Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Marcos
ANG Ebanghelyo ni Marcos ang pinakamaikli sa apat na Ebanghelyo. Isinulat ito ni Juan Marcos mga 30 taon pagkaraang mamatay at buhaying muli si Jesu-Kristo. Inilalahad nito ang maaksiyon at kapana-panabik na ministeryo ni Jesus sa loob ng tatlo’t kalahating taon.
Ang aklat ng Marcos, na maliwanag na isinulat para sa mga di-Judio lalo na para sa mga Romano, ay naglalarawan kay Jesus bilang ang Anak ng Diyos na gumagawa ng himala at isang masigasig na mangangaral. Itinatampok nito ang mga ginawa ni Jesus, hindi ang kaniyang mga itinuro. Ang pagbibigay-pansin sa Ebanghelyo ni Marcos ay magpapatibay ng ating pananampalataya sa Mesiyas at mag-uudyok sa atin na maging masigasig na mga tagapaghayag ng mensahe ng Diyos sa ministeryong Kristiyano.—Heb. 4:12.
ANG NAMUMUKOD-TANGING MINISTERYO SA GALILEA
Matapos iulat ni Marcos sa 14 lamang na talata ang gawain ni Juan na Tagapagbautismo pati na ang 40 araw ni Jesus sa ilang, pinasimulan niyang ilahad ang kapana-panabik na mga pangyayari sa ministeryo ni Jesus sa Galilea. Ang paulit-ulit na paggamit ng salitang “kaagad” sa ulat ni Marcos ay nagpapahiwatig ng mabilis na takbo ng mga pangyayari.—Mar. 1:10, 12.
Sa loob lamang ng wala pang tatlong taon, natapos ni Jesus ang tatlong kampanya ng pangangaral sa Galilea. Halos lahat ng ito ay iniulat ni Marcos ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari. Hindi kasama sa ebanghelyong ito ang Sermon sa Bundok at ang maraming iba pang mahahabang pahayag ni Jesus.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:15—Ano ang “takdang panahon” na natupad na? Sinabi ni Jesus na natupad na ang itinakdang panahon para simulan niya ang kaniyang ministeryo. At yamang naroroon siya bilang ang Haring Itinalaga, masasabing ang Kaharian ng Diyos ay malapit na. Kaya ang mga taong may matuwid na puso ay maaaring tumugon sa kaniyang pangangaral at kumilos upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos.
1:44; 3:12; 7:36—Bakit ayaw ni Jesus na maipamalita ang ginawa niyang mga himala? Sa halip na hayaang magpasiya ang mga tao salig sa eksaherado o posibleng pilipit na mga kuwento, nais ni Jesus na aktuwal nilang makita ang kaniyang mga himala at sa gayo’y magpasiya sila batay sa kanilang nakita kung siya nga ba talaga ang Kristo. (Isa. 42:1-4; Mat. 8:4; 9:30; 12:15-21; 16:20; Luc. 5:14) Iba naman ang kaso ng lalaking naninirahan sa lupain ng mga Geraseno at dating inaalihan ng demonyo. Sinabihan siya ni Jesus na umuwi at ibalita sa kaniyang mga kamag-anak ang nangyari. Yamang hinilingan si Jesus na umalis sa lugar na iyon, malamang na hindi na siya magkakaroon ng pagkakataong makapangaral sa mga tao roon. Ang patotoo ng lalaking pinagaling ni Jesus ang magpapabulaan sa anumang negatibong usapan tungkol sa pagkalunod ng mga baboy.—Mar. 5:1-20; Luc. 8:26-39.
2:28—Bakit tinawag si Jesus na “Panginoon maging ng Sabbath”? “Ang Kautusan ay may anino ng mabubuting bagay na darating,” ang isinulat ni apostol Pablo. (Heb. 10:1) Gaya ng isinasaad ng Kautusan, ipangingilin ang Sabbath pagkatapos ng anim na araw na paggawa, at maraming pinagaling si Jesus sa araw na iyon. Inilalarawan nito ang mapayapang kapahingahan at mga pagpapalang mararanasan ng sangkatauhan sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo pagkatapos na wakasan ang malupit na pamamahala ni Satanas. Kaya ang Hari ng Kahariang iyon ay siya ring “Panginoon ng sabbath.”—Mat. 12:8; Luc. 6:5.
3:5; 7:34; 8:12—Paano nalaman ni Marcos ang mga detalye hinggil sa damdamin ni Jesus sa iba’t ibang situwasyon? Hindi kabilang si Marcos sa 12 apostol at hindi rin siya isang malapít na kasama ni Jesus. Pinaniniwalaang ang matalik na kasamahan ni Marcos na si apostol Pedro ang pinagmulan ng karamihan sa mga impormasyong iniulat ni Marcos.—1 Ped. 5:13.
6:51, 52—Ano ang “kahulugan ng mga tinapay” na hindi naunawaan ng mga alagad ni Jesus? Ilang oras lamang ang nakalilipas, pinakain ni Jesus ang 5,000 lalaki, bukod pa sa mga babae at bata, sa pamamagitan lamang ng limang tinapay at dalawang isda. Dapat sana’y naunawaan ng mga alagad sa pangyayaring ito na ang “kahulugan ng mga tinapay” ay nagpapakitang pinagkalooban ng Diyos na Jehova si Jesus ng kapangyarihan para makagawa ng mga himala. (Mar. 6:41-44) Kung naunawaan lamang sana nila ang lakas ng kapangyarihang ipinagkaloob kay Jesus, hindi sana sila labis na nabigla nang makita nilang naglalakad siya sa tubig.
8:22-26—Bakit ginawa ni Jesus na unti-unti ang pagsasauli sa paningin ng taong bulag? Malamang na ginawa ito ni Jesus bilang pagpapakita ng konsiderasyon sa taong iyon. Ang unti-unting pagsasauli sa paningin ng taong matagal nang hindi nakakakita ng liwanag ay makatutulong sa kaniya na masanay sa liwanag.
Mga Aral Para sa Atin:
2:18; 7:11; 12:18; 13:3. Ipinaliwanag ni Marcos ang mga tradisyon, pananalita, paniniwala, at lugar na malamang na hindi alam ng kaniyang mga di-Judiong mambabasa. Nilinaw niya na ang mga Pariseo ay “nagsasagawa ng pag-aayuno,” na ang korban ay “isang kaloob na inialay sa Diyos,” na ang mga Saduceo ay “nagsasabing walang pagkabuhay-muli,” at na “abot-tanaw” ang templo mula sa “Bundok ng mga Olibo.” Dahil maaaring mga Judio lamang ang interesado sa talaangkanan ng Mesiyas, hindi na niya ito isinama sa kaniyang ulat. Magandang halimbawa para sa atin si Marcos. Dapat nating isaalang-alang ang kalagayan ng ating mga tagapakinig kapag tayo ay nangangaral sa ministeryo o nagpapahayag sa mga pulong ng kongregasyon.
3:21. Ang mga kamag-anak ni Jesus ay di-mananampalataya. Kaya may empatiya siya sa mga pinag-uusig at tinutuya ng kanilang di-sumasampalatayang kapamilya dahil sa kanilang pananampalataya.
3:31-35. Nang bautismuhan si Jesus, naging espirituwal na Anak siya ng Diyos, at ang “Jerusalem sa itaas” naman ang kaniyang naging ina. (Gal. 4:26) Mula noon, naging mas malapít sa puso ni Jesus ang kaniyang mga alagad kaysa sa kaniyang mga kamag-anak. Itinuturo nito na dapat nating unahin ang espirituwal na mga bagay sa ating buhay.—Mat. 12:46-50; Luc. 8:19-21.
8:32-34. Dapat tayong mag-ingat at tumanggi sa anumang panghihikayat na maging mabait sa sarili sa halip na maging mapagsakripisyo. Ang tagasunod ni Kristo ay dapat na handang ‘magtatwa ng kaniyang sarili,’ samakatuwid, talikuran ang makasariling mga pagnanasa at ambisyon. Dapat ay handa niyang “buhatin ang kaniyang pahirapang tulos”—magdusa kung kinakailangan, o mapahiya at pag-usigin, o mamatay pa nga dahil sa pagiging Kristiyano. Kailangan din niyang ‘patuloy na sundan’ si Jesus, anupat tinutularan ang Kaniyang paraan ng pamumuhay. Para maging alagad ni Jesu-Kristo, kailangan nating patuloy na linangin ang espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili gaya ng ginawa niya.—Mat. 16:21-25; Luc. 9:22, 23.
9:24. Hindi tayo dapat mahiyang sabihin sa iba ang tungkol sa ating pananampalataya o kaya’y humingi ng higit pang pananampalataya.—Luc. 17:5.
ANG PINAKAHULING BUWAN
Sa pagtatapos ng 32 C.E., pumunta si Jesus sa “mga hanggahan ng Judea at sa kabila ng Jordan,” at muling dumagsa ang mga tao roon. (Mar. 10:1) Pagkatapos na mangaral doon, naglakbay siya papuntang Jerusalem.
Noong Nisan 8, nasa Betania si Jesus. Habang nakahilig sa kainan, nilapitan siya ng isang babae at binuhusan siya nito sa kaniyang ulo ng mabangong langis. Ang mga pangyayari mula sa matagumpay na pagpasok ni Jesus sa Jerusalem hanggang sa kaniyang pagkabuhay-muli ay inilahad ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga ito.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
10:17, 18—Bakit itinuwid ni Jesus ang taong tumawag sa Kaniya ng “Mabuting Guro”? Sa pamamagitan ng hindi pagtanggap sa mapamuring titulong ito, iniukol ni Jesus ang papuri kay Jehova at ipinakitang ang tunay na Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng mabubuting bagay. Karagdagan pa, itinampok ni Jesus ang katotohanan na tanging ang Diyos na Jehova lamang, bilang Maylalang ng lahat ng bagay, ang may karapatang magtakda ng mga pamantayan kung ano ang mabuti at masama.—Mat. 19:16, 17; Luc. 18:18, 19.
14:25—Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang banggitin niya sa kaniyang tapat na mga apostol: “Hindi na ako iinom pa ng bunga ng punong ubas hanggang sa araw na iyon kapag iinumin ko ito nang panibago sa kaharian ng Diyos”? Hindi sinasabi ni Jesus na mayroong literal na alak sa langit. Pero dahil kung minsan ay sumasagisag ang alak sa pagsasaya, ang tinutukoy ni Jesus ay ang kagalakang makasama niya sa Kaharian ang mga binuhay-muling pinahirang tagasunod niya.—Awit 104:15; Mat. 26:29.
14:51, 52—Sino ang kabataang lalaki na “tumakas na hubad”? Si Marcos lamang ang bumanggit sa insidenteng ito, kaya makatuwiran nating isipin na siya mismo ang kabataang iyon.
15:34—Ipinahihiwatig ba ng mga salita ni Jesus na “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” na wala siyang pananampalataya? Hindi. Bagaman hindi natin tiyak kung ano ang motibo ni Jesus sa pagsasabi nito, maaaring ipinahihiwatig nito na batid ni Jesus na inalis sa kaniya ni Jehova ang Kaniyang proteksiyon upang lubos na masubok ang katapatan ng Kaniyang Anak. Posible rin naman na gustong tuparin ni Jesus ang hula hinggil sa kaniya sa Awit 22:1.—Mat. 27:46.
Mga Aral Para sa Atin:
10:6-9. Layunin ng Diyos na ang mag-asawa ay magsama nang habambuhay. Kaya sa halip na padalus-dalos na makipagdiborsiyo, dapat sikapin ng mag-asawa na ikapit ang mga simulain ng Bibliya upang mapagtagumpayan ang anumang suliraning darating sa kanilang pagsasama.—Mat. 19:4-6.
12:41-44. Tinuturuan tayo ng halimbawa ng dukhang babaing balo na maging bukas-palad sa pagsuporta sa tunay na pagsamba.
[Larawan sa pahina 29]
Bakit sinabihan ni Jesus ang lalaking ito na ibalita sa kaniyang mga kamag-anak ang lahat ng nangyari sa kaniya?