Malapit Na ang Kaligtasan sa Pamamagitan ng Kaharian ng Diyos!
Malapit Na ang Kaligtasan sa Pamamagitan ng Kaharian ng Diyos!
“Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—MAT. 6:10.
1. Ano ang pangunahing turo ni Jesus?
NANG ibigay ni Jesus ang kaniyang Sermon sa Bundok, isinama niya ang isang modelong panalangin na pinakabuod ng kaniyang pangunahing turo. Tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na manalangin sa Diyos: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mat. 6:9-13) “Naglakbay [si Jesus] sa bawat lunsod at sa bawat nayon, na ipinangangaral at ipinahahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.” (Luc. 8:1) Hinimok ni Kristo ang kaniyang mga tagasunod: ‘Patuloy na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran ng Diyos.’ (Mat. 6:33) Sa pag-aaral mo ng artikulong ito, humanap ka ng mga paraan kung paano mo magagamit sa iyong ministeryo ang mga punto mula rito. Halimbawa, tingnan mo kung paano maaaring sagutin ang mga tanong na ito: Gaano kahalaga ang mensahe ng Kaharian? Mula saan nangangailangan ng kaligtasan ang sangkatauhan? At paano maglalaan ng kaligtasan ang Kaharian ng Diyos?
2. Gaano kahalaga ang mensahe ng Kaharian?
2 Inihula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mat. 24:14) Napakahalaga ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Aba, ito ang pinakamahalagang mensahe sa buong daigdig! Sa mahigit 100,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa, mga pitong milyong lingkod ng Diyos ang nakikibahagi sa walang-katulad na gawaing pangangaral, anupat sinasabi sa iba na naitatag na ang Kaharian. Mabuting balita ito dahil nangangahulugan ito na nagtatag ang Diyos ng isang pamahalaan sa langit na lubusang kokontrol sa mga gawain sa lupa. Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, magaganap ang kalooban ni Jehova sa lupa gaya ng sa langit.
3, 4. Ano ang mangyayari kapag naganap na ang kalooban ng Diyos sa lupa?
3 Ano ang mararanasan ng sangkatauhan kapag naganap na ang kalooban ng Diyos sa lupa? “Papahirin [ni Jehova] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apoc. 21:4) Hindi na magkakasakit o mamamatay ang tao dahil sa minanang kasalanan at di-kasakdalan. Ang mga patay na nasa alaala ng Diyos ay magkakaroon ng pagkakataong mabuhay magpakailanman, dahil nangangako ang Bibliya: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Wala nang digmaan, sakit, o taggutom, at ang lupa ay gagawing paraiso. Maging ang mababangis na hayop ay magiging maamo at hindi na katatakutan ng mga tao.—Awit 46:9; 72:16; Isa. 11:6-9; 33:24; Luc. 23:43.
4 Dahil sa gayong kamangha-manghang mga pagpapalang idudulot ng Kaharian ng Diyos, hindi nga kataka-takang ilarawan sa hula ng Bibliya ang magiging buhay sa panahong iyon sa ganitong nakaaaliw na mga salita: “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” Pero paano naman yaong mga lumilikha ng kaguluhan? Inihuhula ng Kasulatan: “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na.” Pero “yaong mga umaasa kay Jehova ang siyang magmamay-ari ng lupa.”—Awit 37:9-11.
5. Ano ang mangyayari sa kasalukuyang sistema ng mga bagay?
5 Para mangyari ang lahat ng ito, kailangan munang alisin ang kasalukuyang sistema ng mga bagay pati na ang nagkakasalungatang mga pamahalaan, relihiyon, at sistema ng komersiyo. At iyan mismo ang gagawin ng makalangit na pamahalaan. Kinasihan ang propetang si Daniel na ihula: “Sa mga araw ng mga haring iyon [na umiiral sa ngayon] ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian [sa langit] na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng [kasalukuyang] mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” (Dan. 2:44) Sa panahong iyon, ang Kaharian ng Diyos—isang bagong makalangit na pamahalaan—ay mamamahala sa bagong lipunan ng mga tao sa lupa. Magkakaroon ng “mga bagong langit at isang bagong lupa . . . , at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”—2 Ped. 3:13.
Mas Kailangan Ngayon ang Kaligtasan
6. Paano inilalarawan sa Bibliya ang kasamaan ng balakyot na sanlibutang ito?
6 Nang sina Satanas, Adan, at Eva ay maghimagsik laban sa Diyos, anupat gusto nilang sila mismo ang magpasiya kung ano ang tama at mali, ang pamilya ng tao ay nagsimulang mahulog sa kapahamakan. Makalipas ang mahigit 1,600 taon, bago ang pangglobong Baha, “ang kasamaan ng tao ay laganap sa lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay masama na lamang sa lahat ng panahon.” (Gen. 6:5) Mga 1,300 taon pagkatapos nito, nakita ni Solomon na napakasama ng kalagayan kaya sumulat siya: “Pinuri ko ang patay na namatay na sa halip na ang buháy na nabubuhay pa. Kaya mas mabuti kaysa sa kanilang dalawa yaong hindi pa umiiral, na hindi pa nakakita sa kapaha-pahamak na gawa na ginagawa sa ilalim ng araw.” (Ecles. 4:2, 3) Lumipas pang muli ang mga 3,000 taon hanggang sa panahon natin, patuloy pa rin ang paglaganap ng kasamaan.
7. Bakit mas kailangan ngayon ang pagliligtas ng Diyos?
7 Bagaman totoo na matagal nang umiiral ang kasamaan, mas kailangan ngayon higit kailanman ang kaligtasan sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos. Sa nakalipas na 100 taon, mas lumala ang mga kalagayan, at patuloy pa itong lumalala. Halimbawa, nag-ulat ang Worldwatch Institute: “Tatlong ulit na mas marami ang namatay sa digmaan nitong [ika-20] siglo kaysa sa mga digmaan mula unang siglo AD hanggang 1899.” Mula noong 1914, mahigit nang 100 milyon ang namatay sa mga digmaan! Tinataya ng isang ensayklopidiya na umabot nang 60 milyon katao ang namatay noong Digmaang Pandaigdig II. Ngayong mayroon nang nuklear na mga sandata ang ilang mga bansa, kaya ng tao na lipulin ang napakalaking bahagi ng populasyon ng daigdig. At sa kabila ng pagsulong ng siyensiya at medisina, mga limang milyong bata pa rin ang namamatay taun-taon dahil sa gutom.—Tingnan ang kabanata 9 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
8. Ano ang napatunayan ng libu-libong taóng pamamahala ng tao?
8 Nabigo ang tao sa pagsisikap na pahintuin ang kasamaan. Hindi kailanman nailaan ng pulitikal, komersiyal, at relihiyosong mga institusyon sa daigdig ang pangangailangan ng tao sa kapayapaan, kasaganaan, at kalusugan. Sa halip na lutasin ang malalaking problema ng sangkatauhan, nakaragdag pa nga sa problema ang mga institusyong ito. Talagang pinatunayan ng libu-libong taóng pamamahala ng tao na totoo nga ang pananalitang ito: “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jer. 10:23) Oo, “ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Ecles. 8:9) Karagdagan pa, “ang buong sangnilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama.”—Roma 8:22.
9. Anong mga kalagayan ang inaasahan ng mga tunay na Kristiyano sa “mga huling araw” na ito?
9 May kinalaman sa ating panahon, inihula ng Bibliya: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Pagkatapos ilarawan ang kalagayan sa mga huling araw sa ilalim ng pamamahala ng tao, sinasabi ng hula: “Ang mga taong balakyot at mga impostor ay magpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama.” (Basahin ang 2 Timoteo 3:1-5, 13.) Iyan ang inaasahan ng mga Kristiyano, dahil “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” si Satanas. (1 Juan 5:19) Pero ang mabuting balita ay na malapit nang iligtas ng Diyos ang mga umiibig sa kaniya. Ililigtas sila mula sa sanlibutang ito na palala nang palala ang kalagayan.
Ang Tanging Maaasahang Pinagmumulan ng Kaligtasan
10. Bakit si Jehova ang tanging maaasahang Pinagmumulan ng kaligtasan?
10 Sa pangangaral mo ng mabuting balita, ipaliwanag na si Jehova ang tanging maaasahang Pinagmumulan ng kaligtasan. Siya lamang ang may kapangyarihan at pagnanais na iligtas ang kaniyang mga lingkod mula sa anumang masamang kalagayan. (Gawa 4:24, 31; Apoc. 4:11) Makatitiyak tayo na laging ililigtas ni Jehova ang kaniyang bayan at tutuparin ang kaniyang mga layunin, dahil nangako siya: “Tiyak na kung ano ang aking inisip, gayon ang mangyayari.” Ang kaniyang salita ay ‘hindi babalik sa kaniya nang walang resulta.’—Basahin ang Isaias 14:24, 25; 55:10, 11.
11, 12. Anong katiyakan ang ibinibigay ng Diyos sa kaniyang mga lingkod?
11 Tiniyak ni Jehova na ililigtas niya ang kaniyang mga lingkod kapag inilapat na niya ang kahatulan sa masasama. Noong isugo ng Diyos ang propetang si Jeremias para magsalita nang buong-tapang sa mga talamak na makasalanan, sinabi Niya: “Huwag kang matakot.” Bakit? “Ako ay sumasaiyo upang iligtas ka.” (Jer. 1:8) Gayundin, nang malapit nang puksain ni Jehova ang napakasamang Sodoma at Gomorra, nagpadala siya ng dalawang anghel para akayin si Lot at ang kaniyang pamilya palabas sa lugar na iyon. “Nang magkagayon ay nagpaulan si Jehova ng asupre at apoy . . . sa Sodoma at sa Gomorra.”—Gen. 19:15, 24, 25.
12 Kahit buong daigdig pa, kayang iligtas ni Jehova ang mga gumagawa ng kaniyang kalooban. Nang puksain niya ang sinaunang napakasamang sanlibutan sa pamamagitan ng Baha, ‘iningatan niyang ligtas si Noe, isang mangangaral ng katuwiran, kasama ng pitong iba pa.’ (2 Ped. 2:5) Muling ililigtas ni Jehova ang mga matapat kapag pinuksa niya ang kasalukuyang napakasamang sanlibutang ito. Kaya ganito ang sinasabi sa kaniyang Salita: “Hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa . . . Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Baka sakaling makubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.” (Zef. 2:3) Bilang resulta ng pandaigdig na pagpuksang iyon, ‘ang mga matuwid ay tatahan sa lupa, pero ang mga balakyot ay lilipulin mula sa mismong lupa.’—Kaw. 2:21, 22.
13. Paano maililigtas ang mga lingkod ni Jehova na namatay na?
13 Pero marami nang namatay sa mga lingkod ng Diyos dahil sa sakit, pag-uusig, at iba pa. (Mat. 24:9) Kung gayon, paano pa sila maililigtas? Gaya ng binanggit kanina, “magkakaroon ng pagkabuhay-muli . . . ng mga matuwid.” (Gawa 24:15) Talagang nakaaaliw malaman na walang makahahadlang kay Jehova sa pagliligtas niya sa kaniyang mga lingkod!
Isang Matuwid na Pamahalaan
14. Bakit tayo makapagtitiwala na ang Kaharian ng Diyos ay isang matuwid na pamahalaan?
14 Sa iyong ministeryo, puwede mong ipaliwanag na ang makalangit na Kaharian ni Jehova ay isang matuwid na pamahalaan. Matuwid ito dahil masasalamin dito ang kamangha-manghang mga katangian ng Diyos, gaya ng katarungan, katuwiran, at pag-ibig. (Deut. 32:4; 1 Juan 4:8) Ipinagkatiwala ng Diyos ang Kaharian sa kamay ni Jesu-Kristo, ang isa na pinakakuwalipikadong mamahala sa lupa. Nilayon din ni Jehova na ang 144,000 pinahirang Kristiyano ay kunin mula sa lupa at buhayin sa langit bilang mga kasamang tagapagmana ni Kristo na mamamahala sa lupa.—Apoc. 14:1-5.
15. Ihambing ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa pamamahala ng tao.
15 Napakalaki nga ng magiging kaibahan ng pamamahala ni Jesus at ng 144,000 sa pamamahala ng di-sakdal na mga tao! Kadalasan nang malupit ang mga pinuno ng sistemang ito ng mga bagay at inakay pa nila ang kanilang mga sakop tungo sa mga digmaan na humantong sa pagpatay sa milyun-milyon. Kaya hindi nakapagtatakang payuhan tayo ng Kasulatan na huwag magtiwala sa tao, “na sa kaniya ay walang pagliligtas”! (Awit 146:3) Pero ibang-iba ang pamamahala ni Kristo! “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan,” ang sabi ni Jesus, “at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.”—Mat. 11:28-30.
Mga Huling Araw—Malapit Nang Magwakas!
16. Paano magwawakas ang mga huling araw na ito?
16 Ang sanlibutang ito ay nasa mga huling araw na, o “katapusan ng sistema ng mga bagay,” mula pa noong taong 1914. (Mat. 24:3) Ang tinatawag ni Jesus na “malaking kapighatian” ay napakalapit nang dumating. (Basahin ang Mateo 24:21.) Wawakasan ng walang-katulad na malaking kapighatiang iyon ang buong sanlibutan ni Satanas. Pero paano magsisimula ang malaking kapighatian? At paano iyon magwawakas?
17. Ano ang sinasabi ng Bibliya na magiging pasimula ng malaking kapighatian?
17 Biglang darating ang malaking kapighatian. Oo, sa panahong di-inaasahan, ang “araw ni Jehova” ay darating “kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’” (Basahin ang 1 Tesalonica 5:2, 3.) Magsisimula ang inihulang kapighatian kapag inisip ng mga bansa na malapit na nilang malutas ang ilan sa kanilang malalaking problema. Mabibigla ang daigdig sa biglang pagkawasak ng “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Ang mga hari at iba pa ay magugulat kapag inilapat na ang hatol sa Babilonyang Dakila.—Apoc. 17:1-6, 18; 18:9, 10, 15, 16, 19.
18. Paano kikilos si Jehova sa pagsalakay ni Satanas sa Kaniyang bayan?
18 Sa pinakasukdulan nito, magkakaroon ng “mga tanda sa araw at buwan at mga bituin,” at “ang tanda ng Anak ng tao ay lilitaw sa langit.” Saka tayo ‘makatitindig nang tuwid sapagkat ang ating katubusan ay nalalapit na.’ (Luc. 21:25-28; Mat. 24:29, 30) Pakikilusin ni Satanas, o Gog, ang kaniyang hukbo laban sa bayan ng Diyos. Pero tungkol sa mga sumasalakay sa tapat na mga lingkod, sinabi ni Jehova: “Siya na humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng aking mata.” (Zac. 2:8) Kaya hindi magtatagumpay ang pagtatangka ni Satanas na puksain sila. Bakit? Dahil kikilos agad ang Soberanong Panginoong Jehova para iligtas ang kaniyang mga lingkod.—Ezek. 38:9, 18.
19. Bakit tayo makapagtitiwalang lilipulin ng mga tagapuksa ng Diyos ang sistema ni Satanas?
19 Kapag kumilos na ang Diyos laban sa mga bansa, ‘makikilala nila na siya si Jehova.’ (Ezek. 36:23) Isusugo niya ang kaniyang mga tagapuksa—laksa-laksang mga espiritung nilalang na pinangungunahan ni Kristo Jesus—para lipulin ang iba pang bahagi ng sistema ni Satanas sa lupa. (Apoc. 19:11-19) Kung babalikan natin ang pangyayari na sa isang gabi, isang anghel lamang ang ‘nanakit sa isang daan at walumpu’t limang libong’ mga kaaway ng Diyos, makapagtitiwala tayo na madaling mapupuksa ng makalangit na hukbo ang bawat bakas ng sistema ni Satanas sa lupa kapag humantong na sa Armagedon ang malaking kapighatian. (2 Hari 19:35; Apoc. 16:14, 16) Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay ihahagis sa kalaliman sa loob ng isang libong taon. Sa bandang huli, sila ay pupuksain.—Apoc. 20:1-3.
20. Ano ang tutuparin ni Jehova sa pamamagitan ng Kaharian?
20 Kaya mawawala na ang kasamaan sa lupa, at ang matuwid na mga tao ang mabubuhay magpakailanman sa daigdig na ito. Mapatutunayang si Jehova ang Dakilang Tagapagligtas. (Awit 145:20) Sa pamamagitan ng Kaharian, ipagbabangong-puri niya ang kaniyang soberanya, pababanalin ang kaniyang banal na pangalan, at tutuparin ang kaniyang dakilang layunin para sa lupa. Makadama ka sana ng malaking kagalakan sa iyong ministeryo habang inihahayag mo ang mabuting balita at tinutulungan ang mga “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan” na maunawaang malapit na ang kaligtasan sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos!—Gawa 13:48.
Naaalaala Mo Ba?
• Paano itinampok ni Jesus ang kahalagahan ng Kaharian?
• Bakit mas kailangan ang pagliligtas ngayon higit kailanman?
• Ano ang inaasahan nating mangyayari sa panahon ng malaking kapighatian?
• Paano mapatutunayang si Jehova ang Dakilang Tagapagligtas?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 12, 13]
Inihula ng Salita ng Diyos ang isang walang-katulad na gawaing pangangaral sa buong daigdig sa ating panahon
[Larawan sa pahina 15]
Kung paanong iniligtas ni Jehova si Noe at ang kaniyang pamilya, ililigtas din Niya tayo
[Larawan sa pahina 16]
“Papahirin [ni Jehova] ang bawat luha . . . , at hindi na magkakaroon ng kamatayan.”—Apoc. 21:4