Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Inoorganisa ang Lupong Tagapamahala

Kung Paano Inoorganisa ang Lupong Tagapamahala

Kung Paano Inoorganisa ang Lupong Tagapamahala

ANG Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay binubuo ng mga nakaalay na lalaki na pinahirang mga lingkod ng Diyos. Sila ang mga kinatawan ng uring tapat at maingat na alipin, na naglalaan ng espirituwal na pagkain at nagbibigay ng mga tagubilin at pampasigla upang matiyak na naisasagawa ang pangangaral ng Kaharian sa buong daigdig.​—Mat. 24:14, 45-47.

Ang mga pagpupulong ng Lupong Tagapamahala ay ginaganap linggu-linggo, karaniwan nang tuwing Miyerkules. Nakatutulong ito upang gumawang magkakasama sa pagkakaisa ang mga kapatid na ito. (Awit 133:1) Ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay naglilingkod din sa iba’t ibang komite. Para mapangalagaan ang kapakanan ng Kaharian, bawat komite ay may partikular na gawaing pinangangasiwaan, gaya ng ipinaliliwanag sa ibaba.

◼ COORDINATORS’ COMMITTEE: Ang komiteng ito ay binubuo ng mga koordineytor ng iba pang komite ng Lupong Tagapamahala at isang kalihim na miyembro rin ng Lupong Tagapamahala. Tinitiyak nito na maayos at mahusay ang takbo ng lahat ng komite. Ito rin ang nag-aasikaso kapag may malulubhang kagipitan, pag-uusig, sakuna, at iba pang importanteng mga bagay may kinalaman sa mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig.

◼ PERSONNEL COMMITTEE: Ang mga kapatid sa komiteng ito ang nangangasiwa sa pangangalaga sa personal na kapakanan ng mga miyembro ng pamilyang Bethel sa buong daigdig, at tumutulong sa kanila na mapanatili ang malapít na kaugnayan nila kay Jehova bukod sa iba pang mga bagay. Ang komiteng ito ang pumipili at nag-aanyaya sa mga bagong miyembro ng pamilyang Bethel at sila rin ang sumasagot sa mga tanong tungkol sa paglilingkod sa Bethel.

◼ PUBLISHING COMMITTEE: Ang komiteng ito ang nangangasiwa sa pag-iimprenta, paglalathala, at paghahatid ng mga literatura sa Bibliya sa buong daigdig. Ito rin ang nangangasiwa sa mga imprentahan at mga ari-ariang pinatatakbo ng iba’t ibang korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Ang komiteng ito ang nagsasaayos kung paano gagamitin sa pinakamatalinong paraan ang pondo mula sa mga donasyon para sa gawaing pang-Kaharian sa buong daigdig.

◼ SERVICE COMMITTEE: Ang mga miyembro ng komiteng ito ang nangangasiwa sa gawaing pangangaral at sa mga bagay na may kinalaman sa mga kongregasyon, payunir, elder, at naglalakbay na mga tagapangasiwa. Pinangangasiwaan nito ang paghahanda ng Ating Ministeryo sa Kaharian at sila rin ang tumatawag sa mga estudyanteng mag-aaral sa Gilead School at Ministerial Training School, at nag-aatas sa mga ito pagkatapos ng gradwasyon.

◼ TEACHING COMMITTEE: Ang komiteng ito ang nangangasiwa sa mga materyal na ginagamit sa mga asamblea, kombensiyon, at mga pulong ng kongregasyon. Ito ang nagsasaayos ng mga salig-Bibliyang programa para sa pamilyang Bethel at nangangasiwa sa iba’t ibang paaralan, gaya ng Gilead School at Pioneer Service School, gayundin ng paghahanda ng mga audio at video program.

◼ WRITING COMMITTEE: Pananagutan ng komiteng ito na pangasiwaan ang pagsulat ng espirituwal na mga pagkain na ilalathala at ipamamahagi sa mga kapananampalataya at sa publiko. Sila ang sumasagot sa mga tanong tungkol sa Bibliya at nag-aaproba ng mga materyal na gagamitin sa drama at mga pahayag. Sila rin ang nangangasiwa sa mga pagsasaling isinasagawa sa buong daigdig.

Ang kongregasyon ng mga pinahiran ay itinulad ni apostol Pablo sa katawan ng tao at idiniin niya ang mahahalagang papel na ginagampanan ng lahat ng bahagi nito gayundin ang kanilang pagtutulungan, pag-ibig, at kooperasyon sa pagganap ng bigay-Diyos na gawain. (Roma 12:4, 5; 1 Cor. 12:12-31) Ang Ulo, si Jesu-Kristo, ang naglalaan ng pangangailangan ng mga bahagi ng katawan para magkaroon ng mahusay na kooperasyon, koordinasyon, at espirituwal na mga instruksiyon. (Efe. 4:15, 16; Col. 2:19) Sa ganitong paraan inoorganisa ang Lupong Tagapamahala upang manguna habang pinapatnubayan sila ni Jehova sa pamamagitan ng banal na espiritu.