Mga Kabataan, Alalahanin Ngayon ang Inyong Dakilang Maylalang
Mga Kabataan, Alalahanin Ngayon ang Inyong Dakilang Maylalang
‘Alalahanin ninyo ngayon ang inyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng inyong kabinataan.’—ECLES. 12:1.
1. Paano ipinahayag ni Jehova ang kaniyang tiwala sa kaniyang mga kabataang mananamba?
PARA kay Jehova, ang mga kabataang Kristiyano ay tulad ng napakahalaga at nakagiginhawang mga patak ng hamog. Sa katunayan, inihula niya na sa araw ng “hukbong militar” ng kaniyang Anak, ang mga kabataang lalaki at babae ay “kusang-loob na maghahandog ng kanilang sarili” sa paglilingkod kay Kristo. (Awit 110:3) Ang hulang iyan ay matutupad sa panahon na maraming tao ang masuwayin, hindi naniniwala sa Diyos, at wala nang ibang iniisip kundi ang kanilang sarili at salapi. Pero alam ni Jehova na magiging iba ang mga kabataang sumasamba sa kaniya. Napakalaki nga ng tiwala niya sa inyo, mga kabataang lalaki at babae!
2. Ano ang ibig sabihin ng pag-alaala kay Jehova?
2 Gunigunihin ang kagalakan ng Diyos kapag nakikita niya ang mga kabataan na inaalaala siya bilang kanilang Dakilang Maylalang. (Ecles. 12:1) Siyempre pa, ang pag-alaala kay Jehova ay hindi nangangahulugang basta iisipin mo lamang siya. Nangangahulugan ito ng pagkilos—paggawa ng kung ano ang nakalulugod sa kaniya, anupat sinusunod ang kaniyang mga batas at simulain bilang patnubay natin sa araw-araw. Nangangahulugan din ito ng pagtitiwala kay Jehova dahil alam nating napakalaki ng pagmamalasakit niya sa atin. (Awit 37:3; Isa. 48:17, 18) Ganiyan ba ang nadarama ninyo sa inyong Dakilang Maylalang?
‘Magtiwala Kayo kay Jehova Nang Inyong Buong Puso’
3, 4. Paano ipinakita ni Jesus na nagtitiwala siya kay Jehova, at bakit mahalagang magtiwala kay Jehova sa ngayon?
3 Siyempre pa, ang pinakamahusay na halimbawa ng isa na nagtiwala sa Diyos ay si Jesu-Kristo. Namuhay siya ayon sa sinasabi ng Kawikaan 3:5, 6: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” Di-nagtagal pagkatapos ng kaniyang bautismo, tinukso ni Satanas si Jesus, anupat inialok sa kaniya ang makasanlibutang kapangyarihan at kaluwalhatian. (Luc. 4:3-13) Hindi nagpadaya si Jesus. Alam niya na ang tunay na “kayamanan at kaluwalhatian at buhay” ay “bunga ng kapakumbabaan at ng pagkatakot kay Jehova.”—Kaw. 22:4.
4 Sa ngayon, napakaraming sakim at makasarili. Sa ganiyang kapaligiran, isang katalinuhan na tularan natin ang halimbawa ni Jesus. Tandaan din na gagawin ni Satanas ang lahat para ang mga lingkod ni Jehova ay matuksong lumihis mula sa masikip na daang patungo sa buhay. Gusto niyang makita ang lahat na lumalakad sa malapad na daang patungo sa pagkapuksa. Huwag kayong magpadaya sa kaniya! Sa halip, maging determinadong alalahanin ang inyong Dakilang Maylalang. Magtiwala sa kaniya nang lubusan, at manghawakang mahigpit sa “tunay na buhay” na tiyak na malapit nang dumating.—1 Tim. 6:19.
Mga Kabataan, Maging Marunong!
5. Ano ang nadarama ninyo hinggil sa kinabukasan ng sanlibutang ito?
5 Ang mga kabataan na umaalaala sa kanilang Dakilang Maylalang ay mas marunong kaysa sa ibang mga kaedad nila. (Basahin ang Awit 119:99, 100.) Dahil taglay nila ang pananaw ng Diyos, alam na alam nila na malapit nang lumipas ang sanlibutang ito. Kahit mga bata pa kayo, tiyak na nakita na ninyong lalong tumitindi ang takot at pagkabahala ng mga tao. Sa eskuwela, malamang na narinig na ninyo ang tungkol sa polusyon, pag-init ng globo, pagkalbo sa kagubatan, at katulad na mga problema. Nababahala nang husto ang mga tao sa mga pangyayaring ito, pero tanging mga Saksi ni Jehova lamang ang lubusang nakauunawa na ang mga ito ay bahagi ng tanda na nagpapahiwatig ng kawakasan ng sanlibutan ni Satanas.—Apoc. 11:18.
6. Paano nadaya ang ilang kabataan?
6 Nakalulungkot nga na hindi nanatiling mapagbantay ang ilang kabataang lingkod ng Diyos at kinaligtaan nila na napakaikli na ng natitirang panahon para sa sanlibutang ito. (2 Ped. 3:3, 4) Ang ilan ay natuksong magkasala nang malubha dahil sa masasamang kasama at pornograpya. (Kaw. 13:20) Nakapanghihinayang nga kung maiwawala pa natin ang pagsang-ayon ng Diyos sa panahong ito na napakalapit na natin sa kawakasan! Sa halip, matuto tayo sa nangyari sa mga Israelita noong 1473 B.C.E. nang nagkakampo sila sa Kapatagan ng Moab at napakalapit na nilang pumasok sa Lupang Pangako. Ano ang nangyari doon?
Malapit Na Sana Silang Makapasok
7, 8. (a) Anong pamamaraan ang ginamit ni Satanas sa Kapatagan ng Moab? (b) Anong pamamaraan ang ginagamit ni Satanas sa ngayon?
7 Kitang-kita noon na pursigido si Satanas na hadlangan ang mga Israelita na makamit ang ipinangakong mana sa kanila. Matapos mabigong isumpa sila ng propetang si Balaam, gumamit si Satanas ng mas tusong pakana; gumawa siya ng paraan para maiwala nila ang pagsang-ayon ni Jehova. Ginamit niya ang mapang-akit na mga babaing Moabita para tuksuhin sila, at sa pagkakataong iyon ay may nakamit na tagumpay ang Diyablo. Ang bayan ay nagsimulang magkaroon ng imoral na pakikipagtalik sa mga anak na babae ng Moab at yumukod sila sa Baal ng Peor! Bagaman malapit na sana silang makapasok sa Lupang Pangako, na kanilang mahalagang mana, umabot sa 24,000 Israelita ang namatay. Napakalaking trahedya nga iyon!—Bil. 25:1-3, 9.
8 Sa ngayon, palapít na tayo nang palapít sa mas magandang lupang pangako—ang bagong sistema ng mga bagay. Gaya noon, ginagamit ulit ni Satanas ang seksuwal na imoralidad para pasamain ang bayan ng Diyos. Napakababa na ng mga pamantayang moral sa daigdig, anupat normal na lamang sa kanila ang pakikiapid at depende na sa indibiduwal kung ano ang tingin niya sa homoseksuwalidad. Sinabi ng isang Kristiyanong kapatid na babae, “Sa bahay lang namin at sa Kingdom Hall natututuhan ng aming mga anak na ang homoseksuwalidad at pagtatalik ng hindi mag-asawa ay masama sa paningin ng Diyos.”
9. Ano ang maaaring mangyari sa panahon ng “kasibulan ng kabataan,” at paano ito mahaharap ng mga kabataan?
9 Alam ng mga kabataang umaalaala sa kanilang Dakilang Maylalang na ang pagtatalik ay kaloob ng Diyos para sa buhay at pagsisilang ng anak. Kaya alam nila na ang pagtatalik ay para lamang sa mga mag-asawa ayon sa kaayusan ng Diyos. (Heb. 13:4) Pero sa “kasibulan ng kabataan”—ang panahon kung kailan ang seksuwal na mga damdamin ay masidhi at maaaring pumilipit sa pagpapasiya ng isa—isang hamon na manatiling malinis. (1 Cor. 7:36) Ano ang puwede ninyong gawin kapag may naiisip kayong hindi maganda? Taimtim na manalangin kay Jehova para tulungan kayong makapagtuon ng pansin sa malilinis na bagay. Laging pinakikinggan ni Jehova ang panalangin ng mga lumalapit sa kaniya nang taimtim. (Basahin ang Lucas 11:9-13.) Nakatutulong din ang nakapagpapatibay na usapan para maibaling ang isip sa mabubuting bagay.
Maging Marunong sa Pagpili ng Inyong mga Tunguhin!
10. Anong negatibong kaisipan ang gusto nating iwasan, at ano ang puwede nating itanong sa ating sarili?
10 Maraming kabataan sa sanlibutan ang walang “pangitain”—walang patnubay ng Diyos o tiyak na pag-asa sa hinaharap—kung kaya wala silang pagpipigil at walang taros sa pagpapakasasa sa makalamang kaluguran. (Kaw. 29:18) Katulad sila ng mga Israelita noong panahon ni Isaias na hindi na kumilala sa Diyos at namuhay para sa ‘pagbubunyi at pagsasaya, pagkain ng karne at pag-inom ng alak.’ (Isa. 22:13) Sa halip na mainggit sa gayong mga tao, bakit hindi ninyo bulay-bulayin ang mahalagang pag-asa na inilaan ni Jehova para sa mga matapat sa kaniya? Kung ikaw ay isang kabataang lingkod ng Diyos, nasasabik ka ba sa pagdating ng bagong sanlibutan? Nagsisikap ka ba nang husto para “mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip . . . habang hinihintay [mo] ang maligayang pag-asa” na inilaan sa iyo ni Jehova? (Tito 2:12, 13) Ang iyong sagot ay makaaapekto sa iyong mga tunguhin at priyoridad.
11. Bakit dapat mag-aral na mabuti ang mga estudyanteng kabataang Kristiyano?
11 Gusto ng sanlibutan na ubusin ng mga kabataan ang kanilang lakas para sa sekular na mga tunguhin. Siyempre pa, kayong mga estudyante ay dapat magsikap na makakuha ng mahusay na saligang edukasyon. Pero tandaan na ang tunguhin ninyo ay hindi lamang para makakuha ng magandang trabaho kundi para makatulong sa kongregasyon at maging mabungang tagapaghayag ng Kaharian. Para magawa iyan, kailangang matuto kayong makipag-usap nang malinaw, mag-isip nang makatuwiran, at makapagpaliwanag nang mahinahon at magalang. Gayunpaman, ang mga kabataang nag-aaral ng Bibliya at nagsisikap na magkapit ng mga simulain nito sa kanilang buhay ay nagtatamo ng pinakamahusay na edukasyon at naghahanda ng mainam na pundasyon para sa isang matagumpay at walang-hanggang kinabukasan.—Basahin ang Awit 1:1-3. *
12. Anong halimbawa ang dapat tularan ng mga pamilyang Kristiyano?
12 Sa Israel, napakahalaga ng pagtuturo ng mga magulang sa kanilang mga anak. Sakop ng edukasyong iyon ang halos bawat bahagi ng buhay, lalo na ang espirituwal na mga bagay. (Deut. 6:6, 7) Kaya ang mga kabataang Israelita na nakinig sa kanilang mga magulang at iba pang may-takot sa Diyos na mga may-edad na ay nagkaroon hindi lamang ng kaalaman kundi ng karunungan, kaunawaan, at kakayahang mag-isip—magagandang katangiang matatamo kapag nag-aral ng Bibliya. (Kaw. 1:2-4; 2:1-5, 11-15) Ang mga pamilyang Kristiyano ay dapat ding magbigay ng gayong atensiyon sa edukasyon.
Makinig sa mga Nagmamahal sa Inyo
13. Anong payo ang ibinibigay sa ilang kabataan, at bakit dapat silang maging maingat?
13 Ang mga kabataan ay nakatatanggap ng payo mula sa lahat ng uri ng tao—kabilang na ang mga guro, na kadalasan nang walang ibang ipinapayo kundi kung paano magtatagumpay sa sanlibutan. Ipanalangin sana ninyo sa Diyos na tulungan Niya kayong pagtimbang-timbangin ang gayong mga payo ayon sa Kaniyang Salita at sa mga publikasyong inilalaan ng tapat at maingat na alipin. Sa pag-aaral ninyo ng Bibliya, alam ninyo na pangunahing puntirya ni Satanas ang mga kabataan at mga walang karanasan. Halimbawa, sa halamanan ng Eden, nakinig ang walang-karanasang si Eva kay Satanas, isang estrangherong wala man lamang ni katiting na pagmamahal sa kaniya. Kabaligtaran sana ang naging resulta kung nakinig lamang siya kay Jehova, ang isa na kitang-kitang nagmamahal sa kaniya sa maraming paraan!—Gen. 3:1-6.
14. Bakit dapat tayong makinig kay Jehova at sa ating mga magulang na mga mananampalataya?
14 Mahal din kayo ng inyong Dakilang Maylalang, isang pagmamahal na tapat at dalisay. Gusto niyang maging maligaya kayo magpakailanman, hindi lamang sa ngayon! Kaya tulad ng isang magiliw at mapagmalasakit na magulang, sinasabi niya sa inyo at sa lahat ng mga sumasamba sa kaniya: “Ito ang daan. Lakaran ninyo ito.” (Isa. 30:21) Kung ang inyong mga magulang ay mga mananampalataya na talagang umiibig kay Jehova, isa itong karagdagang pagpapala sa inyo. Igalang ninyo sila at pakinggan ang kanilang payo hinggil sa pagtatakda ng mga priyoridad at tunguhin sa buhay. (Kaw. 1:8, 9) Hangad nilang magtamo kayo ng buhay—isang bagay na di-hamak na mas mahalaga kaysa sa kayamanan o katanyagan sa sanlibutang ito.—Mat. 16:26.
15, 16. (a) Sa ano tayo makapagtitiwala kay Jehova? (b) Anong mahalagang aral ang matututuhan natin sa karanasan ni Baruc?
15 Ang mga umaalaala sa kanilang Dakilang Maylalang ay namumuhay nang simple, anupat nagtitiwala na hindi sila “sa anumang paraan” iiwan “ni sa anumang paraan” pababayaan ni Jehova. (Basahin ang Hebreo 13:5.) Dahil salungat sa kaisipan ng sanlibutan ang magandang saloobing ito, dapat tayong mag-ingat na huwag maapektuhan ng espiritu ng sanlibutan. (Efe. 2:2) Tingnan natin ang halimbawa ng kalihim ni Jeremias na si Baruc na nabuhay sa Jerusalem noong mahihirap na mga huling araw bago mawasak ang lunsod noong 607 B.C.E.
16 Marahil ay gusto rin ni Baruc na yumaman. Nakita ito ni Jehova at buong-kabaitan niyang binalaan si Baruc na huwag maghanap ng “mga dakilang bagay” para sa kaniyang sarili. Masasabing mapagpakumbaba at marunong si Baruc dahil nakinig siya kay Jehova at sa gayo’y nakaligtas siya sa pagkawasak ng Jerusalem. (Jer. 45:2-5) Sa kabilang dako, isinaisantabi ng mga kapanahon ni Baruc ang pagsamba kay Jehova. Nagkaroon nga sila ng “mga dakilang bagay” sa materyal na paraan, pero di-nagtagal ay naiwala rin nila ang lahat ng mga iyon nang lupigin sila ng mga Caldeo (mga Babilonyo). Marami rin ang namatay. (2 Cro. 36:15-18) Tinutulungan tayo ng karanasan ni Baruc na makitang mas mahalaga ang mabuting kaugnayan sa Diyos kaysa sa kayamanan at katanyagan sa sanlibutang ito.
Tularan ang Magagandang Halimbawa
17. Bakit magagandang halimbawa sina Jesus, Pablo, at Timoteo para sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon?
17 Para tulungan tayong makapanatili sa daan ng buhay, binibigyan tayo ng Salita ng Diyos ng maraming magagandang huwaran. Halimbawa, si Jesus ang pinakamatalinong tao na nabuhay kailanman, pero nagtuon siya ng pansin sa kung ano ang magdudulot sa mga tao ng walang hanggang kapakinabangan—“ang mabuting balita ng kaharian.” (Luc. 4:43) Para lubusang makapaglingkod kay Jehova, iniwan ni apostol Pablo ang kaniyang magandang propesyon at ginamit ang kaniyang panahon at lakas para ipangaral ang mabuting balita. Si Timoteo, “isang tunay na anak sa pananampalataya,” ay tumulad sa magandang halimbawa ni Pablo. (1 Tim. 1:2) Pinagsisihan ba nina Jesus, Pablo, at Timoteo ang tinahak nilang landasin sa buhay? Hinding-hindi! Sa katunayan, sinabi ni Pablo na itinuring niyang “mga basura” ang mga alok ng sanlibutan kung ihahambing sa pribilehiyong maglingkod sa Diyos.—Fil. 3:8-11.
18. Anong malaking pagbabago ang ginawa ng isang kabataang brother, at bakit wala siyang anumang pinanghihinayangan?
18 Tinutularan ng maraming kabataang Kristiyano sa ngayon ang pananampalataya nina Jesus, Pablo, at Timoteo. Halimbawa, ganito ang isinulat ng isang kabataang brother na dating may trabahong malaki ang suweldo: “Dahil namumuhay ako ayon sa mga simulain ng Bibliya, palagi akong binibigyan ng promosyon. Pero kahit sagana ako sa materyal, para akong naghahabol sa hangin. Nang magsabi ako sa mga nangangasiwa sa kompanya na gusto kong pumasok sa buong-panahong ministeryo, inalok nila ako ng mas mataas na suweldo para mahikayat akong manatili sa kompanya. Pero buo na ang pasiya ko. Marami ang hindi nakaiintindi kung bakit ko iniwan ang isang magandang trabaho para pumasok sa buong-panahong paglilingkod. Sinabi kong gusto ko talagang tuparin ang aking pag-aalay sa Diyos. Ngayong nakasentro na sa paglilingkod sa Diyos ang aking buhay, nakadarama ako ng kaligayahan at pagkakontento na hindi kayang ibigay ng pera o katanyagan.”
19. Pinasisigla ang mga kabataan na gumawa ng anong matalinong pasiya?
19 Sa buong daigdig, libu-libong kabataan ang gumawa ng gayon ding matalinong pasiya. Kaya mga kabataan, kapag pinag-iisipan ninyo ang inyong kinabukasan, palagi ninyong isipin ang araw ni Jehova. (2 Ped. 3:11, 12) Huwag mainggit sa mga taong yumayaman sa sanlibutang ito. Sa halip, makinig kayo sa mga tunay na nagmamahal sa inyo. Ang pag-iimbak ng “kayamanan sa langit” ang pinakamatatag na pamumuhunan na magagawa ninyo at ang tanging magdudulot ng walang-hanggang kapakinabangan. (Mat. 6:19, 20; basahin ang 1 Juan 2:15-17.) Oo, alalahanin ninyo ang inyong Dakilang Maylalang. Sa paggawa nito, pagpapalain kayo ni Jehova.
[Talababa]
^ Tungkol sa mataas na edukasyon at pagtatrabaho, tingnan Ang Bantayan, Oktubre 1, 2005, pahina 26-31.
Maalaala Mo Kaya?
• Paano natin maipakikitang nagtitiwala tayo sa Diyos?
• Ano ang pinakamahusay na edukasyon?
• Anong mga aral ang matututuhan natin kay Baruc?
• Sino ang mga nagpakita ng magandang halimbawa, at bakit?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 13]
Inilalaan ni Jehova ang pinakamahusay na edukasyon
[Larawan sa pahina 15]
Nakinig si Baruc kay Jehova at nakaligtas sa pagkawasak ng Jerusalem. Ano ang matututuhan ninyo sa halimbawang ito?