang pagpapala na dulot ng pagsang-ayon ng Diyos.​—2 Tim. 4:2; basahin ang Galacia 6:9.

[Talababa]

^ Binago ang ilang pangalan.

Paano Mo Sasagutin?

• Sinu-sino ang tumutugon sa mabuting balita?

• Bakit hindi natin dapat husgahan ang mga taong pinangangaralan natin?

• Anu-ano ang magagandang resulta sa paggamit ng publikasyon na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 13]

Libu-libong taimtim na mga tao ang tumutugon sa mensahe ng Kaharian

[Mga larawan sa pahina 15]

Ano ang matututuhan natin sa mga pagbabagong ginawa ni apostol Pablo?

[Larawan sa pahina 16]

Hindi hinuhusgahan ng mga tagapaghayag ng mabuting balita ang mga tao