Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Salita ni Jehova ay Buháy

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Juan

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Juan

SI Juan​—“ang alagad na minamahal ni Jesus”​—ang huling sumulat ng kinasihang ulat ng buhay at ministeryo ni Kristo. (Juan 21:20) Ang Ebanghelyo ni Juan, na isinulat noong mga 98 C.E., ay naglalaman ng maraming detalye na wala sa tatlong iba pang Ebanghelyo.

Isinulat ni apostol Juan ang kaniyang Ebanghelyo nang may tiyak na layunin. Ganito ang sabi niya tungkol sa kaniyang mga iniulat: “Ang mga ito ay isinulat upang maniwala kayo na si Jesus ang Kristo na Anak ng Diyos, at upang dahil sa paniniwala ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.” (Juan 20:31) Talagang napakahalaga ng mensahe nito para sa atin.​—Heb. 4:12.

“TINGNAN NINYO, ANG KORDERO NG DIYOS”

(Juan 1:1–11:54)

Nang makita si Jesus, buong-pagtitiwalang sinabi ni Juan na Tagapagbautismo: “Tingnan ninyo, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!” (Juan 1:29) Habang naglilibot si Jesus sa Samaria, Galilea, Judea, at sa lupain sa silangan ng Jordan​—na nangangaral, nagtuturo, at nagsasagawa ng makapangyarihang mga gawa​—‘maraming tao ang pumaroon sa kaniya at nanampalataya sa kaniya.’​—Juan 10:41, 42.

Ang isa sa pinakanamumukod-tanging himala na ginawa ni Jesus ay ang pagbuhay-muli kay Lazaro. Marami ang nanampalataya kay Jesus nang makita nilang nabuhay muli ang isang taong apat na araw nang patay. Gayunman, nagsanggunian ang mga punong saserdote at mga Pariseo upang patayin si Jesus. Kaya umalis si Jesus at nagpunta sa “lupaing malapit sa ilang, sa isang lunsod na tinatawag na Efraim.”​—Juan 11:53, 54.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

1:35, 40—Bukod kay Andres, sino pa ang alagad na nakatayong kasama ni Juan na Tagapagbautismo? Ang tagapaglahad ay palaging tumutukoy kay Juan na Tagapagbautismo bilang “Juan,” at hindi niya kailanman pinapangalanan ang kaniyang sarili sa kaniyang Ebanghelyo. Kaya ang alagad na di-binanggit ang pangalan ay malamang na si Juan, ang manunulat ng Ebanghelyo.

2:20—Aling templo ang “itinayo sa loob ng apatnapu’t anim na taon”? Ang tinutukoy ng mga Judio ay ang muling pagtatayo ng templo ni Zerubabel sa pangunguna ni Haring Herodes ng Judea. Ayon sa istoryador na si Josephus, pinasimulan ang pagtatayong iyon noong ika-18 taon ng paghahari ni Herodes, o noong 18/17 B.C.E. Naitayo ang santuwaryo ng templo at iba pang pangunahing istraktura sa loob ng walong taon. Pero nagpatuloy ang pagtatayo ng iba pang gusali malapit sa templo hanggang pagkatapos ng Paskuwa ng 30 C.E., nang sabihin ng mga Judio na inabot nang 46 na taon ang pagtatayo nito.

5:14—Ang pagkakasakit ba ng tao ay dahil sa nagawa niyang kasalanan? Hindi laging gayon. Ang lalaking pinagaling ni Jesus ay 38 taon nang maysakit dahil sa minanang di-kasakdalan. (Juan 5:1-9) Ang ibig sabihin ni Jesus ay na ngayong pinagpakitaan ng awa ang lalaki, dapat siyang lumakad sa daan ng kaligtasan at huwag sadyaing gumawa ng kasalanan dahil kung hindi, mas malubha pa sa sakit ang daranasin niya. Baka magkasala siya ng kasalanang wala nang kapatawaran, anupat nararapat sa kamatayan na wala nang pagkabuhay-muli.​—Mat. 12:31, 32; Luc. 12:10; Heb. 10:26, 27.

5:24, 25—Sino ang mga ‘nakatatawid mula sa kamatayan tungo sa buhay’? Tinutukoy ni Jesus ang mga dating patay sa espirituwal pero nang marinig ang kaniyang mga salita ay nanampalataya at huminto na sa paggawa ng kasalanan. ‘Nakatawid sila mula sa kamatayan tungo sa buhay’ sa diwa na inalis na sa kanila ang hatol na kamatayan, at binigyan sila ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan dahil sa kanilang pananampalataya sa Diyos.​—1 Ped. 4:3-6.

5:26; 6:53—Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng ‘buhay sa sarili’? Para kay Jesu-Kristo, nangangahulugan ito ng pagtanggap ng dalawang espesipikong kakayahan mula sa Diyos​—ang kakayahang tulungan ang mga tao na magkaroon ng mainam na katayuan sa harap ni Jehova at ang kapangyarihang magbigay-buhay sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa patay. Para naman sa mga tagasunod ni Jesus, ang ‘pagkakaroon ng buhay sa kanilang sarili’ ay nangangahulugan ng pagtatamo ng walang-hanggang buhay. Makakamit ito ng mga pinahirang Kristiyano kapag sila ay binuhay-muli tungo sa langit. Makakamit naman ng mga tapat na may pag-asang mabuhay sa lupa ang walang-hanggang buhay tangi lamang kung makakapasa sila sa huling pagsubok na magaganap pagkatapos ng Milenyong Paghahari ni Kristo.​—1 Cor. 15:52, 53; Apoc. 20:5, 7-10.

6:64—Noong piliin ni Jesus si Hudas Iscariote, alam na ba ni Jesus na si Hudas ang magkakanulo sa kaniya? Lumilitaw na hindi niya alam. Pero minsan noong taong 32 C.E., sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Ang isa sa inyo ay isang maninirang-puri.” Maaaring napansin noon ni Jesus kay Hudas Iscariote ang “pasimula” ng isang maling landasin.​—Juan 6:66-71.

Mga Aral Para sa Atin:

2:4. Ipinahihiwatig ni Jesus kay Maria na bilang ang bautisadong pinahirang Anak ng Diyos, ang dapat niyang sundin ay ang kaniyang makalangit na Ama. Bagaman nagsisimula pa lamang si Jesus sa kaniyang ministeryo, alam na alam niya ang oras, o ang panahon, para sa gawaing iniatas sa kaniya, pati na ang panahon ng kamatayan niya bilang hain. Walang sinumang hahayaang makahadlang sa paggawa niya ng kalooban ng Diyos, kahit ang malapit na miyembro pa ng kaniyang pamilya gaya ni Maria. Dapat tayong maglingkod sa Diyos na Jehova taglay ang gayon ding kapasiyahan.

3:1-9. Ang halimbawa ni Nicodemo, isang tagapamahala ng mga Judio, ay nagtuturo sa atin ng dalawang aral. Una, nagpakita si Nicodemo ng kapakumbabaan, kaunawaan, at kabatiran sa kaniyang pangangailangang matuto tungkol sa Diyos, anupat kinilala niya ang anak ng isang hamak na karpintero bilang isang gurong isinugo ng Diyos. Ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon ay kailangang maging mapagpakumbaba. Ikalawa, iniwasan ni Nicodemo na maging alagad nang nasa lupa si Jesus. Maaaring dahil ito sa pagkatakot sa tao, pagkabahala na maiwala ang kaniyang posisyon sa Sanedrin, o pag-ibig sa kaniyang kayamanan. Matututo tayo ng isang mahalagang aral mula rito: Hindi natin dapat hayaan ang gayong mga bagay na makapigil sa atin sa ‘pagbuhat sa ating pahirapang tulos at pagsunod kay Jesus nang patuluyan.’​—Luc. 9:23.

4:23, 24. Para sang-ayunan ng Diyos ang ating pagsamba, dapat na kaayon ito ng katotohanan mula sa Bibliya at dapat na may patnubay ito ng banal na espiritu.

6:27. Ang paggawa para sa “pagkaing nananatili para sa buhay na walang hanggan” ay nangangahulugan ng pagsisikap na sapatan ang ating espirituwal na pangangailangan. Maligaya tayo kapag ginagawa natin ito.​—Mat. 5:3.

6:44. Si Jehova mismo ay nagmamalasakit sa atin. Inilalapit niya tayo sa kaniyang Anak sa pamamagitan ng pag-abot sa bawat isa sa atin sa gawaing pangangaral at sa pamamagitan ng pagtulong sa atin na maunawaan at maikapit ang mga katotohanan mula sa Bibliya sa tulong ng Kaniyang banal na espiritu.

11:33-36. Ang paglalabas ng ating damdamin ay hindi tanda ng kahinaan.

‘PATULOY SIYANG SUNDAN’

(Juan 11:55–21:25)

Nang malapit na ang Paskuwa ng 33 C.E., bumalik si Jesus sa Betania. Noong Nisan 9, pumaroon siya sa Jerusalem na nakasakay sa bisiro ng isang asno. Noong Nisan 10, muling pumaroon si Jesus sa templo. Bilang sagot sa kaniyang panalangin na luwalhatiin ang pangalan ng kaniyang Ama, isang tinig mula sa langit ang nagsabi: “Kapuwa ko ito niluwalhati at luluwalhatiing muli.”​—Juan 12:28.

Habang kumakain sila ng hapunan ng Paskuwa, nagbigay si Jesus ng payo sa kaniyang mga tagasunod bago siya umalis at ipinanalangin niya sila. Matapos arestuhin, litisin, at ibayubay, si Jesus ay binuhay-muli.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

14:2—Paano isasagawa ni Jesus ang ‘paghahanda ng dako’ sa langit para sa kaniyang mga tapat na tagasunod? Kasangkot dito ang pagbibigay-bisa ni Jesus sa bagong tipan sa pamamagitan ng pagharap sa Diyos at paghahandog sa Kaniya ng halaga ng kaniyang dugo. Kabilang din sa paghahandang ito ang pagtanggap ni Kristo ng kapangyarihan bilang hari, at pagkatapos, pasisimulan na ang pagbuhay-muli sa kaniyang pinahirang mga tagasunod tungo sa langit.​—1 Tes. 4:14-17; Heb. 9:12, 24-28; 1 Ped. 1:19; Apoc. 11:15.

14:16, 17; 16:7, 8, 13, 14—Kapag tinutukoy ang katulong, o ang espiritu ng katotohanan, bakit ang panghalip na “iyon” ang ginamit sa Juan 14:16, 17, samantalang “siya” at “niya” naman ang ginamit sa Juan 16:7, 8, 13, 14? Ito ay dahil sa tuntunin sa balarila. Sa wikang Griego, na ginamit sa pagsulat ng Ebanghelyo ni Juan, ang salita para sa “katulong” ay nasa kasariang panlalaki, pero ang salita para sa “espiritu” ay walang kasarian. Kaya nang itala ni Juan ang mga pananalita ni Jesus, gumamit siya ng mga panghalip, gaya ng “siya” o “niya” kapag tinutukoy ang gagawin ng katulong. Ginamit naman ang panghalip na “iyon” kapag tinutukoy ang isasakatuparan ng espiritu ng katotohanan.

19:11—Si Hudas Iscariote ba ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya kay Pilato ang tungkol sa taong nagbigay sa Kaniya? Sa halip na si Hudas o sinumang indibiduwal, malamang na ang nasa isip ni Jesus ay ang lahat ng kasangkot sa pagpatay sa kaniya. Kasama na rito si Hudas, “ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin,” at maging “ang mga pulutong” na nahikayat na hilinging palayain si Barabas.​—Mat. 26:59-65; 27:1, 2, 20-22.

20:17—Bakit sinabihan ni Jesus si Maria Magdalena na huwag kumapit sa kaniya? Maliwanag na kumapit si Maria kay Jesus dahil inakala niyang aakyat na si Jesus sa langit at hindi na niya siya makikitang muli. Para tiyakin sa kaniya na hindi pa siya aalis, sinabi ni Jesus sa kaniya na huwag kumapit sa kaniya kundi sa halip ay pumaroon sa kaniyang mga alagad at ibalita sa kanila ang kaniyang pagkabuhay-muli.

Mga Aral Para sa Atin:

12:36. Upang maging “mga anak ng liwanag,” o tagapagdala ng liwanag, kailangan nating kumuha ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Pagkatapos ay dapat nating gamitin ang kaalamang iyan para mailabas ang ibang mga tao mula sa espirituwal na kadiliman tungo sa liwanag ng Diyos.

14:6. Matatamo lamang natin ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Mapapalapít tayo kay Jehova tanging sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Jesus at pagsunod sa kaniyang halimbawa.​—1 Ped. 2:21.

14:15, 21, 23, 24; 15:10. Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay tutulong sa atin na manatili sa pag-ibig ng Diyos at sa pag-ibig ng kaniyang Anak.​—1 Juan 5:3.

14:26; 16:13. Ang banal na espiritu ni Jehova ay nagsisilbing guro at tagapagpaalaala. Kumikilos din ito upang isiwalat ang katotohanan. Kaya matutulungan tayo nito na sumulong sa kaalaman, karunungan, kaunawaan, pagpapasiya, at kakayahang mag-isip. Kaya dapat tayong magmatiyaga sa pananalangin, na hinihiling partikular na ang espiritung iyon.​—Luc. 11:5-13.

21:15, 19. Tinanong si Pedro kung mas mahal niya si Jesus kaysa sa “mga ito,” samakatuwid nga, ang mga isda na nasa harap nila. Sa gayon ay idiniin ni Jesus na kailangan ni Pedro na magpasiyang sundan siya nang buong-panahon sa halip na magpatuloy sa pangingisda. Matapos isaalang-alang ang ulat ng mga Ebanghelyo, mapatibay sana tayo sa ating kapasiyahang ibigin si Jesus nang higit kaysa sa anumang bagay na posibleng makaakit sa atin. Oo, patuloy tayong sumunod sa kaniya nang buong-puso.

[Larawan sa pahina 31]

Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Nicodemo?