Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Malakas sa Kabila ng mga Kahinaan

Malakas sa Kabila ng mga Kahinaan

Malakas sa Kabila ng mga Kahinaan

MAAARI kang madaig ng iyong mga kahinaan. Kumakapit ang mga ito na parang mga linta. Baka naiisip mong hindi mo na ito kailanman mapagtatagumpayan, o wala ka nang halaga, anupat inihahambing ang iyong sarili sa iba at iniisip mong mas mahusay sila kaysa sa iyo. Sa kabilang panig naman, baka may nakapanghihina kang karamdaman at dahil dito ay nasisiraan ka ng loob. Anuman ang problema mo, baka naiisip mo na wala na itong solusyon. Maaaring nararamdaman mo ang gaya ng nadama ni Job, na nagsabi sa Diyos: “O ikubli mo nawa ako sa Sheol, na ingatan mo nawa akong lihim hanggang sa mapawi ang iyong galit, na takdaan mo nawa ako ng hangganang panahon at alalahanin mo ako!”​—Job 14:13.

Paano mo mapagtatagumpayan ang gayong kawalang-pag-asa? Bagaman mahirap itong gawin, baka kailangan mo munang isaisantabi ang iyong mga problema. Halimbawa, maaari mong isaalang-alang ang mga tanong ni Jehova sa kaniyang tapat na lingkod na si Job: “Nasaan ka nang itatag ko ang lupa? Sabihin mo sa akin, kung alam mo ang pagkaunawa. Sino ang nagtakda ng mga sukat niyaon, kung alam mo, o sino ang nag-unat ng pising panukat sa ibabaw niyaon?” (Job 38:4, 5) Kapag pinag-iisipan natin ang kahulugan ng mga tanong na ito, malamang na mapapakilos tayo na kilalanin ang nakahihigit na karunungan at kapangyarihan ni Jehova. May mabuti siyang dahilan kung kaya pinahihintulutan niyang magpatuloy ang kasalukuyang kalagayan ng daigdig.

“Isang Tinik sa Laman”

Isang tapat na lingkod ni Jehova ang humiling sa Kaniya na alisin sana ang “isang tinik sa laman,” isang problemang hindi mawala-wala. Tatlong beses na namanhik sa Diyos si apostol Pablo na alisin ang problemang ito. Anuman ito, gaya ng isang nakaiiritang tinik, maaari itong maging dahilan para mawala ang kagalakan ni Pablo sa kaniyang paglilingkod kay Jehova. Sinabi niya na waring laging may sumasampal sa kaniya. Ganito ang sagot ni Jehova: “Ang aking di-sana-nararapat na kabaitan ay sapat na para sa iyo; sapagkat ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.” Hindi inalis ni Jehova ang tinik sa laman na iyon. Kinailangang paglabanan ito ni Pablo, pero sinabi niya: “Kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.” (2 Cor. 12:7-10) Ano ang ibig niyang sabihin?

Hindi makahimalang nawala ang problema ni Pablo. Gayunpaman, hindi ito nakapigil sa kaniya na isakatuparan ang mahahalagang bagay sa paglilingkod kay Jehova. Nagtiwala si Pablo sa lakas na ibinibigay ni Jehova at palagi niyang hinihiling ang tulong ng Diyos. (Fil. 4:6, 7) Kaya noong malapit nang matapos ang kaniyang buhay rito sa lupa, masasabi ni Pablo: “Naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban, natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya.”​—2 Tim. 4:7.

Ginagamit ni Jehova ang di-sakdal na mga tao upang maisakatuparan ang kaniyang kalooban sa kabila ng kanilang mga kahinaan at problema kung kaya nararapat lamang na siya ang parangalan. Maaari niyang bigyan sila ng patnubay at karunungan upang maharap nila ang mga hamon sa buhay at mapanatili ang kanilang kagalakan sa paglilingkod sa kaniya. Oo, maaari niyang gamitin ang di-sakdal na mga tao na isakatuparan ang mahahalagang gawain sa kabila ng kanilang mga kahinaan.

Sinabi ni Pablo kung bakit hindi inalis ng Diyos ang kaniyang tinik sa laman: “Upang hindi ako labis na magmataas.” (2 Cor. 12:7) Ipinaalaala ng “tinik” ni Pablo na siya ay may mga limitasyon at tinulungan siya nito na laging magpakumbaba. Kasuwato ito ng itinuro ni Jesus: “Sinumang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at sinumang nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.” (Mat. 23:12) Sa ilalim ng mga pagsubok, maaaring matutuhan ng mga lingkod ng Diyos ang kapakumbabaan at makatutulong ito sa kanila na pahalagahan ang katotohanan na kailangan nilang magtiwala kay Jehova upang makapagbata sila at manatiling tapat. Sa gayon, gaya ng apostol, ‘maipaghahambog nila si Jehova.’​—1 Cor. 1:31.

Di-napapansing mga Kahinaan

Ang ilan ay may mga kahinaang hindi nila nababatid o kaya naman ay ayaw nilang aminin. Halimbawa, baka ang isa ay labis na nagtitiwala sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga kakayahan. (1 Cor. 10:12) Ang isa pang karaniwang kahinaan ng di-sakdal na mga tao ay ang paghahangad na maging prominente.

Si Joab, na naging heneral ng hukbo ni Haring David, ay isang matapang, determinado, at mapamaraang tao. Pero nakagawa si Joab ng malubhang pagkakasala, na nagpapahiwatig na siya ay mapangahas at ambisyoso. Walang-awa niyang pinatay ang dalawang heneral ng hukbo. Una, pinaslang niya si Abner bilang paghihiganti. Sumunod, sa isang pagkakataon, nagkunwari si Joab na babatiin niya ang kaniyang pinsan na si Amasa. Hinawakan ni Joab ng kaniyang kanang kamay ang balbas ni Amasa na parang hahalikan niya ito at pagkatapos ay sinaksak niya si Amasa gamit ang tabak na hawak ng kaniyang kaliwang kamay. (2 Sam. 17:25; 20:8-10) Si Amasa noon ang pumalit kay Joab bilang heneral ng hukbo. Palibhasa’y nais ni Joab na mawala ang kaniyang karibal at marahil ay umaasang siya uli ang gagawing heneral, pinatay niya si Amasa. Makikita natin na hindi kinontrol ni Joab ang kaniyang masamang tendensiya, pati na ang kaniyang makasariling ambisyon. Napakalupit ng ginawa niya at wala man lamang pahiwatig na nakonsensiya siya sa ginawa niya. Nang mamamatay na si Haring David, inutusan niya ang anak niyang si Solomon na pagbayarin si Joab sa mga kasalanan nito.​—1 Hari 2:5, 6, 29-35.

Tiyak na hindi tayo dapat magpadala sa ating maling mga hangarin; maaari nating kontrolin ang ating mga kahinaan. Una, dapat nating alamin ang ating mga kahinaan. Pagkatapos, kumilos tayo upang mapagtagumpayan ang mga ito. Maaari tayong regular na manalangin kay Jehova, na humihiling ng kaniyang tulong upang madaig ang mga kahinaang iyon, at masikap na mag-aral ng kaniyang Salita, na naghahanap ng mga paraan para mapaglabanan ang gayong mga tendensiya. (Heb. 4:12) Baka kailangan nating patuloy na magsikap na paglabanan ang ating mga kahinaan, at hindi natin dapat hayaang manghina ang ating loob sa paggawa nito. Baka pa nga magpatuloy ang pakikipagpunyaging ito hangga’t hindi tayo sakdal. Inamin ni Pablo na ganito ang kaniyang kalagayan. Sumulat siya: “Yaong nais ko, hindi ito ang aking isinasagawa; kundi yaong kinapopootan ko ang siyang aking ginagawa.” Subalit gaya ng alam mo, hindi sumuko si Pablo, na para bang hindi niya kayang kontrolin ang kaniyang pagkilos. Sa kabaligtaran, patuloy siyang nakipagpunyagi sa kaniyang mga kahinaan, anupat nanalig sa tulong ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Roma 7:15-25) Sa ibang pagkakataon, sinabi ni Pablo: “Binubugbog ko ang aking katawan at ginagawa itong alipin, upang, pagkatapos kong mangaral sa iba, ako naman ay hindi itakwil sa paanuman.”​—1 Cor. 9:27.

May hilig ang tao na ipagmatuwid ang kaniyang sarili. Mapaglalabanan natin ang hilig na ito kung lilinangin natin ang pananaw ni Jehova at ikakapit ang ipinayo ni Pablo sa mga Kristiyano: “Kamuhian ninyo ang balakyot, kumapit kayo sa mabuti.” (Roma 12:9) Upang madaig natin ang ating mga kahinaan, kailangan din ang katapatan, determinasyon, at disiplina sa sarili. Ganito ang hiniling ni David kay Jehova: “Dalisayin mo ang aking mga bato at ang aking puso.” (Awit 26:2) Alam niyang kayang-kaya ng Diyos na suriin ang ating mga tendensiya at makapagbibigay Siya ng tulong kapag kailangan natin ito. Kung tutugon tayo sa patnubay na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kaniyang banal na espiritu, unti-unti nating mapagtatagumpayan ang ating mga kahinaan.

Ang ilan ay nababagabag ng mga problemang iniisip nilang hindi nila kayang harapin sa ganang sarili nila. Tiyak na makapagbibigay ng maibiging tulong at pampatibay-loob ang matatanda sa kongregasyon. (Isa. 32:1, 2) Pero isang katalinuhan ang maging makatotohanan sa ating mga inaasahan. Ang ilang problema ay hindi lubusang malulutas sa kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay. Gayunpaman, natutuhan ng marami na harapin ang mga problemang ito, at bilang resulta, naging kasiya-siya ang kanilang buhay.

Makatitiyak Tayo sa Suporta ni Jehova

Anumang problema ang kinakaharap natin sa mahihirap na panahong ito, makatitiyak tayo na gagabayan at palalakasin tayo ni Jehova. Hinihimok tayo ng Bibliya: “Magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang maitaas niya kayo sa takdang panahon; habang inihahagis ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”​—1 Ped. 5:6, 7.

Nang malaman ni Kathy, isang matagal nang Bethelite, na ang asawa niya ay may Alzheimer’s disease, hindi niya akalaing mahaharap niya ito. Araw-araw, kinailangan niyang magsumamo kay Jehova ukol sa karunungan at tibay ng loob. Habang unti-unting humihina ang kalagayan ng kaniyang asawa, naglaan ng panahon ang maibiging mga kapatid na lalaki upang magsaliksik hinggil sa kung paano haharapin ang karamdaman at inaliw naman siya ng maibiging mga kapatid na babae. Ang tulong na inilaan ng mga Kristiyanong ito ay kasama sa lakas na ibinigay ni Jehova, at naalagaan ni Kathy ang kaniyang asawa hanggang sa mamatay ito pagkatapos ng mga 11 taon. Sinabi niya: “Napapaiyak ako kapag marubdob akong nagpapasalamat kay Jehova sa lahat ng kaniyang tulong; ito ang nagpalakas sa akin. Hindi ko akalaing makapagpapatuloy ako sa aking gawain nang gayon katagal bagaman pagod na pagod ako!”

Tulong Para Mapagtagumpayan ang Di-napapansing mga Kahinaan

Kapag nadarama ng mga indibiduwal na wala silang halaga, baka iniisip nilang hindi sila pakikinggan ni Jehova kapag humingi sila ng tulong sa panahon ng kanilang pangangailangan. Kung gayon, makabubuting bulay-bulayin ang sinabi ni David nang lubha siyang nalungkot dahil sa nagawa niyang malubhang kasalanan kasama si Bat-sheba: “Ang pusong wasak at durog, O Diyos, ay hindi mo hahamakin.” (Awit 51:17) Taimtim na nagsisi si David, at alam niyang makalalapit siya sa Diyos at pagpapakitaan siya ni Jehova ng awa. Tinularan ni Jesus ang pagiging mapagmalasakit ni Jehova. Ikinapit ng manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo ang mga salita ni Isaias kay Jesus: “Ang bugbog na tambo ay hindi niya dudurugin, at ang aandap-andap na linong mitsa ay hindi niya papatayin.” (Mat. 12:20; Isa. 42:3) Habang nasa lupa, nagpakita si Jesus ng habag sa mga hinahamak at sinisiil. Sa diwa, hindi niya pinatay ang natitirang sigla ng kanilang buhay na parang aandap-andap na linong mitsa na malapit nang mamatay. Sa halip, magiliw niyang pinalakas ang loob ng mga nagdurusa upang muli silang sumigla. Ganiyan ang ginawa niya noong siya’y naririto pa sa lupa. Hindi ka ba naniniwala na gayon pa rin si Jesus at na maaari siyang makiramay sa iyong mga kahinaan? Pansinin na sinasabi ng Hebreo 4:15 na siya ang Isa na maaaring “makiramay sa ating mga kahinaan.”

Nang isulat ni Pablo ang tungkol sa kaniyang “tinik sa laman,” sinabi niya na ang kapangyarihan ng Kristo ay “tulad ng isang tolda” sa ibabaw niya. (2 Cor. 12:7-9) Nadama niya ang proteksiyon ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, kung paanong ang isang tao ay nakadarama ng proteksiyon mula sa init o ulan kapag nasa loob siya ng isang tolda. Gaya ni Pablo, hindi tayo dapat magpadaig sa ating mga kahinaan at problema. Upang manatiling malakas sa espirituwal, maaari nating gamitin ang lahat ng paglalaang ibinibigay ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon sa lupa. Maaari nating gawin ang lahat ng magagawa natin at pagkatapos ay lubusang magtiwala kay Jehova na gagabayan niya ang ating mga hakbang. Kapag naranasan natin ang tulong ng Diyos may kaugnayan sa ating mga kahinaan, masasabi rin natin ang gaya ng nasabi ni Pablo: “Kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.”​—2 Cor. 12:10.

[Larawan sa pahina 3]

Patuluyang nanalangin si Pablo kay Jehova na gabayan siya para maisakatuparan niya ang kaniyang ministeryo

[Larawan sa pahina 5]

Ipinagkatiwala ni Haring David kay Joab ang kaniyang hukbo

[Larawan sa pahina 5]

Pinaslang ni Joab ang kaniyang karibal na si Amasa

[Larawan sa pahina 6]

Ang matatanda ay nagbibigay ng maibiging patnubay mula sa Kasulatan na makatutulong sa atin na harapin ang ating mga problema