Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Napakahalagang Pangako

Isang Napakahalagang Pangako

Isang Napakahalagang Pangako

ISA akong ina sa Espanya na gumawa ng isang napakahalagang pangako. Hayaan ninyo akong magkuwento tungkol dito.

Walang kapayapaan sa tahanan namin at hindi nagkakasundo ang aming mga magulang. Nang mamatay sa kalunus-lunos na aksidente ang nakababata kong kapatid na apat na taóng gulang, parang gumuho ang mundo ng pamilya namin. Lalo pang nagpahirap kay Inay ang masamang ugali ni Itay. Sa kabila nito, naikintal pa rin ni Inay ang kagandahang-asal sa amin ng kuya ko.

Nang maglaon, nagkapamilya na rin kami ni Kuya. Di-nagtagal pagkatapos nito, nasuring may kanser si Inay, na siyang ikinamatay niya. Pero bago siya mamatay, nag-iwan siya ng mahalagang pamana sa amin.

Isa sa mga kakilala niya ang nagpaliwanag sa kaniya tungkol sa pag-asang pagkabuhay-muli na binabanggit sa Kasulatan, at tinanggap ni Inay ang alok na pag-aaral sa Bibliya. Sa mga huling bahagi ng kaniyang buhay, naging maligaya si Inay dahil sa pag-asang ibinigay sa kaniya ng mga pangako mula sa Bibliya.

Nang makita namin ang magandang epekto ng mensahe ng Bibliya kay Inay, nag-aral na rin kami ni Kuya ng Salita ng Diyos. Nabautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova isang buwan bago ko isilang ang aking ikalawang anak, isang magandang sanggol na pinanganlan naming Lucía.

Napakahalaga sa akin ang araw ng bautismo ko, kasi inialay ko na ang buhay ko kay Jehova para paglingkuran siya magpakailanman. Isa pa, matuturuan ko na ang mahal kong mga anak tungkol kay Jehova.

Masayang-masaya ako noon, pero hindi iyon nagtagal. Nang mag-apat na taóng gulang na si Lucía, nagsimula ang matinding pananakit ng kaniyang tiyan. Matapos ang ilang pagsusuri, ipinaliwanag ng radiologist na mayroon siyang tumor na sinlaki ng kahel sa kaniyang atay. Sinabi ng doktor na si Lucía ay may neuroblastoma, isang kanser na mabilis kumalat. Iyon ang simula ng pitong-taóng pakikipaglaban ni Lucía sa kanser at ng madalas na pagkakaospital niya nang maraming araw.

Mapagsakripisyong Saloobin

Bagaman mahirap ang mga taóng iyon, madalas na pinalalakas ni Lucía ang loob ko kapag hinahalikan niya ako at mahigpit na niyayakap. Humanga rin ang mga empleado ng ospital dahil matibay ang loob niya kahit na may sakit siya. Lagi niyang gustong tumulong sa mga nars sa paghahatid ng pagkain at iba pang bagay sa mga batang pasyente sa ospital. Binigyan pa nga ng mga nars si Lucía ng puting uniporme at badge na may nakasulat na “assistant ng nars.”

“Hinding-hindi ko malilimutan si Lucía,” ang sabi ng isang empleado sa ospital. “Masigla at malikhaing bata si Lucía, at mahilig siyang magdrowing. Bibung-bibo siya at parang matanda na kung mag-isip at kumilos.”

Naging matatag si Lucía dahil sa Salita ng Diyos. (Heb. 4:12) Buo ang tiwala niya na sa bagong sanlibutan, “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man,” gaya ng pangako ng Salita ng Diyos. (Apoc. 21:4) Palakaibigan siya at sinasamantala niya ang bawat pagkakataon na sabihin sa iba ang mensahe ng Bibliya. Kahit napakaliit ng tsansa ni Lucía na gumaling, mahinahon at masayahin pa rin siya dahil matibay ang kaniyang pagtitiwala sa pag-asang pagkabuhay-muli. (Isa. 25:8) Hindi nagbago ang saloobin niyang iyon hanggang sa araw na mamatay siya.

Nang araw na iyon, gumawa ako ng isang napakahalagang pangako. Halos hindi na noon maidilat ni Lucía ang kaniyang mga mata. Hawak naming mag-asawa ang kaniyang mga kamay. “Huwag kang mag-alala, hindi kita iiwan,” ang bulong ko. “Huminga ka lang nang dahan-dahan. Paggising mo, magaling ka na. Hindi ka na uli maghihirap, at magkakasama tayong muli.”

Kailangan kong tuparin ang pangako kong iyon. Alam kong hindi magiging madali ang paghihintay. Pero alam ko rin na kung magtitiis, magtitiwala, at mananatili akong tapat kay Jehova, sasalubungin ko siya sa kaniyang pagkabuhay-muli.

Ang Magandang Halimbawang Iniwan ni Lucía

Ang tibay ng loob ni Lucía at ang maibiging pag-alalay ng kongregasyon ay nagkaroon ng malaking epekto sa asawa ko, na hindi pa isang Saksi ni Jehova. Nang araw na mamatay si Lucía, sinabi sa akin ng asawa ko na marami siyang dapat pag-isipan. Makaraan ang ilang linggo, hiniling niya sa isang elder sa kongregasyon na turuan siya tungkol sa Bibliya. Di-nagtagal, dumalo na siya sa lahat ng pagpupulong. Sa tulong ni Jehova, naitigil na rin niya ang paninigarilyo.

Nangungulila pa rin ako kay Lucía, pero malaki ang pasasalamat ko kay Jehova dahil sa magandang halimbawang iniwan ng aming anak. Inaaliw naming mag-asawa ang isa’t isa sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa kamangha-manghang pag-asa ng pagkabuhay-muli. Nakikini-kinita namin ang araw na sasalubungin namin si Lucía at muling makikita ang kaniyang matatamis na ngiti, pati na ang kaniyang nangungusap at bilugang mga mata.

Nalungkot din ang isa naming kapitbahay nang malaman niya ang masaklap na nangyari sa anak ko. Maulang Sabado ng umaga noon, dumating sa bahay namin ang ina ng kaeskuwela ni Lucía. Namatay rin sa neuroblastoma ang isa niyang anak noong 11 taóng gulang ito. Nang mabalitaan niya ang nangyari kay Lucía, hinanap niya ang bahay namin para dalawin kami. Gusto niyang malaman kung paano ko nakayanan ang pagkamatay ni Lucía at iminungkahi niyang bumuo kami ng isang grupo na tutulong sa mga ina na nasa gayon ding situwasyon.

Ipinaliwanag ko sa kaniya na nakasumpong ako ng tunay na kaaliwan sa isa sa mga pangako ng Bibliya​—kaaliwan na nakahihigit sa anumang maaaring ibigay ng tao. Nagningning ang kaniyang mga mata nang basahin ko sa kaniya ang sinabi ni Jesus sa Juan 5:28, 29. Pumayag siyang makipag-aral ng Bibliya at agad niyang nadama “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” (Fil. 4:7) Kadalasan kapag nag-aaral kami ng Bibliya, sandali kaming humihinto at ginuguniguni namin ang araw na nasa bagong sanlibutan na kami at sinasalubong ang binuhay-muling mga mahal namin sa buhay.

Kahit na sandali lamang naming nakapiling si Lucía, hindi namin kailanman malilimutan ang kaniyang magandang halimbawa. Dahil sa kaniyang pananampalataya, nagkaisa ang aming pamilya sa paglilingkod sa Diyos at lalong tumibay ang determinasyon kong manatiling tapat. Talagang lahat tayo ay may napakahalagang pangako sa namatay nating mga mahal sa buhay na naghihintay ng pagkabuhay-muli.

[Larawan sa pahina 20]

Paraisong iginuhit ni Lucía