Paano Natin Dapat Pakitunguhan ang Iba?
Paano Natin Dapat Pakitunguhan ang Iba?
“Kung ano ang ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.”—LUC. 6:31.
1, 2. (a) Ano ang Sermon sa Bundok? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito at sa kasunod na artikulo?
SI Jesu-Kristo ang tunay na Dakilang Guro. Nang isugo ng mga kaaway na lider ng relihiyon ang mga opisyal para dakpin siya, umuwi silang walang dala at nagsabi: “Walang sinumang tao ang nakapagsalita nang tulad nito.” (Juan 7:32, 45, 46) Ang isa sa pinakamagagandang pahayag ni Jesus ay ang Sermon sa Bundok. Nakaulat ito sa Mat kabanata 5 hanggang 7 ng Ebanghelyo ni Mateo, at ganito rin ang impormasyong mababasa sa Lucas 6:20-49. *
2 Maaaring ang pinakapopular na sinabi sa sermong iyon ay ang tinatawag na Gintong Aral. May kinalaman ito sa ating pakikitungo sa iba. “Kung ano ang ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang gawin ninyo sa kanila,” ang sabi ni Jesus. (Luc. 6:31) At talaga namang ginawan niya ng napakagagandang bagay ang mga tao! Nagpagaling si Jesus ng mga may-sakit at bumuhay pa nga siya ng patay. Pero lalong pinagpala ang mga tao nang tanggapin nila ang mabuting balita na ibinahagi niya sa kanila. (Basahin ang Lucas 7:20-22.) Bilang mga Saksi ni Jehova, natutuwa rin tayong makibahagi sa pangangaral na ito ng Kaharian. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Sa artikulong ito at sa kasunod na artikulo, tatalakayin natin ang mga salita ni Jesus tungkol sa gawaing ito at ang iba pang mga punto sa Sermon sa Bundok may kinalaman sa pakikitungong dapat nating ipakita sa iba.
Maging Mahinahong-Loob
3. Paano mo bibigyang-kahulugan ang kahinahunan?
3 Sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.” (Mat. 5:5) Sa Kasulatan, hindi isang kahinaan ang pagiging mahinahon. Sinisikap nating maging malumanay bilang pagsunod sa mga kahilingan ng Diyos. Makikita ang katangiang ito sa pakikitungo natin sa ating kapuwa. Halimbawa, tayo ay ‘hindi gumaganti kaninuman ng masama para sa masama.’—Roma 12:17-19.
4. Bakit maligaya ang mga mahinahong-loob?
4 Maligaya ang mga mahinahong-loob dahil “mamanahin nila ang lupa.” Si Jesus, na “mahinahong-loob at mababa ang puso,” ang ‘inatasang tagapagmana ng lahat ng bagay’ kung kaya siya ang masasabing pangunahing Tagapagmana ng lupa bilang Tagapamahala nito. (Mat. 11:29; Heb. 1:2; Awit 2:8) Ayon sa hula, ang Mesiyanikong “anak ng tao” ay may makakasamang mga tagapamahala sa makalangit na Kaharian. (Dan. 7:13, 14, 21, 22, 27) Bilang “mga kasamang tagapagmana ni Kristo,” ang 144,000 mahinahong-loob na mga pinahiran ay makikibahagi sa minanang lupa ni Jesus. (Roma 8:16, 17; Apoc. 14:1) Ang iba pang mahinahong-loob ay pagkakalooban ng walang-hanggang buhay sa lupa sa ilalim ng Kaharian.—Awit 37:11.
5. Ano ang nagiging epekto kapag mahinahon tayong gaya ni Kristo?
5 Kapag magaspang ang ating pag-uugali, malamang na kainisan tayo at iwasan ng iba. Pero kapag mahinahon tayong gaya ni Kristo, tayo ay nagiging kaayaaya at nakapagpapatibay na mga miyembro ng kongregasyon. Ang kahinahunan ay bahagi ng bunga ng aktibong puwersa ng Diyos na nagiging katangian natin kung tayo ay ‘nabubuhay at lumalakad ayon sa espiritu.’ (Basahin ang Galacia 5:22-25.) Tiyak na gusto nating mapabilang sa mga mahinahong-loob na inaakay ng banal na espiritu ni Jehova!
Napakaligaya ng mga Maawain!
6. Anong namumukod-tanging mga katangian ang taglay ng “mga maawain”?
6 Sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi rin ni Jesus: “Maligaya ang mga maawain, yamang sila ay pagpapakitaan ng awa.” (Mat. 5:7) “Ang mga maawain” ay nakikitungo nang may magiliw na pagkamahabagin at pagmamalasakit, anupat naaawa pa nga, sa mga kapos-palad. Makahimalang hinango ni Jesus sa pagdurusa ang mga tao dahil “nahabag” siya sa kanila, o dahil “sa pagkahabag.” (Mat. 14:14; 20:34) Kung gayon, nagiging maawain tayo dahil sa pagkadama ng habag at pagmamalasakit.—Sant. 2:13.
7. Dahil sa pagkahabag, ano ang ginawa ni Jesus?
7 Nang salubungin ng mga tao si Jesus habang patungo siya sa isang lugar para magpahinga, “nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay gaya ng mga tupang walang pastol.” Dahil dito, “nagsimula siyang magturo sa kanila ng maraming bagay.” (Mar. 6:34) Isa ngang malaking kagalakan na ibahagi rin sa iba ang mensahe ng Kaharian at sabihin ang tungkol sa dakilang awa ng Diyos!
8. Bakit maligaya ang mga maawain?
8 Maligaya ang mga maawain dahil ‘pinagpapakitaan sila ng awa.’ Kapag nagpapakita tayo ng awa sa mga tao, pagpapakitaan din nila tayo ng awa. (Luc. 6:38) Sinabi pa ni Jesus: “Kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali, patatawarin din kayo ng inyong makalangit na Ama.” (Mat. 6:14) Tanging ang mga maawain lamang ang nakadarama ng kaligayahang dulot ng pagpapatawad at pagsang-ayon ng Diyos.
Kung Bakit Maligaya “ang mga Mapagpayapa”
9. Paano tayo kikilos kung tayo ay mapagpayapa?
9 Sa pagbanggit ng isa pang dahilan ng kaligayahan, sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga mapagpayapa, yamang sila ay tatawaging ‘mga anak ng Diyos.’” (Mat. 5:9) Ang salitang Griego na isinalin ditong “mapagpayapa” ay literal na nangangahulugang “tagapamayapa.” Kung tayo ay tagapamayapa, hindi tayo makikiayon o makikisali sa anumang bagay, gaya ng paninirang-puri, na nagiging dahilan upang ‘maghiwalay ang malalapít sa isa’t isa.’ (Kaw. 16:28) Sa salita at gawa, itataguyod natin ang kapayapaan sa mga tao sa loob at labas ng kongregasyong Kristiyano. (Heb. 12:14) Higit sa lahat, gagawin natin ang ating buong makakaya upang magkaroon tayo ng pakikipagpayapaan sa Diyos na Jehova.—Basahin ang 1 Pedro 3:10-12.
10. Bakit maligaya “ang mga mapagpayapa”?
10 Sinabi ni Jesus na “ang mga mapagpayapa” ay maligaya, “yamang sila ay tatawaging ‘mga anak ng Diyos.’” Dahil sa pananampalataya kay Jesus bilang ang Mesiyas, ang mga pinahirang Kristiyano ay tumatanggap ng “awtoridad na maging mga anak ng Diyos.” (Juan 1:12; 1 Ped. 2:24) Kumusta naman ang mga mapagpayapang “ibang mga tupa” ni Jesus? Si Jesus ay magiging “Walang-hanggang Ama” nila sa loob ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari kapiling ng kaniyang makalangit na mga kasamang tagapagmana. (Juan 10:14, 16; Isa. 9:6; Apoc. 20:6) Pagkatapos ng kaniyang Milenyong Paghahari, ang mga tagapamayapang ito ay magiging mga anak ng Diyos sa lupa sa ganap na diwa nito.—1 Cor. 15:27, 28.
11. Paano natin pakikitunguhan ang iba kung inaakay tayo ng “karunungan mula sa itaas”?
11 Upang magkaroon ng matalik na kaugnayan kay Jehova, “ang Diyos ng kapayapaan,” dapat nating tularan ang kaniyang mga katangian, pati na ang pagiging mapagpayapa. (Fil. 4:9) Kung magpapaakay tayo sa “karunungan mula sa itaas,” pakikitunguhan natin ang iba sa mapayapang paraan. (Sant. 3:17) Oo, tayo ay magiging maliligayang tagapamayapa.
“Pasikatin Ninyo ang Inyong Liwanag”
12. (a) Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa espirituwal na liwanag? (b) Paano natin mapasisikat ang ating liwanag?
12 Masasabing pinakikitunguhan natin ang mga tao sa pinakamabuting paraan kung tinutulungan natin silang makatanggap ng espirituwal na liwanag mula sa Diyos. (Awit 43:3) Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na sila ang “liwanag ng sanlibutan” at hinimok silang pasikatin ang kanilang liwanag upang makita ng mga tao ang kanilang “maiinam na gawa,” o mabubuting bagay na ginagawa nila sa iba. Magbubunga ito ng pagsisiwalat ng katotohanan “sa harap ng mga tao,” o sa kapakinabangan ng sangkatauhan. (Basahin ang Mateo 5:14-16.) Sa ngayon, pinasisikat natin ang ating liwanag sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti sa ating kapuwa at pakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita “sa buong sanlibutan,” samakatuwid nga, “sa lahat ng mga bansa.” (Mat. 26:13; Mar. 13:10) Isa nga itong napakalaking karangalan!
13. Bakit tayo napapansin?
13 “Ang isang lunsod ay hindi maitatago kapag nakatayo sa ibabaw ng bundok,” ang sabi ni Jesus. Madaling makita ang anumang lunsod na nasa ibabaw ng bundok. Sa katulad na paraan, napapansin tayo dahil sa ating maiinam na gawa bilang mga tagapaghayag ng Kaharian at sa mga katangiang gaya ng pagiging katamtaman at malinis.—Tito 2:1-14.
14. (a) Paano mo ilalarawan ang mga lampara noong unang siglo? (b) Paano masasabing hindi natin itinatago ang espirituwal na liwanag sa ilalim ng isang “basket na panukat”?
14 Binanggit ni Jesus ang tungkol sa pagsisindi ng lampara at paglalagay nito, hindi sa ilalim ng basket, kundi sa ibabaw ng patungan ng lampara para maliwanagan nito ang lahat ng mga nasa bahay. Ang isang karaniwang lampara noong unang siglo ay yari sa luwad na may mitsang sumisipsip ng likido (karaniwan nang langis ng olibo) na gaya ng gasera. Palibhasa’y karaniwan nang inilalagay sa ibabaw ng isang kahoy o metal na patungan, ang lampara ay “nagliliwanag sa lahat niyaong mga nasa bahay.” Hindi sisindihan ng mga tao ang lampara at pagkatapos ay ilalagay sa ilalim ng isang “basket na panukat”—isang malaking sisidlan na nakapaglalaman ng siyam na litro. Hindi ninais ni Jesus na itago ng kaniyang mga alagad ang kanilang espirituwal na liwanag sa ilalim ng makasagisag na basket na panukat. Kaya pasikatin natin ang ating liwanag, at huwag na huwag nating itago ang maka-Kasulatang katotohanan o sarilinin na lamang ito dahil sa pagsalansang o pag-uusig.
15. Paano nakaaapekto sa mga tao ang ating “maiinam na gawa”?
15 Pagkabanggit niya sa lamparang nagliliwanag, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Sa gayunding paraan ay pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa langit.” Dahil sa ating “maiinam na gawa,” ang ilan ay ‘nagbibigay ng kaluwalhatian’ sa Diyos sa pamamagitan ng pagiging mga lingkod niya. Isa nga itong malaking pampasigla sa atin na patuloy na ‘sumikat bilang mga tagapagbigay-liwanag sa sanlibutan’!—Fil. 2:15.
16. Ano ang dapat nating gawin bilang “liwanag ng sanlibutan”?
16 Bilang “liwanag ng sanlibutan,” dapat tayong maging abala sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad. Pero may iba pa tayong dapat gawin. “Patuloy kayong lumakad bilang mga anak ng liwanag,” ang isinulat ni apostol Pablo, “sapagkat ang bunga ng liwanag ay binubuo ng bawat uri ng kabutihan at katuwiran at katotohanan.” (Efe. 5:8, 9) Dapat tayong maging nagliliwanag na mga halimbawa ng makadiyos na paggawi. Oo, dapat nating sundin ang payo ni apostol Pedro: “Panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang, sa bagay na sinasalita nila laban sa inyo na gaya ng mga manggagawa ng kasamaan, luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagsisiyasat bilang resulta ng inyong maiinam na gawa na dito sila ay mga saksi.” (1 Ped. 2:12) Pero ano ang dapat gawin kapag nagkalamat ang pagsasamahan ng magkapananampalataya?
“Makipagpayapaan Ka Muna sa Iyong Kapatid”
17-19. (a) Ano ang “kaloob” na binabanggit sa Mateo 5:23, 24? (b) Gaano kahalaga ang pakikipagkasundo sa kapatid, at paano ito ipinakita ni Jesus?
17 Sa kaniyang Sermon sa Bundok, nagbabala si Jesus sa kaniyang mga alagad na huwag magkimkim ng galit at huwag hamakin ang kapatid. Sa halip, dapat silang makipagpayapaan agad sa nagdamdam na kapatid. (Basahin ang Mateo 5:21-25.) Pag-isipang mabuti ang payo ni Jesus. Kung dinadala mo sa altar ang iyong kaloob at doon ay naalaala mong may isang bagay na laban sa iyo ang iyong kapatid, ano ang dapat mong gawin? Iiwan mo roon sa harap ng altar ang iyong kaloob, at aalis ka upang makipagpayapaan muna sa iyong kapatid. Pagkatapos mong magawa iyan, saka ka pa lamang babalik para ihandog ang iyong kaloob.
18 Ang “kaloob” ay karaniwan nang isang haing handog na maaaring dalhin sa templo ni Jehova. Napakahalaga ng mga haing hayop dahil ayon sa utos ng Diyos, bahagi ito ng pagsamba ng Israel sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. Pero kapag naalaala mong may isang bagay na laban sa iyo ang iyong kapatid, ang pakikipag-ayos ay mas mahalaga kaysa sa paghahandog ng iyong kaloob. “Iwan mo roon sa harap ng altar ang iyong kaloob, at umalis ka,” ang sabi ni Jesus. “Makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon, sa pagbalik mo, ihandog mo ang iyong kaloob.” Dapat munang makipagkasundo sa kapatid bago magsagawa ng obligasyong itinakda ng Kautusan.
19 Hindi tumukoy si Jesus ng partikular na mga handog at espesipikong mga kasalanan. Kung gayon, anumang handog ay dapat ipagpaliban kapag naalaala ng isang tao na may isang bagay na laban sa kaniya ang kaniyang kapatid. Kung ang ihahandog ay buháy na hayop, dapat itong iwan “sa harap ng altar” ng handog na sinusunog sa looban ng templo ng mga saserdote. Kapag nalutas na ang problema, saka pa lamang babalik ang nagkasala para maghandog.
20. Bakit dapat tayong makipag-ayos agad kapag nagalit tayo sa isang kapatid?
20 Mula sa pangmalas ng Diyos, ang ating kaugnayan sa ating mga kapatid ay isang mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba. Walang halaga kay Jehova ang mga haing hayop kung ang naghahandog nito ay hindi nakikitungo nang tama sa kaniyang kapuwa. (Mik. 6:6-8) Kaya naman hinimok ni Jesus ang kaniyang mga alagad na “makipag-ayos [silang] madali.” (Mat. 5:25) Sa katulad na diwa, sumulat si Pablo: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit, ni magbigay man ng dako sa Diyablo.” (Efe. 4:26, 27) Kung may katuwiran man tayong magalit, dapat pa rin tayong makipag-ayos agad para hindi tayo manatiling pukáw sa galit at sa gayon ay mabigyan ng dako ang Diyablo na samantalahin tayo.—Luc. 17:3, 4.
Palaging Pakitunguhan ang Iba Nang May Paggalang
21, 22. (a) Paano natin maikakapit ang payo ni Jesus na katatalakay lamang natin? (b) Ano ang pag-uusapan natin sa susunod na artikulo?
21 Ang ating pagrerepaso sa mga sinabi ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok ay makatutulong sa atin na pakitunguhan ang iba nang may kabaitan at paggalang. Bagaman tayong lahat ay hindi sakdal, maikakapit pa rin natin ang payo ni Jesus dahil hindi naman siya umaasa nang higit sa ating makakaya, at gayundin ang ating makalangit na Ama. Sa tulong ng panalangin, taimtim na pagsisikap, at pagpapala ng Diyos na Jehova, puwede tayong maging mahinahong-loob, maawain, at mapagpayapa. Puwede nating ipaaninag ang espirituwal na liwanag na sumisikat sa ikaluluwalhati ni Jehova. Bukod diyan, puwede tayong makipagpayapaan sa ating kapatid kung kailangan.
22 Ang tamang pakikitungo sa ating kapuwa ay kalakip sa pagsambang sinasang-ayunan ni Jehova. (Mar. 12:31) Sa susunod na artikulo, tatalakayin naman natin ang iba pang sinabi ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok na makatutulong sa atin upang patuloy na gumawa ng mabuti sa iba. Pero matapos bulay-bulayin ang nabanggit na mga punto mula sa walang-katulad na pahayag ni Jesus, baka itanong naman natin sa ating sarili, ‘Paano ba ako nakikitungo sa iba?’
[Talababa]
^ Sa iyong personal na pag-aaral, malaking tulong kung babasahin mo muna ang mga talatang ito bago mo isaalang-alang ang artikulong ito at ang kasunod na artikulo.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang kahulugan ng pagiging mahinahong-loob?
• Bakit maligaya “ang mga maawain”?
• Paano natin mapasisikat ang ating liwanag?
• Bakit dapat tayong ‘makipagpayapaan agad sa ating kapatid’?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 4]
Ang paghahayag ng mensahe ng Kaharian ay isang napakahalagang paraan ng pagpapasikat ng ating liwanag
[Larawan sa pahina 5]
Ang mga Kristiyano ay dapat na maging mga halimbawa ng makadiyos na paggawi
[Larawan sa pahina 6]
Gawin mo ang iyong buong makakaya upang makipagpayapaan sa iyong kapatid