Itakwil ang “mga Bagay na Walang Kabuluhan”
Itakwil ang “mga Bagay na Walang Kabuluhan”
“Ang nagtataguyod ng mga bagay na walang kabuluhan ay kapos ang puso.”—KAW. 12:11.
1. Ano ang ilan sa ating mahahalagang pag-aari, at ano ang pinakamahusay na paraan ng paggamit sa mga ito?
TAYONG lahat ay may iba’t ibang mahahalagang pag-aari. Maaaring kasama rito ang kalusugan at kalakasan, likas na talino, o kayamanan. Dahil mahal natin si Jehova, nagagalak tayong gamitin ang mga ito sa paglilingkod sa kaniya at sa gayo’y nakatutugon tayo sa kinasihang payo: “Parangalan mo si Jehova ng iyong mahahalagang pag-aari.”—Kaw. 3:9.
2. Anong babala ang ibinibigay ng Bibliya hinggil sa mga bagay na walang kabuluhan, at paano ito kumakapit sa literal na diwa?
2 Sa kabilang dako, may binabanggit ang Bibliya na mga bagay na walang kabuluhan at nagbababala ito na huwag nating sayangin ang ating mga tinatangkilik sa paghahabol sa mga ito. Pag-isipan natin ang sinasabi ng Kawikaan 12:11 tungkol dito: “Ang nagsasaka ng kaniyang lupa ay mabubusog din sa tinapay, ngunit ang nagtataguyod ng mga bagay na walang kabuluhan ay kapos ang puso.” Madaling maunawaan kung paano kumakapit ang payong iyan sa literal na diwa. Kung ginugugol ng isang tao ang kaniyang panahon at lakas sa masikap na pagtatrabaho para suportahan ang kaniyang pamilya, malamang na magkaroon siya ng isang antas ng katiwasayan. (1 Tim. 5:8) Pero kung inaaksaya niya ang kaniyang mga tinataglay sa pagtataguyod ng mga bagay na walang kabuluhan, ipinakikita niyang “kapos ang puso” niya, anupat walang makatuwirang pagpapasiya at layunin sa buhay. Ang gayong tao ay malamang na maging kapos sa materyal.
3. Paano kumakapit sa ating pagsamba ang babala ng Bibliya hinggil sa mga bagay na walang kabuluhan?
3 Ano naman kaya ang ibubunga kung ikakapit natin ang simulain ng kawikaang iyan sa ating pagsamba? Makikita natin na may tunay na katiwasayan ang isang Kristiyanong masikap at matapat na naglilingkod kay Jehova. Makapagtitiwala siya sa pagpapala ng Diyos ngayon at mayroon siyang tiyak na pag-asa sa hinaharap. (Mat. 6:33; 1 Tim. 4:10) Pero ang isang Kristiyanong nagagambala ng mga bagay na walang kabuluhan ay nagsasapanganib ng kaniyang kaugnayan kay Jehova at pag-asang mabuhay magpakailanman. Paano natin ito maiiwasan? Kailangan nating malaman ang mga bagay na “walang kabuluhan” at maging determinado tayong itakwil ang mga ito.—Basahin ang Tito 2:11, 12.
4. Sa pangkalahatan, ano ang mga bagay na walang kabuluhan?
4 Kung gayon, ano ang mga bagay na walang kabuluhan? Sa pangkalahatan, ang mga ito ay maaaring tumukoy sa anumang bagay na nakagagambala sa ating buong-kaluluwang paglilingkod kay Jehova. Halimbawa, maaaring kasama rito ang iba’t ibang uri ng paglilibang. Siyempre pa, hindi naman masama ang paglilibang. Pero kung sobra na ang panahong ginugugol natin sa “pagpapasarap sa buhay” at napapabayaan na natin ang ating pagsamba, nagiging walang kabuluhan ang paglilibang anupat nakapipinsala ito sa ating espirituwalidad. (Ecles. 2:24; 4:6) Para maiwasan iyan, sinisikap ng isang Kristiyano na maging timbang anupat binabantayan niya kung paano niya ginugugol ang kaniyang mahalagang panahon. (Basahin ang Colosas 4:5.) Pero mayroon pang mga bagay na walang kabuluhan na mas mapanganib kaysa sa paglilibang. Kasama na rito ang huwad na mga diyos.
Itakwil ang Walang-Silbing mga Diyos
5. Saan karaniwang iniuugnay ng Bibliya ang salitang ‘walang silbi,’ o walang kabuluhan?
5 Kapansin-pansin na kapag lumilitaw ang mga salitang ‘walang silbi,’ o walang kabuluhan, sa karamihan ng mga teksto sa Bibliya, iniuugnay ito sa huwad na mga diyos. Halimbawa, sinabi ni Jehova sa Israel: “Huwag kayong gagawa ng walang-silbing mga diyos para sa inyong sarili, at huwag kayong magtatayo ng inukit na imahen o ng sagradong haligi para sa inyong sarili, at huwag kayong maglalagay ng isang bato bilang rebulto sa inyong lupain upang yukuran ito.” (Lev. 26:1) Sumulat si Haring David: “Si Jehova ay dakila at lubhang marapat na purihin, at siya ay marapat katakutan nang higit kaysa sa lahat ng iba pang diyos. Sapagkat ang lahat ng diyos ng mga bayan ay walang-silbing mga diyos. Kung tungkol kay Jehova, ginawa niya ang langit.”—1 Cro. 16:25, 26.
6. Bakit walang kabuluhan ang huwad na mga diyos?
6 Gaya ng iniulat ni David, napalilibutan tayo ng mga katibayan ng kadakilaan ni Jehova. (Awit 139:14; 148:1-10) Kaylaking pribilehiyo nga para sa mga Israelita ang pakikipagtipan kay Jehova! Napakalaking kamangmangan nga na tumalikod sila sa kaniya at yumukod sa inukit na mga imahen at sagradong haligi! Sa panahon ng kagipitan, napatunayang walang kabuluhan ang kanilang huwad na mga diyos, anupat wala silang kapangyarihang iligtas ang kanilang sarili pati na ang kanilang mga mananamba.—Huk. 10:14, 15; Isa. 46:5-7.
7, 8. Paano maaaring maging diyos ang “Kayamanan”?
7 Sa maraming lupain ngayon, yumuyukod pa rin ang mga tao sa mga imaheng gawa ng tao, at ang gayong mga diyos ay wala ring magagawa ngayon kung paanong wala silang nagawa noon. (1 Juan 5:21) Pero may inilalarawan ang Bibliya na mga diyos bukod pa sa mga imahen. Halimbawa, pansinin ang mga salitang ito ni Jesus: “Walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon; sapagkat alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o pipisan siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.”—Mat. 6:24.
8 Paano maaaring maging diyos ang “Kayamanan”? Kunin nating halimbawa ang isang bato sa kabukiran sa sinaunang Israel. Ang gayong bato ay puwedeng gamitin sa pagtatayo ng bahay o pader. Sa kabilang dako, kapag iyon ay ginawang isang “sagradong haligi” o “rebulto,” iyon ay nagiging katitisuran sa bayan ni Jehova. (Lev. 26:1) Sa katulad na paraan, hindi naman masama ang pera. Kailangan natin ito para mabuhay, at magagamit natin ito sa kapaki-pakinabang na paraan sa paglilingkod kay Jehova. (Ecles. 7:12; Luc. 16:9) Pero kung ang uunahin natin ay ang paghahanap ng pera sa halip na ang ating Kristiyanong paglilingkod, para na rin nating ginawang diyos ang pera. (Basahin ang 1 Timoteo 6:9, 10.) Sa daigdig na ito na puro pagpapayaman ang nasa isip ng mga tao, kailangan nating tiyakin na balanse pa rin ang ating pananaw hinggil dito.—1 Tim. 6:17-19.
9, 10. (a) Ano ang pananaw ng isang Kristiyano sa edukasyon? (b) Ano ang panganib sa pagkuha ng mataas na edukasyon?
9 Ang isa pang halimbawa ng kapaki-pakinabang na bagay na maaaring maging walang kabuluhan ay ang sekular na edukasyon. Gusto nating makapag-aral ang ating mga anak para makapagtrabaho sila. Mas mahalaga pa rito, ang isang Kristiyanong nakapag-aral ay mas madaling makababasa ng Bibliya nang may unawa, makapagtitimbang-timbang ng mga problema upang makapagpasiya nang tama, at makapagtuturo ng Bibliya sa maliwanag at mabisang paraan. Oo nga’t kumukuha ng panahon ang pag-aaral pero sulit naman ito.
10 Pero kumusta naman ang mataas na edukasyong makukuha sa kolehiyo o unibersidad? Para sa karamihan, ito ang susi sa tagumpay. Pero napupuno lamang ng nakapipinsalang propaganda ang isipan ng marami sa mga kumukuha ng gayong edukasyon. Dahil sa gayong edukasyon, nasasayang tuloy ang mahahalagang taon ng kabataan na magagamit sana sa pinakamahusay na paraan—sa paglilingkod kay Jehova. (Ecles. 12:1) Hindi nga kataka-taka na sa mga lupain kung saan marami ang kumukuha ng mataas na edukasyon, napakaliit lamang ng bilang ng mga taong naniniwala sa Diyos. Sa halip na umasa sa makabagong sistema ng edukasyon ng sanlibutang ito para sa seguridad, ang isang Kristiyano ay nagtitiwala kay Jehova.—Kaw. 3:5.
Huwag Gawing Diyos ang Makalamang Pagnanasa
11, 12. Bakit sinabi ni Pablo ang ganitong bagay tungkol sa ilang tao: “Ang diyos nila ay ang kanilang tiyan”?
11 Sa kaniyang liham sa mga taga-Filipos, tinukoy ni apostol Pablo ang isa pang bagay na maaaring maging diyos. Ganito ang sinabi niya tungkol sa mga dating kapananampalataya: “Marami, madalas ko silang binabanggit noon ngunit ngayon ay binabanggit ko rin sila na may pagtangis, ang lumalakad bilang mga kaaway ng pahirapang tulos ng Kristo, at ang katapusan nila ay pagkapuksa, at ang diyos nila ay ang kanilang tiyan, . . . at ang mga kaisipan nila ay nasa mga bagay na nasa lupa.” (Fil. 3:18, 19) Paano masasabing puwedeng maging diyos ang tiyan ng isang tao?
12 Lumilitaw na para sa mga kakilalang iyon ni Pablo, mas ginusto nilang magpatangay sa makalamang pagnanasa kaysa maglingkod kay Jehova kasama ni Pablo. Ang ilan ay baka literal na nagpakalabis sa pagkain o pag-inom hanggang sa maging matakaw o lasenggo. (Kaw. 23:20, 21; ihambing ang Deuteronomio 21:18-21.) Maaaring sinamantala naman ng iba noong unang-siglo ang lahat ng pagkakataon para umasenso at magpasarap sa buhay kung kaya isinaisantabi nila ang paglilingkod kay Jehova. Huwag na huwag sana nating hayaang maapektuhan ng pagnanasa sa diumano’y masarap na buhay ang ating buong-kaluluwang paglilingkod kay Jehova.—Col. 3:23, 24.
13. (a) Ano ang kaimbutan, at paano ito inilarawan ni Pablo? (b) Paano natin maiiwasan ang kaimbutan?
13 Binanggit din ni Pablo ang tungkol sa isa pang aspekto ng huwad na pagsamba. Sumulat siya: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya.” (Col. 3:5) Ang kaimbutan ay ang matinding pagnanasa sa isang bagay na hindi natin taglay. Puwede itong sa materyal na mga bagay. Maaari ding kasama rito ang bawal na pagnanasa sa sekso. (Ex. 20:17) Aba, nakapangingilabot ngang isipin na ang gayong mga pagnanasa ay katumbas na ng idolatriya o pagsamba sa huwad na diyos! Gumamit si Jesus ng malinaw na paglalarawan upang ipakita na napakahalagang gawin ang buong makakaya, gaanuman ito kahirap, para pigilin ang gayong maling pagnanasa.—Basahin ang Marcos 9:47; 1 Juan 2:16.
Mag-ingat sa mga Salitang Walang Kabuluhan
14, 15. (a) Anong “walang-kabuluhang bagay” ang naging katitisuran para sa marami noong panahon ni Jeremias? (b) Bakit mahalaga ang mga salita ni Moises?
14 Kabilang din sa mga bagay na walang kabuluhan ang mga salita. Halimbawa, sinabi ni Jehova kay Jeremias: “Kabulaanan ang inihuhula ng mga propeta sa aking pangalan. Hindi ko sila isinugo, ni inutusan ko man sila o nagsalita sa kanila. Isang bulaang pangitain at panghuhula at isang walang-kabuluhang bagay at ang pandaraya ng kanilang puso ang sinasalita nila sa inyo bilang hula.” (Jer. 14:14) Inangkin ng mga bulaang propetang iyon na nagsasalita sila sa pangalan ni Jehova, pero ang itinataguyod nila ay ang kanilang sariling kaisipan, ang kanilang sariling karunungan. Sa gayon, ang kanilang mga salita ay “isang walang-kabuluhang bagay.” Walang kuwenta ang mga ito at isinasapanganib nito ang espirituwalidad ng isang lingkod ng Diyos. Noong 607 B.C.E., marami sa mga nakinig sa gayong mga salitang walang kabuluhan ang dumanas ng maagang kamatayan sa kamay ng mga sundalo ng Babilonya.
15 Kabaligtaran nito, sinabi ni Moises sa mga Israelita: “Ituon ninyo ang inyong mga puso sa lahat ng mga salita na sinasalita ko bilang babala sa inyo ngayon . . . Sapagkat hindi ito walang-kabuluhang salita para sa inyo, kundi nangangahulugan ito ng inyong buhay, at sa pamamagitan ng salitang ito ay mapahahaba ninyo ang inyong mga araw sa ibabaw ng lupa na tatawirin ninyo sa Jordan upang ariin.” (Deut. 32:46, 47) Oo, ang mga salita ni Moises ay kinasihan ng Diyos. Kaya mahalaga ang mga iyon, sa katunayan, kailangan iyon para sa kapakanan ng bansa. Ang mga sumunod doon ay nabuhay nang mahaba at sagana. Lagi sana nating itakwil ang mga salitang walang kabuluhan at manghawakan sa mahahalagang salita ng katotohanan.
16. Ano ang pananaw natin sa sinasabi ng mga siyentipiko na salungat sa Salita ng Diyos?
16 May naririnig din ba tayong mga walang-kabuluhang salita sa ngayon? Oo. Halimbawa, sinasabi ng ilang siyentipiko na ang teoriya ng ebolusyon at mga tuklas ng siyensiya sa ibang larangan ay nagpapakitang hindi na kailangan pang maniwala sa Diyos at maipaliliwanag ang lahat sa pamamagitan ng mga proseso ng kalikasan. Dapat ba tayong maapektuhan ng gayong mapagmataas na mga salita? Siyempre hindi! Iba ang karunungan ng Diyos sa karunungan ng tao. (1 Cor. 2:6, 7) Gayunman, alam natin na kapag ang turo ng tao ay salungat sa isinisiwalat ng Diyos, ang turo ng tao ang laging mali. (Basahin ang Roma 3:4.) Sa kabila ng pagsulong ng siyensiya sa ilang larangan, ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa karunungan ng tao ay totoo pa rin: “Ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos.” Kung ihahambing sa walang-hanggang karunungan ng Diyos, walang saysay ang pangangatuwiran ng tao.—1 Cor. 3:18-20.
17. Ano ang masasabi sa mga salita ng mga lider ng Sangkakristiyanuhan at ng mga apostata?
17 Ang isa pang halimbawa ng mga salitang walang kabuluhan ay makikita sa mga lider ng relihiyon sa Sangkakristiyanuhan. Sinasabi nilang nagsasalita sila sa pangalan ng Diyos, pero karamihan ng mga pananalita nila ay hindi nakasalig sa Kasulatan, at ang mga pangungusap nila ay karaniwan nang walang kabuluhan. Wala ring kabuluhan ang mga salita ng mga apostata. Inaangkin nilang mas marunong sila kaysa sa hinirang na “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45-47) Pero mula sa kanilang sariling karunungan ang sinasabi ng mga apostata at ang kanilang mga salita ay walang kabuluhan, isang katitisuran sa sinumang makikinig. (Luc. 17:1, 2) Paano natin maiiwasang mailigaw ng mga ito?
Kung Paano Itatakwil ang mga Salitang Walang Kabuluhan
18. Paano natin maikakapit ang payo sa 1 Juan 4:1?
18 Nagbigay ng magandang payo hinggil dito ang may-edad nang si apostol Juan. (Basahin ang 1 Juan 4:1.) Gaya ng payo ni Juan, lagi nating pinasisigla ang mga nakakausap natin sa pangangaral na subukin kung ano ang naituro sa kanila sa pamamagitan ng paghahambing nito sa sinasabi ng Bibliya. Magandang pamantayan din ito para sa atin. Kung may marinig tayong anumang pamumuna sa mga turo ng katotohanan o paninira sa kongregasyon, sa mga elder, o sa sinuman sa ating mga kapatid, hindi natin agad paniniwalaan ang mga ito. Sa halip, itanong natin: “Ang nagkakalat ba ng komentong ito ay gumagawi ayon sa sinasabi ng Bibliya? Para ba sa ikasusulong ng layunin ni Jehova ang mga komento o sabi-sabing ito? Itinataguyod ba ng mga ito ang kapayapaan ng kongregasyon?” Anumang naririnig natin na gumigiba o sumisira sa kapatiran sa halip na nagpapatibay rito ay walang kabuluhan.—2 Cor. 13:10, 11.
19. Paano tinitiyak ng mga elder na ang kanilang mga salita ay hindi walang kabuluhan?
19 Pagdating sa mga salitang walang kabuluhan, ang mga elder ay may matututuhan ding mahalagang aral. Kapag kailangan nilang magbigay ng payo, inaalaala nila ang kanilang mga limitasyon at hindi sila nangangahas na magbigay ng payo mula lamang sa kanilang sariling karanasan. Dapat na palagi nilang gamitin ang Bibliya. Maganda ang alituntuning binanggit ni apostol Pablo: “Huwag higitan ang mga bagay na nakasulat.” (1 Cor. 4:6) Hindi hinihigitan ng mga elder ang mga bagay na nasusulat sa Bibliya. At sa kanilang pagkakapit ng simulain ng payong ito, hindi nila hinihigitan ang mga payong salig sa Bibliya na nasa mga publikasyong inihanda ng tapat at maingat na alipin.
20. Paano tayo matutulungang itakwil ang mga bagay na walang kabuluhan?
20 Ang mga bagay na walang kabuluhan, o walang silbi—ito man ay “mga diyos,” mga salita, o iba pang bagay—ay lubhang nakapipinsala. Kaya naman, lagi tayong humihingi ng tulong kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin para matukoy natin kung ano ang mga ito, at humihiling ng kaniyang patnubay kung paano ito itatakwil. Kapag ginagawa natin ito, sa diwa ay sinasabi natin ang sinabi ng salmista: “Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan; ingatan mo akong buháy sa iyong daan.” (Awit 119:37) Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin nang higit pa ang kahalagahan ng pagtanggap sa patnubay ni Jehova.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Sa pangkalahatan, ano ang “mga bagay na walang kabuluhan” na dapat nating itakwil?
• Paano natin maiiwasan na gawing diyos ang pera?
• Paano nagiging idolatriya ang mga makalamang pagnanasa?
• Paano natin itatakwil ang mga salitang walang kabuluhan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 3]
Hinimok ang mga Israelita na ‘sakahin ang kanilang lupa,’ sa halip na itaguyod ang mga bagay na walang kabuluhan
[Larawan sa pahina 5]
Huwag na huwag hayaang maapektuhan ng paghahangad sa materyal na mga bagay ang iyong paglilingkod kay Jehova
[Larawan sa pahina 6]
Makatutulong nang malaki ang mga salita ng mga elder