Tinitingnan Mo ba ang Iba Ayon sa Pangmalas ni Jehova?
Tinitingnan Mo ba ang Iba Ayon sa Pangmalas ni Jehova?
“Huwag magkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa katawan . . . Ang mga sangkap nito ay magkaroon ng magkakatulad na pagmamalasakit sa isa’t isa.”—1 COR. 12:25.
1. Ano ang nadama mo nang mapabilang ka sa espirituwal na paraiso?
NANG lumabas tayo mula sa balakyot na sanlibutan at magsimulang makisama sa mga lingkod ni Jehova, malamang na tuwang-tuwa tayong madama ang mainit na pag-ibig at pagmamalasakit na nakikita sa kanila. Napakalaki nga ng kaibahan nila sa walang-galang, magagalitin, at palaaway na mga taong nasa ilalim ng impluwensiya ni Satanas! Napabilang tayo sa espirituwal na paraisong punô ng kapayapaan at pagkakaisa.—Isa. 48:17, 18; 60:18; 65:25.
2. (a) Ano ang posibleng makaapekto sa ating pangmalas sa iba? (b) Ano ang kailangan nating gawin?
2 Gayunman, dahil sa ating di-kasakdalan, baka nagiging negatibo na ang tingin natin sa mga kapatid habang lumilipas ang panahon. Baka pinalalaki na natin ang pagkakamali ng ating mga kapatid sa halip na tingnan ang kanilang magagandang katangian sa kabuuan. Sa madaling salita, nalilimutan na nating tingnan sila ayon sa pangmalas ni Jehova. Kapag nangyari ito sa atin, panahon na para suriin natin ang ating pangmalas sa iba, at iayon ito sa positibong pangmalas ni Jehova.—Ex. 33:13.
Kung Ano ang Tingin ni Jehova sa Ating mga Kapatid
3. Sa ano itinulad ng Bibliya ang kongregasyong Kristiyano?
3 Ayon sa ulat ng 1 Corinto 12:2-26, itinulad ni apostol Pablo ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano sa isang katawan na “maraming sangkap.” Kung paanong magkakaiba ang mga sangkap ng katawan, magkakaiba rin ang personalidad at kakayahan ng mga kapatid sa kongregasyon. Sa kabila nito, tinatanggap silang lahat ni Jehova. Iniibig niya at pinahahalagahan ang bawat indibiduwal. Kaya naman, pinapayuhan din tayo ni Pablo na “magkaroon ng magkakatulad na pagmamalasakit sa isa’t isa.” Maaaring mahirap itong gawin dahil magkakaiba ang ating personalidad.
4. Bakit posibleng kailanganin nating baguhin ang pangmalas natin sa ating mga kapatid?
4 Baka may tendensiya pa nga tayong puro kahinaan lamang ng ating mga kapatid ang pinagtutuunan natin ng pansin. Kung ganiyan tayo, para tayong tumitingin sa isang larawan, pero sa isang bahagi lamang tayo nakapokus. Sa kabaligtaran, mas malawak ang tingin ni Jehova. Tinitingnan niya ang kabuuan ng larawan. May tendensiya tayong ituon ang ating pansin sa mga bagay na hindi natin nagugustuhan, samantalang ang tinitingnan ni Jehova ay ang kabuuan ng pagkatao, kasama na ang lahat ng magagandang katangian ng isang indibiduwal. Habang patuloy nating sinisikap na tularan si Jehova, lalo nating maitataguyod ang pag-ibig at pagkakaisa sa loob ng kongregasyon.—Efe. 4:1-3; 5:1, 2.
5. Bakit hindi tamang hatulan ang iba?
5 Alam na alam ni Jesus na may tendensiya ang di-sakdal na mga tao na maging mapanghatol. Ganito ang kaniyang payo: “Huwag na kayong humatol upang hindi kayo mahatulan.” (Mat. 7:1) Pansinin na hindi sinabi ni Jesus: “Huwag kayong humatol”; sinabi niya: “Huwag na kayong humatol.” Alam niyang marami sa kaniyang mga tagapakinig ang namihasa na sa pamimintas sa iba. Posible kayang nagiging mapamintas na rin tayo? Kung mayroon tayong ganiyang tendensiya, dapat nating pagsikapang magbago para hindi tayo mahatulan ng iba. Sino nga ba tayo para hatulan ang isang inatasan ni Jehova o sabihing hindi siya dapat maging bahagi ng kongregasyon? Maaaring may ilang kahinaan ang isang kapatid, pero kung patuloy siyang tinatanggap ni Jehova, sino naman tayo para hindi siya tanggapin? (Juan 6:44) Talaga bang naniniwala tayong inaakay ni Jehova ang kaniyang organisasyon at na kapag kailangan ang ilang pagbabago, kikilos siya sa kaniyang takdang panahon?—Basahin ang Roma 14:1-4.
6. Ano ang nakikita ni Jehova sa kaniyang mga lingkod?
6 Ang kahanga-hanga kay Jehova, nakikita niya ang magagawa ng indibiduwal na mga Kristiyano kapag sakdal na sila sa bagong sanlibutan. Nakikita rin niya ang kanilang espirituwal na pagsulong. Kaya hindi niya pinagtutuunan ng pansin ang kahinaan ng bawat isa. Mababasa natin sa Awit 103:12: “Kung gaano kalayo ang sikatan ng araw sa lubugan ng araw, gayon kalayo niya inilalagay mula sa atin ang ating mga pagsalansang.” Isang bagay iyan na dapat ipagpasalamat ng bawat isa sa atin!—Awit 130:3.
7. Ano ang matututuhan natin sa pangmalas ni Jehova kay David?
7 Nakikita natin sa Kasulatan na talagang taglay ni Jehova ang kahanga-hangang kakayahan na pagtuunan ng pansin ang kapuri-puring mga katangian ng isang indibiduwal. Inilarawan ng Diyos si David bilang “aking lingkod na si David, na tumupad ng aking mga utos at lumakad na kasunod ko nang kaniyang buong puso sa pamamagitan ng paggawa lamang ng tama sa aking paningin.” (1 Hari 14:8) Sabihin pa, alam nating nagkasala si David nang ilang beses. Pero ang mabubuting katangian ni David ang pinagtuunan ni Jehova ng pansin, sapagkat alam niyang taglay ni David ang isang pusong tapat.—1 Cro. 29:17.
Tingnan ang Iyong mga Kapatid Gaya ng Pagtingin ni Jehova
8, 9. (a) Paano natin matutularan si Jehova? (b) Paano ito maaaring ilarawan, at anong aral ang matututuhan natin?
8 Nababasa ni Jehova ang mga puso, pero hindi natin iyon kayang gawin. Ito pa lamang ay isa nang magandang dahilan para hindi tayo maging mapanghatol. Hindi natin alam ang lahat ng motibo ng isang indibiduwal. Dapat nating pagsikapang tularan si Jehova sa pamamagitan ng hindi pagtutuon ng pansin sa mga kapintasan ng tao, yamang mawawala rin naman ang mga ito sa hinaharap. Hindi ba’t napakagandang tunguhin na tularan siya? Malaki ang maitutulong nito para magkaroon tayo ng mapayapang kaugnayan sa ating mga kapatid.—Efe. 4:23, 24.
9 Bilang paglalarawan, gunigunihin ang isang sira-sirang bahay—nakalaylay na ang mga alulod, basag-basag na ang mga salamin ng bintana, at lumulundo na ang kisame. Baka isipin ng marami na dapat na itong gibain dahil napakapangit nitong tingnan. Pero baka may isa na ibang-iba naman ang tingin. Baka nakikita niya na matibay pa ang kayarian nito at puwede pang ayusin. Binili niya ang bahay, inayos at pinaganda. Nang matapos ito, marami ang nagandahan dito. Maaari ba tayong maging gaya ng taong ito na nagsikap ayusin at pagandahin ang bahay? Sa halip na tingnan ang mga kapintasan ng ating mga kapatid, bakit hindi natin tingnan ang kanilang mabubuting katangian at ang kanilang potensiyal na sumulong sa espirituwal? Sa paggawa nito, matutularan natin si Jehova. Matututuhan nating ibigin ang ating mga kapatid dahil sa kanilang mahusay na espirituwalidad.—Basahin ang Hebreo 6:10.
10. Paano tayo matutulungan ng payo sa Filipos 2:3, 4?
10 Nagbigay si apostol Pablo ng payo na makatutulong sa ating kaugnayan sa lahat ng kapatid sa kongregasyon. Pinasisigla niya ang mga Kristiyano: “[Huwag gumawa] ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo, na itinutuon ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.” (Fil. 2:3, 4) Matutulungan tayo ng kapakumbabaan para magkaroon ng tamang pangmalas sa iba. Ang pagpapakita ng personal na interes sa iba at paghahanap ng mabubuti nilang katangian ay tutulong din sa atin na tingnan ang mga kapatid ayon sa pangmalas ni Jehova.
11. Anong mga pagbabago ang nakaapekto sa ilang kongregasyon?
11 Nitong nakalipas na mga taon, ang mga pagbabago sa daigdig ay nagdulot ng malawakang pandarayuhan. Ang ilang mga lunsod ay pinaninirahan na ngayon ng mga taong nagmula sa iba’t ibang lupain. Nagpakita ng interes sa katotohanan sa Bibliya ang ilang dayuhan sa ating lugar, at naging mananamba rin sila ni Jehova. Sila ay “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” (Apoc. 7:9) Bilang resulta, marami nang kongregasyon ang naging internasyonal, wika nga.
12. Anong pangmalas sa isa’t isa ang dapat nating panatilihin, at bakit mahirap itong gawin kung minsan?
12 Sa ating kongregasyon, baka kailanganin nating magbigay ng higit na pansin sa pagpapanatili ng tamang pangmalas sa isa’t isa. Upang magawa ito, dapat nating isaisip ang payo ni apostol Pedro na magpakita tayo ng “walang-pagpapaimbabaw na pagmamahal na pangkapatid” at “ibigin . . . ang isa’t isa nang masidhi mula sa puso.” (1 Ped. 1:22) Ang paglilinang ng tunay na pag-ibig at pagmamahal ay maaaring maging isang hamon sa isa na kabilang sa kongregasyong binubuo ng iba’t ibang lahi o kultura. Maaaring ibang-iba ang kultura ng ating mga kapuwa mananamba kaysa sa kultura natin, marahil pati ang kanilang pinag-aralan, katayuan sa buhay, at lahi. Nahihirapan ka bang unawain ang pag-iisip o pagkilos ng ilan sa kanila? Baka naman nahihirapan din sila sa iyo. Sa kabila nito, lahat tayo ay tinatagubilinan: “Magkaroon ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid.”—1 Ped. 2:17.
13. Anong mga pagbabago sa ating pag-iisip ang dapat nating gawin?
13 Baka kailangan nating gumawa ng ilang pagbabago sa ating pag-iisip para mapalawak ang pag-ibig natin sa lahat ng ating kapatid. (Basahin ang 2 Corinto 6:12, 13.) Napapansin ba natin ang ating sarili na nagsasabing “Hindi naman sa nagtatangi ako, pero . . . ” at pagkatapos ay bumabanggit ng ilang di-magagandang ugali na itinuturing nating karaniwan na sa isang partikular na lahi? Ipinahihiwatig ng gayong saloobin na kailangan nating alisin ang anumang pagtatanging kinikimkim natin. Maaari nating itanong sa ating sarili, ‘Sinisikap ko bang makipagkaibigan sa mga taong iba ang kultura?’ Tutulungan tayo ng pagsusuring ito sa sarili na tanggapin at higit na pahalagahan ang ating internasyonal na kapatiran.
14, 15. (a) Magbigay ng mga halimbawa ng mga taong nagbago ng kanilang pangmalas sa iba. (b) Paano natin sila matutularan?
14 Nagbibigay ang Bibliya ng maiinam na halimbawa ng mga taong nagbago ng kanilang pangmalas, isa na rito si apostol Pedro. Bilang isang Judio, hindi papasok si Pedro sa bahay ng isang Gentil. Isip-isipin na lamang ang kaniyang naramdaman nang hilingan siyang dalawin ang tahanan ng di-tuling Gentil na si Cornelio! Binago ni Pedro ang kaniyang saloobin dahil naunawaan niyang kalooban ng Diyos na mapabilang sa kongregasyong Kristiyano ang mga tao mula sa lahat ng bansa. (Gawa 10:9-35) Kinailangan din ni Saul, nakilala nang maglaon bilang si apostol Pablo, na baguhin ang kaniyang pangmalas at alisin ang anumang pagtatanging kaniyang nararamdaman. Inamin niyang kinapootan niya nang husto ang mga Kristiyano anupat “hanggang sa punto ng pagmamalabis ay patuloy [niyang] pinag-uusig ang kongregasyon ng Diyos at winawasak iyon.” Pero nang ituwid siya ng Panginoong Jesus, gumawa si Pablo ng malalaking pagbabago. Sa katunayan, nagpasakop pa nga siya sa pangangasiwa ng mga taong dati niyang pinag-usig.—Gal. 1:13-20.
15 Walang alinlangang makagagawa rin tayo ng mga pagbabago sa ating saloobin sa tulong ng espiritu ni Jehova. Kung may bahid ng pagtatangi sa ating sarili, sikapin nating alisin ang mga ito at “ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan.” (Efe. 4:3-6) Pinasisigla tayo ng Bibliya na “damtan [natin] ang [ating] sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”—Col. 3:14.
Tularan si Jehova sa Ating Ministeryo
16. Ano ang kalooban ng Diyos para sa mga tao?
16 “Walang pagtatangi ang Diyos,” ang isinulat ni apostol Pablo. (Roma 2:11) Layunin ni Jehova na maging mananamba niya ang mga tao mula sa lahat ng bansa. (Basahin ang 1 Timoteo .) Upang matupad ang layuning ito, isinaayos niya na maihayag ang “walang-hanggang mabuting balita . . . sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” ( 2:3, 4Apoc. 14:6) Sinabi ni Jesus: “Ang bukid ay ang sanlibutan.” (Mat. 13:38) Ano ang kahulugan nito sa iyo at sa iyong pamilya?
17. Paano natin matutulungan ang lahat ng uri ng tao?
17 Hindi lahat ay makapupunta sa malalayong lugar para dalhin ang mensahe ng Kaharian sa iba. Gayunman, baka nasa kalagayan naman tayong dalhin ang mensaheng ito sa mga dayuhang nakatira sa ating teritoryo. Alisto ba tayo sa mga pagkakataong makapagpatotoo sa lahat ng uri ng tao, hindi lamang sa mga napangaralan na natin sa nakalipas na mga taon? Bakit hindi mo pagsikapang makipag-usap sa mga taong hindi pa gaanong napangangaralan?—Roma 15:20, 21.
18. Gaano katindi ang pagmamalasakit ni Jesus sa mga tao?
18 Damang-dama ni Jesus ang pangangailangang tulungan ang lahat ng tao. Hindi siya nangaral sa isang lugar lamang. Sinasabi ng ulat sa Bibliya na siya ay “humayo sa paglilibot sa lahat ng mga lunsod at mga nayon.” At pagkatapos, “pagkakita sa mga pulutong ay nahabag siya sa kanila” at ipinahayag ang pangangailangang matulungan sila.—Mat. 9:35-37.
19, 20. Paano natin matutularan ang pagmamalasakit na ipinakita ni Jehova at ni Jesus para sa lahat ng uri ng tao?
19 Paano mo matutularan ang saloobing iyan? Sinisikap ng ilan na magpatotoo sa kanilang mga teritoryong bihirang gawin. Maaaring kasama rito ang mga lugar ng negosyo, pasyalan, istasyon ng pampublikong mga sasakyan, at pribadong mga gusali na hindi basta-basta napapasok. Sinisikap naman ng iba na mag-aral ng bagong wika para makapangaral sa ibang mga lahi na nakatira sa kanilang teritoryo o sa mga grupong hindi gaanong napangangaralan. Kapag binati mo sila sa kanilang sariling wika, maaaring malaki ang magawa nito para ipakitang talagang interesado ka sa kanilang kapakanan. Kung wala tayo sa kalagayang mag-aral ng bagong wika, maaari bang patibayin natin ang iba na gumagawa nito? Siyempre pa, ayaw nating pahinain ang kanilang loob o kuwestiyunin ang kanilang pagsisikap na mangaral sa mga tao mula sa ibang bansa. Lahat ng buhay ay mahalaga sa paningin ng Diyos, at gusto natin siyang tularan sa bagay na iyan.—Col. 3:10, 11.
20 Kung tinitingnan natin ang tao ayon sa pangmalas ng Diyos, mangangaral tayo sa lahat, anuman ang kanilang kalagayan. Maaaring ang ilan ay palaboy, marurungis, o imoral. Kung hindi maganda ang pakikitungo sa atin ng ilang indibiduwal, hindi ito dahilan para pintasan ang kanilang lahi o nasyonalidad. Hindi maganda ang pagtrato ng ilan kay Pablo, pero hindi iyon naging dahilan para hindi na siya mangaral sa mga taong iyon. (Gawa 14:5-7, 19-22) Nagtiwala siyang may mga indibiduwal na magpapahalaga sa dala niyang mensahe.
21. Kung ang pangmalas mo sa iba ay gaya ng pangmalas ni Jehova, paano ka matutulungan nito?
21 Kung gayon, napakalinaw nga na kailangan nating taglayin ang tamang pangmalas—ang pangmalas ni Jehova—sa ating kaugnayan sa lokal na mga kapatid, sa ating internasyonal na kapatiran, at sa mga tao sa larangan. Habang patuloy nating tinutularan ang pangmalas ni Jehova, lalo tayong makatutulong sa pagkakaroon ng kapayapaan at pagkakaisa. At mas malaki ang magagawa natin para matulungan ang iba na ibigin si Jehova, ang Diyos na “hindi nagpapakita ng pagtatangi,” kundi umiibig sa lahat “sapagkat silang lahat ay gawa ng kaniyang mga kamay.”—Job 34:19.
Masasagot Mo Ba?
• Anong pangmalas sa ating mga kapatid ang dapat nating iwasan?
• Paano natin matutularan si Jehova sa ating pangmalas sa mga kapatid?
• Anong mga aral ang natutuhan mo tungkol sa pangmalas natin sa ating internasyonal na kapatiran?
• Paano natin matutularan ang pangmalas ni Jehova sa mga tao pagdating sa ating ministeryo?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 26]
Paano mo kakaibiganin ang mga taong iba ang kultura?
[Mga larawan sa pahina 28]
Paano mo makakausap ang mas maraming tao tungkol sa mabuting balita?