Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakabukod Pero Hindi Nalilimutan

Nakabukod Pero Hindi Nalilimutan

Nakabukod Pero Hindi Nalilimutan

PINAYUHAN ni apostol Pablo ang kapuwa niya mga Kristiyano: “Gumawa tayo ng mabuti sa lahat, ngunit lalo na roon sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.” (Gal. 6:10) Hanggang sa ngayon ay sinusunod pa rin natin ang kinasihang tagubiling iyan at humahanap tayo ng paraan para makagawa ng mabuti sa ating kapananampalataya. Ang ilan sa mga nangangailangan at nararapat bigyan ng maibiging atensiyon ng kongregasyong Kristiyano ay ang mahal nating mga may-edad na kapatid na nasa mga nursing home.

Totoo na sa ilang lupain, kinaugalian na ng mga pamilya na alagaan sa bahay ang matatanda na nilang mga magulang. Pero sa ibang lupain, maraming may-edad ang karaniwan nang pinaaalagaan sa isang nursing home. Kumusta na ang mga may-edad na Kristiyanong nasa mga nursing home? Anu-anong hamon kaya ang napapaharap sa kanila? Paano kaya sila nakararaos sa kalagayan nila kung walang suporta ng kanilang pamilya? Paano kaya sila matutulungan ng kongregasyong Kristiyano? At paano tayo nakikinabang kapag palagi natin silang dinadalaw?

Mga Hamong Napapaharap sa mga Nasa Nursing Home

Kapag pinaalagaan na ang mga may-edad na Kristiyano sa isang nursing home, posibleng mapunta sila sa teritoryo ng ibang kongregasyon na walang nakakakilala sa kanila. Dahil dito, hindi sila madadalaw ng mga Saksing tagaroon. Isa pa, sa loob ng nursing home, malamang na iba’t iba ang relihiyon ng mga kasama nila. Maaaring malagay sa alanganin ang mga may-edad nating kasamahang Saksi.

Halimbawa, may mga nursing home na nagsasaayos ng mga serbisyong panrelihiyon sa loob ng kanilang pasilidad. Ganito ang sabi ng isang tagapag-alaga: “Ang ilang may-edad nang Saksi na hindi na gaanong makausap ay basta na lamang dinadala sa mga serbisyong ito sakay ng silyang de-gulong nang hindi man lamang muna sila tinatanong.” Bukod diyan, madalas na ginagamit ng mga tauhan sa mga nursing home ang mga kaarawan, Pasko, o Easter para malibang ang mga pasyente. May ilang Saksi rin doon na hinahainan ng mga pagkaing labag sa kanilang budhi. (Gawa 15:29) Kung palagi nating dadalawin ang may-edad nating mga kapatid, matutulungan natin silang maharap ang gayong mga hamon.

Tulong ng Kongregasyon

Ang mga sinaunang Kristiyano ay alisto sa kanilang pananagutan sa mga may-edad kapag wala nang pamilyang sumusuporta sa mga ito. (1 Tim. 5:9) Gayundin naman, ang mga tagapangasiwa sa ngayon ay alisto sa pagtiyak na hindi napapabayaan ang mga may-edad nang nasa mga nursing home sa kanilang lugar. * Ganito ang sabi ni Robert, isang elder: “Makabubuti kung mismong mga tagapangasiwang Kristiyano ang dadalaw sa mga may-edad para makita nila ang kalagayan ng mga ito at makasama na rin sa pananalangin. Malaki ang maitutulong ng kongregasyon sa pag-aasikaso sa kanilang mga pangangailangan.” Kung maglalaan tayo ng panahon para madalaw ang mga may-edad, ipinakikita nating nauunawaan natin kung gaano kahalaga sa paningin ni Jehova ang pangangalaga sa mga nangangailangan.​—Sant. 1:27.

Kung kailangan, ang mga elder ay kusang magsasaayos ng tulong sa mga kapatid na nasa mga nursing home sa kanilang lugar. Nakita ni Robert ang isang posibleng pangangailangan, “Dapat nating himukin ang mga kapatid nating ito na dumalo sa mga pulong Kristiyano kung kaya pa nila.” Pero sa mga wala nang kakayahang magbiyahe papuntang Kingdom Hall, puwedeng gumawa ng ibang kaayusan ang mga elder. Si Jacqueline, mahigit nang 80 at may osteoarthritis, ay nakikinig ng mga programa sa pulong sa tulong ng telepono. Ang sabi niya: “Napakasarap makinig sa pulong habang aktuwal na idinaraos ito. Hinding-hindi ko ito palalampasin kahit ano’ng mangyari!”

Kung hindi makakapakinig sa pulong sa pamamagitan ng telepono ang isang may-edad na Kristiyano, puwedeng isaayos ng mga elder na irekord ang mga pulong. Ang sinumang maghahatid ng mga rekording na ito sa kapatid na nasa nursing home ay puwedeng makipagkuwentuhan muna sa kaniya para siya mapatibay. “Kapag binabalitaan sila ng tungkol sa mga kapatid sa kongregasyon, nadarama nilang bahagi pa rin sila ng kongregasyon,” ang sabi ng isang tagapangasiwa.

Huwag Putulin ang Komunikasyon

Mangyari pa, maraming may-edad ang nakadarama ng tensiyon at pagkalito kapag ipinasok sila sa nursing home. Dahil dito, ayaw na tuloy nilang makihalubilo sa iba. Pero kung dadalawin agad natin ang mga may-edad na kapatid at ipakikitang patuloy natin silang sinusuportahan, napakalaking tulong iyon para mapasaya sila sa paanuman at mapanatag ulit ang kanilang kalooban.​—Kaw. 17:22.

Kapag bumabagal na ang isip ng may-edad nating mga kapatid o hindi na sila makarinig o may iba pang problema kung kaya nahihirapan na silang makipag-usap, baka isipin ng ilan na wala nang kabuluhang dalawin pa sila. Pero ang ating pagsisikap na patuloy na makadalaw sa kanila, gaano man kahirap makipag-usap sa kanila, ay nagpapakitang patuloy tayong ‘nangunguna sa pagpapakita ng dangal’ sa ating mga kapananampalataya. (Roma 12:10) Kung nagiging malilimutin na ang may-edad nating kapatid, pasiglahin natin siya na magkuwento ng kaniyang mga karanasan​—kahit noong bata pa siya​—o ikuwento sa atin kung paano niya nalaman ang katotohanan mula sa Bibliya. Paano kaya kung hindi niya maisip-isip ang mga salitang gusto niyang sabihin? Matiyagang makinig, at kung angkop, bumanggit ng dalawa o tatlong salitang waring inaapuhap niya, o ulitin sa maikli ang kaniyang mga sinabi at saka mo siya himuking ituloy ang kuwento. Kung nalilito siya o garalgal nang magsalita at hindi ito maunawaan, bigyang-pansin natin ang tono ng kaniyang boses para maintindihan natin sa paanuman ang gusto niyang sabihin.

Kung talagang hindi na siya makausap, may iba pang paraan na puwedeng gawin. Si Laurence, isang payunir, ay palaging dumadalaw kay Madeleine, isang 80-anyos na kapatid na Kristiyano na hindi na makapagsalita. Ipinaliwanag ni Laurence kung paano niya kinakausap ang matanda: “Hawak ko ang kamay ni Sister Madeleine habang nananalangin kami. Marahan naman niyang pinipisil ang aking kamay at ikinukurap ang kaniyang mga mata bilang pasasalamat sa nakaaantig na sandaling iyon.” Talagang nakaaaliw sa may-edad nating mga kaibigan ang paghawak sa kanilang kamay o pagyakap sa kanila nang buong-pagmamahal.

Mahalaga ang Pagdalaw Mo

Kapag palagi nating dinadalaw ang mga may-edad, maaaring mas asikasuhin sila ng mga tagapag-alaga nila. Si Danièle na mga 20 taon nang dumadalaw sa kapuwa niya mga Saksing nasa mga nursing home ay nagsabi, “Kapag napansin ng mga tauhan sa nursing home na palaging may dumadalaw sa isang pasyente, mas inaasikaso nila siya.” Ganito naman ang sabi ni Robert na nabanggit kanina: “Mas malamang na makinig ang mga nars sa isa na palaging dumadalaw sa pasyente. Maaaring hindi ganito ang respetong ipinakikita nila sa mga paminsan-minsan lang kung dumalaw.” Yamang ang mga nars ay palaging may nakakaengkuwentrong mga pamilyang mapaghanap, tuwang-tuwa sila kapag pinasasalamatan sila ng mga dumadalaw. Bukod diyan, kapag kinaibigan natin ang mga nars, baka mas madali nilang igalang ang mga pamantayan at paniniwala ng pasyente nilang Saksi.

Magiging maganda rin ang ating relasyon sa mga nars kung magpiprisinta tayong tumulong sa paggawa ng mga simpleng trabaho. Sa ilang lugar, palaging kulang sa mga kuwalipikadong tauhan ang mga nursing home kung kaya hindi nila gaanong naaasikaso ang mga pasyente. Si Rébecca, isang nars, ay nagmungkahi: “Napakaraming trabaho kapag oras ng pagkain. Kaya magandang panahon siguro ito para dalawin ang isang kaibigang pasyente at tulungan siyang kumain.” Huwag tayong mag-atubiling magtanong sa mga nars kung ano ang maitutulong natin.

Kung palagi tayong dadalaw sa isang partikular na nursing home, makikita natin ang pangangailangan ng mga kapatid nating may-edad, at kung ipahihintulot ng mga tauhan, puwede tayong magprisintang tumulong. Halimbawa, puwede tayong maglagay sa kuwarto ng pasyente ng mga litrato ng mga mahal niya sa buhay o mga drowing na iginuhit ng mga bata. Para sa kapakanan ng pasyente, puwede tayong magdala ng damit o ilang gamit gaya ng sabon, losyon, at iba pa. Kung may halamanan sa nursing home, puwede nating ipasyal dito ang pasyente para makalanghap naman siya ng sariwang hangin. Ganito ang sabi ni Laurence na nabanggit kanina: “Palaging pinananabikan ni Madeleine ang pagdalaw ko linggu-linggo. Kapag nagsasama ako ng mga bata, ngumingiti agad siya at nagniningning ang kaniyang mga mata!” Ang ganitong mga pagsisikap ay napakalaking bagay para sa mga pasyente.​—Kaw. 3:27.

Parehong Nakikinabang

Ang palaging pagdalaw sa isang may-edad ay sumusubok sa “pagiging tunay ng [ating] pag-ibig.” (2 Cor. 8:8) Paano? Maaaring masakit sa atin na makitang unti-unting humihina ang ating kaibigan. Inamin ni Laurence: “Noong una, apektado ako ng kalagayan ni Madeleine kung kaya palagi akong umiiyak sa tuwing uuwi ako pagkagaling sa nursing home. Pero napag-alaman ko na ang taimtim na panalangin ay makatutulong sa atin na madaig ang takot at sa gayo’y mas mapatitibay natin ang pasyente.” Ilang taon nang dinadalaw ni Robert ang isang kapatid na Kristiyano na nagngangalang Larry na may Parkinson’s disease. Ang sabi ni Robert: “Malala na ang sakit ni Larry kung kaya wala na talaga akong maintindihan sa kaniyang sinasabi. Pero kapag nananalangin kami, nararamdaman kong naroroon pa rin ang kaniyang pananampalataya.”

Kapag dumadalaw tayo sa mga may-edad nating kapananampalataya, hindi lamang sila ang natutulungan kundi nakikinabang din tayo. Ang kanilang determinasyon na manatiling malapít kay Jehova habang kasa-kasama nila ang mga taong iba’t iba ang relihiyon ay nagtuturo sa atin na magkaroon ng pananampalataya at magpakita ng lakas ng loob. Ang kanilang pananabik na tumanggap ng espirituwal na pagkain sa kabila ng humihinang pandinig at lumalabong mata ay nagdiriin na “ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mat. 4:4) Kapag nasisiyahan sila sa mga simpleng bagay, gaya ng pagngiti ng isang bata o pakikisalo sa kaniya sa pagkain, napaaalalahanan tayo ng mga may-edad na makontento na sa tinataglay natin. Ang kanilang mabuting kaugnayan sa Diyos ay makatutulong sa atin na magtakda ng sarili nating mga priyoridad.

Oo, nakikinabang ang buong kongregasyon sa suportang ibinibigay natin sa mga may-edad. Bakit natin nasabi ito? Yamang ang mahihina sa pisikal ay umaasa sa pagmamahal ng mga kapatid, binibigyan nila ng pagkakataon ang kongregasyon na higit pang makapagpakita ng pagkamadamayin. Samakatuwid, dapat nating ituring na ang pangangalaga sa mga may-edad, gaano man ito katagal, ay bahagi na ng ating paglilingkod sa isa’t isa. (1 Ped. 4:10, 11) Kung mangunguna ang mga elder sa paggawa nito, matutulungan nila ang iba pang miyembro ng kongregasyon na maunawaang hinding-hindi dapat kaligtaan ang bahaging ito ng ating gawain bilang mga Kristiyano. (Ezek. 34:15, 16) Sa pamamagitan ng ating kusang-loob at maibiging suporta, tinitiyak natin sa ating mga may-edad na kapananampalataya na hindi sila nalilimutan!

[Talababa]

^ Kapag nalaman ng kalihim ng kongregasyon na may kakongregasyon sila na ipinasok sa nursing home sa ibang lugar, isang tulong at pagpapakita ng pagmamahal na ipaalam agad ito sa mga elder ng kongregasyon sa lugar na iyon.

[Blurb sa pahina 28]

“Kapag napansin ng mga tauhan sa nursing home na palaging may dumadalaw sa isang pasyente, mas inaasikaso nila siya”

[Larawan sa pahina 26]

Ang ating taimtim na panalangin ay maaaring makatulong sa isang may-edad na kapananampalataya na mapanatag ulit ang kaniyang kalooban

[Larawan sa pahina 26]

Ang ating magiliw na pagpapakita ng pagmamahal ay magpapalakas sa mga may-edad nating kapananampalataya