Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matuto Mula sa Pagkakamali ng mga Israelita

Matuto Mula sa Pagkakamali ng mga Israelita

Matuto Mula sa Pagkakamali ng mga Israelita

ALAM ng mga Israelita kung ano ang inaasahan sa kanila ni Jehova sa pagpasok nila sa Lupang Pangako. Sa pamamagitan ni Moises ay iniutos ng Diyos: “Itataboy ninyo ang lahat ng tumatahan sa lupain mula sa harap ninyo at sisirain ninyo ang lahat ng kanilang mga rebultong bato, at ang lahat ng kanilang mga imahen na binubong metal ay sisirain ninyo, at ang lahat ng kanilang sagradong matataas na dako ay gigibain ninyo.”​—Bil. 33:52.

Hindi dapat makipagtipan ang bayan ng Israel sa mga naninirahan sa lupaing iyon, ni makipag-alyansa sa kanila ukol sa pag-aasawa. (Deut. 7:2, 3) Sa katunayan, binabalaan ang piniling bayan ng Diyos: “Mag-ingat ka na huwag kang makikipagtipan sa mga tumatahan sa lupain na iyong paroroonan, dahil baka iyon ay maging silo sa gitna mo.” (Ex. 34:12) Gayunman, sumuway sa Diyos ang mga Israelita at sila ay nasilo. Bakit sila napahamak? Anu-anong aral ang matututuhan natin mula sa nangyari sa kanila?​—1 Cor. 10:11.

Pakikisamang Nauwi sa Idolatriya

Nilupig ng mga Israelita ang mga naninirahan sa Lupang Pangako para masakop nila ito. Ngunit hindi lubusang sinunod ng mga anak ni Israel ang mga utos ng Diyos. Hindi nila pinalayas ang mga kalaban mula sa lupain. (Huk. 1:1–2:10) Sa kabaligtaran, nang manirahan na ang mga Israelita sa lupain ng “pitong bansa” ng kaaway, ang madalas nilang pakikisama sa mga tagaroon ay humantong sa pakikipagkaibigan. (Deut. 7:1) Ano ang naging epekto nito sa mga Israelita? Sinasabi ng Bibliya: “Kinuha nila ang kanilang mga anak na babae bilang kanilang mga asawa, at ang sarili nilang mga anak na babae ay ibinigay nila sa kanilang mga anak na lalaki, at pinasimulan nilang maglingkod sa kanilang mga diyos. Sa gayon, ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ni Jehova, at nilimot nila si Jehova na kanilang Diyos at naglingkod sila sa mga Baal at sa mga sagradong poste.” (Huk. 3:5-7) Ang pakikisama ng bayan ng Israel sa mga tagaroon ay humantong sa pakikipag-asawa nila sa kanila at sa idolatriya. Kaya nang makipag-alyansa sila ukol sa pag-aasawa, unti-unting nawala ang posibilidad na lubusang mapaalis ang mga pagano sa lupain. Nabahiran ang tunay na pagsamba, at ang mga Israelita ay naglingkod sa huwad na mga diyos.

Nang maging kaibigan ng mga Israelita ang mga naninirahan sa Lupang Pangako, naging mas mapanganib sa espirituwalidad nila ang mga ito kaysa noong mga kaaway nila sila. Isaalang-alang ang isa pang paraan kung paano maaaring naapektuhan ang dalisay na pagsamba.

Pagsasaka na Nauwi sa Pagsamba kay Baal

Nang pumasok ang mga anak ni Israel sa Lupang Pangako, hindi na sila naging pagala-gala at marami sa kanila ang naging magsasaka. Ang ginamit nilang paraan ng pagsasaka ay malamang na galing sa mga taong nagbubungkal ng lupaing iyon bago sila dumating. Lumilitaw na higit pa sa paraan ng pagsasaka ang natutuhan ng mga Israelita sa mga Canaanita. Dahil sa pakikisama sa mga tagaroon, naimpluwensiyahan din ang mga Israelita ng mga relihiyosong paniniwalang iniuugnay sa pagsasaka.

Ang mga Canaanita ay sumasamba sa maraming Baal​—mga diyos na pinaniniwalaang pinagmumulan ng saganang ani. Nang maglaon, hindi lamang pagbubungkal ng lupa at pag-aani ng bunga ang ginawa ng mga Israelita. Nakisama na rin sila sa pagsamba sa mga diyos ng Canaan na itinuturing na tagapagbigay ng saganang ani. Kaya marami sa mga Israelita ang nag-aangking sumasamba kay Jehova, pero ang totoo, nakikibahagi sila sa ganap na apostasya.

Matinding Babala Para sa Atin Ngayon

Malamang na walang balak ang mga Israelita na masangkot sa pagsamba kay Baal at sa kabuktutan nito nang una silang makisalamuha sa mga naninirahan sa Lupang Pangako. Subalit iyon ang nangyari sa kanila. Hindi ba gayundin ang mangyayari sa atin kung makikipagkaibigan tayo sa mga taong waring mababait pero hindi naman mananamba ni Jehova at may naiibang pamantayang moral at prinsipyo? Siyempre pa, hindi natin maiiwasang makisalamuha sa ating mga di-sumasampalatayang katrabaho, kaeskuwela, o maging mga kapamilya. Gayunman, ang nangyari sa mga Israelita ay isang babala para sa atin na mapanganib ang pagkakaroon ng malapit na pakikipagsamahan sa mga hindi sumasamba kay Jehova. Binabanggit ng Bibliya ang di-maikakailang katotohanang ito: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”​—1 Cor. 15:33.

Sa ngayon, napapaharap tayo sa mga katulad na hamong naranasan ng mga Israelita. Marami ring mga iniidolo o itinuturing na diyos ang mga tao ngayon. Kasama rito ang pera, mga artista, sikat na manlalaro, sistema ng pulitika, ilang lider ng relihiyon, at maging kapamilya pa nga. Alinman sa mga ito ay posibleng maging pangunahin sa ating buhay. Ang pagkakaroon ng malapít na pakikipagkaibigan sa mga hindi umiibig kay Jehova ay maaaring sumira sa ating kaugnayan sa Diyos.

Ang imoralidad ay isang pangunahing bahagi ng pagsamba kay Baal na nakaakit sa maraming Israelita. Nagiging biktima pa rin ng gayong mga silo ang ilan sa bayan ng Diyos sa ngayon. Halimbawa, baka ilang pindot lamang sa mouse ng computer ang kailangan ng isang mausisa o walang-kamalay-malay na indibiduwal para makakita ng mga bagay na magpaparungis sa kaniyang malinis na budhi. Talaga ngang nakalulungkot kung ang isang Kristiyano ay matukso sa pornograpya sa Internet!

“Maligaya Yaong mga Tumutupad sa Kaniyang mga Paalaala”

Tayo ang magpapasiya kung susundin natin o hindi ang tagubilin ni Jehova hinggil sa pagpili ng ating mga kaibigan. (Deut. 30:19, 20) Kaya kailangan nating tanungin ang ating sarili: ‘Sino ba ang madalas kong kasama kapag naglilibang ako? Ano ba ang kanilang pamantayang moral? Sumasamba ba sila kay Jehova? Magiging mas mabuti ba akong Kristiyano kung sila ang parati kong kasama?’

Umawit ang salmista: “Maligaya ang mga walang pagkukulang sa kanilang lakad, ang mga lumalakad sa kautusan ni Jehova. Maligaya yaong mga tumutupad sa kaniyang mga paalaala; buong puso nila siyang hinahanap.” (Awit 119:1, 2) Oo, “maligaya ang bawat isa na natatakot kay Jehova, na lumalakad sa kaniyang mga daan.” (Awit 128:1) Pagdating sa pagpili kung sino ang ating magiging mga kaibigan, matuto sana tayo sa pagkakamali ng mga Israelita at lubusang sumunod kay Jehova.​—Kaw. 13:20.

[Larawan sa pahina 26]

Ang pakikisama sa mga hindi umiibig kay Jehova ay maaaring umakay sa atin sa idolatriya