Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Si Jesu-Kristo—Ang Pinakadakilang Misyonero

Si Jesu-Kristo—Ang Pinakadakilang Misyonero

Si Jesu-Kristo—Ang Pinakadakilang Misyonero

“Ako ay isang kinatawan mula sa kaniya, at ang Isang iyon ang nagsugo sa akin.”​—JUAN 7:29.

1, 2. Ano ang isang misyonero, at sino ang matatawag na pinakadakilang Misyonero?

 ANO ang pumapasok sa isip mo kapag naririnig mo ang salitang “misyonero”? Naiisip ng ilan ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan, na karamihan ay nakikialam sa pulitika at ekonomiya ng mga bansa kung saan sila isinugo. Pero bilang isang Saksi ni Jehova, malamang na ang naiisip mo ay ang mga misyonerong isinusugo ng Lupong Tagapamahala upang ipangaral ang mabuting balita sa iba’t ibang bansa sa palibot ng lupa. (Mat. 24:14) Walang-pag-iimbot na ginagamit ng mga misyonerong ito ang kanilang panahon at lakas para sa isang marangal na gawain​—pagtulong sa mga tao na maging malapít sa Diyos na Jehova at magkaroon ng mabuting kaugnayan sa kaniya.​—Sant. 4:8.

2 Wala tayong mababasang salitang “misyonero” sa mismong teksto ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Gayunman, ang orihinal na salitang Griego na isinaling “ebanghelisador” sa Efeso 4:11 ay maaari ding isalin na “misyonero.” Si Jehova ang pinakadakilang Ebanghelisador, pero hindi siya matatawag na misyonero, dahil hindi naman siya isinugo ng sinuman. Sa kabilang panig, ganito ang sinabi ni Jesu-Kristo hinggil sa kaniyang makalangit na Ama: “Ako ay isang kinatawan mula sa kaniya, at ang Isang iyon ang nagsugo sa akin.” (Juan 7:29) Isinugo ni Jehova sa lupa ang kaniyang bugtong na Anak dahil sa kaniyang dakilang pag-ibig sa sangkatauhan. (Juan 3:16) Matatawag na pinakadakilang Misyonero si Jesus sapagkat ang isa sa mga dahilan kung bakit siya isinugo sa lupa ay upang “magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37) Matagumpay niyang naihayag ang mabuting balita hinggil sa Kaharian, at nakikinabang pa rin tayo sa ginawa niyang paglilingkod. Halimbawa, matutularan natin ang kaniyang paraan ng pagtuturo kapag nakikibahagi tayo sa ministeryo, inatasan man tayo bilang misyonero o hindi.

3. Anu-anong tanong ang isasaalang-alang natin?

3 May ilang tanong na bumabangon hinggil sa papel ni Jesus bilang tagapaghayag ng Kaharian: Ano ang naranasan ni Jesus dito sa lupa? Bakit mabisa ang kaniyang paraan ng pagtuturo? At bakit naging matagumpay ang kaniyang ministeryo?

Handang Maglingkod sa Kabila ng Nagbagong mga Kalagayan

4-6. Anu-ano ang ilan sa mga pagbabagong naranasan ni Jesus nang isugo siya sa lupa?

4 Ang mga misyonero at ilang Kristiyano sa ngayon na lumilipat sa mga lugar kung saan mas malaki ang pangangailangan sa mga mángangarál ng Kaharian ay malamang na kailangang masanay sa mas mahirap na buhay. Pero di-hamak na mas malaki ang pagkakaiba ng buhay ni Jesus sa lupa at ng kalagayan niya noong nasa langit siya, kung saan ang kasama niya ay ang kaniyang Ama at ang mga anghel na naglilingkod kay Jehova nang may dalisay na motibo. (Job 38:7) Kaylaking kaibahan nga na mamuhay kasama ng makasalanang sangkatauhan sa isang masamang sanlibutan! (Mar. 7:20-23) Kailangan pa ngang pagtiisan ni Jesus ang pagtatalu-talo ng kaniyang mga alagad na malalapít sa kaniya. (Luc. 20:46; 22:24) Siyempre pa, lahat ng situwasyong naranasan niya sa lupa ay hinarap niya sa pinakamahusay na paraan.

5 Hindi makahimalang nakapagsalita si Jesus ng wika ng mga tao; unti-unti niya itong natutuhan mula pagkasanggol. Kaylaki ngang pagbabago, yamang noong nasa langit siya, may awtoridad siyang mag-utos sa mga anghel! Sa lupa, tiyak na gumamit si Jesus ng isa sa “mga wika ng mga tao.” Ibang-iba ito sa ‘mga wika ng mga anghel.’ (1 Cor. 13:1) Pero pagdating sa paggamit ng kaakit-akit na mga salita, walang ibang tao ang nakapagsalitang gaya ni Jesus.​—Luc. 4:22.

6 Isaalang-alang natin ang iba pang malalaking pagbabago sa buhay ng Anak ng Diyos nang pumarito siya sa lupa. Bagaman hindi nagmana si Jesus ng kasalanan mula kay Adan, naging tao Siya, gaya ng mga indibiduwal na nang maglaon ay naging “mga kapatid,” o pinahirang mga tagasunod niya. (Basahin ang Hebreo 2:17, 18.) Noong huling gabi ng buhay ni Jesus sa lupa, hindi niya hinilingan ang kaniyang makalangit na Ama na magpadala ng “mahigit sa labindalawang hukbo ng mga anghel.” Pero kung tutuusin, pinamumunuan niya ang mga anghel na ito noong nasa langit siya bilang si Miguel na Arkanghel! (Mat. 26:53; Jud. 9) Totoo, gumawa si Jesus ng mga himala; pero limitado lamang ang nagawa niya samantalang nasa lupa kung ihahambing sa maaari niyang gawin kung nasa langit siya.

7. Ano ang naging saloobin ng mga Judio hinggil sa Kautusan?

7 Bago umiral si Jesus bilang tao, siya “ang Salita.” Malamang na siya ang Tagapagsalita ng Diyos na pumatnubay sa mga Israelita sa paglalakbay nila sa ilang. (Juan 1:1; Ex. 23:20-23) Gayunman, ‘tinanggap nila ang Kautusan na inihatid ng mga anghel ngunit hindi tinupad ito.’ (Gawa 7:53; Heb. 2:2, 3) Sa katunayan, hindi naunawaan ng mga Judiong lider ng relihiyon ang tunay na diwa ng Kautusan. Halimbawa, isaalang-alang ang kautusan hinggil sa Sabbath. (Basahin ang Marcos 3:4-6.) “Winalang-halaga [ng mga eskriba at mga Pariseo] ang mas mabibigat na bagay ng Kautusan, samakatuwid nga, katarungan at awa at katapatan.” (Mat. 23:23) Gayunman, hindi nanghimagod si Jesus kundi patuloy niyang inihayag ang katotohanan.

8. Bakit makatutulong sa atin si Jesus?

8 Handang maglingkod si Jesus. Napakilos siya ng pag-ibig sa mga tao at gustung-gusto niya silang tulungan. Hindi nawala ang sigasig niya sa ministeryo. At dahil sa kaniyang katapatan kay Jehova samantalang nasa lupa, “nagkaroon [si Jesus] ng pananagutan sa walang-hanggang kaligtasan ng lahat ng sumusunod sa kaniya.” Bukod diyan, “yamang siya mismo ay nagdusa nang inilalagay sa pagsubok, magagawa niyang saklolohan yaong mga [gaya natin na] nalalagay sa pagsubok.”​—Heb. 2:18; 5:8, 9.

Sinanay Nang Husto Bilang Guro

9, 10. Paano sinanay si Jesus bago siya isugo sa lupa?

9 Bago isugo ang mga Kristiyano sa ngayon bilang misyonero, isinasaayos ng Lupong Tagapamahala na sanayin sila. Tumanggap din ba si Jesu-Kristo ng pagsasanay? Oo, pero hindi siya nag-aral sa paaralan ng mga rabbi bago siya hirangin bilang Mesiyas; at hindi rin mga prominenteng lider ng relihiyon ang nagturo sa kaniya. (Juan 7:15; ihambing ang Gawa 22:3.) Kung gayon, bakit lubhang kuwalipikadong magturo si Jesus?

10 Bagaman naturuan din si Jesus ng kaniyang inang si Maria at ng kaniyang ama-amahang si Jose, ang pangunahing pagsasanay niya sa ministeryo ay nagmula kay Jehova, ang pinakakuwalipikadong magturo sa kaniya. Hinggil dito, sinabi ni Jesus: “Hindi ako nagsalita udyok ng aking sarili, kundi ang Ama na nagsugo sa akin ang mismong nagbigay sa akin ng utos kung ano ang sasabihin at kung ano ang sasalitain.” (Juan 12:49) Pansinin na binigyan ang Anak ng espesipikong tagubilin kung ano ang ituturo niya. Bago pumarito sa lupa, tiyak na gumugol ng maraming panahon si Jesus sa pakikinig sa turo ng kaniyang Ama. Hindi ba’t wala nang hihigit pa sa pagsasanay na ito?

11. Paano tinularan ni Jesus ang saloobin ng kaniyang Ama sa sangkatauhan?

11 Mula nang lalangin ang Anak, may matalik na siyang kaugnayan sa kaniyang Ama. Bago siya umiral bilang tao, napag-unawa ni Jesus ang saloobin ng Diyos sa mga tao sa pamamagitan ng pagmamasid sa pakikitungo ni Jehova sa kanila. Gaya ng Diyos, nagpakita rin ang Anak ng pag-ibig sa sangkatauhan anupat bilang personipikasyon ng karunungan ay nasabi niya: “Ang mga kinagigiliwan ko ay nasa mga anak ng mga tao.”​—Kaw. 8:22, 31.

12, 13. (a) Ano ang natutuhan ni Jesus sa pagmamasid sa pakikitungo ng kaniyang Ama sa mga Israelita? (b) Paano ginamit ni Jesus ang natanggap niyang pagsasanay?

12 Nakita rin ng Anak kung paano hinaharap ng kaniyang Ama ang mahihirap na situwasyon at natuto siya mula rito. Halimbawa, isaalang-alang natin ang naging pakikitungo ni Jehova sa masuwaying mga Israelita. Sinasabi sa Nehemias 9:28: “Kapag sila ay nagpapahinga na, muli silang gumagawa ng masama sa harap mo [Jehova], at pinababayaan mo sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, na yumuyurak naman sa kanila. Pagkatapos ay bumabalik sila at humihingi sa iyo ng saklolo, at ikaw ay dumirinig mula sa mismong langit at inililigtas mo sila ayon sa iyong saganang awa, muli at muli.” Dahil sa paggawang kasama ni Jehova at pagmamasid sa Kaniya, nalinang ni Jesus ang gayunding pagkahabag sa mga tao sa kaniyang teritoryo.​—Juan 5:19.

13 Ang pagsasanay na ito ay nakatulong kay Jesus na maging mahabagin din sa pakikitungo sa kaniyang mga alagad. Noong gabi bago siya mamatay, “iniwan siya” ng lahat ng apostol na inibig niya nang husto “at tumakas” ang mga ito. (Mat. 26:56; Juan 13:1) Tatlong ulit pa ngang itinatwa ni apostol Pedro si Kristo! Gayunman, binigyan ni Jesus ang kaniyang mga apostol ng pagkakataong manumbalik sa kaniya. Sinabi niya kay Pedro: “Nagsumamo na ako para sa iyo na ang iyong pananampalataya ay huwag manghina; at ikaw, kapag nakabalik ka na, palakasin mo ang iyong mga kapatid.” (Luc. 22:32) Ang espirituwal na Israel ay itinayo sa pundasyon ng “mga apostol at mga propeta,” at ang batong pundasyon ng pader ng Bagong Jerusalem ay may pangalan ng 12 tapat na mga apostol ng Kordero, si Jesu-Kristo. Hanggang sa ngayon, ang pinahirang mga Kristiyano at ang kanilang nakaalay na mga kasamahan, ang “ibang mga tupa,” ay sumusulong sa kanilang gawaing pangangaral hinggil sa Kaharian sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos at sa pangunguna ng kaniyang minamahal na Anak.​—Efe. 2:20; Juan 10:16; Apoc. 21:14.

Kung Paano Nagturo si Jesus

14, 15. Anu-ano ang pagkakaiba ng paraan ng pagtuturo ni Jesus at ng mga eskriba at mga Pariseo?

14 Paano ginamit ni Jesus sa pagtuturo sa kaniyang mga tagasunod ang natanggap niyang pagsasanay? Kung paghahambingin natin ang paraan ng pagtuturo ni Jesus at ng mga Judiong lider ng relihiyon, maliwanag na makikita natin ang kahigitan ng pamamaraan ni Jesus. ‘Pinawalang-bisa [ng mga eskriba at mga Pariseo] ang salita ng Diyos dahil sa kanilang tradisyon.’ Sa kabaligtaran, hindi nagturo si Jesus ng sarili niyang ideya; nanghawakan siya sa salita, o mensahe, ng Diyos. (Mat. 15:6; Juan 14:10) Iyan din ang dapat nating gawin.

15 May isa pang malaking pagkakaiba si Jesus sa mga lider ng relihiyon. Hinggil sa mga eskriba at mga Pariseo, sinabi niya: “Lahat ng mga bagay na sinasabi nila sa inyo ay gawin ninyo at tuparin, ngunit huwag ninyong gawin ang ayon sa kanilang mga gawa, sapagkat sinasabi nila ngunit hindi isinasagawa.” (Mat. 23:3) Namuhay si Jesus kasuwato ng kaniyang itinuro. Isaalang-alang natin ang isang halimbawa bilang patotoo.

16. Bakit masasabi mong namuhay si Jesus kasuwato ng kaniyang mga salitang nakaulat sa Mateo 6:19-21?

16 Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga alagad na “mag-imbak . . . ng mga kayamanan sa langit.” (Basahin ang Mateo 6:19-21.) Namuhay ba si Jesus kasuwato ng payong iyan? Oo, dahil talagang masasabi niya hinggil sa kaniyang sarili: “Ang mga sorra ay may mga lungga at ang mga ibon sa langit ay may mga dapuan, ngunit ang Anak ng tao ay walang dakong mahihigan ng kaniyang ulo.” (Luc. 9:58) Namuhay nang simple si Jesus. Paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ang pinagtuunan niya ng pansin, at ipinakita niya kung paano maiiwasan ang mga kabalisahang dulot ng pag-iimbak ng mga kayamanan sa lupa. Idiniin ni Jesus ang kahigitan ng pag-iimbak ng mga kayamanan sa langit, “kung saan kahit ang tangà o ang kalawang man ay hindi nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay hindi nanloloob at nagnanakaw.” Nag-iimbak ka ba ng mga kayamanan sa langit gaya ng ipinayo ni Jesus?

Kung Bakit Malapít ang mga Tao kay Jesus

17. Anu-anong katangian ang ipinakita ni Jesus kung kaya siya naging pambihirang ebanghelisador?

17 Anu-anong katangian ang ipinakita ni Jesus kung kaya siya naging pambihirang ebanghelisador? Isa na rito ang kaniyang saloobin sa mga taong tinulungan niya. Kapakumbabaan, pag-ibig, at pagkamahabagin ang ilan sa maiinam na katangiang tinularan ni Jesus kay Jehova. Pansinin kung paano nakatulong ang mga katangiang ito upang mapalapit ang mga tao kay Jesus.

18. Bakit masasabing mapagpakumbaba si Jesus?

18 Nang tanggapin ni Jesus ang atas na pumarito sa lupa, “hinubad niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at napasawangis ng tao.” (Fil. 2:7) Isa nga itong halimbawa ng kapakumbabaan. Bukod diyan, hindi minaliit ni Jesus ang mga tao. Hindi siya nagkaroon ng saloobin na, ‘Galing ako sa langit, kaya dapat kayong makinig sa akin.’ Di-tulad ng mga nag-aangking mesiyas, hindi ipinangalandakan ni Jesus ang kaniyang papel bilang tunay na Mesiyas. May mga pagkakataong sinabihan niya ang mga tao na huwag ipagkalat kung sino siya o kung ano ang kaniyang ginawa. (Mat. 12:15-21) Gusto ni Jesus na magpasiya ang mga tao na sumunod sa kaniya salig mismo sa nakikita nila sa kaniya. Talagang mapalad ang kaniyang mga alagad sapagkat hindi naging mapaghanap ang kanilang Panginoon at inasahang magiging sakdal silang gaya ng mga anghel na nakasama niya noon sa langit!

19, 20. Paano napakilos si Jesus ng pag-ibig at pagkamahabagin upang tulungan ang mga tao?

19 Nagpakita rin si Jesu-Kristo ng pag-ibig​—isang pangunahing katangian ng kaniyang makalangit na Ama. (1 Juan 4:8) Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig udyok ng pag-ibig. Halimbawa, pansinin kung ano ang nadama niya para sa isang kabataang tagapamahala. (Basahin ang Marcos 10:17-22.) “Nakadama [si Jesus] ng pag-ibig sa kaniya” at gusto niya itong tulungan, pero hindi handang ipagpalit ng kabataang tagapamahalang ito ang marami niyang pag-aari para maging tagasunod ni Kristo.

20 Pagkamahabagin ang isa pa sa kaakit-akit na mga katangian ni Jesus. Gaya ng lahat ng di-sakdal na mga tao, ang mga tumugon sa kaniyang pagtuturo ay may mabibigat ding problema. Kaya naman nagpakita ng habag si Jesus sa pagtuturo sa kanila. Halimbawa, may pagkakataon noon na napakaabala ni Jesus at ng kaniyang mga apostol anupat wala man lamang silang panahon para kumain. Pero ano ang naging reaksiyon ni Jesus nang makita niya ang nagkakatipong pulutong? “Nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay gaya ng mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila ng maraming bagay.” (Mar. 6:34) Nakita ni Jesus ang kahabag-habag na kalagayan ng mga tao sa kaniyang teritoryo kaya nagpagal siya sa pagtuturo sa kanila at gumawa ng mga himala para matulungan sila. Ang ilang tao ay humanga sa kaniyang mabubuting katangian, naantig sa kaniyang pananalita, at naging mga alagad niya.

21. Ano ang isasaalang-alang natin sa susunod na artikulo?

21 Marami pa tayong matututuhan hinggil sa ministeryo ni Jesus sa lupa, gaya ng ipakikita sa susunod na artikulo. Paano pa natin matutularan si Jesu-Kristo, ang pinakadakilang Misyonero?

Paano Mo Sasagutin?

• Paano sinanay si Jesus bago siya pumarito sa lupa?

• Bakit nakahihigit ang paraan ng pagtuturo ni Jesus kaysa sa pagtuturo ng mga eskriba at mga Pariseo?

• Anu-anong katangian ang ipinakita ni Jesus kung kaya napalapit sa kaniya ang mga tao?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 15]

Paano tinuruan ni Jesus ang mga pulutong?