Hilingin ang Patnubay ng Diyos sa Lahat ng Bagay
Hilingin ang Patnubay ng Diyos sa Lahat ng Bagay
“Ang Diyos na ito ay ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman. Siya ang papatnubay sa atin hanggang sa tayo ay mamatay.”—AWIT 48:14.
1, 2. Bakit natin dapat sundin ang patnubay ni Jehova sa halip na ang ating sariling karunungan, at anu-anong tanong ang bumabangon?
KAPAG pinag-iisipan natin ang mga bagay na walang kabuluhan o nakapipinsala, madali nating nadadaya ang ating sarili. (Kaw. 12:11) Kung talagang gusto nating gawin ang isang bagay na hindi dapat gawin ng isang Kristiyano, madalas na binibigyang-katuwiran iyon ng ating puso. (Jer. 17:5, 9) Kaya naman, nagpamalas ng karunungan ang salmista nang manalangin siya kay Jehova: “Isugo mo ang iyong liwanag at ang iyong katotohanan. Patnubayan nawa ako ng mga ito.” (Awit 43:3) Yamang si Jehova lamang ang pinakamahusay na mapagkukunan ng patnubay, kay Jehova siya nagtiwala at hindi sa kaniyang limitadong karunungan. Gaya ng salmista, makabubuting sa Diyos tayo humiling ng patnubay.
2 Pero bakit tayo makapagtitiwalang nakahihigit sa lahat ang patnubay ni Jehova? Kailan natin ito dapat hilingin? Anu-anong katangian ang dapat nating linangin upang makinabang dito, at paano tayo pinapatnubayan ni Jehova sa ngayon? Ang mahahalagang tanong na ito ang pag-uusapan natin sa artikulong ito.
Bakit Tayo Makapagtitiwala sa Patnubay ni Jehova?
3-5. Bakit tayo lubos na makapagtitiwala sa patnubay ni Jehova?
3 Si Jehova ang ating makalangit na Ama. (1 Cor. 8:6) Kilalang-kilala niya ang bawat isa sa atin at nababasa niya ang laman ng ating puso. (1 Sam. 16:7; Kaw. 21:2) Sinabi ni Haring David sa Diyos: “Nalalaman mo rin ang aking pag-upo at ang aking pagtayo. Isinaalang-alang mo ang aking kaisipan mula sa malayo. Sapagkat wala pa mang salita sa aking dila, ngunit, narito! O Jehova, alam mo nang lahat iyon.” (Awit 139:2, 4) Yamang kilalang-kilala tayo ni Jehova, ano pa ang dahilan para pag-alinlanganan natin na alam niya kung ano ang pinakamabuti para sa atin? Bukod diyan, si Jehova ang marunong-sa-lahat. Nakikita niya ang lahat ng bagay, nakikita niya ang di-nakikita ng sinumang tao, at alam niya ang wakas mula pa sa pasimula. (Isa. 46:9-11; Roma 11:33) Siya ang ‘Diyos na tanging marunong.’—Roma 16:27.
4 Karagdagan pa, iniibig tayo ni Jehova at handa niyang ibigay ang pinakamabuti para sa atin. (Juan 3:16; 1 Juan 4:8) Bilang maibiging Diyos, bukas-palad siya sa atin. Sumulat ang alagad na si Santiago: “Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo ay mula sa itaas, sapagkat bumababa ito mula sa Ama ng makalangit na mga liwanag.” (Sant. 1:17) Lahat ng nagpapaakay sa Diyos ay lubos na makikinabang sa kaniyang pagkabukas-palad.
5 Bilang panghuli, si Jehova ang makapangyarihan sa lahat. Tungkol dito, sinabi ng salmista: “Ang sinumang tumatahan sa lihim na dako ng Kataas-taasan ay makasusumpong ng kaniyang matutuluyan sa pinakalilim ng Makapangyarihan-sa-lahat. Sasabihin ko kay Jehova: ‘Ikaw ang aking kanlungan at aking moog, ang aking Diyos, na pagtitiwalaan ko.’” (Awit 91:1, 2) Kapag sinusunod natin ang patnubay ni Jehova, nanganganlong tayo sa isang Diyos na hindi kailanman mabibigo. Inaalalayan tayo ni Jehova kahit sa harap ng mga pagsalansang. Hindi niya tayo pababayaan. (Awit 71:4, 5; Basahin ang Kawikaan 3:19-26.) Oo, alam ni Jehova kung ano ang pinakamabuti para sa atin, gusto niyang ibigay ang pinakamabuti para sa atin, at kaya niyang ibigay ang pinakamabuti para sa atin. Isa ngang malaking kamangmangan kung hindi natin susundin ang kaniyang patnubay! Pero kailan natin kailangan ang patnubay na iyan?
Kailan Natin Kailangan ang Patnubay?
6, 7. Kailan natin kailangan ang patnubay ni Jehova?
6 Ang totoo, buong-buhay nating kailangan ang patnubay ng Diyos, mula pagkabata hanggang sa pagtanda. Sinabi ng salmista: “Ang Diyos na ito ay ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman. Siya ang papatnubay sa atin hanggang sa tayo ay mamatay.” (Awit 48:14) Gaya ng salmista, hindi kailanman titigil ang matatalinong Kristiyano sa paghiling ng patnubay ng Diyos.
7 Mangyari pa, may mga panahong kailangang-kailangan natin ng tulong. Kung minsan, nararanasan nating tayo’y nasa “kagipitan,” dahil marahil sa pag-uusig, malubhang karamdaman, o biglang pagkawala ng trabaho. (Awit 69:16, 17) Sa gayong mga pagkakataon, nakaaaliw na manalangin kay Jehova, anupat umaasang tayo’y kaniyang palalakasin para makapagbata at papatnubayan para makapagdesisyon nang tama. (Basahin ang Awit 102:17.) Pero kailangan din natin ang tulong niya sa iba pang mga pagkakataon. Halimbawa, kapag ipinakikipag-usap natin ang mabuting balita ng Kaharian sa ating kapuwa, kailangan natin ang patnubay ni Jehova para maging mabisa ang ating pagpapatotoo. At kung kailangan tayong magdesisyon—ito man ay tungkol sa paglilibang, pananamit at pag-aayos, pakikipagkaibigan, trabaho, edukasyon, o anumang bagay—isang katalinuhan para sa atin na sundin ang mga pamantayan ni Jehova. Oo, kailangan natin ng patnubay sa lahat ng pagkakataon.
Mga Panganib Kung Hindi Hihilingin ang Patnubay ng Diyos
8. Ano ang ipinahihiwatig ng pagkain ni Eva ng ipinagbabawal na bunga?
8 Pero tandaan natin na kailangang bukal sa ating kalooban ang pagsunod sa patnubay ni Jehova. Hindi tayo pinipilit ng Diyos na sumunod kung ayaw natin. Ang unang taong hindi sumunod sa patnubay ni Jehova ay si Eva, at nakita natin kung gaano kasaklap ang ibinunga nito. Pag-isipan din natin ang ipinahihiwatig ng ikinilos ni Eva. Kinain niya ang ipinagbabawal na bunga dahil gusto niyang maging “tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” (Gen. 3:5) Sa paggawa nito, inangkin niya ang papel ng Diyos, anupat siya ang nagdesisyon kung ano ang mabuti at masama sa halip na sundin ang mga tagubilin ni Jehova. Sa gayon, hindi niya kinilala ang soberanya ni Jehova. Gusto niyang siya ang masunod. Naging rebelyoso rin ang kaniyang asawang si Adan.—Roma 5:12.
9. Kung itinatakwil natin ang patnubay ni Jehova, ano sa diwa ang ginagawa natin, at bakit isa itong malaking kamangmangan?
9 Sa ngayon, kung hindi tayo sumusunod sa patnubay ni Jehova, hindi rin natin kinikilala ang kaniyang soberanya. Halimbawa, tingnan natin ang isang taong namimihasa sa panonood ng pornograpya. Kung kaugnay siya sa kongregasyong Kristiyano, alam niya ang mga tagubilin ni Jehova tungkol sa bagay na ito. Ang maruruming bagay ay hindi dapat mabanggit man lamang, at lalo nang hindi ito dapat panoorin nang may pagnanasa. (Efe. 5:3) Kung itinatakwil ng isa ang mga tagubilin ni Jehova, hindi niya kinikilala ang soberanya ni Jehova, at tinatanggihan niya ang Kaniyang pagkaulo. (1 Cor. 11:3) Isa nga itong malaking kamangmangan, dahil gaya ng sinabi ni Jeremias, “hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.”—Jer. 10:23.
10. Bakit tayo dapat maging responsable sa paggamit ng ating kalayaang magpasiya?
10 Baka may kumuwestiyon sa sinabi ni Jeremias, anupat ikinakatuwiran nilang hindi na tayo dapat panghimasukan ni Jehova sa gusto nating gawin yamang binigyan na niya tayo ng kalayaang magpasiya. Pero tandaan natin na ang malayang pagpapasiya ay isang responsibilidad at kaloob. Mananagot tayo sa ating sasabihin at gagawin. (Roma 14:10) Sinabi ni Jesus: “Mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.” Sinabi rin niya: “Mula sa puso ay nanggagaling ang mga balakyot na pangangatuwiran, mga pagpaslang, mga pangangalunya, mga pakikiapid, mga pagnanakaw, mga bulaang patotoo, mga pamumusong.” (Mat. 12:34; 15:19) Samakatuwid, makikita sa ating mga salita at gawa ang laman ng ating puso. Ipinakikita nito kung sino talaga tayo. Iyan ang dahilan kung bakit ang isang matalinong Kristiyano ay humihiling ng patnubay ni Jehova sa lahat ng bagay. Sa ganitong paraan, nakikita ni Jehova na ‘matuwid ang kaniyang puso’ at ‘gagawan siya ng mabuti.’—Awit 125:4.
11. Ano ang matututuhan natin sa kasaysayan ng Israel?
11 Balikan natin ang kasaysayan ng Israel. Kapag tama ang pasiya ng bansang iyon, anupat sinusunod ang mga utos ni Jehova, iniingatan sila ni Jehova. (Jos. 24:15, 21, 31) Pero madalas na mali ang paggamit nila ng kanilang kalayaang magpasiya. Noong panahon ni Jeremias, ganito ang sinabi ni Jehova tungkol sa kanila: “Hindi sila nakinig, ni ikiniling man nila ang kanilang pandinig, kundi lumakad sila sa mga panukala ayon sa pagkasutil ng kanilang masamang puso, anupat naging paurong sila at hindi pasulong.” (Jer. 7:24-26) Nakalulungkot nga! Huwag sanang mangyari kailanman na dahil sa ating kasutilan o pagpapalugod sa sarili ay itakwil natin ang patnubay ni Jehova at lumakad ayon sa ating sariling mga panukala at sa gayon ay maging ‘paurong tayo at hindi pasulong’!
Ano ang Kailangan Para Makasunod sa Payo ng Diyos?
12, 13. (a) Anong katangian ang kailangan upang maudyukan tayong sumunod sa patnubay ni Jehova? (b) Bakit napakahalaga ng pananampalataya?
12 Dahil iniibig natin si Jehova, gusto nating sundin ang kaniyang patnubay. (1 Juan 5:3) Pero may binanggit si Pablo na isa pang bagay na kailangan natin nang sabihin niya: “Lumalakad kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.” (2 Cor. 5:6, 7) Bakit mahalaga ang pananampalataya? Buweno, inaakay tayo ni Jehova sa “mga landas ng katuwiran,” pero ang mga landas na iyon ay hindi aakay sa pagyaman o pagkakaroon ng mataas na katayuan sa buhay na ito. (Awit 23:3) Dahil dito, ang mata ng ating pananampalataya ay kailangang nakatuon sa walang-kapantay na espirituwal na mga pagpapalang dulot ng paglilingkod kay Jehova. (Basahin ang 2 Corinto 4:17, 18.) At dahil sa pananampalataya, kontento na tayo sa pagkakaroon ng pangunahing mga pangangailangan sa buhay.—1 Tim. 6:8.
13 Sinabi ni Jesus na bahagi na ng tunay na pagsamba ang pagsasakripisyo, at kailangan dito ng pananampalataya. (Luc. 9:23, 24) May ilang tapat na mananambang nakagawa na ng matitinding sakripisyo, anupat tinitiis ang karalitaan, paniniil, pagtatangi, at matitinding pag-uusig pa nga. (2 Cor. 11:23-27; Apoc. 3:8-10) Dahil sa kanilang matibay na pananampalataya, nagawa nila ito nang may kagalakan. (Sant. 1:2, 3) Tumutulong sa atin ang pagkakaroon ng matibay na pananampalataya upang lubusang magtiwala na ang pagsunod sa patnubay ni Jehova ang palaging pinakamahusay sa lahat. Ito’y palaging para sa ating walang-hanggang kapakinabangan. Nakatitiyak tayong di-hamak na mas nakahihigit kaysa sa anumang pansamantalang pagdurusa ang gantimpalang naghihintay sa mga tapat na nagbabata.—Heb. 11:6.
14. Bakit kailangang magpakita si Hagar ng kapakumbabaan?
14 Isaalang-alang din natin ang papel ng kapakumbabaan sa pagsunod sa patnubay ni Jehova. Inilalarawan ito ng nangyari kay Hagar, ang alila ni Sara. Nang hindi magkaanak si Sara, ibinigay niya si Hagar kay Abraham, at dinala ni Hagar sa kaniyang sinapupunan ang anak ni Abraham. Nang maglaon, naging mapagmataas si Hagar sa baog niyang amo na si Sara. Dahil dito, “pinasimulan itong hiyain” ni Sara kung kaya tumakas si Hagar. Kinausap ng anghel ni Jehova si Hagar: “Bumalik ka sa iyong among babae at magpakumbaba ka sa ilalim ng kaniyang kamay.” (Gen. 16:2, 6, 8, 9) Para masunod niya ang sinabi ng anghel, kailangan niyang alisin ang kaniyang pagiging mapagmataas. Maaaring hindi nagustuhan ni Hagar ang payong ito. Gayunman, mapagpakumbaba niyang sinunod ang anghel, kung kaya isinilang niya ang kaniyang anak na si Ismael sa loob ng kampamento ni Abraham.
15. Banggitin ang ilang situwasyon sa ngayon kung saan kailangan nating magpakumbaba para makasunod sa patnubay ni Jehova.
15 Baka kailangan din nating magpakumbaba para makasunod sa patnubay ni Jehova. Baka kailangang aminin ng ilan na ang paglilibang na gustung-gusto nila ay hindi nakalulugod kay Jehova. Baka nakasakit ng damdamin ang isang Kristiyano at kailangan niyang humingi ng tawad. O baka nagkamali siya at kailangang aminin niya ito. Paano kung may isang nakagawa ng malubhang kasalanan? Kailangan niyang magpakumbaba at ipagtapat ang kaniyang kasalanan sa mga elder. Posible pa ngang matiwalag ang isang indibiduwal. Para makabalik sa kongregasyon, dapat siyang magsisi at manumbalik nang may pagpapakumbaba. Sa lahat ng ito at iba pang katulad na mga situwasyon, nakaaaliw ang mga salita sa Kawikaan 29:23: “Ang makalupang tao ay pagpapakumbabain ng kaniya mismong kapalaluan, ngunit siyang may mapagpakumbabang espiritu ay tatangan sa kaluwalhatian.”
Paano Tayo Pinapatnubayan ni Jehova?
16, 17. Paano tayo lubos na makikinabang sa Bibliya bilang pinagmumulan ng patnubay ng Diyos?
16 Ang pangunahing pinagmumulan ng patnubay ng Diyos ay ang Bibliya, ang kinasihang Salita ng Diyos. (Basahin ang 2 Timoteo 3:16, 17.) Para lubos na makinabang sa Salita ng Diyos, isang katalinuhan na huwag nang hintayin pang magkaproblema bago magbasa ng kapaki-pakinabang na mga salita sa Kasulatan. Sa halip, ugaliin nating magbasa ng Bibliya araw-araw. (Awit 1:1-3) Kung gagawin natin ito, magiging pamilyar tayo sa mga kinasihang salita. Ang kaisipan ng Diyos ay magiging kaisipan natin, at magiging handa tayo sa pagharap maging sa di-inaasahang mga problema.
17 Bukod diyan, mahalaga ring magbulay-bulay sa ating binabasa sa Kasulatan at manalangin kasuwato nito. Kapag minumuni-muni natin ang mga talata ng Bibliya, pinag-iisipan natin kung paano ito maaaring ikapit sa ilang partikular na situwasyon. (1 Tim. 4:15) Kapag napapaharap tayo sa malulubhang problema, nananalangin tayo kay Jehova, at humihiling na makita sana natin ang patnubay na kailangan natin. Ipinaaalaala sa atin ng espiritu ni Jehova ang kapaki-pakinabang na mga simulain sa Kasulatan na nabasa natin sa Bibliya mismo o sa mga publikasyong salig sa Bibliya.—Basahin ang Awit 25:4, 5.
18. Paano ginagamit ni Jehova ang kapatirang Kristiyano para patnubayan tayo?
18 Ang isa pang mahalagang pinagmumulan ng patnubay ni Jehova ay ang ating kapatirang Kristiyano. Ang pangunahing bahagi ng kapatirang ito ay ang “tapat at maingat na alipin” na kinakatawanan ng Lupong Tagapamahala, na naglalaan ng patuluyang suplay ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng mga publikasyon at programa para sa mga pulong at asamblea. (Mat. 24:45-47; ihambing ang Gawa 15:6, 22-31.) Bukod diyan, kabilang sa kapatirang Kristiyano ang may-gulang na mga indibiduwal, lalo na ang mga elder, na may kakayahang magbigay ng personal na tulong at payo mula sa Kasulatan. (Isa. 32:1) Para naman sa mga kabataan sa loob ng sambahayang Kristiyano, may iba pa silang mahihingan ng tulong. Ang kani-kanilang sumasampalatayang mga magulang ay may bigay-Diyos na awtoridad at palaging hinihimok ang mga kabataan na humiling ng patnubay sa kanilang mga magulang.—Efe. 6:1-3.
19. Anong mga pagpapala ang nakakamit natin dahil sa patuloy na paghiling ng patnubay ni Jehova?
19 Oo, pinapatnubayan tayo ni Jehova sa iba’t ibang paraan, at makabubuting samantalahin natin ito nang lubusan. Nang masumpungang tapat ang Israel, sinabi ni Haring David: “Sa iyo nagtiwala ang aming mga ama; nagtiwala sila, at lagi mo silang pinaglalaanan ng pagtakas. Sa iyo sila dumaing, at nakaligtas sila; sa iyo sila nagtiwala, at hindi sila napahiya.” (Awit 22:3-5) Kung pagtitiwalaan natin at susundin ang patnubay ni Jehova, ‘hindi rin tayo mapapahiya.’ Hindi mabibigo ang ating pag-asa. Kung ‘igugulong natin kay Jehova ang ating lakad,’ sa halip na iasa sa ating sariling karunungan, ang kapalit nito’y saganang pagpapala ngayon pa lamang. (Awit 37:5) At kung magiging tapat tayo at matiyaga sa pagsunod kay Jehova, ang mga pagpapalang iyan ay makakamit natin magpakailanman. Sumulat si Haring David: “Si Jehova ay maibigin sa katarungan, at hindi niya iiwan ang kaniyang mga matapat. Hanggang sa panahong walang takda ay tiyak na babantayan sila . . . Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:28, 29.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Bakit tayo nagtitiwala sa patnubay ni Jehova?
• Ano ang ipinahihiwatig ng pagtatakwil sa patnubay ni Jehova?
• Anu-ano ang ilang situwasyon kung saan kakailanganin ng isang Kristiyano ang kapakumbabaan?
• Paano tayo pinapatnubayan ni Jehova sa ngayon?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 8]
Umaasa ka ba kay Jehova sa lahat ng pitak ng iyong buhay?
[Larawan sa pahina 9]
Hindi kinilala ni Eva ang soberanya ni Jehova
[Larawan sa pahina 10]
Anong katangian ang kailangan ni Hagar para masunod niya ang tagubilin ng anghel?