Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paghahatid ng Mabuting Balita sa Kabundukan ng Andes

Paghahatid ng Mabuting Balita sa Kabundukan ng Andes

Paghahatid ng Mabuting Balita sa Kabundukan ng Andes

LABINGWALO kaming nagsisiksikan sa isang maliit na bodega. Nakahiga kami sa lupa sa loob ng aming mga sleeping bag, nangangatog sa ginaw habang naririnig namin ang buhos ng ulan sa yero. Naisip namin na kami pa lang siguro ang kauna-unahang nagtiyagang tumuloy roon.

Bakit naman pupunta ang 18 katao sa lugar na iyon? Nais kasi naming sundin ang utos ni Jesus na ipangaral ang mabuting balita “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8; Mat. 24:14) Pumunta kami sa liblib na lugar sa kabundukan ng Andes sa Bolivia para mangaral.

Pagpunta Roon

Ang pagpunta pa lamang doon ay isa nang hamon. Nalaman naming walang eksaktong oras ang biyahe ng mga pampasaherong sasakyan patungo sa gayong mga lugar. Pagdating ng bus, hindi namin inaasahan na maliit lamang pala iyon kaya nakatayo ang ilan sa amin. Pero nakarating naman kaming lahat sa pupuntahan namin.

Ang destinasyon namin ay ang mga nayon sa kabundukan ng Andes sa Bolivia. Kaya pagbaba namin ng bus, maingat naming binagtas ang matatarik at makikitid na daan paahon sa bundok, bitbit ang aming mga dala-dalahan.

Mukhang maliliit lamang ang mga nayon, pero magkakalayo ang mga bahay kaya maraming oras ang ginugol namin para malibot ang bawat nayon. Kapag nakarating na kami sa isang bahay, may makikita na naman kaming isa pang bahay sa malayo. Madalas kaming maligaw sa pasikut-sikot na mga daan doon.

“Bakit Ngayon Lang Kayo Pumunta Rito?”

Hangang-hanga ang isang babae sa layo ng nilakad namin kaya pumayag siyang makiluto kami ng pananghalian sa kanilang kusina at binigyan din niya kami ng panggatong. Matapos namang matutuhan ng isang lalaki ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay, sinabi niya, “Bakit ngayon lang kayo pumunta rito?” Interesadung-interesado siya kaya nang paalis na kami sa kanilang nayon, inihatid niya kami para makapagtanong pa siya. Isa namang lalaki na noon lamang may nakausap na mga Saksi ni Jehova ang talagang nasiyahan sa ating mga publikasyon. Labis-labis ang kaniyang pasasalamat sa aming pagdalaw kaya ibinigay niya sa amin ang susi ng isang maliit na bodega kung saan kami puwedeng magpalipas ng gabi.

Isang gabi, napakadilim ng kapaligiran kaya hindi namin napansing napakarami palang malalaking itim na langgam sa pinagtayuan namin ng mga tent. Pinapak kami ng mga langgam. Pero hindi na namin kayang lumipat pa dahil sa sobrang pagod. Buti na lamang at nagsawa rin ang mga langgam sa kakakagat sa amin.

Sa umpisa, masakit sa likod ang mahiga sa lupa, pero nakatulog din kami nang lumalim na ang gabi. Kinaumagahan, napawi ang lahat ng pananakit ng aming katawan nang makita namin ang maringal na mga taluktok ng bundok na nababalot ng niyebe at ang napakagandang mga talampas na unti-unting tinatakpan ng mga ulap. Lagaslas lamang ng tubig sa batis at huni ng mga ibon ang maririnig doon.

Pagkatapos maligo sa batis, tinalakay namin ang isang teksto sa Bibliya. Saka kami nag-agahan at muling naglakad paahon sa ibang mga nayon. Sulit na sulit ang aming pagod. Nakasumpong kami ng isang may-edad nang babae na napaiyak nang malaman niyang nasa Bibliya pala ang pangalan ng Diyos na Jehova. Tuwang-tuwa siya dahil masasambit na niya ngayon ang pangalan ng Diyos sa kaniyang panalangin!

Isang may-edad nang lalaki ang nagsabing naalaala siya ng Diyos, at napakanta siya na sinasabing sugo kami ng mga anghel. Isa namang lalaki na may sakit at hindi makaalis ng kanilang bahay ang nagsabi sa amin na wala ni isang kanayon niya ang dumalaw sa kaniya. Nagulat siya nang malaman niyang galing pa kami ng La Paz. Isa pang lalaki ang labis na humanga dahil mga Saksi ni Jehova mismo ang dumadalaw sa mga tao sa kanilang bahay, samantalang mga kampana lamang ang ginagamit ng ibang relihiyon para mag-anyaya sa kanila.

Walang kuryente sa lugar na iyon, kaya natutulog na ang mga tao pagkagat ng dilim at gumigising sila pagputok ng araw. Upang maabutan ang mga tao sa kanilang bahay, kailangan naming magsimulang mangaral nang alas seis ng umaga. Kung hindi, nasa bukid na ang karamihan sa kanila. Handa namang huminto ang ilang nagtatrabaho para makinig sa aming mensahe mula sa Salita ng Diyos, marahil, para na rin mapahinga ang kanilang baka sa pag-aararo. Marami sa mga nasumpungan namin sa kanilang tahanan ang naglatag pa nga ng balahibo ng tupa para maupuan namin. Tinipon din nila ang kanilang pamilya para makinig. Ang ilan sa mga magsasaka ay nagbigay pa nga ng maraming mais bilang pasasalamat sa mga literatura sa Bibliya na iniwan namin sa kanila.

“Hindi Ninyo Ako Nakalimutan”

Sabihin pa, kailangang dalawing muli ang mga tao para sumulong ang kaalaman nila sa Bibliya. Marami ang nakiusap na bumalik kami para turuan pa sila. Dahil dito, ilang ulit kaming bumalik sa bahaging iyon ng Bolivia.

Nang minsang bumalik kami roon, natuwa ang isang may-edad nang babae at sinabi niya: “Parang mga anak ko na kayo. Hindi ninyo ako nakalimutan.” Isang lalaki ang nagpasalamat sa aming pagdalaw at inanyayahan niya kaming matulog sa kanilang bahay pagbalik namin. Tuwang-tuwa kaming malaman na isang babaing nakausap namin noon ang nasa lunsod na ngayon at nangangaral ng mabuting balita.

Sa huling araw ng unang pagpunta namin doon, naubusan kami ng gaas para sa aming lutuan, at paubos na rin ang baon naming pagkain. Namulot kami ng panggatong, niluto ang natitirang pagkain, at muling naglakad pauwi. Napakalayo pa namin mula sa abangan ng bus, kaya gabi na nang makarating kami roon.

Pag-uwi Namin

Nagkaaberya din ang biyahe namin pauwi dahil tumirik ang bus na sinasakyan namin. Di-nagtagal, pinaangkas kami sa isang trak na siksikan na sa mga tao. Muli kaming nagkaroon ng pagkakataon na mangaral sa ibang pasahero na nag-uusisa kung bakit kami naroroon. Likas na mahiyain ang mga tagaroon pero palakaibigan naman sila.

Pagkatapos ng siyam-na-oras na biyahe sakay ng trak, nakauwi rin kami​—basâ at nangangatog sa ginaw. Pero sulit naman ang aming biyahe dahil nakapagsaayos kami ng pag-aaral sa Bibliya sa isang babae na tagalunsod.

Isa ngang pribilehiyo na ihayag ang mabuting balita sa mga tao sa gayong liblib na mga lugar. Nakapangaral kami sa apat na nayon at maraming maliliit na baryo. Habang ginagawa namin iyon, naiisip namin ang mga salitang: “Pagkaganda-ganda sa ibabaw ng mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nagdadala ng mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti, na naghahayag ng kaligtasan.”​—Isa. 52:7; Roma 10:15.

[Larawan sa pahina 17]

Handang mangaral ng mabuting balita