Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pagkanaririto ni Kristo—Ano ang Pagkaunawa Mo Rito?

Ang Pagkanaririto ni Kristo—Ano ang Pagkaunawa Mo Rito?

Ang Pagkanaririto ni Kristo—Ano ang Pagkaunawa Mo Rito?

“Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?”​—MAT. 24:3.

1. Anong nakapupukaw-interes na tanong ang ibinangon ng mga apostol ni Jesus?

 HALOS 2,000 taon na ang nakalilipas, kausap ni Jesus nang sarilinan ang apat sa kaniyang mga apostol sa Bundok ng mga Olibo. Nagtanong ang mga ito sa kanilang Panginoon: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mat. 24:3) Sa tanong na iyon, gumamit ang mga apostol ng dalawang nakapupukaw-interes na mga pananalita, ang “iyong pagkanaririto” at ang “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Sa ano tumutukoy ang mga pananalitang ito?

2. Ano ang ipinahihiwatig ng salitang “katapusan” na salin ng salitang Griego na syn·teʹlei·a?

2 Isaalang-alang muna natin ang terminong “katapusan,” na siyang ginamit sa Bagong Sanlibutang Salin para sa salitang Griego na syn·teʹlei·a. Sa wikang Griego, ang salitang ito ay nangangahulugang konklusyon, samantalang ang kaugnay na salitang Griego na te’los, ay nangangahulugang wakas. Upang ilarawan ang pagkakaiba ng dalawang salitang ito, maaari nating gamiting ilustrasyon ang isang pahayag sa Kingdom Hall. Ang konklusyon ng pahayag ay ang huling bahagi nito, kung kailan naglalaan ng ilang sandali ang tagapagsalita para ipaalaala sa kaniyang tagapakinig ang kaniyang paksang tinatalakay at saka ipinakikita kung paano maikakapit ang impormasyon. Ang wakas ng pahayag ay kapag bumaba na sa entablado ang tagapagsalita. Sa katulad na paraan, ginagamit ng Bibliya ang terminong “katapusan ng sistema ng mga bagay” para tumukoy sa yugto ng panahon bago at hanggang sa sumapit ang wakas nito.

3. Ano ang ilan sa mga bagay na nagaganap sa panahon ng pagkanaririto ni Jesus?

3 Saan naman tumutukoy ang “pagkanaririto” na itinanong ng mga apostol? Salin ito ng salitang Griego na pa·rou·siʹa. * Nagsimula ang pa·rou·siʹa, o pagkanaririto, ni Kristo nang iluklok si Jesus bilang Hari sa langit noong 1914, at nagpapatuloy ito hanggang sa “malaking kapighatian,” kung kailan darating siya upang puksain ang mga balakyot. (Mat. 24:21) Maraming kaganapan sa panahong ito ng pagkanaririto ni Jesus, gaya ng “mga huling araw” ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay, pagtitipon sa mga pinili, at pagkabuhay-muli ng mga ito sa langit. (2 Tim. 3:1; 1 Cor. 15:23; 1 Tes. 4:15-17; 2 Tes. 2:1) Masasabing ang “katapusan [syn·teʹlei·a] ng sistema ng mga bagay” at ang pagkanaririto (pa·rou·siʹa) ni Kristo ay tumutukoy sa iisa at parehong yugto ng panahon.

Isang Mahabang Yugto ng Panahon

4. Sa anong paraan magkatulad ang pagkanaririto ni Jesus at ang mga pangyayari noong panahon ni Noe?

4 Ang salitang pa·rou·siʹa ay tumutukoy sa isang mahabang yugto ng panahon. Kasuwato ito ng sinabi ni Jesus hinggil sa kaniyang pagkanaririto. (Basahin ang Mateo 24:37-39.) Pansinin na hindi inihalintulad ni Jesus ang kaniyang pagkanaririto sa maigsing yugto ng panahon nang mismong maganap ang Baha noong kapanahunan ni Noe. Sa halip, inihambing niya ang kaniyang pagkanaririto sa mas mahabang yugto ng panahon bago at hanggang sa sumapit ang Baha. Kasama na rito ang panahong ginugol ni Noe sa pagtatayo ng arka at sa pangangaral hanggang sa dumating mismo ang Baha. Ang mga pangyayaring iyon ay umabot nang maraming dekada. Sa katulad na paraan, ang pagkanaririto ni Kristo ay sumasaklaw sa mga pangyayari bago ang malaking kapighatian hanggang sa mismong malaking kapighatian.​—2 Tes. 1:6-9.

5. Paano ipinakikita ng mga pananalitang nakaulat sa Apocalipsis kabanata 6 na isang mahabang yugto ng panahon ang pagkanaririto ni Jesus?

5 Maliwanag na ipinakikita ng iba pang hula sa Bibliya na ang pagkanaririto ni Kristo ay tumutukoy sa mahabang yugto ng panahon at hindi lamang sa pagdating niya upang puksain ang mga balakyot. Sa aklat ng Apocalipsis, si Jesus ay inilalarawan na nakasakay sa kabayong puti at binigyan ng korona. (Basahin ang Apocalipsis 6:1-8.) Matapos iluklok bilang Hari noong 1914, inilarawan si Jesus na humahayong “nananaig at upang lubusin ang kaniyang pananaig.” Ipinakikita rin ng ulat na sinusundan siya ng mga mangangabayong nakasakay sa mga kabayong magkakaiba ang kulay. Ang mga inihulang ito ay kumakatawan sa digmaan, kakapusan sa pagkain, at salot, na pawang nagaganap sa mahabang yugto ng panahon na tinutukoy bilang “mga huling araw.” Nakikita natin ang katuparan ng hulang ito sa ating panahon.

6. Ano ang matututuhan natin sa Apocalipsis kabanata 12 hinggil sa pagkanaririto ni Kristo?

6 Ang Apocalipsis kabanata 12 ay naglalaan ng karagdagang detalye hinggil sa pagkakatatag ng Kaharian ng Diyos sa langit. Mababasa natin doon ang tungkol sa isang digmaan sa langit. Si Miguel​—si Jesu-Kristo sa kaniyang posisyon sa langit​—at ang kaniyang mga anghel ay nakipaglaban sa Diyablo at sa mga demonyo nito. Inihagis sa lupa si Satanas na Diyablo at ang kaniyang mga kampon. Sinasabi ng ulat na mula noon, may malaking galit ang Diyablo “sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.” (Basahin ang Apocalipsis 12:7-12.) Kung gayon, maliwanag na ang pagkakatatag ng Kaharian ni Kristo sa langit ay may kasunod na yugto ng panahon kung kailan kapansin-pansing darami ang ‘kaabahan’ sa lupa na makaaapekto sa mga naninirahan dito.

7. Tungkol saan ang ikalawang awit, at anong pagkakataon ang inilalarawan doon?

7 Humuhula rin ang ikalawang awit hinggil sa pagluluklok kay Jesus bilang Hari sa makalangit na Bundok Sion. (Basahin ang Awit 2:5-9; 110:1, 2.) Gayunman, ipinakikita rin ng awit na ito na may isang yugto ng panahon kung kailan ang mga tagapamahala sa lupa, pati na ang kanilang mga nasasakupan, ay binibigyan ng pagkakataong magpasakop sa pamamahala ni Kristo. Pinapayuhan sila na “gumamit . . . ng kaunawaan” at hayaang “maituwid” sila. Oo, sa panahong iyon ay “maligaya ang lahat ng nanganganlong sa [Diyos]” sa pamamagitan ng paglilingkod kay Jehova at sa kaniyang inatasang Hari. Kaya mula nang iluklok si Jesus bilang hari, binigyan ng pagkakataong magbago ang mga tagapamahala at ang kanilang mga nasasakupan.​—Awit 2:10-12.

Kung Sino ang Makakakilala sa Tanda

8, 9. Sino ang makakakilala sa tanda ng pagkanaririto ni Kristo at makauunawa sa kahulugan nito?

8 Nang tanungin si Jesus ng mga Pariseo kung kailan darating ang Kaharian, sinabi ni Jesus na hindi magiging ‘kapansin-pansin’ sa mga Pariseo ang pagdating nito. (Luc. 17:20, 21) Hindi ito mauunawaan ng mga walang pananampalataya. Paano nga ba nila ito mauunawaan? Ni hindi nga nila kinikilala na magiging Hari si Jesus sa hinaharap. Kaya sino ang makakakilala sa tanda ng pagkanaririto ni Kristo at makauunawa sa kahulugan nito?

9 Sinabi pa ni Jesus na makikita ng kaniyang mga alagad ang tanda na kasinliwanag ng ‘kidlat na sa pagkislap nito ay nagliliwanag mula sa isang bahagi sa silong ng langit hanggang sa isa pang bahagi sa silong ng langit.’ (Basahin ang Lucas 17:24-29.) Kapansin-pansin na sa Mateo 24:23-27, ipinakikita na ang tinutukoy ni Jesus ay ang tanda ng kaniyang pagkanaririto.

Ang Salinlahi na Nakakakita sa Tanda

10, 11. (a) Ano ang dating paliwanag hinggil sa ‘salinlahi’ na binabanggit sa Mateo 24:34? (b) Sino ang tiyak na napag-unawa ng mga alagad ni Jesus na kabilang sa “salinlahing” iyon?

10 Ipinaliwanag dati ng magasing ito na noong unang siglo, ang “salinlahing ito” na binabanggit sa Mateo 24:34 ay tumutukoy sa “umiiral noon na salinlahi ng di-sumasampalatayang mga Judio.” * Waring makatuwiran naman ang paliwanag na iyon yamang sa lahat ng iba pang nakaulat na paggamit ni Jesus sa salitang ‘salinlahi,’ negatibo ang laging ipinahihiwatig nito, at kadalasan nang gumagamit si Jesus ng mga pang-uring gaya ng “balakyot” upang ilarawan ito. (Mat. 12:39; 17:17; Mar. 8:38) Kaya inakala noon na sa makabagong-panahong katuparan nito, ang tinutukoy ni Jesus ay ang balakyot na ‘salinlahi’ ng mga walang pananampalataya na makakakita sa mga pangyayaring tanda ng “katapusan [syn·teʹlei·a] ng sistema ng mga bagay” at ng wakas (teʹlos) ng sistemang ito.

11 Totoo naman na kapag ginagamit ni Jesus ang salitang ‘salinlahi’ sa negatibong diwa, ang kinakausap o tinutukoy niya ay ang balakyot na mga tao noong panahon niya. Pero sila rin kaya ang tinutukoy ni Jesus nang banggitin niya ang salitang ‘salinlahi’ sa Mateo 24:34? Tandaan na ang lumapit “nang sarilinan” kay Jesus ay ang apat sa kaniyang mga alagad. (Mat. 24:3) Yamang hindi gumamit si Jesus ng negatibong pang-uri nang banggitin niya ang “salinlahing ito,” tiyak na napag-unawa ng mga apostol na kabilang sila at ang iba pang mga alagad sa ‘salinlahi’ na hindi lilipas “hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.”

12. Paano ipinakikita ng konteksto kung sino ang tinutukoy ni Jesus nang gamitin niya ang salitang ‘salinlahi’?

12 Paano natin malalaman na tama ang konklusyong ito? Sa pamamagitan ng maingat na pagsusuri sa konteksto nito. Gaya ng nakaulat sa Mateo 24:32, 33, sinabi ni Jesus: “Ngayon ay matuto kayo ng puntong ito mula sa puno ng igos bilang ilustrasyon: Sa sandaling ang mga bagong sanga nito ay tumutubong murà at nagsisibol ito ng mga dahon, alam ninyo na malapit na ang tag-araw. Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, alamin ninyo na siya ay malapit na at nasa mga pintuan na.” (Ihambing ang Marcos 13:28-30; Lucas 21:30-32.) Pagkatapos, sa Mateo 24:34, mababasa natin: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.”

13, 14. Bakit masasabi natin na ang “salinlahing” binanggit ni Jesus ay malamang na tumutukoy sa kaniyang mga alagad?

13 Sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga alagad, na malapit na noong pahiran ng banal na espiritu, ang siyang makauunawa sa kahulugan ng “lahat ng mga bagay” na makikita nilang magaganap. Kaya malamang na ang mga alagad ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya: “Ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.”

14 Di-tulad ng mga walang pananampalataya, hindi lamang makikita ng mga alagad ni Jesus ang tanda kundi mauunawaan din nila ang kahulugan nito. ‘Matututo’ sila mula sa mga bahagi ng tandang iyon at ‘malalaman’ nila ang tunay na kahulugan ng mga ito. Lubusan nilang mauunawaan na “siya ay malapit na at nasa mga pintuan na.” Totoo naman na nakita kapuwa ng walang-pananampalatayang mga Judio at ng tapat na pinahirang mga Kristiyano ang maliit na katuparan ng mga salita ni Jesus noong unang siglo, pero ang kaniyang pinahirang mga tagasunod lamang noon ang natuto mula sa mga pangyayaring ito​—sila lamang ang nakaunawa sa tunay na kahulugan ng kanilang nakita.

15. (a) Sino ang makabagong-panahong ‘salinlahi’ na binanggit ni Jesus? (b) Bakit hindi natin makakalkula ang eksaktong haba ng panahong saklaw ng “salinlahing ito”? (Tingnan ang kahon sa pahina 25.)

15 Para sa mga walang espirituwal na kaunawaan sa ngayon, hindi ‘kapansin-pansin’ ang tanda ng pagkanaririto ni Jesus. Ikinakatuwiran nila na ang lahat ng bagay ay nagpapatuloy nang gayung-gayon gaya ng dati. (2 Ped. 3:4) Sa kabilang panig, ang tapat na pinahirang mga kapatid ni Kristo, na siyang makabagong-panahong uring Juan, ay nakakakilala sa tandang ito na gaya ng kislap ng kidlat at nauunawaan nila ang tunay na kahulugan nito. Bilang isang grupo, ang mga pinahirang ito ang makabagong-panahong ‘salinlahi’ na hindi lilipas “hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.” * Ipinahihiwatig nito na kapag nagsimula na ang malaking kapighatian, may ilan pang matitirang buháy na pinahirang kapatid ni Kristo dito sa lupa.

“Patuloy Kayong Magbantay”

16. Ano ang dapat gawin ng lahat ng alagad ni Kristo?

16 Hindi sapat na basta nakikilala lamang natin ang tanda. Sinabi pa ni Jesus: “Ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat, Patuloy kayong magbantay.” (Mar. 13:37) Napakahalaga ng payong ito para sa ating lahat sa ngayon, tayo man ay kabilang sa mga pinahiran o sa malaking pulutong. Mahigit 90 taon na ang nakalilipas mula nang iluklok si Jesus bilang Hari sa langit noong 1914. Sa kabila ng mga hamon, dapat tayong maging handa at patuloy na magbantay. Magagawa natin iyan kung malinaw sa atin na si Kristo ay namamahala na bilang Hari sa Kaharian. Nagsisilbi rin itong paalaala sa atin na malapit na niyang puksain ang kaniyang mga kaaway, “sa oras na hindi [natin] sukat akalain.”​—Luc. 12:40.

17. Ano ang dapat nating madama yamang nauunawaan natin ang kahulugan ng pagkanaririto ni Kristo, at ano ang dapat na maging determinasyon natin?

17 Ang pagkaunawa sa kahulugan ng pagkanaririto ni Kristo ay tumutulong sa atin na lalong madamang apurahan ang panahon. Alam natin na naririto na si Jesus at namamahala na bilang Hari sa langit mula pa noong 1914. Malapit na niyang puksain ang mga balakyot at lubusang baguhin ang lupa. Kaya higit kailanman, dapat na pag-ibayuhin natin ang ating determinasyon na makibahagi sa gawaing inihula ni Jesus nang sabihin niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas [teʹlos].”​—Mat. 24:14.

[Mga talababa]

^ Para sa detalyadong pagtalakay, tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 676-9.

^ Tingnan Ang Bantayan, isyu ng Nobyembre 1, 1995, pahina 11-15, 19, 30, 31.

^ Ang “salinlahing ito” ay nabubuhay sa yugto ng panahon na waring kasabay ng panahong saklaw ng unang pangitain sa aklat ng Apocalipsis. (Apoc. 1:10–3:22) Ang pangitaing ito hinggil sa araw ng Panginoon ay nagsimulang matupad noong 1914 at magtatapos kapag namatay at binuhay-muli ang kahuli-hulihan sa tapat na mga pinahiran.​—Tingnan ang Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, pahina 24, parapo 4.

Paano Mo Sasagutin?

• Paano natin nalalaman na isang mahabang yugto ng panahon ang pagkanaririto ni Jesus?

• Sino ang nakakakilala sa tanda ng pagkanaririto ni Jesus at nakauunawa sa kahulugan nito?

• Sino ang kabilang sa makabagong-panahong salinlahi na binabanggit sa Mateo 24:34?

• Bakit hindi natin makakalkula ang panahong saklaw ng “salinlahing ito”?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon sa pahina 25]

Makakalkula ba Natin ang Panahong Saklaw ng “Salinlahing Ito”?

Ang salitang ‘salinlahi’ ay karaniwan nang tumutukoy sa mga taong may iba’t ibang edad subalit nabuhay o nabubuhay sa isang partikular na yugto ng panahon o pangyayari. Halimbawa, binabanggit sa Exodo 1:6: “Sa kalaunan ay namatay si Jose, at gayundin ang lahat ng kaniyang kapatid at ang buong salinlahing iyon.” Magkakaiba ang edad ni Jose at ng kaniyang mga kapatid, pero may mga pangyayaring pare-pareho nilang nasaksihan sa iisang yugto ng panahon. Kasama sa “salinlahing iyon” ang nakatatandang mga kapatid ni Jose. Ang ilan sa mga ito ay buháy pa pagkamatay ni Jose. (Gen. 50:24) Ang iba pa na kabilang sa “salinlahing iyon,” gaya ni Benjamin, ay nakababata kay Jose at maaaring nabuhay pa ng ilang taon pagkamatay niya.

Kaya kapag ginagamit ang salitang ‘salinlahi’ para tumukoy sa mga taong nabubuhay sa isang partikular na yugto ng panahon, walang pahiwatig hinggil sa eksaktong haba ng panahong saklaw nito. Ang alam lamang natin ay may hangganan ito at hindi napakahaba ng yugtong ito. Kaya sa paggamit ni Jesus ng terminong “salinlahing ito” sa Mateo 24:34, hindi siya nagbigay ng pormula na magagamit ng mga alagad para makalkula kung kailan matatapos ang “mga huling araw.” Sa katunayan, idiniin ni Jesus na hindi nila malalaman ang “araw at oras na iyon.”​—2 Tim. 3:1; Mat. 24:36.

[Larawan sa pahina 22, 23]

Matapos iluklok bilang Hari noong 1914, si Jesus ay inilarawan na “nananaig”

[Larawan sa pahina 24]

“Ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito”