Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Magiging Maligaya sa Iyong Pag-aasawa

Kung Paano Magiging Maligaya sa Iyong Pag-aasawa

Kung Paano Magiging Maligaya sa Iyong Pag-aasawa

“Sa karunungan ay mapatitibay ang sambahayan, at sa kaunawaan ay matatatag ito nang matibay.”​—KAW. 24:3.

1. Paano nakita ang karunungan ng Diyos may kaugnayan sa unang tao?

 ALAM ng ating matalino at makalangit na Ama kung ano ang makabubuti para sa atin. Halimbawa, alam ng Diyos na para matupad ang Kaniyang layunin, “hindi mabuti para sa lalaki na manatiling nag-iisa” sa hardin ng Eden. Isang pangunahing bahagi ng layuning iyan na magkaroon ng mga anak ang mag-asawa upang ‘mapuno ang lupa.’​—Gen. 1:28; 2:18.

2. Anong kaayusan ang ginawa ni Jehova para sa kapakinabangan ng sangkatauhan?

2 Sinabi ni Jehova: “Gagawa ako ng isang katulong para sa kaniya, bilang kapupunan niya.” Kaya mahimbing na pinatulog ng Diyos ang unang lalaki, at mula sa sakdal na katawan nito, kumuha Siya ng isang tadyang at ginawa itong babae. Nang dalhin ni Jehova kay Adan ang sakdal na babaing ito, si Eva, sinabi ng lalaki: “Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman. Ito ay tatawaging Babae, sapagkat kinuha ito mula sa lalaki.” Tunay na naging kapupunan ni Adan si Eva. May kani-kaniya silang katangian, ngunit pareho silang sakdal at nilalang ayon sa larawan ng Diyos. Sa gayon, si Jehova ang nagsaayos ng kauna-unahang pag-aasawa. Malugod na tinanggap nina Adan at Eva ang kaayusang ito ng Diyos. Sa kaayusang ito, magtutulungan sila at susuportahan ang isa’t isa.​—Gen. 1:27; 2:21-23.

3. Paano itinuturing ng marami ang kaloob na pag-aasawa, at anu-anong tanong ang bumabangon dahil dito?

3 Nakalulungkot, laganap ngayon sa daigdig ang espiritu ng paghihimagsik. Pero hindi mula sa Diyos ang mga problemang idinudulot nito. Hinahamak ng marami ang kaloob ng Diyos na pag-aasawa, anupat itinuturing ito na lipas na at pinagmumulan ng kabiguan o alitan. Marami naman sa mga nag-aasawa ang nagdidiborsiyo. Dahil dito, maaaring mapagkaitan ng pagmamahal ang mga anak. Baka gamitin pa nga sila ng kanilang mga magulang para makuha ng mga ito ang kanilang gusto. Maraming magulang ang ayaw magparaya, kahit man lamang para sa kapayapaan at pagkakaisa ng pamilya. (2 Tim. 3:3) Kung gayon, paano mapananatili ng mga mag-asawa ang kaligayahan sa kanilang pagsasama sa mapanganib na panahong ito? Paano makatutulong ang pagiging mapagparaya, kasama na ang pagiging masunurin sa tagubilin ni Jehova at pagiging makonsiderasyon, upang matagumpay na mapaglabanan ng mag-asawa ang tendensiya na maghiwalay? Ano ang matututuhan natin sa makabagong halimbawa ng mga mag-asawang nanatiling maligaya sa kanilang pagsasama?

Lubusang Sumunod sa mga Tagubilin ni Jehova

4. (a) Anong tagubilin ang ibinigay ni Pablo hinggil sa pag-aasawa? (b) Paano sinusunod ng masunuring mga Kristiyano ang tagubilin ni Pablo?

4 Nagbigay ang Kristiyanong apostol na si Pablo ng kinasihang tagubilin sa mga biyuda na kung magpasiya silang mag-asawang muli, dapat nila itong gawin “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Cor. 7:39) Hindi ito bago sa mga Kristiyanong dating kabilang sa relihiyon ng mga Judio. Malinaw na sinabi sa Kautusan ng Diyos sa Israel na ‘huwag silang makipag-alyansa sa pag-aasawa’ sa sinuman mula sa mga bansang paganong nakapalibot sa kanila. May sinabi pa si Jehova na nagtatampok sa panganib ng pagwawalang-bahala sa pamantayan niyang ito. “Sapagkat ihihiwalay [ng isang di-Israelita] ang iyong anak mula sa pagsunod sa akin, at tiyak na paglilingkuran nila ang ibang mga diyos; at ang galit ni Jehova ay lalagablab nga laban sa inyo, at tiyak na lilipulin ka niya nang dali-dali.” (Deut. 7:3, 4) Ano namang paninindigan ang inaasahan ni Jehova sa kaniyang mga lingkod sa ngayon? Maliwanag na ang isang lingkod ng Diyos ay dapat na mag-asawa “sa Panginoon,” samakatuwid nga, sa isang nakaalay at bautisadong mananamba ng Diyos. Isang matalinong landasin na lubusang sumunod sa tagubiling ito ni Jehova.

5. Ano ang pangmalas ni Jehova at ng mga may-asawang Kristiyano sa panata sa pag-aasawa?

5 Sagrado sa Diyos ang panata sa pag-aasawa. Nang banggitin ang hinggil sa unang pag-aasawa, sinabi ng mismong Anak ng Diyos, si Jesus: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mat. 19:6) Ipinaaalaala sa atin ng salmista kung bakit hindi biru-biro ang gumawa ng panata: “Maghandog ka ng pasasalamat bilang iyong hain sa Diyos, at tuparin mo sa Kataas-taasan ang iyong mga panata.” (Awit 50:14) Bagaman masaya ang pag-aasawa, ang panata ng mag-asawa sa isa’t isa sa araw ng kanilang kasal ay isang seryosong bagay at may kaakibat na pananagutan.​—Deut. 23:21.

6. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jepte?

6 Isaalang-alang ang kaso ni Jepte, na naglingkod bilang hukom sa Israel noong ika-12 siglo B.C.E. Ganito ang panata niya kay Jehova: “Kung walang pagsalang ibibigay mo ang mga anak ni Ammon sa aking kamay, mangyayari rin nga na yaong lalabas, na lalabas sa mga pinto ng aking bahay upang salubungin ako kapag bumalik ako nang payapa mula sa mga anak ni Ammon, ay magiging kay Jehova nga, at ihahandog ko ang isang iyon bilang handog na sinusunog.” Nang makita niya ang kaniyang anak na babae, ang kaisa-isa niyang anak, na sumalubong sa kaniya pag-uwi niya sa Mizpa, inisip ba ni Jepte na hindi tuparin ang kaniyang panata? Hindi. Sinabi niya: “Ibinuka ko ang aking bibig kay Jehova, at hindi ko na mababawi pa [ang panata].” (Huk. 11:30, 31, 35) Tinupad ni Jepte ang kaniyang pangako kay Jehova, bagaman nangangahulugan itong hindi na siya magkakaroon ng inapo na magdadala ng kaniyang pangalan. Naiiba ang panata ni Jepte sa panata sa pag-aasawa, pero ang pagtupad niya sa kaniyang panata ay isang magandang halimbawa para sa mga mag-asawang Kristiyano.

Kung Paano Magiging Matagumpay ang Pag-aasawa

7. Anu-anong pagbabago ang kailangang gawin ng mga bagong mag-asawa?

7 Nasisiyahang alalahanin ng maraming mag-asawa ang panahon noong sila’y nagliligawan pa lamang. Napakasaya ngang makilala ang kanilang mapapangasawa! Habang mas madalas silang nagkikita, lalo nilang nakikilala ang isa’t isa. Pero sila man ay nagligawan o ipinagkasundo ng kanilang mga magulang, kinailangan nilang gumawa ng mga pagbabago nang sila’y mag-asawa na. Inamin ng isang asawang lalaki: “Ang naging pangunahin naming problema noong simula ng aming pagsasama bilang mag-asawa ay ang tanggapin ang katotohanan na hindi na kami binata’t dalaga. Noong una ay nahirapan kaming balansehin ang panahong ginugugol namin sa aming mga kaibigan at kamag-anak.” Isa pang asawang lalaki na 30 taon nang kasal ang nagsabi rin na sa simula pa lamang ng kaniyang pag-aasawa, kinailangan niyang isipin hindi lamang ang kaniyang kapakanan kundi pati rin ang kapakanan ng kaniyang asawa. Bago tumanggap ng paanyaya o gumawa ng desisyon, kinakausap muna niya ang kaniyang asawa at isinasaalang-alang ang pananaw nito. Sa gayong situwasyon, nakatutulong ang pagiging mapagparaya.​—Kaw. 13:10.

8, 9. (a) Bakit mahalaga ang tapatang pag-uusap? (b) Sa anu-anong pitak makatutulong ang pagiging makatuwiran, at bakit?

8 Kung minsan, pinagsasama ng buklod ng pag-aasawa ang dalawang taong may magkaibang kultura. Lalo nang kailangan dito ang tapatang pag-uusap. Magkakaiba ang paraan ng pakikipag-usap ng bawat tao. Ang pagmamasid sa paraan ng pakikipag-usap ng iyong asawa sa kaniyang mga kamag-anak ay makatutulong sa iyo na higit siyang maunawaan. Kung minsan, hindi sa sinasabi ng isa kundi sa paraan ng kaniyang pagsasalita nalalaman kung ano talaga ang kaniyang iniisip. Marami ring matututuhan sa kaniyang pagkilos. (Kaw. 16:24; Col. 4:6) Napakahalaga ng kaunawaan para maging maligaya ang pag-aasawa.​—Basahin ang Kawikaan 24:3.

9 Pagdating sa pagpili ng libangan, nasumpungan ng marami na mahalagang maging makatuwiran. Baka may kinahihiligang isport o iba pang libangan ang iyong asawa noong hindi pa kayo kasal. Ngayong mag-asawa na kayo, baka dapat nang bawasan ang panahong ginugugol dito. (1 Tim. 4:8) Maaari din itong ikapit sa panahong ginugugol sa mga kamag-anak. Sabihin pa, kailangan ng mag-asawa na mag-ukol ng panahon sa isa’t isa upang magampanan nilang magkasama ang kanilang espirituwal na mga pananagutan at iba pang gawain.​—Mat. 6:33.

10. Paano makatutulong ang pagpaparaya upang maging maayos ang kaugnayan ng mga magulang sa kanilang mga anak na may asawa na?

10 Kapag nag-asawa ang isang lalaki, iiwan niya ang kaniyang ama’t ina, at ganiyan din ang masasabi tungkol sa babae. (Basahin ang Genesis 2:24.) Gayunpaman, kapit pa rin sa kanila ang utos ng Diyos na parangalan ang kanilang ama’t ina. Kaya kahit nag-asawa na sila, malamang na gugugol pa rin sila ng panahon para sa kanilang mga magulang at biyenan. Isang asawang lalaki, na 25 taon nang kasal, ang nagsabi: “Kung minsan, mahirap pagbigyan ang gusto at sapatan ang pangangailangan ng aking asawa at ng aking mga magulang, kapamilya, at biyenan. Nakatulong sa akin ang Genesis 2:24 sa bagay na ito. Totoo, dapat akong maging matapat sa aking mga kapamilya at balikatin ang mga pananagutan ko sa kanila, pero ipinakita sa akin ng tekstong ito na mas mahalaga ang katapatan ko sa aking asawa.” Kasuwato nito, igagalang ng Kristiyanong mga magulang na handang magparaya ang katotohanan na ang kanilang mga anak ay may sarili nang pamilya at ang asawang lalaki ang pangunahin nang may pananagutan sa pagpatnubay sa pamilya nito.

11, 12. Bakit mahalaga sa mag-asawa ang pampamilyang pag-aaral at pananalangin?

11 Mahalaga ang regular na pampamilyang pag-aaral ng Bibliya. Pinatutunayan iyan ng maraming Kristiyanong pamilya. Baka hindi ito madaling simulan o gawin nang patuluyan. Inamin ng isang ulo ng pamilya: “Kung maibabalik namin ang nakaraan, titiyakin naming magiging regular ang aming pampamilyang pag-aaral sa simula pa lamang ng aming pagsasama bilang mag-asawa.” Sinabi pa niya: “Napakasarap ng pakiramdam na makita ang kagalakan ng aking asawa kapag may naunawaan kaming katotohanan sa Bibliya sa aming pag-aaral.”

12 Mahalaga rin ang pananalangin nang magkasama. (Roma 12:12) Kapag ang mag-asawa ay nagkakaisa sa pagsamba kay Jehova, ang kanilang malapít na kaugnayan sa Diyos ang magpapatibay sa kanilang ugnayan bilang mag-asawa. (Sant. 4:8) Ganito ang paliwanag ng isang Kristiyanong asawang lalaki: “Ang paghingi agad ng tawad kapag nagkamali ang isa at pagbanggit sa pagkakamaling iyon kapag magkasama kayong nananalangin ay isang paraan upang ipakita ang taimtim na pagsisisi kahit sa isang maliit na bagay na nagdulot ng sama ng loob.”​—Efe. 6:18.

Maging Makonsiderasyon sa Iyong Asawa

13. Anong payo ang ibinigay ni Pablo hinggil sa pagtatalik ng mag-asawa?

13 Dapat iwasan ng mga mag-asawang Kristiyano ang mga seksuwal na gawaing sumisira sa ugnayang pangmag-asawa, na napakalaganap ngayon sa sanlibutang ito na nahihibang sa sekso. Ganito ang payo ni Pablo tungkol dito: “Ibigay ng asawang lalaki sa kaniyang asawa ang kaniyang kaukulan; ngunit gayundin ang gawin ng asawang babae sa kaniyang asawa. Ang asawang babae ay walang awtoridad sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawa; gayundin naman, ang asawang lalaki ay walang awtoridad sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawa.” Pagkatapos ay ibinigay ni Pablo ang malinaw na tagubiling ito: “Huwag ipagkait ito sa isa’t isa, malibang may pinagkasunduan sa loob ng isang takdang panahon.” Bakit? “Upang makapag-ukol kayo ng panahon sa pananalangin at magsamang muli, upang si Satanas ay hindi laging makapanukso sa inyo dahil sa inyong kawalan ng pagsupil sa sarili.” (1 Cor. 7:3-5) Sa pagbanggit ni Pablo sa pananalangin, ipinakita niya kung ano ang priyoridad ng isang Kristiyano. Pero nilinaw rin niya na ang bawat may-asawang Kristiyano ay dapat maging palaisip sa pisikal at emosyonal na pangangailangan ng kaniyang asawa.

14. Paano maikakapit ang maka-Kasulatang mga simulain may kaugnayan sa pagtatalik ng mag-asawa?

14 Dapat sabihin ng mag-asawa sa isa’t isa ang kanilang niloloob at tanggapin ang katotohanan na ang kawalan ng pagmamalasakit pagdating sa pagtatalik ay magdudulot ng problema. (Basahin ang Filipos 2:3, 4; ihambing ang Mateo 7:12.) Totoo rin ito sa mga mag-asawang magkaiba ang pananampalataya. Kahit may mga di-pagkakasunduan, karaniwan nang maganda ang nagiging resulta kung magpapakita ang isang Kristiyano ng mainam na paggawi at kabaitan, at kung makikipagtulungan siya sa kaniyang asawa. (Basahin ang 1 Pedro 3:1, 2.) Ang pag-ibig kay Jehova at sa kabiyak, kasama na ang pagiging makonsiderasyon, ay makatutulong sa mag-asawa sa bagay na ito.

15. Ano ang papel ng paggalang sa maligayang pag-aasawa?

15 Igagalang din ng mabait na asawang lalaki ang kaniyang asawa sa ibang aspekto. Halimbawa, isasaalang-alang niya ang damdamin ng kaniyang asawa, kahit sa maliliit na bagay. Inamin ng isang asawang lalaki na 47 taon nang kasal: “Pinagsisikapan ko pa rin itong gawin.” Ang Kristiyanong mga asawang babae naman ay hinihimok na magkaroon ng matinding paggalang sa kanilang asawa. (Efe. 5:33) Hindi nila iginagalang ang kanilang asawa kung ikinukuwento nila ang mga kahinaan nito o kaya naman ay pinipintasan ito sa harap ng iba. Bilang paalaala, sinasabi ng Kawikaan 14:1: “Ang babaing tunay na marunong ay nagpapatibay ng kaniyang bahay, ngunit ginigiba iyon ng mangmang ng sarili niyang mga kamay.”

Huwag Bigyan ng Dako ang Diyablo

16. Paano maikakapit ng mga mag-asawa ang Efeso 4:26, 27?

16 “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit, ni magbigay man ng dako sa Diyablo.” (Efe. 4:26, 27) Ang pagkakapit nito ay makatutulong upang malutas o maiwasan ang di-pagkakasundo ng mag-asawa. “Wala akong natatandaang di-pagkakaunawaan namin na hindi namin pinag-usapan kahit pa abutin kami nang maraming oras para malutas ito,” ang sinabi ng isang sister. Sa simula pa lamang ng kanilang pagsasama, napagkasunduan na nilang hindi nila palilipasin ang maghapon nang hindi nalulutas ang kanilang di-pagkakaunawaan. “Napagpasiyahan namin na anuman ang maging problema, handa naming patawarin ang isa’t isa at kalimutan ito na para bang walang nangyari.” Sa gayon, hindi sila pumayag na ‘bigyan ng dako ang Diyablo.’

17. Kahit waring nagkamali ang isa sa kaniyang pag-aasawa, ano ang makatutulong sa kaniya?

17 Pero paano kung iniisip mong nagkamali ka sa iyong pag-aasawa? Baka pakiramdam mo’y tumatabang na ang inyong pagsasama di-tulad ng pagsasama ng iba. Gayunpaman, makatutulong sa iyo ang pagsasaisip sa pananaw ng Maylalang hinggil sa buklod ng pag-aasawa. Kinasihan si Pablo na ibigay ang payong ito sa mga Kristiyano: “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat, at maging walang dungis ang higaang pangmag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.” (Heb. 13:4) At huwag kaliligtaan ang mga salitang ito: “Ang panali na tatlong-ikid ay hindi madaling mapatid.” (Ecles. 4:12) Kapag lubhang pinahahalagahan ng mag-asawa ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova, nabubuklod sila sa isa’t isa at sa Diyos. Dapat silang magsikap upang magtagumpay ang kanilang pag-aasawa, anupat iniisip na magdudulot ito ng kapurihan kay Jehova, ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa.​—1 Ped. 3:11.

18. Sa anong bagay tayo maaaring makatiyak hinggil sa pag-aasawa?

18 Oo, makatitiyak tayo na maaaring maging maligaya ang mga Kristiyano sa kanilang pag-aasawa. Upang magawa ito, kailangan ng pagsisikap at paglilinang ng Kristiyanong mga katangian, kasama na rito ang pagpaparaya, pagiging masunurin sa tagubilin ni Jehova, at pagiging makonsiderasyon. Sa ngayon, sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, napakaraming mag-asawa na makapagpapatunay na talagang posible ito.

Paano Mo Sasagutin?

• Bakit posibleng maging maligaya ang pag-aasawa?

• Ano ang makatutulong para maging matagumpay ang pag-aasawa?

• Anu-anong katangian ang dapat linangin ng mga mag-asawa?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 9]

Isang karunungan para sa mga mag-asawa na mag-usap muna bago sila tumanggap ng isang paanyaya o gumawa ng desisyon

[Larawan sa pahina 10]

Sikaping lutasin ang di-pagkakaunawaan nang hindi pinalilipas ang maghapon, anupat hindi ‘binibigyan ng dako ang Diyablo’