Pasulungin ang Espirituwalidad sa Pamamagitan ng Halimbawa ni Pablo
Pasulungin ang Espirituwalidad sa Pamamagitan ng Halimbawa ni Pablo
“Naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban, natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya.”—2 TIM. 4:7.
1, 2. Anu-anong pagbabago sa kaniyang buhay ang ginawa ni Saul ng Tarso, at anong mahalagang gawain ang tinanggap niya?
ANG lalaking ito ay matalino at may paninindigan. Pero ‘gumawi siya kasuwato ng mga pagnanasa ng kaniyang laman.’ (Efe. 2:3) Nang maglaon, inilarawan niya ang kaniyang sarili na “isang mamumusong at isang mang-uusig at isang taong walang pakundangan.” (1 Tim. 1:13) Ang lalaking ito ay si Saul ng Tarso.
2 Sa kalaunan, gumawa si Saul ng malaking pagbabago sa kaniyang buhay. Tinalikuran niya ang kaniyang dating paraan ng pamumuhay at nagpagal siya ‘na hindi hinahanap ang sarili niyang kapakinabangan kundi yaong sa marami.’ (1 Cor. 10:33) Siya ay naging banayad at nagpakita ng magiliw na pagmamahal sa mga dating biktima ng kaniyang matinding poot. (Basahin ang 1 Tesalonica 2:7, 8.) “Ako ay naging isang ministro,” ang isinulat niya, at sinabi pa niya: “Sa akin, isang tao na mas mababa kaysa sa pinakamababa sa lahat ng mga banal, ay ibinigay ang di-sana-nararapat na kabaitang ito, upang maipahayag ko sa mga bansa ang mabuting balita tungkol sa di-maarok na kayamanan ng Kristo.”—Efe. 3:7, 8.
3. Paano makatutulong sa atin ang pag-aaral ng mga liham ni Pablo at ng ulat ng kaniyang ministeryo?
3 Si Saul, kilala rin bilang Pablo, ay gumawa ng napakalaking pagsulong sa kaniyang espirituwalidad. (Gawa 13:9) Ang isang tiyak na paraan upang mapabilis ang ating pagsulong sa katotohanan ay sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga liham ni Pablo at ng ulat ng kaniyang ministeryo at pagtulad sa kaniyang halimbawa ng pananampalataya. (Basahin ang 1 Corinto 11:1; Hebreo 13:7.) Tingnan natin kung paanong ang paggawa ng gayon ay mag-uudyok sa atin na magkaroon ng mahusay na rutin ng personal na pag-aaral, maglinang ng tunay na pag-ibig sa mga tao, at magkaroon ng tamang pangmalas sa ating sarili.
Ang Rutin ni Pablo sa Pag-aaral
4, 5. Paano nakinabang si Pablo sa personal na pag-aaral?
4 Bilang isang Pariseo na nakapag-aral ‘sa paanan ni Gamaliel at naturuan ayon sa kahigpitan ng Kautusan ng mga ninuno,’ may alam na si Pablo sa Kasulatan. (Gawa 22:1-3; Fil. 3:4-6) Karaka-raka pagkatapos ng kaniyang bautismo, ‘pumaroon siya sa Arabia’—alinman sa Disyerto ng Sirya o sa isang tahimik na lugar sa Peninsula ng Arabia kung saan magandang magbulay-bulay. (Gal. 1:17) Malamang na gusto ni Pablo na magbulay-bulay tungkol sa mga bahagi ng kasulatan na nagpapatunay na si Jesus ang Mesiyas. Bukod diyan, gusto ni Pablo na maghanda para sa gawaing naghihintay sa kaniya. (Basahin ang Gawa 9:15, 16, 20, 22.) Naglaan si Pablo ng panahon para magbulay-bulay tungkol sa espirituwal na mga bagay.
5 Ang kaalaman at kaunawaan sa Kasulatan na natamo ni Pablo dahil sa personal na pag-aaral ay nakatulong sa kaniya na magturo ng katotohanan sa mabisang paraan. Halimbawa, sa sinagoga sa Antioquia sa Pisidia, tuwirang sumipi si Pablo ng di-kukulangin sa limang teksto sa Hebreong Kasulatan para patunayang si Jesus ang Mesiyas. Sumipi rin si Pablo nang ilang ulit mula sa banal na mga akda. Talagang nakakakumbinsi ang kaniyang mga argumento mula sa Bibliya kung kaya “marami sa mga Judio at sa mga proselita na sumasamba sa Diyos ang sumunod kina Pablo at Bernabe” para matuto pa nang higit. (Gawa 13:14-44) Nang isang grupo ng mga Romanong Judio ang pumaroon sa kaniyang tinutuluyan pagkalipas ng mga taon, nagpaliwanag si Pablo sa kanila “sa pamamagitan ng lubusang pagpapatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos at sa pamamagitan ng paggamit ng panghihikayat sa kanila tungkol kay Jesus kapuwa mula sa kautusan ni Moises at sa mga Propeta.”—Gawa 28:17, 22, 23.
6. Ano ang tumulong kay Pablo na makapanatiling matatag kapag dumaranas siya ng mga pagsubok?
6 Kapag dumaranas ng mga pagsubok, patuloy na sinusuri ni Pablo ang Kasulatan at kumukuha siya ng lakas mula sa kinasihang mensahe nito. (Heb. 4:12) Habang nakabilanggo sa Roma bago siya ipapatay, hiniling ni Pablo kay Timoteo na dalhin sa kaniya ang “mga balumbon” at “mga pergamino.” (2 Tim. 4:13) Ang mga dokumentong iyon ay malamang na mga bahagi ng Hebreong Kasulatan na ginamit ni Pablo sa kaniyang masusing pag-aaral. Ang pagtatamo ng kaalaman sa Kasulatan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang rutin ng pag-aaral sa Bibliya ay mahalaga kay Pablo para makapanatili siyang matatag.
7. Bumanggit ng mga pakinabang na matatamo mo dahil sa regular na pag-aaral ng Bibliya.
7 Ang regular na pag-aaral ng Bibliya at taimtim na pagbubulay-bulay ay makatutulong sa atin na sumulong sa espirituwal. (Heb. 5:12-14) May kinalaman sa kahalagahan ng Salita ng Diyos, ganito ang awit ng salmista: “Ang kautusan ng iyong bibig ay mabuti para sa akin, higit pa kaysa sa libu-libong piraso ng ginto at pilak. Pinangyayari ng iyong utos na maging mas marunong ako kaysa sa aking mga kaaway, sapagkat hanggang sa panahong walang takda ay sa akin iyon. Pinigilan ko ang aking mga paa mula sa lahat ng masamang landas, sa layuning matupad ko ang iyong salita.” (Awit 119:72, 98, 101) Mayroon ka bang rutin ng personal na pag-aaral ng Bibliya? Inihahanda mo ba ang iyong sarili para sa mga pribilehiyo ng paglilingkod sa Diyos na maaaring dumating sa iyo sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya araw-araw at pagbubulay-bulay sa iyong mga binasa?
Natutuhan ni Saul na Ibigin ang mga Tao
8. Paano pinakitunguhan ni Saul yaong mga hindi bahagi ng Judaismo?
8 Bago maging isang Kristiyano, naging masigasig si Saul sa kaniyang relihiyon, pero wala siyang gaanong malasakit sa mga taong hindi bahagi ng Judaismo. (Gawa 26:4, 5) Pinanood niya ang pagbato ng mga Judio kay Esteban at sang-ayon siya rito. Sa kaniyang panonood, malamang na inisip niyang tama lamang na pag-usigin ang mga Kristiyano at nararapat lamang na patayin si Esteban. (Gawa 6:8-14; 7:54–8:1) Ganito ang sinabi ng kinasihang ulat: “Si Saul ay nagsimulang makitungo sa kongregasyon nang may kalupitan. Isa-isang pinapasok ang mga bahay at, kinakaladkad sa labas kapuwa ang mga lalaki at mga babae, dinadala niya sila sa bilangguan.” (Gawa 8:3) At ‘pinag-usig pa man din niya sila maging sa mga lunsod na nasa labas.’—Gawa 26:11.
9. Anong karanasan ang nagtulak kay Saul na muling suriin ang paraan ng pakikitungo niya sa mga tao?
9 Nang magpakita sa kaniya ang Panginoong Jesus, si Saul ay papunta sa Damasco para usigin ang mga alagad ni Kristo roon. Nabulag si Saul dahil sa sinag ng Anak ng Diyos, anupat kinailangan niyang magpaakay sa iba. Nang papuntahin ni Jehova si Ananias para isauli ang paningin ni Saul, lubusang nagbago ang saloobin ni Saul sa mga tao. (Gawa 9:1-30) Nang maging tagasunod siya ni Kristo, nagpagal siya nang husto para sa lahat ng uri ng tao gaya ng ginawa ni Jesus. Tinalikuran niya ang karahasan at sinikap niyang ‘makipagpayapaan sa lahat ng tao.’—Basahin ang Roma 12:17-21.
10, 11. Paano nagpakita si Pablo ng tunay na pag-ibig sa mga tao?
10 Hindi kontento si Pablo sa basta pagkakaroon lamang ng mapayapang kaugnayan sa iba. Gusto niyang ipakita sa kanila ang tunay na pag-ibig, at nagawa niya iyon sa pamamagitan ng ministeryong Kristiyano. Sa kaniyang unang paglalakbay bilang misyonero, ipinangaral niya ang mabuting balita sa Asia Minor. Sa kabila ng matinding pag-uusig, si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay nagtuon ng pansin sa pagtulong sa maaamo na tanggapin ang Kristiyanismo. Dumalaw silang muli sa Listra at Iconio kahit pinagtangkaan na ng mga mang-uusig sa mga lunsod na iyon na patayin si Pablo.—Gawa 13:1-3; 14:1-7, 19-23.
11 Nang maglaon, sa lunsod ng Filipos sa Macedonia, si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay naghanap ng mga taong wastong nakaayon. Isang proselitang Judio na nagngangalang Lydia ang nakinig sa mabuting balita at naging Kristiyano. Pinagpapalo at ipinabilanggo ng mga awtoridad sina Pablo at Silas. Pero nangaral si Pablo sa tagapagbilanggo anupat siya at ang kaniyang pamilya ay nabautismuhan bilang mga mananamba ni Jehova.—Gawa 16:11-34.
12. Ano ang nag-udyok sa walang-pakundangang si Saul na maging isang maibiging apostol ni Jesu-Kristo?
12 Bakit tinanggap ng dating mang-uusig na si Saul ang pananampalataya ng kaniyang mga biktima? Ano ang nag-udyok sa walang-pakundangang lalaking iyon na maging isang mabait at maibiging apostol na handang magsapanganib ng kaniyang buhay para matutuhan ng iba ang katotohanan tungkol sa Diyos at kay Kristo? Ipinaliwanag mismo ni Pablo: ‘Minagaling ng Diyos, na tumawag sa akin sa pamamagitan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan, na isiwalat ang kaniyang Anak may kaugnayan sa akin.’ (Gal. 1:15, 16) Sumulat si Pablo kay Timoteo: ‘Pinagpakitaan ako ng awa upang sa pamamagitan ko bilang pangunahing halimbawa ay maipakita ni Kristo Jesus ang lahat ng kaniyang mahabang pagtitiis bilang isang uliran niyaong mga maglalagak ng kanilang pananampalataya sa kaniya ukol sa buhay na walang hanggan.’ (1 Tim. 1:16) Pinatawad ni Jehova si Pablo, kung kaya napakilos siya ng gayong di-sana-nararapat na kabaitan at awa na magpakita ng pag-ibig sa iba sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita sa kanila.
13. Ano ang dapat na mag-udyok sa atin na magpakita ng pag-ibig sa iba, at paano natin ito magagawa?
13 Pinatatawad din ni Jehova ang ating mga pagkakasala at pagkakamali. (Awit 103:8-14) “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo?” ang tanong ng salmista. (Awit 130:3) Kung hindi dahil sa awa ng Diyos, hindi natin mararanasan ang kagalakan ng banal na paglilingkod, ni makaaasa man tayong tumanggap ng buhay na walang hanggan. Napakadakila ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa ating lahat. Kaya tulad ni Pablo, dapat nating naisin na magpakita ng pag-ibig sa iba sa pamamagitan ng pangangaral at pagtuturo ng katotohanan sa kanila at sa pamamagitan ng pagpapatibay sa ating mga kapananampalataya.—Basahin ang Gawa 14:21-23.
14. Paano natin mapasusulong ang ating ministeryo?
14 Gusto ni Pablo na sumulong bilang isang ministro ng mabuting balita, at naantig ang kaniyang puso sa halimbawa ni Jesus. Ang isa sa mga paraan kung paano ipinakita ng Anak ng Diyos ang walang-katulad na pag-ibig sa mga tao ay ang kaniyang pangmadlang ministeryo. Sinabi ni Jesus: “Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Mat. 9:35-38) Malamang na idinalangin din ni Pablo na magkaroon ng higit pang manggagawa, at kumilos siya ayon dito sa pamamagitan ng pagiging isang masigasig na manggagawa. Kumusta ka naman? Mapasusulong mo ba ang kalidad ng iyong ministeryo? O madaragdagan mo ba ang oras na ginugugol mo sa pangangaral ng Kaharian, marahil sa pamamagitan ng pagsasaayos ng iyong iskedyul para makapagpayunir? Magpakita tayo ng tunay na pag-ibig sa mga tao sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na ‘kumapit nang mahigpit sa salita ng buhay.’—Fil. 2:16.
Ang Pangmalas ni Pablo sa Kaniyang Sarili
15. Ano ang pangmalas ni Pablo sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano?
15 Bilang isang ministrong Kristiyano, nag-iwan sa atin si Pablo ng isa pang mahusay na halimbawa. Bagaman tumanggap siya ng maraming pribilehiyo sa kongregasyong Kristiyano, alam na alam ni Pablo na hindi niya natamo ang mga pagpapalang iyon dahil sa kaniyang kakayahan. Naunawaan niya na ang mga pagpapalang naranasan niya ay paraan ng Diyos ng pagpapakita ng di-sana-nararapat na kabaitan. Alam ni Pablo na ang ibang mga Kristiyano ay mabibisa ring mga ministro ng mabuting balita. Sa kabila ng mga pananagutan niya sa gitna ng bayan ng Diyos, nanatili siyang mapagpakumbaba.—Basahin ang 1 Corinto 15:9-11.
16. Nang bumangon ang isyu ng pagtutuli, paano ipinakita ni Pablo na siya ay mapagpakumbaba at na kinikilala niya ang kaniyang mga limitasyon?
16 Tingnan natin kung ano ang ginawa ni Pablo nang bumangon ang isang problema sa lunsod ng Antioquia sa Sirya. Ang kongregasyong Kristiyano roon ay hindi magkasundo sa isyu ng pagtutuli. (Gawa 14:26–15:2) Yamang si Pablo ang inatasan noon na manguna sa pangangaral sa mga di-tuling Gentil, malamang na inisip niyang alam na alam niya kung paano pakikitunguhan ang mga di-Judio at kayang-kaya niyang lutasin ang problema. (Basahin ang Galacia 2:8, 9.) Pero nang hindi niya malutas ang isyu, kinilala niya ang kaniyang limitasyon at may-kapakumbabaan niyang sinunod ang kaayusang lumapit sa lupong tagapamahala sa Jerusalem para pag-usapan ito. Lubusan siyang nakipagtulungan nang magpulong at bumuo ng pasiya ang lupon at atasan siyang maging isa sa kanilang mga mensahero. (Gawa 15:22-31) Sa gayon, si Pablo ay ‘nanguna sa pagpapakita ng dangal’ sa kapuwa niya mga lingkod.—Roma 12:10b.
17, 18. (a) Ano ang nadama ni Pablo sa mga kapatid sa mga kongregasyon? (b) Ano ang matututuhan natin tungkol kay Pablo mula sa reaksiyon ng mga elder sa Efeso nang umalis siya?
17 Hindi iniwasan ng mapagpakumbabang si Pablo ang mga kapatid niya sa mga kongregasyon. Sa halip, minahal niya sila. Sa pagtatapos ng kaniyang liham sa mga taga-Roma, binati niya sa pangalan ang mahigit 20 kapatid. Karamihan sa kanila ay hindi nabanggit sa ibang bahagi ng Kasulatan, at iilan lamang ang may pantanging pribilehiyo. Pero sila ay mga tapat na lingkod ni Jehova, at minahal sila ni Pablo.—Roma 16:1-16.
18 Ang pagiging mapagpakumbaba at palakaibigan ni Pablo ay nagpatibay sa mga kongregasyon. Sa huli niyang pakikipagkita sa mga elder sa Efeso, “sumubsob sila sa leeg ni Pablo at magiliw siyang hinalikan, sapagkat lalo na silang nasaktan sa salitang sinabi niya na hindi na nila makikita ang kaniyang mukha.” Kung ang aalis ay mayabang at walang-malasakit sa iba, hindi magiging gayon ang reaksiyon nila.—Gawa 20:37, 38.
19. Paano tayo makapagpapakita ng “kababaan ng pag-iisip” sa ating pakikitungo sa mga kapuwa Kristiyano?
19 Ang lahat ng gustong sumulong sa kanilang espirituwalidad ay dapat na maging mapagpakumbabang tulad ni Pablo. Pinayuhan niya ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano na ‘huwag gumawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na ituring na ang iba ay nakatataas sa inyo.’ (Fil. 2:3) Paano natin masusunod ang payong ito? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga elder sa ating kongregasyon, anupat sinusunod ang kanilang mga tagubilin at tinatanggap ang kanilang mga hudisyal na pasiya. (Basahin ang Hebreo 13:17.) Ang isa pang paraan ay sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa lahat ng ating kapananampalataya. Karaniwan nang mula sa iba’t ibang bansa, kultura, lahi, at etnikong grupo ang bumubuo sa mga kongregasyon ng bayan ni Jehova. Hindi ba’t nararapat lamang na ibigin natin ang lahat at pakitunguhan sila nang walang pagtatangi, gaya ng ginawa ni Pablo? (Gawa 17:26; Roma 12:10a) Pinasisigla tayong “tanggapin ang isa’t isa, kung paanong tinanggap din tayo ng Kristo, ukol sa kaluwalhatian ng Diyos.”—Roma 15:7.
‘Takbuhin Nang May Pagbabata’ ang Takbuhan Ukol sa Buhay
20, 21. Ano ang tutulong sa atin para magtagumpay sa takbuhan ukol sa buhay?
20 Ang buhay ng isang Kristiyano ay maihahalintulad sa isang mahabang takbuhan. Sumulat si Pablo: “Natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya. Mula ngayon ay nakalaan para sa akin ang korona ng katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon, ang matuwid na hukom, bilang gantimpala sa araw na iyon, gayunma’y hindi lamang sa akin, kundi gayundin sa lahat niyaong mga umibig sa kaniyang pagkakahayag.”—2 Tim. 4:7, 8.
21 Ang pagtulad sa halimbawa ni Pablo ay makatutulong sa atin na magtagumpay sa pagtakbo sa takbuhan ukol sa walang-hanggang buhay. (Heb. 12:1) Kung gayon, anuman ang mangyari, patuloy nating pasulungin ang ating espirituwalidad sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mahusay na rutin ng personal na pag-aaral, paglinang ng masidhing pag-ibig sa mga tao, at pananatiling mapagpakumbaba.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano nakinabang si Pablo sa regular na personal na pag-aaral ng Kasulatan?
• Bakit mahalaga para sa mga tunay na Kristiyano na magpakita ng masidhing pag-ibig sa mga tao?
• Anu-anong katangian ang tutulong sa iyo para mapakitunguhan mo ang iba nang walang pagtatangi?
• Paanong ang halimbawa ni Pablo ay mag-uudyok sa iyo na makipagtulungan sa mga elder sa inyong kongregasyon?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 23]
Kumuha ng lakas mula sa Kasulatan, gaya ng ginawa ni Pablo
[Larawan sa pahina 24]
Magpakita ng pag-ibig sa pamamagitan ng paghahayag ng mabuting balita
[Larawan sa pahina 25]
Alam mo ba kung bakit napamahal si Pablo sa kaniyang mga kapatid?