Isang Mapamaraang Solusyon
Isang Mapamaraang Solusyon
TATLONG kabataang lalaki sa Sentral Aprika ang gustung-gustong makadalo sa isang pandistritong kombensiyon na halos 90 kilometro ang layo mula sa kanilang lugar. Paano sila makararating doon? Kailangan nilang lakbayin ang baku-bako at maalikabok na mga daan, at wala silang masasakyan. Naisip nilang manghiram ng tatlong bisikleta pero wala silang mahiram.
Nalaman ng isang elder sa kanilang kongregasyon ang kanilang problema at nagprisintang ipagamit ang kaniyang bisikleta—luma na pero puwede pa. Ikinuwento niya sa kanila kung paano nila noon isinasaayos ng kaniyang mga kasama ang pagdalo sa kombensiyon. Iminungkahi ng elder na magsalitan silang tatlo sa paggamit ng kaniyang bisikleta. Isang simple pero hindi madaling solusyon. Paano kaya nila ito gagawin?
Para hindi sila mapasô sa init ng araw, maaga pa ay nagkita-kita na ang tatlong kabataan at ikinarga sa bisikleta ang kanilang mga dala-dalahan. Isa muna sa kanila ang nagbisikleta, at ang dalawa ay mabilis na naglakad para makasunod sa nagbibisikleta. Matapos makausad nang kalahating kilometro, huminto ang nagbibisikleta at isinandal niya ang bisikleta sa isang puno. Siyempre pa, tiniyak niya na natatanaw ito ng dalawang kasunod niya para hindi ito “mahiram” ng mga estranghero. Pagkatapos, naglakad ang kabataang unang gumamit ng bisikleta.
Nang makarating na sa punong pinagsandalan ng bisikleta ang dalawang kasunod, isa sa kanila ang nagbisikleta habang ang kasama naman nito ay patuloy na naglakad nang kalahating kilometro o higit pa bago nakagamit ng bisikleta. Kaya dahil sa mahusay na pagpaplano at determinasyon ng tatlong kabataang ito, imbes na maglakad sila nang 90 kilometro, naglakad lamang sila nang 60 kilometro. Sulit ang kanilang pagod. Masaya nilang nakasama ang kanilang mga kapatid na Kristiyano at nakinabang sila sa programa ng kombensiyon. (Deut. 31:12) Sa taóng ito, gagawin mo ba ang lahat ng magagawa mo para makadalo sa pandistritong kombensiyon malapit sa inyong lugar?