Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Kaya Magiging Makabuluhan ang Buhay?

Paano Kaya Magiging Makabuluhan ang Buhay?

Paano Kaya Magiging Makabuluhan ang Buhay?

“Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos.”​—ECLES. 12:13.

1, 2. Paano tayo makikinabang sa aklat ng Eclesiastes?

 GUNIGUNIHIN ang isang lalaking wari’y nasa kaniya na ang lahat ng bagay. Siya ay isang kilalang pinuno ng bansa, isa sa pinakamayayamang lalaki sa lupa, at pinakamatalino noong kapanahunan niya. Pero sa kabila ng lahat ng ito, sa diwa ay tinatanong pa rin niya ang kaniyang sarili, ‘Paano kaya magiging makabuluhan ang buhay?’

2 Ang taong ito ay talagang umiral​—mga tatlong libong taon na ang nakalilipas. Ang pangalan niya ay Solomon, at sa aklat ng Eclesiastes, mababasa natin ang paglalarawan niya tungkol sa kaniyang paghahanap ng kasiyahan. (Ecles. 1:13) Napakarami nating matututuhan sa naging karanasan ni Solomon. Oo, ang karunungang mababasa sa aklat ng Eclesiastes ay makatutulong sa atin na magtakda ng mga tunguhing magbibigay ng tunay na kahulugan sa ating buhay.

“Paghahabol sa Hangin”

3. Anong masakit na katotohanan tungkol sa buhay ng tao ang dapat nating harapin?

3 Ipinaliwanag ni Solomon na ang Diyos ay lumalang ng napakaraming magagandang bagay sa lupa​—isang kagila-gilalas at patuluyang pinagmumulan ng kasiyahan at paghanga na hindi natin kailanman pagsasawaan. Pero hindi natin talaga kayang tuklasin ang mga lalang ng Diyos dahil napakaikli lamang ng ating buhay. (Ecles. 3:11; 8:17) Gaya ng sabi sa Bibliya, maikli lamang ang mga araw ng ating buhay at mabilis itong lumilipas. (Job 14:1, 2; Ecles. 6:12) Ang masakit na katotohanang ito ay dapat magtulak sa atin na gamitin ang ating buhay sa matalinong paraan. Hindi ito madaling gawin, dahil puwede tayong mailigaw ng sanlibutan ni Satanas.

4. (a) Ano ang kahulugan ng salitang “walang kabuluhan”? (b) Anong mga hangarin sa buhay ang isasaalang-alang natin?

4 Para idiin ang panganib na baka sayangin lamang natin ang ating buhay, mga 30 ulit na ginamit ni Solomon ang salitang “walang kabuluhan” at “kawalang-kabuluhan” sa Eclesiastes. Ang salitang Hebreo na isinaling “walang kabuluhan” ay tumutukoy sa isang bagay na walang kuwenta, walang saysay, walang kahulugan, walang katuturan, o walang halaga. (Ecles. 1:2, 3) Kung minsan, ginagamit ni Solomon ang salitang “walang kabuluhan” bilang katumbas ng “paghahabol sa hangin.” (Ecles. 1:14; 2:11) Maliwanag na walang saysay ang anumang pagtatangkang hulihin ang hangin. Sinumang magtangkang gumawa nito ay walang napapala sa dakong huli. Wala rin tayong mapapala kung maghahabol tayo sa walang-katuturang mga tunguhin. Napakaikli lamang ng buhay sa kasalukuyang sistemang ito para aksayahin pa sa mga bagay na walang kabuluhan. Kaya para makaiwas sa gayong pagkakamali, tingnan natin ang ilang halimbawang ibinigay ni Solomon tungkol sa mga karaniwang hangarin sa buhay. Isasaalang-alang muna natin ang paghahangad ng kaluguran at mga ari-arian. Pagkatapos, pag-uusapan naman natin ang gawaing nakalulugod sa Diyos.

Mapaliligaya ba Tayo ng Paghahangad ng Kaluguran?

5. Saan humanap si Solomon ng kasiyahan?

5 Gaya ng marami sa ngayon, nagpasarap si Solomon sa kaniyang buhay sa pag-aakalang iyon ang magdudulot sa kaniya ng kasiyahan. Iniulat niya: “Hindi ko pinigilan ang aking puso sa anumang uri ng kasayahan.” (Ecles. 2:10) Saan siya humanap ng kaluguran? Ayon sa Eclesiastes kabanata 2, ‘pinasaya niya ang kaniyang laman sa pamamagitan ng alak’​—nang may pagpipigil sa sarili​—at naging abala sa paghahalaman, pagdidisenyo ng mga palasyo, pakikinig sa musika, at pagkain ng masasarap.

6. (a) Bakit hindi naman masamang magsaya sa buhay? (b) Paano maipakikita ang pagiging timbang pagdating sa paglilibang?

6 Ipinagbabawal ba sa Bibliya ang mga kasayahan kasama ng mga kaibigan? Hindi naman. Halimbawa, sinabi ni Solomon na ang pagkain pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho ay kaloob ng Diyos. (Basahin ang Eclesiastes 2:24; 3:12, 13.) Bukod diyan, inaanyayahan mismo ni Jehova ang mga kabataan na ‘magsaya at dulutan ang kanilang puso ng kabutihan’ sa responsableng paraan. (Ecles. 11:9) Kailangan natin ng pahinga at kapaki-pakinabang na libangan. (Ihambing ang Marcos 6:31.) Pero hindi dapat na maging pangunahin sa ating buhay ang paglilibang. Sa halip, ang pagpapahinga ay dapat na maging parang panghimagas lamang, at hindi ang mismong ulam. Sasang-ayon ka na gaano man kasarap ang matamis na panghimagas, magsasawa ka rin kung iyon lang palagi ang iyong kakainin, at wala itong gaanong sustansiya. Sa katulad na paraan, napatunayan ni Solomon na ang buhay na nakasentro sa kaluguran ay “paghahabol sa hangin.”​—Ecles. 2:10, 11.

7. Bakit dapat na maging maingat tayo sa pagpili ng libangan?

7 Isa pa, hindi lahat ng libangan ay nakabubuti. Marami sa mga ito ang talagang nakasasamâ​—sa espirituwal at moral. Ilang milyon na ba ang napariwara dahil lamang sa ‘gusto nilang magpasarap sa buhay,’ anupat nagdodroga, naglalasing, o nagsusugal? Buong-kabaitang nagbabala sa atin si Jehova na kung hahayaan nating itulak tayo ng ating puso at mga mata sa mga bagay na nakasasamâ, tiyak na aanihin natin ang bunga nito.​—Gal. 6:7.

8. Bakit isang katalinuhang pag-isipan ang landasin ng ating buhay?

8 Bukod diyan, ang di-timbang na paghahangad ng kaluguran ay hahadlang sa atin na bigyang-pansin ang mas mahahalagang bagay. Tandaan, napakabilis ng panahon, at hindi tayo makatitiyak na ang ating maikling buhay ay mananatiling malusog at walang problema. Kaya nga gaya ng sinabi pa ni Solomon, mas mabuting pumunta sa libing​—lalo na ng isang tapat na kapatid na Kristiyano​—kaysa sa “bahay ng kasayahan.” (Basahin ang Eclesiastes 7:2, 4.) Bakit kaya? Habang pinakikinggan natin ang pahayag sa libing at pinag-iisipan ang tungkol sa naging buhay ng tapat na lingkod ni Jehova na namatay, baka maudyukan tayong suriin din ang ating sariling landasin sa buhay. Bilang resulta, baka magpasiya tayong baguhin ang ating mga tunguhin upang magamit sa matalinong paraan ang natitira pa nating buhay.​—Ecles. 12:1.

Magdudulot ba sa Atin ng Kasiyahan ang Pagkakaroon ng Materyal na Tinatangkilik?

9. Ano ang napatunayan ni Solomon tungkol sa pagkakaroon ng kayamanan?

9 Si Solomon ay isa sa pinakamayayamang tao sa lupa nang isulat niya ang Eclesiastes. (2 Cro. 9:22) Mabibili niya ang lahat ng gusto niya. “Anumang bagay na naisin ng aking mga mata ay hindi ko inilayo sa mga ito,” ang isinulat niya. (Ecles. 2:10) Pero napatunayan niyang hindi pala nakapagdudulot ng kasiyahan ang basta pagkakaroon lamang ng mga ari-arian. “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni ang sinumang maibigin sa yaman ay masisiyahan sa kita,” ang sabi niya.​—Ecles. 5:10.

10. Paano natin makakamit ang tunay na kasiyahan at tunay na kayamanan?

10 Bagaman pansamantala lamang ang pakinabang na nakukuha sa ating mga tinatangkilik, napakalakas pa rin ng pang-akit ng kayamanan. Sa kamakailang surbey sa Estados Unidos, 75 porsiyento ng lahat ng estudyanteng nasa unang taon sa unibersidad ang nagsabi na ang kanilang pangunahing tunguhin sa buhay ay ang “magpakayaman nang husto.” Maabot man nila ang kanilang tunguhin, talaga nga kayang magiging maligaya sila? Hindi lagi. Sinabi ng mga mananaliksik na ang sobrang pagpapahalaga sa materyal ay, sa katunayan, hadlang sa kaligayahan at kasiyahan. Ganiyan din ang sinabi ni Solomon noon. Isinulat niya: “Nagtipon din ako ng pilak at ginto para sa aking sarili, at ng ari-ariang nauukol sa mga hari . . . At, narito! ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan at paghahabol sa hangin.” * (Ecles. 2:8, 11) Sa kabaligtaran, kapag ginagamit natin ang ating buhay sa buong-pusong paglilingkod kay Jehova at sa gayo’y tumatanggap tayo ng kaniyang pagpapala, makakamit natin ang tunay na kayamanan.​—Basahin ang Kawikaan 10:22.

Anong Gawain ang Nagdudulot ng Tunay na Kasiyahan?

11. Ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kahalagahan ng paggawa?

11 Sinabi ni Jesus: “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at ako ay patuloy na gumagawa.” (Juan 5:17) Tiyak na nasisiyahan si Jehova at si Jesus sa kanilang paggawa. Binabanggit sa Bibliya ang kasiyahan ni Jehova sa kaniyang mga nilalang nang sabihin niya: “Nakita ng Diyos ang bawat bagay na ginawa niya at, narito! iyon ay napakabuti.” (Gen. 1:31) Ang mga anghel ay “sumigaw sa pagpuri” nang makita nila ang lahat ng ginawa ng Diyos. (Job 38:4-7) Pinahalagahan din ni Solomon ang makabuluhang paggawa.​—Ecles. 3:13.

12, 13. (a) Paano inihayag ng dalawang indibiduwal ang kasiyahang natamo nila dahil sa puspusang paggawa? (b) Bakit nagdudulot ng kabiguan kung minsan ang sekular na trabaho?

12 Marami ang nakauunawa sa kahalagahan ng puspusang paggawa. Halimbawa, si José na isang matagumpay na pintor ay nagsabi, “Kapag naipinta mo sa kambas ang larawang nasa isip mo, para ka na ring nakaakyat sa taluktok ng mataas na bundok.” Ganito naman ang sinabi ni Miguel * na isang negosyante: “Nakasisiya ang paggawa dahil nasusustentuhan mo ang iyong pamilya. Nakadarama ka rin ng tagumpay mula sa paggawa.”

13 Sa kabilang dako naman, maraming trabaho ang nakaiinip at walang gaanong iniaalok na pagkakataon para maging malikhain. Kung minsan ay sa mga pinagtatrabahuhan pa mismo nagmumula ang pagkabigo at maging ang kawalang-katarungan. Gaya ng sabi ni Solomon, posibleng maagaw ng tamad​—dahil marahil sa kaniyang mga koneksiyon sa mga taong maimpluwensiya​—ang gantimpalang para sana sa masipag na manggagawa. (Ecles. 2:21) May iba pang dahilan na posible ring humantong sa pagkabigo. Ang isang negosyong sa simula’y malakas pagkakitaan ay maaaring malugi sa kalaunan dahil sa pagbagsak ng ekonomiya o dahil sa mga di-inaasahang pangyayari. (Basahin ang Eclesiastes 9:11.) Maraming ulit na naghihinanakit at nabibigo ang isang taong nagkukumahog na magtagumpay, anupat napag-iisip-isip niyang patuloy lamang siyang “nagpapagal ukol sa hangin.”​—Ecles. 5:16.

14. Anong gawain ang laging nagdudulot ng tunay na kasiyahan?

14 Mayroon bang isang uri ng gawain na hindi kailanman magdudulot ng kabiguan? Ganito ang sinabi ni José, ang pintor na binanggit kanina: “Sa paglipas ng mga taon, ang mga ipinintang larawan ay maaaring mawala o masira. Pero hindi ito mangyayari sa mga bagay na ginagawa natin sa paglilingkod sa Diyos. Dahil sa pagsunod kay Jehova na ipangaral ang mabuting balita, natulungan ko ang iba na maging mahuhusay na Kristiyanong may takot sa Diyos, at ito’y panghabang-buhay. Hindi ito matutumbasan ng salapi.” (1 Cor. 3:9-11) Sinabi rin ni Miguel na mas nasisiyahan siya sa pangangaral ng mensahe ng Kaharian kaysa sa kaniyang sekular na trabaho. “Walang puwedeng ipalit sa kagalakang nadarama mo kapag ibinahagi mo ang katotohanan mula sa Kasulatan at mapansin mong nakaabot ito sa puso ng taong kausap mo,” ang sabi niya.

“Ihagis Mo ang Iyong Tinapay”

15. Paano ba talaga nagiging makabuluhan ang buhay?

15 Bilang konklusyon, paano ba talaga nagiging makabuluhan ang buhay? Makadarama tayo ng tunay na kasiyahan kung gagamitin natin sa paggawa ng mabuti at pagpapalugod kay Jehova ang ating maikling panahon sa sistemang ito ng mga bagay. Puwede tayong magkaroon ng malapít na kaugnayan sa Diyos, puwede nating ituro sa ating mga anak ang mga pamantayan ng Bibliya, puwede nating tulungan ang iba na makilala si Jehova, at puwede tayong makapagtatag ng pangmatagalang pakikipagkaibigan sa ating mga kapatid. (Gal. 6:10) Ang lahat ng pagsisikap na ito ay may permanenteng pakinabang at nagdudulot ng mga pagpapala sa mga nakagagawa nito. Gumamit si Solomon ng isang kapansin-pansing paghahalintulad para ilarawan ang kahalagahan ng paggawa ng mabuti. Sinabi niya: “Ihagis mo ang iyong tinapay sa ibabaw ng tubig, sapagkat pagkalipas ng maraming araw ay masusumpungan mo itong muli.” (Ecles. 11:1) Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Ugaliin ang pagbibigay, at ang mga tao ay magbibigay sa inyo.” (Luc. 6:38) Bukod diyan, nangako mismo si Jehova na gagantimpalaan niya ang mga gumagawa ng mabuti sa iba.​—Kaw. 19:17; basahin ang Hebreo 6:10.

16. Kailan ang tamang panahon ng pagpaplano sa ating landasin ng buhay?

16 Hinihimok tayo ng Bibliya na habang mga bata pa, gumawa na tayo ng matatalinong pasiya tungkol sa kung paano natin gagamitin ang ating buhay. Sa gayon ay maiiwasan nating mabigo sa dakong huli. (Ecles. 12:1) Nakalulungkot naman kung aaksayahin natin ang ating kabataan sa paghahabol sa mga pang-akit ng sanlibutan, at pagkatapos ay mapatunayan natin sa bandang huli na paghahabol lamang pala ito sa hangin!

17. Ano ang tutulong sa iyo na mapili ang pinakamagandang buhay?

17 Gaya ng sinumang maibiging ama, gusto ni Jehova na ikaw ay masiyahan sa buhay, gumawa ng mabuti, at makaiwas sa di-kinakailangang sama ng loob. (Ecles. 11:9, 10) Ano ang tutulong sa iyo na magawa ito? Magtakda ka ng espirituwal na mga tunguhin at sikapin mong maabot ang mga ito. Halos 20 taon na ang nakalilipas, kinailangang pumili si Javier kung itataguyod niya ang kaniyang karera sa medisina o papasok siya sa buong-panahong ministeryo. “Bagaman nagdudulot ng kasiyahan ang gawain ng isang doktor, hindi pa rin matutumbasan ang kagalakang nadama ko nang matulungan ko ang maraming tao na matuto ng katotohanan,” ang sabi niya. “Nagdulot sa akin ng lubos na kasiyahan ang buong-panahong paglilingkod. Ang ikinalulungkot ko lang, hindi ko agad ito ginawa.”

18. Bakit masasabing tunay na makabuluhan ang naging buhay ni Jesus sa lupa?

18 Kung gayon, ano ang pinakamahalagang bagay na dapat nating taglayin? Ganito ang sabi ng aklat ng Eclesiastes: “Ang pangalan ay mas mabuti kaysa sa mainam na langis, at ang araw ng kamatayan kaysa sa araw ng kapanganakan.” (Ecles. 7:1) Kitang-kita ito sa naging buhay ni Jesus. Tiyak na nakagawa siya ng napakagandang pangalan kay Jehova. Noong mamatay si Jesus nang tapat, naipagbangong-puri niya ang soberanya ng kaniyang Ama at nailaan ang haing pantubos, na nagbukas ng daan para sa ating kaligtasan. (Mat. 20:28) Sa maikling panahong inilagi niya sa lupa, ipinakita ni Jesus ang sakdal na halimbawa ng isang tunay na makabuluhang buhay na pinagsisikapan nating tularan.​—1 Cor. 11:1; 1 Ped. 2:21.

19. Anong matalinong payo ang ibinigay ni Solomon?

19 Puwede rin tayong makagawa ng mabuting pangalan sa harap ng Diyos. Para sa atin, ang pagkakaroon ng magandang reputasyon sa paningin ni Jehova ay di-hamak na mas mahalaga kaysa sa kayamanan. (Basahin ang Mateo 6:19-21.) Sa araw-araw ay makahahanap tayo ng paraan para magawa ang mga bagay na mabuti sa paningin ni Jehova at mapasulong ang ating buhay. Halimbawa, puwede nating ibahagi sa iba ang mabuting balita, patibayin ang ating pag-aasawa at pamilya, at ang ating kaugnayan kay Jehova sa tulong ng personal na pag-aaral at pagdalo sa mga pulong. (Ecles. 11:6; Heb. 13:16) Kung gayon, gusto mo bang magkaroon ng isang tunay na makabuluhang buhay? Kung oo, patuloy mong sundin ang payo ni Solomon: “Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”​—Ecles. 12:13.

[Mga talababa]

^ Si Solomon ay tumatanggap taun-taon ng 666 na talento (mahigit 22,000 kilo) na ginto.​—2 Cro. 9:13.

^ Binago ang pangalan.

Paano Mo Sasagutin?

• Ano ang dapat magpakilos sa atin na pag-isipang mabuti ang tungkol sa ating mga tunguhin sa buhay?

• Ano ang dapat na pangmalas natin sa paghahangad sa kaluguran at mga ari-arian?

• Anong uri ng gawain ang makapagdudulot ng namamalaging kasiyahan?

• Anong mahalagang bagay ang dapat nating pagsikapang taglayin?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 23]

Ano ang dapat na maging dako ng paglilibang sa ating buhay?

[Larawan sa pahina 24]

Bakit lubhang kasiya-siya ang gawaing pangangaral?